A
NG
PABORITONG
LIB
RO
NI
HU
DAS
BOB ONG
< ' > PATAY NA 'KO?!?!
<.- -.> Ilang beses mo bang gustong marinig ang 'oo'? Kung may bayad ang bawat tanong, mayaman na 'ko.
< ' > Totoong patay na 'ko???
<.- -.> Bawal magsinungaling dito.
< ' > Pero bakit...
< ' > Sino'ng...
< ' > Paanong...
< ' > Asaan ako?
< ' > Sino ka?
<.- -.> Patay ka na.
<.- - .> Nasa lugar ka ng mga patay.
<.- -.> Receptionist ako sa lugar ng mga patay.
<.- -.> May tanong ka pa?
< ' > .
< ' > ...
< ' > ..
< ' > Paano na ang mga anak ko?
< ' > H-hindi ko naman talaga gustong-
<.- -.> Maayos ang buhay nilang lahat. Nagpakasal ulit ang asawa mo. Nasa Amerika na ang bunso mo. At kakapanganak lang sa ikatlo mong apo sa tuhod kanina habang nagsasalita ka.
< ' > HUH?!?!
< ' > Kakamatay ko pa lang ah?!
<.- -.> Mag-iisang oras ka na dito.
< ' > Alam ko!?
<.- -.> Dito...pero sa lupa, higit apat na dekada ka nang patay.
< ' > Pa'no nangyari 'yon?
<.- -.> Ang isang araw dito, isanlibong taon sa lupa. 2049 na. Kung binabasa mo yung handout na ibinigay sa 'yo sa halip na tanong ka nang tanong, kanina pa dapat malinaw sa 'yo ang lahat.
< ' > Pero...hindi...niloloko mo ba ako??
<.- -.> Minsan gusto kong sumagot ng 'oo' pag tinatanong ako ng ganyan.
< ' > Pero...bakit...paanong...???
<.- -.> Tignan mo.
< ' > Ano 'yan?
< ' > ...
< ' > Huh?
< ' > .
< ' > !!!
< ' > ..
< ' > Saan 'yan?
<.- -.> Sa Pilipinas.
< ' > E bakit ganyan 'yan? Sino 'yan?
<.- -.> Si Marvin.
< ' > Marvin?
<.- -.> Marvin. Marvin Agustin.
< ' > Yung artista? Matanda na? Ano'ng ginagawa n'ya d'yan?
<.- -.> Presidente s'ya ng bansa mo.
< ' > Huh?!!!
<.- -.> Ayos naman ah! Gusto nga s'ya ng mga tao e.
< ' > E sino 'yan - asawa n'ya?
<.- -.> Saan?
< ' > Ayan, sa kanan.
<.- -.> Ah, vice president 'yan.
< ' > Sino'ng naging vice president??
<.- -.> Si Tootsie Guevarra. Yung magaling kumanta.
< ' > Huh?!?
<.- -.> Anong "huh?!?" Ayos nga sila e. Iniahon nila ang 'Pinas sa kahirapan.
< ' > Ano'ng ibig mong sabihin?
< ' > Nasaan na si GMA?
<.- -.> Matagal nang wala si Macapagal.
<.- -.> 2049 na. Wala nang utang ang Pilipinas sa ibang bansa!
< ' > Talaga?
<.- -.> Hay naku! Wala ka pala talagang alam e.
< ' > Bakit, ano pa ba ang mga nangyari?
<.- -.> Balik na ulit ang Pilipinas sa mapa. Mayaman at respetado na ulit ang bayan mo.
< ' > Talaga? Hehe....
<.- -.> Oo, ang ingay mo kasi kanina e...di ko nga masyadong naintindihan yung speech ng Papa sa Roma...papapanoorin dapat kita.
< ' > O, may ano?
<.- -.> Pilipino ang bagong Papa.
< ' > Huh?
<.- -.> Nanonood ka ba ng MTV?
< ' > Hindi.
<.- -.> Ng That's Entertainment?
< ' > Hindi rin. Bakit?
<.- -.> E hindi mo pala kilala.
< ' > Sino?
<.- -.> Yung bagong Papa.
< ' > Ano ba'ng pangalan?
<.- -.> Pope Rose I
< ' > Sinong Pope Rose I?
<.- -.> Hindi 'yon ang totoo n'yang pangalan, pero artista s'ya dati.
<.- -.> Donita Rose yata ang screen namae n'ya e.
< ' > Si Donita Rose??? Yung VJ - naging pope?!
<.- -.> Oo - galing, 'no?
<.- -.> Nga pala, alam mo bang pwede na ngayong mag-asawa ang pari?
< ' > Huh?
<.- -.> Pwede na, basta madre ang mapapangasawa, para hindi raw lumabas ang pera ng simbahan. Ayos, 'no?
< ' > Ganyan na ba ngayon sa lupa?
< ' > Hmmm....
< ' > Pero kung tutuusin, okay!
<.- -.> Oo naman!
< ' > Sandali, wala na bang krimen?
<.- -.> Nabawasan, kahit papa'no. Nakikita mo 'yang babaeng nasa tabi ng driver?
< ' > Alin?
<.- -.> 'Yan, yung nasa jeep na neon.
< ' > O, ano?_Ayos yung jeep ah!
<.- -.> Nakikita mo yung hawak n'yang cellphone?
<.- -.> XC90 'yan!
< ' > Ano'ng XC90?
<.- -.> 'Yan ang cellphone ngayon ng masa. May laser gun 'yan, at protektado ng magnetic shield ang may-hawak.
< ' > Hahaha...tangna, astig! "Tanging Yaman"
<.- -.> Tsaka nakita mo yung mga naka-barong kanina na walang kamay?
< ' > Oo.
< ' > Itatanong ko nga dapat sa 'yo kung bakit gano'n e.
<.- -.> Mga kongresman 'yun na nangupit sa kaban ng bayan.
< ' > Huh?!
<.- -.> Oo, pinuputulan kasi ng kamay ang mga corrupt officials para hindi na umulit. Okay nga e.
< ' > Kelan pa?
<.- -.> 'Tagal na 'yon...panahon pa ni President Sin 'yon e.
< ' > Si Sin? - yung Cardinal???
<.- -.> Oo...bakit? Gusto ko nga 'yun e. Magaling din. Pinagawan n'ya pa ng replica yung Bundok Banahaw sa Nayong Pilipino.
< ' > Bundok Banahaw?
<.- -.> Oo.
<.- -.> Ay! Oo nga pala, hindi mo alam...wala na kasi yung Bundok Banahaw. Banahaw Mall na ngayon. Hahaha!
< ' > Ginawang mall?!? Sira ba ulo nila?..Ba't natatawa ka pa?!
<.- -.>Wala rin kasing nangyari e, hindi rin naman kumikita yung mall.
< ' > Syempre, sino namang gago ang matutuwa sa ginawa nila?! "Tanging Yaman"
<.- -.> Huh? Hindi, natutuwa ang mga tao sa ginawa nila, kaya nga lang wala nang namamasyal sa malls ngayon dahil puro TV na lang ang pinagkakaabalahan ng mga tao.
< ' > TV? Ano'ng meron?
<.- -.> Telenovela.
< ' > Huh? MERON PA RING TELENOVELA HANGGANG NGAYON?
<.- -.> Uy, mas magaganda na ngayon ang mga telenovela kesa nung kapanahunan mo: Nasa Puso Ko, Ikaw Ay Akin, Mahal Na Mahal, Tayo Ay Iisa, Mahal Kita, Sa Piling Mo, Ang Mahalin Ka, Lumayo Ka Man, Tunay Na Mahal, Tayong Dalawa, Mahalin Mo Ako, Tanging Ikaw Lang, Pagmamahalan Natin, Ikaw At Ako...nakalimutan ko pa yung iba e, pero magaganda mga kwento n'yan!
< ' > 'Yan ang mga programa ngayon? ARAW-ARAW?!?!
<.- -.> Araw-gabi. Saya nga eh!
< ' > Walangya! "Tanging Yaman"
< ' > Ano ba 'yan...bakit laging tumutugtog yung Tanging Yaman? Kanina ko pa naririnig 'yan e, paulit-ulit!
< ' > At saka nagkakalimutan, marami akong tanong sa 'yo ah, bakit ayaw mong sagutin?
< ' > At sino ka ba???
VENY
Isang linggo na 'ko dito ngayon sa Baguio. Nagsusulat. Payapa ang kalooban. Puti ang labi. At itim ang mga kuko dahil sa ginaw. Ayos naman ang naging biyahe ko. Katabi ko sa aircon bus ang lalakeng wiling-wili sa pakikipagkwentuhan sa kaibigan n'ya tungkol sa isang bus na nabangga at nalaglag sa bangin. Anim na oras ang biyahe. Anim na araw kung nasakyan mo yung bus na nasakyan ko. Meron kasing stop-over sa tuwing makakabasa ng "eatery" sa daan yung driver.
Alam mo ang gusto ko sa Baguio, masyadong makapal ang hamog sa daan. Hindi kita ang bangin. Hindi ka malulula dahil hindi mo alam kung mamamatay ka na. Hihintayin mo na lang kung ang sasalubong sa bus n'yo e mga taga-Department of Tourism o pulutong ng mga nagkakantahang anghel.
Masarap maghanap ng lugar na matutuluyan dito sa Baguio, lalo na kung bobo ka sa direksyon, tulad ko. Pag naligaw ka kasi dito, hindi lang basta kanan-kaliwa ang balikan, kundi taas-baba. Mumurahin ka ng mga paa mo. Kakapusin ka ng lakas kahit uminom ka pa ng Motolite. Hindi uubra dito yung mga tatlong oras na lakaran na ginagawa mo sa Maynila tuwing strike ang mga jeep.
Pero di naman nagtagal at nakakita rin ako ng matitirhan. Dahil masyadong interesante, itatago ko na lang ang nasabing hotel sa pangalang "Bahay ni Lolo." Nakita ko ito sa tuktok ng isang bundok. Natawag ang pansin ko dahil sa "Monthly Rate" na nakasulat sa karatula nila. Ayos. Tumuloy na 'ko sa loob. May dalawang occupant pa na nasa pintuan, tanda na "mabili" nga ang nasabing hotel. Pero pagpasok ko, napansin ko kaagad ang ambiance nito na medyo...um, "archeologic" ang dating. Nginitian ko ang receptionist, sabay tanong: "Ano ho ba ang 'most affodable' n'yong kwarto?" May 50's na salamin sa mata, 50's na pumada, at 50's na mukha ang matandang lalake na kausap ko. "Ha, ha..." tumawa s'ya na parang nanlilibak. "Most affordable." Inulit n'ya. Di ko alam kung wrong grammar ako. Palagay ko nga...dapat yata 'most affordest'. Kumuha s'ya ng papel at ballpen. Kinabahan ako, akala ko meron pang entrance exam. Inilista n'ya ang rate kasabay ang paliwanag: "4,000 ang kwarto. Plus 2,000 deposit. Plus 500 kung gusto mo ng cable TV. Plus 500 kung gusto mo ng LPG tank. Plus 500 na bayad sa maglilinis ng kwarto pag-alis mo."
Whoa! Matindi si lolo. 500 pesos para sa paglinis ng kwartong isang buwan ko lang naman tinirhan?!? Hindi naman ako magkakatay ng dinosaur para dumumi 'yun ng ganoon! Pero iniabot n'ya kaagad sa akin ang susi ng kwarto. "Eto, silipin mo yung room 201." Kapansin-pansin ang laki ng keychain. Rectangular na kahoy na hindi mo pwedeng ibulsa. Kung dadalhin mo 'yun sa grocery shop e tiyak na papakiusapan ka ng guard na i-deposit 'yon sa baggage counter.
Tinakbo ko ang hagdanan, parang booby trap ang bawat baitang. Makunat at parang bibigay anumang oras. Nagdahan-dahan ako, pero pagdating sa taas e muntik akong gumulong ulit pababa sa sobrang gulat. Holy smokes, nasa bahay ako ni Dracula! Isang 'abandoned' room ang nakita ko. Sabog-sabog ang mga gamit. May dalawang sofa na matanda pa yata kay Manuel L. Quezon. May fireplace na mukhang sumisindi mag-isa. At may mga life-size na rebulto ng iba't-ibang klase ng aso sa maalikabok na sulok. Hindi ko makita ang room 201. Tinignan ko ang isa pang hagdan paakyat. Hindi ko kaagad naisip na pwedeng akyatin 'yon dahil may nakaharang na dalawang 'aso' sa unang baitang, parang 'off-limits', pero inakyat ko pa rin. Pagpasensyahan mo na kung gagamitin ko ngayon ang salitang mabiling-mabili sa kabataan - Shit! Walang ipinagkaiba ang '3rd floor', nakatayo pa rin ang balahibo ko sa buong katawan. Tahimik ang lugar, may kadiliman, walang tao. Pero nakita ko ang room 201. Ipinasok ko ang susi sa doorknob at binuksan ang pinto, nakahanda sa kirat na kuba na sasalubong sa akin. Wala naman. Pero nakahanda pa rin akong makakita ng pugot na ulo nang buksan ko ang refrigerator sa loob ng kwarto. Wala rin. May heater sa bathroom, pero sa switch pa lang ay alam ko nang ikakukuryento ko 'yon. Nag-isip ako, pero hindi masyadong matagal dahil ayokong abutan ng dilim sa loob ng Bahay ni Lolo. Lumabas ako ng kwarto at naglibot sa hallway. May fortune plant sa gilid ng pinto ng bawat kwarto, lalo lang nagpapadilim sa lugar. Kinumbinsi ko ang sarili na lakarin ang dulo ng hallway at pakinggan kung may mga demonic worship at sacrifice na nagaganap sa ibang kwarto. Wala naman. Pero napansin kong marami sa mga kwarto ang naka-padlock. Dalawa lang ang ibig sabihin: (1) Walang tao at hindi pa ito okupado, o (2) Ikinulong ng may-ari sa loob ang mga occupant para ialay sa mga kampon ng kadiliman pagdating ng alas-dose ng gabi.
Hindi na 'ko nagtagal. Bumaba ako at iniabot kay lolo ang jumbo keychain. Di na ako nagpaliwanag. Di na rin s'ya nagtanong. Parang sanay na sanay na s'yang tanggihan ng tao. Nilisan ko na ang lugar bago ko pa makita doon si George Estregan na nakasuot-Drakula, kasama ang mga zombie na kinalaban nila Estong Tutong. Alam kong masyado akong 80's, pero totoo lahat ng sinabi ko. At maniniwala ka ba na nang ikinuwento ko ito sa mga taga-Baguio e wala sa kanilang nakakaalam kung saan ang Bahay ni Lolo, hindi nila kilala ang kalye kung saan ko ito nakita, at wala rin ito sa mapa?
Halata bang nasobrahan ako sa pagbabasa ng Hiwaga Komiks?
[Cue X-Files theme here.]
Halos isang dekada na ang nakakaraan nang una akong magulantang sa isang bagay na nakita ko sa TV - ang palasyo ni Michael Jordan!
Biruin mo, posible pala sa mundo na magkaroon ang isang tao ng bahay na may tournament-size tennis at basketball court sa bakuran. At gulat na gulat na ako sa lagay na 'yon, hindi ko alam na halos pangkaraniwan na lang pala ang mga gano'ng karangyaan sa mundo ng mga sikat at mayaman. Dahil kung ikukumpara sa bahay ng TV producer na si Aaron Spelling, sisiw pa pala ang bahay ng batikang basketbolista. Mas malaki ang bahay ni Spelling. Meron itong sariling sinehan, doll museum, gymnasium, Olympic-size swimming pool, bowling alley, skating rink, six gardens, 12 fountains, four bars, three kitchens, at garahe para sa labing-anim na sasakyan. Walangyang bahay! Sa sobrang laki pwede nang gawan ng sariling time zone. Pero katulad ng sinabi ko, pangkaraniwan lang ang mga ganyang bahay sa mga makapangyarihan. Dahil ang bahay naman ni Bill Gates, na kinikilala ngayon bilang "Most Intelligent House," ay nagkakahalaga naman ng $55 million dollars. Ang mga taong pumapasok dito ay binibigyan ng electronic PIN na dini-detect ng sensor sa bawat sulok ng bahay. Sa ganitong paraan, naise-set ng bisita ang mga appliances na gusto n'yang automatic na aandar pag pasok n'ya ng anumang kwarto. Para nga naman hindi na sumakit ang mga buto nila sa pagsasagawa ng nakakahingal na trabaho gaya ng pagpindot sa mga feather-touch remote control.
Nakaklula talaga ang bahay ng mga sikat. Isipin mo, kwarto na "club" ang dating, kusina na parang hotel lobby, bakuran na may sinehan, at kubeta na mukhang cathedral. Maski yata si Kamatayan hindi makakatapak sa mga bahay na 'yon nang walang I.D. Minsan iisipin mo rin, anong klaseng trabaho ba meron ang mga taong 'yon para kumita ng ganoon kadaming pera? Parang gusto kong mag-apply sa kanila ng trabaho...kahit man lang bilang anino.
Sa ipinalabas na listahan ng Forbes ng mga pinakamayamang tao sa taong 2002, pumupwesto sa bandang gitna si Lucio Tan sa net worth na $1.7 billion. Ibig sabihin, pwede s'yang magpagawa ng tatlumpung "Intelligent Houses," at meron pa s'yang sukli. Magbigay ng 1,147.50 pesos sa bawat Pilipino. Mag-text nang mag-text walang tigil sa loob ng isangdaan at apatnapu't-pitong siglo. Bumili ng 45.9 metric tons ng shabu. Gumawa ng pelikulang "Jose Rizal" nang walongdaan at limampung ulit. Bilhin sa halagang $1,603,773.58 ang bawat pares ng sapatos ni Imelda Marcos. Ipakasal sila Jackie Ejercito at Beaver Lopez nang anim na libo at walongdaang beses. Magpasweldo ng apatnapu't-dalawang dosenang koponan ng PBA sa loob ng limang taon. At bilhin lahat ang winning combinations ng lotto para manalo ng jackpot nang anim na raan at limapu't-anim na beses.
Kung uubusin mo ang pera n'ya sa loob ng isang araw, dapat kang gumastos ng 983,700 pesos kada segundo. Kung pagpapatung-patungin ang $1 bills n'ya, hihigitan nito nang 768 na ulit ang taas ng Philippine Bank of Commerce sa Makati. Matatakpan ng 162 na ulit ang land area ng Megamall. At aabutin ang isang tao ng dalawampu't-anim na taon para maisalansan lahat ito sa sahig.
Pero kung inaakala mong kay Lucio Tan ko isasanla ang kaluluwa ko, nagkakamali ka. Dahil kahit na tumubo pa ng 100percent ang pera n'ya kada taon, kailangan n'ya pa ring maghintay ng tatlong dekada para mahigitan ang kasalukuyang net worth ng pinakamayamang tao sa planeta - si Bill Gates. (Note: Sa limang minutong iginugol mo sa pagbabasa nito, nadagdagan na naman ng $17,525.65 ang kaban ng kayamanan ng dating CEO ng Microsoft.) (Second Note: Magdasal ka para labanan ang demonyo. Alam ko ang iniisip mo sa mga sandaling ito...malaking pagkakasala 'yan sa Diyos!)
Ibinalik na pala ang Superfriends sa TV, pero Justice League na sila ngayon. At bawas na sila. Marami nang superheroes ang nawala. Laid-off. Kung kelan mas kailangan ng mundo ng mga tagapagligtas. Hindi ko gusto ang Justice League. Lalo na ang X-Men. Solid ako sa Superfriends. Walang iwanan.
Ang alam ko kasi dati, caucasian si Green Lantern. Pero sa Justice League, African-American s'ya. Ano 'yun - lokohan? Pwede bang maging itim ang dating puti? Sino ang susunod na magpapalit ng lahi at magkakakulay, si Benjamin Franklin?
Nakasama rin pala sa cast si Hawkgirl. Pero nasaan si Hawkman? Inilagay na ba sa arrozcaldo? Kaya lang naman nagkaroon ng Hawkgirl e dahil may Hawkman. Sumama na ba si Hawkman kay Robin na isa pa ring missing in action? Sino na lang ang magbibigay ng mga bagong damit, relo, at sapatos kay Batman ngayong wala na si Robin? At sino ang nag-vote off kay Aquaman? Sino pa ang aasahan nating ngayon na magliligtas sa mga hipon na pinagsasamantalahan ng mga balyena? Nasaan na ang Wonder Twins? Ano na ang nangyari kay Apache Chief? At higit sa lahat, bakit nila pinaalis sa grupo ang kaisa-isang Asian superhero na hindi ko nga alam ang pangalan?! Nasaan ang justice at equality doon???
Bubuo lang sila ng grupo ng mga best of the best, sablay pa! Pero kung sa bagay, mahirap nga 'yon. Dahil mismong yung mga imaginary super humans na ginawa nila e may problema. Tignan mo: Bakit halos lahat ng lalakeng superhero e naka-tights? Bakit kailangan nila ng kapa? Bakit nasa labas ang briefs nila? At anak naman ng tiyanak, bakit hindi sila gumamit ng brief na ayos pa ang garter para hindi na nila ito sinturunan?
'Yan ang problema ng mga western superhero na napansin yata at iniwasan na ng mga Hapon nang sila naman ang gumawa ng mga kathang-isip na tagapagligtas. Sa una pa lang, inisip na nila na kung magta-trabaho ang kanilang superheroes bilang isang grupo, importanteng meron silang prescribed uniform. Pantay-pantay sila, walang magsusuot ng kapa at aastang hari tulad ni Superman. Walang may bitbit na sidekick tulad ng Robin ni Batman. Walang amoy asin tulad ni Aquaman. At walang Mr. and Mrs. na kakain ng dalawang paycheck tulad nina Hawkman at Hawkgirl.
Nung una e puro nakaitim lang at parang laging makikipaglibing ang mga Japanese superheroes, pero naisip yata nila na kakailanganin ng bawat isa ang pangalan. At magkakakila-kilala lang sila sa ilalim ng uniform at maskara (o helmet) kung meron silang palatandaan sa kasuotan. Doon nila naisip na mag-color coding: red, green, blue, yellow, at pinl. Eureka! Two-birds in one stone. May sarili na silang identity dahil sa kulay, may sarili pa silang pangalan. Dadagdagan lang ng "noun" ang "color", superhero na sila. Halimbawa: Blue Lion, Pink Ranger, Red Star, Yellow 4, at Green Joke. Sa ganitong paraan, maiiwasan nila ang mga limitado at gasgas na pangalan na mabubuo sa mga salitang Super, Wonder, Mighty, Man, Woman, Girl, Boy, at Dog, na paborito naman ng mga kanluraning bansa.
Pero hindi pa tapos! Dahil tulad ng mga puti, may value-added service lagi ang mga Hapon. Sa oras ng matinding pangangailangan, pwedeng magsama-sama ang limang superhero para bumuo ng isang higanteng robot na kayang pumuksa ng mga higanteng kuto, linta, bagoong, biskwit, at alikabok. Mismo. Hindi lang 'yan, dahil bago sila makipaglaban, lagi silang may formation. Haharap sila sa camera para sa ritual na group photo opportunity, parang pang-class picture. Alam na nila kung sino ang pupwesto sa kanan, kaliwa, gitna, taas, at baba, at kung sino ang mag-i-isplit, sisipa, tatalon, susuntok, at susungayan sa ulo. Systematic. Very organized. Ang nakikita ko lang na kahinaan ng Japanese superheroes e lagi silang nakaasa sa mga subtitles at voice talent ng magda-dub sa mga sinasabi nila. Pero okay lang 'yun. Idol ko pa rin sila. Dahil kahit sa mga anime, mas okay ang costume nila Eugene na parang laging a-attend ng rave party, kesa kila Superman na parang laging a-attend ng aerobics class.
Walang-wala ang mga 'Kano sa imahinasyon ng mga Hapon. Tignan mo na lang si Astroboy. Sabihin mo - SINO - sa buong kasaysayan ng Amerika - ang superhero na may machine gun sa pwet? Wala. Kung may kinalaman ito sa trauma ng mga Hapon noong ikalawang Digmaang Pandaigdig e hindi ko alam, pero sigurado akong hindi ko ipagpapalit si Astroboy sa sandosenang Justice League. Kung magiging superhero ako, gusto ko maging tulad n'ya. At kung kakapusin man ako ng lakas, papapanoorin ko lang ang mga kalaban ko ng possessed na video ni Sadako, na magiging dahilan ng kamatayan nila pagkalipas ng isang linggo!
< ' > Ba't ayaw mong magpakilala?
<.- -.> ..
<.- -.> ...
<.- -.> .
< ' > Sino ka?
<.- -.> Sandali...
< ' > Bakit ayaw mong sumagot?
<.- -.> Ssshhh!
<.- -.> 'Wag kang maingay.
<.- -.> Hindi mo ba naririnig?
< ' > ANG ALIN???
<.- -.> SSSSShhhhh!!! Sinabi'ng 'wag maingay e. Pakinggan mo.
< ' > Eh wala naman akong nariri-
< ' > Sino 'yun?
<.- -.> Hehehe...
< ' > Tao ba 'yun?
<.- -.> Oo...nagdarasal.
< ' > Hindi ko naman maintindihan yung sinasabi e!
< ' > Ba't ka tumatawa?
<.- -.> Tignan mo naman magdasal...humihiling na panalunin ko sila sa basketball game.
< ' > O, ano namang masama do'n?
<.- -.> 'Yun din ang hinihiling ng kalaban nilang team e!
<.- -.> Ngiyahahahaha!
< ' > Hahahahaha!
< ' > Oo nga 'no!
<.- -.> Marami pa 'yan.
<.- -.> 'Yan ang libangan ko dito e...ipunin ang mga pinakanakakatawang dasal ng mga tao.
< ' > Sandali, bakit puro Pilipino ang nagdarasal?
< ' > At ba't marunong kang mag-Tagalog?
<.- -.> Gusto mo 'kong mag-Latin?
<.- -.> Hindi ako Tagalog magsalita, pero Tagalog ang lenggwaheng kayang intindihin ng utak mo kaya ang akala mo ngayon ay sa Tagalog tayo nag-uusap.
<.- -.> ...Kahit na ang totoo ay mga isipan lang natin ang gumagana ngayon at wala sa ating talagang nagsasalita.
< ' > Ayos ah...high-tech!
<.- -.> Bilib ka na?
<.- -.> Eto, pakinggan mo, meron na namang nagdarasal.
< ' > Yung babaeng humihiling na sana payagan s'ya sa outing ng daddy n'ya?
<.- -.> Hindi, yung matandang mabagal magsalita.
< ' > Yung humihiling na sana tumigil na ang mister n'ya sa pambababae?
<.- -.> At?
< ' > Pagkapanalo ng kapatid n'ya sa barangay election?
<.- -.> At?
< ' > Paggaling ng asthma n'ya?
<.- -.> At?
< ' > Kaligtasan ng anak n'ya sa Middle East?
<.- -.> At?
< ' > World peace?
<.- -.> At?
< ' > Na matapos na ang pagpaparehistro ng kotse n'ya?
<.- -.> At?
< ' > Ano'ng at? Marami pa eh...
<.- -.> At ano pa nga...?
< ' > At matapos na ang hinuhulug-hulugan nilang bahay?
<.- -.> At?
< ' > Marami pa s'yang sinasabi e...
< ' > Ano'ng nakakatawa doon?
<.- -.> Wala nga. Kaya ako natatawa kasi hindi na s'ya nakakatawa.
<.- -.> Hindi naman s'ya nagdarasal e. Para lang s'yang umoorder sa waiter sa restaurant.
<.- -.> Minsan nga gusto kong humingi ng tip e!
<.- -.> Ngiyahahahaha!
< ' > HAHAHAHAHA!!!
<.- -.> Kahapon meron ding nagdasal, umiiyak pa, sana raw pumasa s'ya sa exam.
<.- -.> Paano ko naman ipapasa, e wala naman s'yang isinagot sa mga test papers n'ya!
< ' > Hahahahaha!!!
<.- -.> Paano ko pa s'ya matutulungan sa lagay na 'yon? Buti kung humiling s'ya ng matibay na resistensya habang naglalamay sa kaka-review. O kaya e ng konting talino para mas maintindihan n'ya ang mga pinag-aralan nila. O kaya e ng tiyaga, tibay ng loob, pasensya, o sipag...pwede 'yun, pero yung magsa-submit s'ya ng blankong test paper tapos kailangan ipasa ko s'ya, para na rin s'yang humiling na manalo sa lotto kahit na hindi s'ya bumibili ng ticket!
< ' > HAHAHAHAHA!!
<.- -.> Sandali, sandali...eto pa isa...pakinggan mo...
< ' > Yung humihiling na sana makapag-asawa s'ya ng matalino, gwapo, mabait, at mayaman?
<.- -.> Oo.
<.- -.> NGIYAHAHAHAHA!
< ' > O, ano naman masama doon?
<.- -.> E lalake 'yan eh!
< ' > BWAHAHAHAHA!!!!!!!!!
<.- -.> NGIYAHAHAHAHA!
<.- -.> Waheeheeheeheee!
<.- -.> Naririnig mo ba?
<.- -.> Nyahahahaha!
< ' > Yung ale'ng humihiling na sana mamatay na yung kapitbahay n'ya?
<.- -.> OO!
<.- -.> NGIYAHAHAHAHAHAHA!!!!!
< ' > HAHAHAHAHA!!!!
<.- -.> NGIYAHAHAHAHA!
<.- -.> Ewan ko, kaya nga 'ko tawa nang tawa, kasi naririnig ko na naman 'yan.
<.- -.> NGIYAHAHAHAHA!
< ' > Bakit, ano ba 'yon?
<.- -.> Siguro nagdarasal, pero paano ko naman s'ya tutulungan e hindi ko maintindihan kung ano ang ibig n'yang sabihin sa "Hauuummmmmm..."?
< ' > HAHAHAHAHA!!!
<.- -.> NGIYAHAHAHAHA!
< ' > Sakit na ng tiyan ko, mamamatay ako dito sa katatawa!
<.- -.> Ha? Patay ka na, eh!
< ' > BWAHAHAHAHA!!!
<.- -.> NGIYAHAHAHAHA!
<.- -.> Waheeheeheeheee!
<.- -.> Nyahahahaha!
GERAN
Chalkdust: Mga Kwentong Chalk Revisited.
Mambabasa, hindi ko alam ang pangalan mo, pero ituring mong espesyal na araw ito ng buhay mo (tandaan ang petsa at oras) dahil ngayon mo makikilala ang mga miyembro ng "Horror Fame," ang natatangi at eksklusibong Hall of Fame club ng mga teroristang teacher na nakilala ko.
LEVEL: 1
CHARACTER: (Mrs) Balance Sh*t
PLANET: Accounting
ATTRIBUTES: Matanda na, pero nung nagkaroon ng outing sa beach, nasorpresa ang buong klase dahil naka-swimsuit s'ya. Ayos! Parang Rosanna Roces...year 2049!
POWER: Mild lang naman. Medyo nagulat lang kami dahil first time namin noon magkaroon ng subject na 3 hours straight...at boring! Kaya nang medyo may nakaintindi sa lesson at nag-recite, pinalakpakan s'ya ng lahat nang may halong kantiyaw. Kala namin matatawa si Balance Sh*t, kaso bigla itong tumitig sa amin na parang nagsusuri ng amag sa pandesal. Sabay sabi sa matigas na boses: "Nobody claps in my class!"
LEVEL: 2
CHARACTER: (Ms) Anger Management
PLANET: Management
ATTRIBUTES: Semi-regular
POWER: Lakas mang-asar. Power-tripper. Gugulangin ka sa recitation, wala kang maisasagot sa kanay na aayunan n'ya. Intro n'ya nung first meeting: "All you have to do to pass the subject is give up your life." Kaya na-give up ko ang subject n'ya.
LEVEL: 3
CHARACTER: (Ms) Rule
PLANET: Adviser, Grade 1
ATTRBUTES: Matanda. Dalaga. At hindi codename ang pangalan na 'yan.
POWER: Pakyawan na namimitpit ng kamay. Pag pumasok s'ya ng room at naabutan n'ya kayong maingay, automatic dapat ipatong n'yo na ang mga kamay n'yo sa desk. Nasanay na nga kami sobra sa ganoon. Minsan kami na ang humihingi nito sa kanya: "Oh, please, spank me, ma'am! I'm a baaaaad boy, spank me! Spank! Spank! Spank!"
TRIVIA: S'ya rin ang nagpakilala sa amin ka Jimmy Swaggart
LEVEL: 4
CHARACTER: (Mr) Commandant
PLANET: CAT
ATTRIBUTES: Classified
POWER: Moody. At hindi mo s'ya gugustuhing makabangga pag mainit ang ulo. Dahil makikita mo talaga na nanginginig ang buong mukha n'ya. Parang lalabasan ng mga centipede. At maririnig mong tumutunog ang mga ngipin n'ya. At nambubulyaw s'ya. At...at...at titigil na 'ko dahil kilala n'ya 'ko at malapit lang ang bahay nila sa amin.
LEVEL: 5
CHARACTER: Ma'am Babes
PLANET: Philippine History
ATTRIBUTES: (Nabanggit na sa ABNKKBSNPLAKo?!)
POWER: Pareho ang istilo nila ni Anger Management. Parehong-pareho. Alaskador. At 'wag na 'wag kang magbibitiw sa kanya ng mga hindi kalkuladong salita dahil pag iba ang naging interpretasyon n'ya noon, aabot ka sa Supreme Court kakapaliwanag.
LEVEL: 6
CHARACTER: (Ms) Santiago
PLANET: Philosophy
ATTRIBUTES: (Pseudonym lang ang pangalan na 'yan. Peksman!)
POWER: Kung teacher ka at hindi ka marunong gumamit ng index cards para patayin sa sindak ang mga estudyante mo tuwing recitation, kailangan mong mag-seminar kay Santy. Oo, index cards. Doon nakalagay ang pangalan ng bawat estudyante. Lagi n'yang binabalasa 'yon bago mag-umpisa ang klase. At doon n'ya binubunot ang pangalan ng magre-recite. Iihawin ka talaga ng buhay. At mas gugustuhin mo pang umako ng anomalya sa harap ng mga nag-iimbestigang senador, kesa sumagot sa mga tanong ni Santiago.
LEVEL: 7
CHARACTER: (Ms) Matabang Teacher
PLANET: Filipino
ATTRIBUTES: (Nabanggit na sa ABNKKBSNPLAKo?!)
POWER: Pagsamasamahin mo ang index cards ni Santiago, pagkamabusisi ni Ma'am Babes, at ang nanginginig na mukha ni Commandant - 'yun s'ya! Hindi ko makakalimutan nang itanong n'ya dati sa klase kung ilan ang butas sa bangkang sinakyan nila Ibarra at Maria Clara. Tatlong estudyante na ang nabunot n'ya sa index card at wala pa ring nakakasagot sa kanya. Kaya ang napag-initan e yung pang-apat - AKO! linsiyak na buhay...e hindi naman talaga nabanggit sa libro kung ilan ang butas! At hindi ko maarok kahit ngayon kung ano naman ang kabuluhan ng mga butas ng bangkang 'yon sa buhay ko.
TRIVIA: Naisip ng kaklase ko kinabukasan na pwedeng masagot ang tanong kung gagamitan ng logic.
LEVEL: 8
CHARACTER: (Mr) Cools...(Kulot!)
PLANET: Music
ATTRIBUTES: (Withheld)
POWER: Mabagsik! Naturingang music teacher, tensyonado lagi ang room. Walang humihinga. Panlilisikan ka ng mata at hindi ka tatantanan hangga't wala ka sa tono. Pero paano ka naman kakanta kung nagtatambol sa kaba ang dibdib mo?! Pinakanta n'ya kami dati ng Do-Re-Mi isa-isa, inabot ako ng bell pero hindi ako nakaalis sa unang "do." 'Kala ko nga paglilinisin n'ya na lang ako ng room hanggang sa closing ng schoolyear.
LEVEL: 9
CHARACTER: (Mrs) Falafox
PLANET: Mathematics
ATTRIBUTES: Mestiza...pero makapanindig-balahibo!
POWER: Pangalan pa lang, tunog chemical weapon na. Hindi ko nga alam kung paano ako naka-survive, pero matindi s'yang bangungot. Pamatay gumawa ng first impression. Bago namin s'ya nakita, balita na sa buong eskwelahan na kumakain s'ya ng bata. Pero nagulantang pa rin kami pagpasok n'ya ng room. Bigla s'yang nagpakuha ng 1/4 sheet na papel. (Nanghingi pa 'ko, at 1 whole ang ibinigay ng kaklase.) Pinasulatan n'ya ng numbers 1-10 ang papel, quiz. (Itinupi ko na lang ang papel ko dahil wala na talagang oras para pumunit ng 1/4.) Sunud-sunod n'yang idinikta ang mga tanong, multiplication. (Na-miss ko ang mga naunang tanong, numbers 5 to 6 lang ang nasagot ko, mali pa pareho!) Ipinapasa n'ya kaagad ang mga papel. (Ipinasa ko naman ang sa akin, kahit na may multiple violations.) Pagdating sa kanya, andaming nasabon dahil nakitang mali ang mga sagot sa papel. Diretso kaagad sa basurahan ang quiz papers. Pero wala ka sa reaksyon n'ya nang makita ang papel ko na itiniklop lang sa apat para maging 1/4. "SINO SI ROBERTO ONG?!" Maingat akong nagtaas ng kamay...pero ibinaba ko rin kaagad, pangharang sa mukha sakaling magtalsikan ang shrapnels. Eto walang biro, nakita kong nilabasan ng mga pulang ilaw ang mata n'ya! Antalim ng tingin, pwedeng ipang-slice ng monggo. "WHEN I SAY ONE FOURTH SHEET OF PAPER, I WANT ONE FOURTH SHEET OF PAPER!!!!!" Sabay punit sa papel ko hanggang sa magkahiwa-hiwalay ito sa dalawanlibong piraso. Gano'n katindi si Falafox. Tuwing klase n'ya iisipin mong sana naging buni ka na lang.
LEVEL: 10
CHARACTER: (Ms) Tigang
PLANET: Social Studies
ATTRIBUTES: (Binanggit sa ABNKKBSNPLAKo?! Oo, pre-requisite 'yan!)
POWER: S'ya ang pinakanakagigimbal na guro na nakilala ko! Nagka-phobia ako sa Martes at Huwebes dahil 'yun ang schedule n'ya sa klase namin dati. Hindi ko ma-enjoy ang vacant period dahil kasunod noon ang subject n'ya. Mahirap papasukin sa room ang mga paa ko. Tumatayo ang mga balahibo ko. At nanunuyo ang lalamunan habang namamawis naman ang buo kong katawan. Ganyan kasarap sa klase n'ya. Para kang nasa rollercoaster na may loops na kasindami ng isla ng Pilipinas. Laging may assignment, tambak ng project, hitik sa discussion, maya-maya ang quiz, mahaba ang exam, maraming requirements, at walang lusot sa recitation. Naalala ko nung pumasok ako dati nang walang assignment dahil nakalimutan ko. Nagulat na lang ako dahil ako pa ang pinasagot n'ya sa first question. Nakatingin s'ya habang binubuksan ko ang notebook kong alam ko namang walang laman. Ang n'ya alam, nagdadasal na 'ko noon na sana lumindol at bumuka ang lupa, tapos magkasunog, magka-giyera, bumagyo, bumaha, at magunaw na ang mundo! Basta't 'wag n'ya lang malaman na wala akong assignment. Kaso wala e, hindi ako nakalusot. Pero hindi naman s'ya nagalit. Sabi n'ya lang cute ako. At mas bagay ako sa labas ng room.
TRIVIA: S'ya ang paborito kong teacher. At kung ang bawat tao sa mundo ay magkakaroon lang isang teacher sa buong buhay n'ya, s'ya ang pipiliin ko!
Dahil matulungin ako sa mga classmates ko noong highschool, isang coed ang tinuruan kong magmura. Oo, magmura! Yung "bad word." May mali kasi sa paraan n'ya ng pagbigkas nito. Narinig ko minsan na nagsabi s'ya ng "Siyeeeht!" Sabi ko, salitang Amerikano 'yon. At bagama't hindi eksakto, katapat noon sa Tagalog ang expression na "Lintik!" At hindi mo ito sinasabi nang mabagal, gaya ng "Linteeehk!" Dapat mabilis, kasi galit ka, o na-bad trip; "LINTIK!" Kaya hindi rin akmang sabihin ang "Shit!" bilang "Siyeeeht!" kasi nagmumukha kang retarded. Dapat forceful: "Syit!" Isang bagsakan: "Syit!" Parang idinudura mo ang salita: "Syit!" Naintindihan n'ya naman ang ibig kong sabihin. Nagpasalamat s'ya sa libreng tutorial. Bilang ganti, pumayag na s'yang pahiramin ako ng notebook sa Values Education.
Kung bakit naisip ng mga Amerikano na gamitin ang salitang "S" para iparating ang negatibong damdamin, e hindi ko alam. Dahil bilang Pilipino e hindi naman natin ginagamit ang salitang "T." Pero hindi ko rin maintindihan kung bakit bukambibig naman ng mga Filipina ang "P" pag nagugulat; samantalang ang mga Amerikana e hindi naman bumabanggit ng "V"...bagama't malinaw na pinagkakaisahan ng dalawang lahi ang babaeng magulang sa mga katagang "PIM" at "SOAB."
Malabo para sa 'kin kung paano bumubuo ng mura ang mga tao sa buong mundo. Sa Amerika, isa pang madalas gamitin ay ang "AH." Pero nagtataka ako kung paano nila naisip na tawaging ganoon ang isang tao. Bakit may ganoon ring salita sa Afrikaan, French, Greek, Hindi, Russian, at Vietnamese? Sino ang unang tinawag na BNP sa kasaysayan ng mundo, at bakit? At ano ang amo'y n'ya???
Ipis. Ipis naman ang problema ko ngayon. Di 'to dapat kasama sa usapan, kaso habang sinusulat ko ang Pulitzer Prize winning article ko sa itaas e extra nang extra ang isang ipis dito ngayon sa kwarto. Gumapang s'ya sa sahig, umakyat sa dingding, at umikot-ikot sa nakasabit na gitara (na di ko naman natutugtog!) Siguro nahilo sa insecticide na ginamit ko kahapon...o naamoy ang hinubad kong t-shirt.
Galit ako sa ipis. Na-perfect ko na ang iba't-ibang klase ng pagpatay sa kanila. Tsinelas at nilukot na diyaryo ang pinakamabisa. Syempre kailangan yung mana-knock out mo sila pero di sila mapipisa dahil magtatalsikan lang ang lamanloob nila sa sahig at dingding n'yo.
(Habang itina-type ko ang huling paragraph, isang ipis ang napatay ko. Pero may isa pang ipis na biglang lumitaw. Pinalo ko, pero natakasan n'ya ang bangis ng tsinelas ko...tumalon sa keyboard...OOOPS, YESSSS... WOOO-HOOOHOOOOO!!!!!! PATAY NA!!!!!)
Kahit tumagaktak ang pawis ko sa gabi, di ako nagbubukas ng bintana dahil ayokong may nakakapasok na ipis sa tulugan ko. May mga "season" kasi ang ipis na (...MAY NAKIKITA NA NAMAN AKONG PANIBAGONG IPIS!!!) parang politician na nangangampanya at nagpupumilit pumasok sa bahay n'yo. Tuwing uulan yata 'yon o mating season. Ewan. Basta pana-panahon. Trip-trip. Tulad ngayon.
Istorbo sa pagtulog ang ipis. Lalo na yung tipong magigising ka dahil merong nagla-live show sa mukha mo. Kaya isang mumunting kaluskus lang alam ko kaagad kung ipis. Bumabangon ako kaagad, nagbubukas ng ilaw, at nag-aamok kahit alas-dose ng madaling araw. Parang Coyotes vs. Road Runner. Meep-meep!
Sabi nila, pre-historic life forms pa raw ang ipis. At kahit wala na tayo dito sa mundo, malamang sila andito pa rin. (Interesanteng isipin na tuwing isusulat ko ang salitang "ipis" e "isip" ang nata-typre ko sa keyboard. Dahil kaya isip-ipis ako?) Hanga ako sa mga ipis. Biruin mo, nagawan ko sila ng instant article! (At mukhang "season" nga nila ngayon. Meron na namang hinayupak na lumilipad-lipad!)
Bakit nga ba kailangan natin ng ipis? Bakit may ipis sa mundo? Bakit ginawa ng Diyos ang surot, langaw, kuto, pulgas, daga, at tungaw? Ano ang gamit nila? Nakagat na 'ko dati ng surot sa bus. Masakit, hindi nakakatawa! Kaya minsan hindi ko maintindihan kung bakit nagra-rally ang mga tao para tuluyang sipain ang mga Amerikano sa bansa, pero walang nagpapaalis sa mga surot! Bakit ba kailangan magkaroon sa mundo ng hayop na nangangagat ng pwet? May kinalaman ba 'yon sa balance of nature? Masyado na bang marami ang pwet sa mundo kaya kailangan itong pakontiin ng mga surot?
Balik tayo sa mga mura.
May kapitbahay kami dati na pag may kaaway ay gumagamit ng parehong English at Tagalog sa pagmumura. Uha, sa Tagalog n'ya inilalabas ang mga sama n'ya ng loob. Pagkatapos noon, sasabihin n'ya ulit ang lahat sa English. Automatic translation, parang easter message ng Santo Papa. Pero talo s'ya sa isa pa naming kapitbahay na kahit walang kaaway e hitik sa mura ang salita. Oo, kahit masaya s'yang nagkukwento. Namumutawi sa labi n'ya ang mga salitang ikakaiyak ng mga guardian angel. Ang masama pa lalo, ginagawa n'ya ito sa kalye, mga bandang ala-una ng madaling araw, sa boses na may lakas at pwersa na tatalo sa pagre-report ni Mike Enriquez.
"Hahaha! E di tumakbo kami, pre! PNI (maternal body part), may mga aso pala! Hahahahaha!!! KNI (maternal body part pa rin)! Hinabol kami, PNI, nagkahulan, pre! PNI talaga! Kumaripas kami ng takbo! KNI! Hahahahaha! PNI'ng 'yan!!!"
('Wag kang mag-alala. Sa maniwala ka't sa hindi, maligayang-maligaya ang kapitbahay namin habang nagkukwento.)
Pero kung iisipin, sino nga kaya ang unang Pilipinong nagmura, at bakit? Si Jose Rizal? "PNI! Bakit nila ako dadalhin sa Bagong Bayan?" Si Andres Bonifacio? "Punitin natin ang mga PI'ng cedula!" Si Julian Felipe? "Wala ka sa tono, AH!" Si Lapu-Lapu? "TI! Akala ko itak lang ang sandata nila!?!" O si Malakas? "S! Bakit ngayon lang kita nakita? Matagal ka na ba dito sa loob ng kawayan?"
Patuloy pa rin sa paglusob ang mga ipis. Parang alam ko na kung paano naimbento ang mura.
Napapadalas ang basa ko ng tabloid nitong mga nakaraang araw. At napansin kong bestseller pala ang article tungkol sa suicide. Ang problema lang, tila yata masyadong pang amateur ang maraming tao sa pagsasagawa ng grand entrance nila sa langit...o sa ibaba nito. Kaya naisip kong pagtuunan ito ng pansin para sa kapakanan ng mga nagbabalak. Heto ang aking tips para ligtas, maginhawa, at di malilimutang pamamaalam sa mundo:
1. Bago ang lahat, alamin muna ang tamang dahilan sa pagsu-suicide. Kung ang problema mo ay dahil lang naman sa wala kang pera o iniwan ka ng minamahal mo, hindi ka dapat magpatiwakal. Ang mundo ay tambak ng mga tao na pwede mong mahalin, at ang pera naman ay pwedeng kitain, kaya hindi ka dapat mawalan ng pag-asa. Ang pagkitil sa sariling buhay ay karapatan lamang ng mga taong gumagamit ng cellphone at nakikipagkwentuhan sa loob ng sinehan.
2. Kung desidido ka na sa gagawin mo at sa tingin mo ay meron kang tamang dahilan para gawin ito, ang susunod mong hakbang ay ang pagpili ng paraan ng pagpapakamatay. Ang mga popular na paraan ay ang pagbibigti, pag-inom ng lason, pagtalon sa riles ng tren, pagbaril sa ulo (o sa puso, kung wala ka nang ulo pero buhay ka pa rin), at paglalaslas ng pulso. Ang mga jologs na paraan ay ang pagtalon sa mataas na gusali, pagpapasagasa sa EDSA, at pagpigil ng hininga. Tandaan na maaari ka pang mabuhay pag nagkamali ka sa pagsasagawa ng mga nabanggit, kaya pumili lamang ng isa na hiyang sa 'yo. Bukod d'yan, marami rin sa mga paraan na ito ang makalat at nakakapangit. Dyahe naman kung pagtitinginan ng mga tao yung mukha mo sa ataul tapos mukha kang dehydrated na langaw.
3. Sumulat ng suicide note. Eto ang exciting. Dito pwede mong sisihin lahat ng tao, at wala silang magagawa. Sabihin mo na hindi mo gustong tapusin ang iyong buhay, kaso lang bad trip sila lahat. Pero 'wag ding kalimutang humingi ng tawad sa bandang huli para mas cool pag ginawang pelikula ni Carlo J. Caparas ang buhay mo. At tandaan, importante ang suicide note para malaman ng mga tao na nagpakamatay ka nga at hindi na-murder. Sa ganitong paraan maiiwasan ng PNP ang pagkuha sa kalye ng kahit sinong tambay bilang suspect.
4. Pumili ng theme song. Banggitin ang iyong special request sa suicide note. Ipagbilin na patugtugin ito sa prusisyon ng iyong libing. Iwasan ang mga kanta sa Salbakutah. Dapat medyo mellow at meaningful...tulad ng mga kanta ng Sexbomb.
5. Isulat nang maayos ang suicide note. Print. Iwasang magbura. Gumamit ng scented stationery at number 1 Mongol Pencil. Lagdaan. Huwag gumamit ng sticker. Ilagay ang suicide note sa lugar na madaling makita. Idikit sa noo.
6. Planuhin ang isusuot. Isang beses ka lang mamamatay, kaya dapat memorable ang get-up. Pumili ng mga telang hindi umuurong o makati sa katawan. Magbaon ng dalawang pares pampalit pag pinagpawisan ka.
7. Kumuha ng de-kalidad na ataul. Maganda ang kulay puti dahil malamig at kumportable kahit tag-init. Huwag magtipid. Mas makakamura kung bibili na ng cable-ready, kesa magpapalit ng pa balang araw.
8. Pumili ng magandang pwesto sa sementeryo. Ang puntod ng mga taong ipinanganak sa year of the Rat, Dragon, Rabbit, Snake, Tiger, Chichen, Pork, at Beef at dapat nakaharap sa Fiesta Carnival. Ang mga ipinanganak sa ibang taon ay dapat i-cremate at gawing foot powder, para gumaan ang pasok ng pera.
9. Itaon ang araw ng libing sa unang dalawang linggo ng buwan, o di kaya'y sa huling dalawang linggo, para gumaan ang pasok ng pera.
10. Kung meron ka nang NBI at police clearance, affidavit of loss, voter's ID, cedula, promissory note, original copy ng birth certificate, at urine sample, pwede mo nang isagawa ang kalugod-lugod na gawain. Siguraduhin lang na hindi ka mababalita sa tabloid, katabi ng mga article tungkol sa kabayong may tatlong ulo, at sirenang namataan sa Manila Bay. Para gumaan ang pasok ng pera.
Maraming nagtatanong kung bakit Bob Ong ang pangalan ko. Yung iba natutuwa, yung iba napapangitan, at yung iba tinatawag na lang akong "Andrew"...o kung ano man ang gusto nilang itawag sa akin. Nagkainteres tuloy akong hanapin dati kung ano nga ba ang ibig sabihin ng pangalang Bob Ong. Baka kasi sakaling "Gift from God," o "Noble leader," o "Wise one," o "Jackpot prize lotte winner." Ang resulta, napag-alaman kong ang pangalang Bob Ong ay nangangahulugang "Messenger from Above" (Naks! Banal ako!) Pero babawiin ko dahil pauso ko lang 'yan.
Kulang ang entry sa Dictionary of Names na nakita ko. Bukod d'yan, mas nakakalito lang kadalasan ang mga interpretation ng tao tungkol sa pangalan mo, panaginip, guhit ng palad, birthday, Numerology, at Zodiac Sign. Halimbawa na lang yung mga Horoscope, bakit ba nila sinasabi sa 'yo kung mainitin ang ulo mo, marunong kang magmahal, malas ka sa negosyo, o darating sa 'yo ang swerte kung magsusumikap ka? Bakit sinasabi pa nila ang mga bagay tungkol sa 'yo na ikaw mismo alam mo? Bakit hindi nila sabihin: "Horoscope for January 33, 2005: Leo: Suswertihin ka sa araw na ito pag pumunta ka sa 84-C Bayabas St., Project 8, Quezon City, dahil may magbibigay sa 'yo ng kalahating milyong piso. Pero bilisan mo lang dahil hindi lang ikaw ang Leo sa mundo." Di ba mas may pakinabang ang ganyan? Alam ko, may conflict. Sasabihin nila na hindi pwedeng iasa mo na lang ang buhay mo sa hula. Pero tingin ko mas okay 'yun, kesa yung huhulaan ka ng numerologist ng "Ang lucky number mo ay 17.5" Wala naman kasing praktikal na benepisyo kung malalaman mo ang lucky color mo, lucky stone, o lucky number. Wala namang umiikot na berdugo sa mundo na namumugot ng ulo ng mga taong hindi alam ang lucky number nila. At wala rin namang batas na nagpaparusa sa mga maling hula. Kaya sa loob ng ilang siglo ay patuloy pa rin ang mga manghuhulang tumitingin lang sa kisame habang nangangapang nagsasabi ng: "Umiwas sa mga madidilim na lugar...Huwag magpalipas ng gutom...Tumulong sa kapwa..."
Sa kabilang banda, hindi ko naman sinasabing lahat ng tinatawag nating "superstition" ay kalokohan. Dahil ang ilan sa kanila ay base sa scientific truths na nagkataon lang na nabalot ng mapamahiing tradisyon. Katulad ng paglalagay ng tinidor sa nilulutong ulam. Akala ng iba ay base ito sa sabi-sabi ng matatanda. Pero ang totoo ay talagang nakakatulong ang tinidor sa pantay, mabilis, at mas maayos na pagkakaluto ng mga karne, dahil gawa ito sa metal, mabisang heat conductor. (Gumamit lamang ng mga tinidor ng Jollibee at McDonald's kung gusto mong maging medyo kakaiba ang lasa ng ulam.)
Isa pang halimbawa ay ang paglalagay ng sinulid sa noo ng sinisinok na sanggol. Akala natin ay isa ito sa mga popular na "superstition" o matandang pamahiin. Pero ang totoo, ang sinulid ay nakakapagpabuti sa metabolismo at mabilis na sirkulasyon ng dugo ng mga nagbibinatang tikbalang. (Volume 7,1968 World Book Encyclopedia)
Marami pa sa mga kinagisnan nating pamahiin ang base sa Science, hindi lang natin alaml; kahit na sabihin na ng iba na tayo rin ang gumagawa ng swerte at malas base sa personal na pananaw natin sa mundo at sariling interpretasyon sa mga nangyayari araw-araw.
Kailan nga lang e nagka-interes ako sa Feng Shui. Inisip kong ito ang sagot sa mahinang reception ng channel 4 sa TV namin. Dahil dito, nauwi ako sa mahabang oras ng masinsinang pananaliksik. At napag-alaman ko na para swertihin ka sa buhay at hindi tubuan ng hadhad sa kilikili, dapat ay nasa tamang posisyon sa kusina ang kalan mo, nasa tamang posisyon sa bahay mo ang kusina, at nasa tamang posisyon sa mundo ang bahay mo. At lahat 'yan ay ayon sa kung kailan ka ipinanganak: taon, buwan, araw, oras, minuto; at kung ano ang kasarian mo, taga-saan ka, at sino ang ibinoto mong presidente noong 1998.
Noon ko lang nalaman na ako pala ay isang Brown Rabbit na ipinanganak sa taon ng Green Tiger. Ang equivalent ko ay Soil. At ang Lucky element ko ay Water. (May nagsabi ring Wood...pero mas trip ko ang Water dahil hindi inaanay.) Ang mga kalkulasyon na 'to ay base sa Chinese Stem-Branch Calendar System. Ang Stems ay ang mga Element na Metal, Water, Wood, Fire, at Earth. Samantalang ang Branches naman ay ang labindalawang hayop na kaugnay ng mga nabanggit na elemento. Sinasabing ang Five Elements daw ng Chinese Yin-Yang ang naglalarawan ng Balance. Pag balanced daw ang Five Elements, suswertihin ka. At pag hindi naman e mamomroblema ka. Kaya ang magiging Lucky Element mo ay kung ano man ang magba-balance sa lima. Kadalasan, ito ay ang elementong pinakamagaan. Kung pagbabasehan ang Balance Theory, malalaman natin ang mga...ALAM KO NA!!! MAGPAPAKABIT NA LANG AKO NG CABLE!
< ' > Diyos ka ba?
<.- -.> Huh?
< ' > Narinig mo 'ko.
< ' > Diyos ka ba?
<.- -.> Bakit mo naitanong?
< ' > Bakit mo sinasagot ng tanong ang tanong ko?
<.- -.> Pero sinagot mo rin ng tanong ang tanong ko.
< ' > Naririnig mo ang dasal ng mga tao...
< ' > ..
< ' > Pero hindi...hindi ka posibleng maging Diyos...
<.- -.> Bakit...dahil hindi ka naniniwalang may Diyos?
< ' > Hindi lang ako.
<.- -.> Isa na namang tao na ang paniniwala ay wala siyang pinaniniwalaan. Interesante talaga kayo kahit kailan. Hehehe...
< ' > Kumbinsihin mo 'ko.
<.- -.> Na ako ang Diyos?
< ' > Na MAY Diyos!
<.- -.> Para ano?
< ' > Kausap na kita. Patay na 'ko. Bagsak ako sa exam. Pwede na bang malaman ang tamang sagot bago man lang ako mahatulang masunog sa kumukulong lawa ng apoy...kung meron na?
<.- -.> Kung meron mang ano?
< ' > Kung meron mang lawa ng walang-hanggang apoy.
<.- -.> Ahh...
<.- -.> Merong babae at lalake sa mga tropical tree species. Para dumami sila, kailangan nila ang mga paniki para maglagay ng male pollen sa female flowers. Syempre kung masyadong magkalayo ang male at female species, hindi na kayang liparin 'yon ng paniki. Tapos na ang lahi ng mga punong 'yon.
< ' > Ngayon...?
<.- -.> Kaya may mga hayop na nakatira sa ilalim ng lupa, sa ibabaw ng lupa, at sa puno, ay para hindi sila nagsisiksikan. Kanya-kanya silang trabaho, palitan - yung iba sa gabi, yung iba sa umaga.
<.- -.> May mga lugar sa mundo na kung saan kahit isng uri lang halaman ang mawala, ikakamatay na ito ng mga 30 species ng hayop. At dahil eto ring mga hayop na 'to ang nagkakalat ng mga buto ng halaman, apektado rin ang paglaganap ng mga puno.
<.- -.> Kahit taniman ulit ang mga nakalbong kagubatan e hindi na nito maibabalik ang mga hayop at insektong minsang nanirahan dito, dahil may mga uri ng hayop at halaman na sa isang partikular na milya ng mundo mo lang makikita.
< ' > _
<.- -.> Hindi lahat ng lupang-gubat ay sa ilalim kumukuha ng sustansya, dahil minsan ang mga pinagkukuhanan nilang decomposing rocks ay masyadong malalim. Bale ang nagiging nutrient source ng lupa ay sa ibabaw, yung ulan at mga basurang gubat - mga tuyong dahon at iba pa. Yung mga nutrient na itinatangay ng patak ng ulan mula sa mga dahon, sanga, prutas, lumot, alikabok, at pugad ng langgam ang nagiging 'meal on wheels' ng lupa. Syempre, mas malaki ang tulong ng mga termites sa larangan na 'to dahil sila ang tagadala ng mga dahon-dahon sa ilalim ng lupa, kumbaga e foreign investors. Pag tinubuan na ng fungus ang mga dahon na dala nila, made-decompose ito at lilikha ng nitrogen, phosphorus, calcium, at iba pang sustansya na kakailanganin naman ng mga bagong halaman.
<.- -.> Pero pag wala na ang mga puno, diretso na ang patak ng ulan sa lupa. At dahil sa mas malakas na ang pwersa ng patak ng ulan, nasisiksik at tumitigas ang lupa. Pag umaraw, diretso na rin ang init na natatanggap nito, kaya tumitigas lalo at nagbibitak-bitak. Tatlo ngayon ang masamang nangyayari dahil dito. Una, dahil wala nang puno na dinaraanan ang bawat patak ng ulan, wala na itong pasalubong na sustansya sa lupa. Pangalawa, dahil bitak-bitak na ang lupa, lumulusot na ang tubig ulan papuntang ilog, hindi na lupa ang nakikinabang sa mga nutrients. Pangatlo, dahil sobra naman ang nutrients na napupunta sa ilog, namimiligro ang buhay ng mga aquatic species dito.
< ' > Wala yata akong naiintindihan...
<.- -.> Dahil umiikot ang mundo sa axis nito 1,000 miles per hour sa equator. Kung naging 100 miles an hour lang ang ikot nito, mas hahaba nang sampung beses ang mga araw at gabi. Masusunog sa init ng araw ang mga tanim sa umaga, at ang mga halamang milagrong makakatagal e magyeyelo naman sa gabi.
<.- -.> Ang araw ay may na umaabot sa 10,000 degrees Fahrenheit. Tamang-tama lang ang layo nito sa mundo para magbigay ng kinakailangan init. Kung mababawasan ng kalahati ang radiation na naibibigay nito, magyeyelo ang mundo; kung madodoble naman, maiihaw.
< ' > Sandali...
<.- -.> Ang pagkakatabingi ng mundo ang dahilan kaya may iba't-ibang panahon. Kung hindi nakahilis ang mundo, gagalaw nang north to south ang ocean vapors at matatambakan ng yelo ang mga continents.
<.- -.> Kung naging mas malapit pa ang buwan, magiging masyadong malaki ang tides. Lulubog sa tubig ang mga continents dalawang beses sa isang araw. Mawawala pati ang mga bundok.
<.- -.> Kung mas kumapal pa ng sampung talampakan ang balat ng lupa, mawawala ang oxygen...kasama na ang buhay ng lahat ng hayop.
<.- -.> Kung ang karagatan ay lumalim pa ng ilang talampakan, hihigupin na nito ang carbon dioxide at wala nang halaman na mabubuhay. Tiyak na ang katapusan ng mga hayop.
< ' > Maganda ang mga kwento mo, nabasa ko na lahat 'yan sa libro, pero-
<.- -.> "Maganda." Ha, ha. Gusto ko ang sinabi mo -
"maganda."
< ' > ?
<.- -.> Ang maputing balahibo ng kuneho, nagsasayawang alon sa dagat, mangilan-ngilang bulaklak sa disyerto, iba't-ibang kulay ng bahaghari, mga ginintuang tuyong dahon sa taglagas, kumikislap na tala, mga naglalarong isda sa karagatan, nagyeyelong bundok, pakpak ng mga paruparo, mga luntiang halaman, hugis ng mga ulap, balat ng sanggol, amoy ng ylang-ylang, awit ng mga ibon, ilaw ng alitaptap - 'yan ang mga maganda!
<.- -.> Alam mo ba kung paano naging maganda ang mga 'to?
< ' > Gusto mo bang isagot ko na dahil ginawa sila ng Diyos?
<.- -.> Meron na bang aso na nakapagpinta ng tahimik na batis dati sa lubha s'yang nagandahan dito? O daga kaya na napaluha sa tuwa dahil sa damdaming taglay ng papalubog na araw? O unggoy na sumulat ng tula para sa makulay na paraiso sa ilalim ng dagat?
< ' > Huh?
<.- -.> Naniniwala ka bang magkapareho lang ang mga tao at hayop?
< ' > ..
<.- -.> Bakit sumasamba ang tao...o naghahanap ng sasambahin? Bakit may ngiti? Bakit may konsensya, tampo, halakhak, kahihiyan, awa, pangarap, at pag-aalala? Bakit gumugulo ang buhay ng tao pag marami s'yang asawa? Bakit ang hayop, hindi?
< ' > Naguguluhan ako....
<.- -.> 'Wag kang mag-alala. Normal lang ang maguluhan kahit na umaabot pa ng 3 pounds ang utak at naglalaman ng sampu hanggang sampung bilyong neurons.
<.- -.> Pero alam mo ba na ang central galaxy ng Abell 2029 galaxy cluster, na may 1,070 million lightyears na layo sa earth, ay merong diameter na 5.6 million lightyears? Walumpng ulit ang laki nito kesa sa Milky Way!
<.- -.> Pero tanging ang utak lang ng tao - sa buong kalawakan - ang natatanging bagay na nagpipilit umintindi sa sarili n'ya. Nakakatawa nga kung iisiping ang damdamin mo, pagkatao, ala-ala, at isipan, ay nagmumula lang pala lahat sa maliit na karneng nasa ulo mo.
< ' > DIYOS KA BA?
<.- -.> Pero isipan man ng tao, o mga makinang gawa n'ya, e nagmimistulang laruan lang kung ikukumpara sa disenyo at talinong nagpapatakbo sa mga cell sa katawan n'ya.
< ' > Magmilagro ka nga!
<.- -.> Hindi pa ba sapat na milagro ang paraan ng pagkukumpuni ng katawan mo sa kanyang sarili tuwing nasusugatan o napipilayan ka?
< ' > Marami kang sinasabi, pero wala ka namang nasasagot!
<.- -.> Anong sagot pa ba ang gusto mo?
< ' > Kung ikaw ba ang Diyos.
<.- -.> Paano ka maniniwalang ako, kung hindi ka man lang naniniwalang meron?
< ' > Dahil marami akong gustong itanong, kung ikaw!
<.- -.> Kung malalaman mong may Diyos, may gusto ka bang baguhin sa naging takbo ng buhay mo dati? Kung may dapat ka pang baguhin sa naging buhay mo noon, nangangahulugan bang nabuhay ka sa paniniwalang walang Diyos?
<.- -.> Sabihin mo nga sa akin, apektado ka ba kung meron man o walang Diyos?
DEPIR
Alam ko, wala akong gaanong naikwento tungkol sa mga barbero sa librong "Mga Kwentong Barbero." Kaya nga kung uupo ka na ngayon sa barber's chair e uumpisahan ko na ang gupitan para di sayang ang oras.
Hindi ko alam sa mga batang babae, pero ang batang lalake, sa sandaling tubuan ng buhok kahi na kasinghaba pa lang ng mga himulhol ng damit, e pinagdidiskitahan na kaagad gupitan ng mga sabik na magulang.
Mommy: Honey, tignan mo, may buhok na si Junior!
Daddy: Oo nga! Madali, kunin mo yung papel de liha!!!
Kabaligtaran sa mga kanluraning bansa na bihasa sa mga do-it-yourself na home renovation, ang dinu-do-it-yourself dito sa Pilipinas ay ang ulo ng mga batang lalake.
Mommy: Kamusta ho ang baby ko, Doc?
Doctor: Congratulations, Misis! Lalake ang anak n'yo. Daanan n'yo na lang sa reception yung complimentary electric razor paglabas ng hospital.
Pansinin mo, sa Amerika ba mukhang shaolin ang mga bata? Hindi. Pero sa Pilipinas, oo. Bakit? Dahil ito ang nagiging resulta ng paggupit ng isang maalam na barbero bilang pagsaklolo sa mga batang pinagpraktisan ng tatay nila. Last resort. Ito ang tinatawag ng simbahan na "Sins of the Father." Paano ito nagaganap?
Daddy: Dumdidumdidum...hmmm...ano kaya ang magandang gawin ngayong Linggo ng umaga? (Sa ilang sandali ay magiging scientist ang tatay at makakadiskubre ng isang bagay.)
Daddy: Anak...mahaba na ang buhok mo! (Sa ilang sandali ay barbero na ang tatay at hostage na ang anak.)
Daddy: 'Wag kang magulo...sandali lang 'to! (Sa ilang sandali ay barbarian na ang barbero.)
Daddy: Sige, masusugatan ka!!! (Sa ilang sandali ay surgeon na ang barbarian.)
Daddy: Idiin mo lang yung bulak para tumigil ang pagdurugo! (Bawas dito, bawas doon. Sa ilang sandali ay kailangan nang magsinungaling ng surgeon.)
Daddy: Konti na lang, anak, hawig mo na si Niño Muhlach noong 1978. (Sa bandang huli ay maaalala ng tatay na meron na ngayong Bantay Bata, saka n'ya lang aaminin sa sarili na mukha nang itlog na may bangs sa bumbunan ang sariling anak.)
Daddy: Naku, may laban pala ngayon si Holyfield sa TV! Takbo na lang kayo ng mommy mo d'yan sa barberya sa kanto, anak. Balikan mo na lang yung isa mong tenga mamaya...hindi ko alam kung saan gumulong e...
Sabi nga nila, highly skilled ang Pilipino. Ultimo pagpapagupit sa mga anak, ayaw iasa sa mga barbero. Pero kung sa bagay, iba na nga rin naman yung nakakatipid. Lalo na kung sa mga pambatang barbershop sa mga malls mo pa pagugupitan ang anak mo ngayon. Para ka na ring nag-downpayment pambili ng bahay na may swimming pool sa rooftop.
Nung kabataan ko, si Mang Ausan lang magiting na barbero sa lugar namin. Maliit lang ang barberya n'ya. 3-in-1. Barberya, bahay, tindahan. Hindi pwedeng i-ikot ng 360 degrees ang barber's chair dahil mauuntog ka sa altar ng Our Lady of Fatima. Kailangan ding tumigil ni Mang Ausan sa paggugupit maya-maya dahil (1) nagtitinda s'ya ng mga itlog, miswa, niyog, kandila, at iba pa, at kailangan n'yang magsukli, (2) naglalaro s'ya ng dama, (3) nanonood s'ya ng TV, at (4) kailangan n'yang idura ang hindi maubos-ubos na plemang laging nagpapatintero sa lalamunan n'ya. Ganoon si Mang Ausan, parang Microsoft Windows, laging multitasking. Pero ayos s'ya maggupit. Laging pulido at malinis. Paglabas mo ng barberya n'ya, para kang laging bagong kumpil. 'Yun nga lang, sa oras ng matapos ang pahinto-hintong gupitan, tatlong almusal na ang nalaktawan mo.
Pero napagkalakhan ko na rin si Mang Ausan. Hindi ko matandaan kung ano ang eksaktong nangyari. Naging madalas yata s'yang puno ng kliyente, at napilitan akong sumubok sa katabing unisex parlor. Na medyo hindi ko rin naman nagustuhan dahil ang gumupit sa akin noon e bading na problemado sa love life ni Vina Morales. Isipin mo na lang kung anong klaseng gupit ang magagawa sa'yo ng taong problemado sa love life ni Vina Morales. Pag-uwi ko sa bahay e muntik akong lapain ng aso namin dahil hindi ako nakilala. Habang hindi naman makahinga ang pusa namin sa katatawa.
Nagpalipat-lipat ako ng barberya pagkatapos noon. Simple lang naman ang hinahanap ko, basta magupitan ako nang disente at hindi ako magmukhang miyembro ng bandang "Kiss." Pero muntik na ngang ganoon ang mangyari dahil sa isang pagkakataon e napasok ko naman ang isang barberya na venue pala ng isang ongoing pot session. Cool! Kulay pula ang mata ng gumugupit sa akin. Katulad ng dati, para ulit akong ginupitan ng taong problemado sa love life ni Vina Morales.
Pero di nagtagal e nakakita na rin ulit ako ng barberong kasinggaling ni Mang Ausan. Babae. Madalas ako noon tanungin ng mga classmate ko, "Bading ang gumupit sa'yo, 'no?" Pag sinagot ko sila ng "Tibo," nagtatawanan lang sila. Pero totoo ang kwento ko. Naisulat ko na ito sa diyaryo dati. Pulido ring gumupit si Merlyn ('yan ang pangalan n'ya), kaya lang maagang nasira ang relasyon namin dahil lumipat s'ya ng barberya. Doon na s'ya ngayon sa ilalim ng tulay na may kalayuan sa amin. Kung dadayuhin ko pa s'ya doon para magpagupit, mahaba na ulit ang buhok ko bago ako makabalik ng bahay.
Pero kasinggaling din naman ni Merlyn si Jess, ang barberong pumalit sa kanya sa "Smart Barbershop." (Oo, 'yan ang pangalan ng barberya, dahil yata pagkatapos ng gupitan e hawig mo na si Jose Rizal.) Ang problema nga lang kay Jess e madalas itong mawala. Parang laging may appointment sa Pentagon.
Sa ngayon e may dalawang taon na akong walang permanenteng barbero. Magastos dahil de-aircon na pala ang mga barberya ngayon. At laging may masahe! Na hindi naman ako sigurado kung masahe o problemado lang yung mga barbero sa love life ni Vina Morales.
May nasubukan na rin akong barberong bading na kung ituring ang buhok e parang tao. Third person kung tukuyin n'ya ang buhok. Halimbawa: "Saan natin S'YA babawasan?," "Tumitikwas S'YA eh," 'Ayaw N'YA ng mataas!" Akala ko nung una e meron s'yang kaibigang espiritu na s'ya lang ang nakakakita. Itatanong ko sana kung nakikita n'ya rin ang mga namayapa kong kamag-anak.
Nakapagpagupit na rin ako sa balatubang barbero. Hindi s'ya nagpapagpag ng buhok mula umpisa ng gupitan hanggang sa matapos. Mukha kang orangutan habang ginugupitan dahil tambak ka ng buhok sa buong katawan. Ipapagpag n'ya lang ang puting tela pag tatayo ka na. At talagang pagpag ang gagawin n'ya! Sasabog ang buhok mo sa ceiling fan at uuwi kang may buhok sa loob ng baga. Bukod sa kanya, nasubukan ko na rin an barberong parang magbe-bake ng cake kung maglagay ng pulbo, at isa pa na parang pumapatay ng sunog pag nag-spray ng tubig sa buhok mo. Matindi. Mukha kang galing sa sinapupunan paglabas mo ng barberya.
Sa isa pang pagkakataon e natapat naman ako sa barberong mangangaral ng Revised Family Code. Maigting n'yang ipinapaliwanag ang importansya ng sakramento ng kasal habang gumugupit. Nang hindi makuntento e ipinakita n'ya pang nasa drawer n'ya lang lagi nakatabi ang Family Code at Philippine Constitution, kasama ng mga suklay, gunting, at labaha. Walastik talaga. Siguro kung meron pa s'yang ino-offer na SSS seminar habang naggugupit, mas makikinabang ako. O kaya poetry reading. O recital ng Iliad at Homer. O a cappella ng mga kanta ni Eric Clapton. Minsan nga ipinagdarasal ko bago matulog sa gabi...sana...sana lang talaga...maayos na ang love life ni Vina Morales...
Malaking porsyento ng problema ko sa pang-araw-araw na buhay ay ang kahinaan ko sa direksyon. Hindi ko alam ang north, east, south, west. Hindi ko matandaan ang mga lugar at daan kahit na napuntahan ko na ito nang tatlong beses. Kung naging laboratory rat ako, tiyak ako lang ang laging trapped sa maze at hindi ako pakikinabangan ng mga scientist. Kung anging pusa ako, hindi mo na 'ko kailangan dalhin sa malayo para iligaw. Ilabas mo lang ako ng pintuan, hindi na 'ko makakabalik. Kung kidnap victim ako, hindi na 'ko kailangan i-blindfold. Kahit makita ko ang dadaanan ng sasakyan, hindi ko rin malalaman kung nasaan ako. Kaya tiwala sa akin ang mga magulang ko dati na hindi ako magiging lakwatsero. Dahil tiyak pupulutin ako sa himpilan ng radyo pag nagkataon: nawawala at nananawagan.
Nagising ako kaninang alas-sais ng umaga. Masyadong maganda ang pagsikat ng araw kaya napasilip ako sa labas, suot ang sports sandals at damit pantulog: lumang pulang P.E. shirt, green shorts, fatigue jacket, at dark blue na medyas. Di na 'ko nahiya kahit makita ng mga kadalagahan sa katabing apartment.
Okay yung weather, sayang yung pagkakataon kung magsusulat ako at magkukulong sa building kung saan ako lang ang tao. Dali-dali akong bumalik ng kwarto, nagubad ng jacket at medyas, nagpalit ng khaki shorts at puting t-shirt, nagtanggal ng muta, at nagplantsa ng buhok gamit ang mga daliri, matapos maihanda ang mga camera para sa isang "Kodak Day."
(Nga pala, ang bahaging ito ng libro ay may pamagat ng: Bakit May Mga Tanga sa Mundong Ibabaw?")
Camp John Hay ang una kong destinasyon. At dahil wala naman talagang partikular na attraction sa Camp John Hay bukod sa pagiging Camp John Hay nito, bumaba kaagad ako ng taxi at nagpasyang ikutin nang naglalakad ang lugar. Okay naman sa umpisa. Aspaltado ang daan, at mga nakangiting tao ang nakakasalubong ko. Pero dahil ayoko yung boring at dahil ako'y tanga, sinubukan ko ang mga "road less travelled" sa nasabing lugar. Ibig sabihin, napunta ako sa mga singit ng kampo kung saan nakapaskil ang notice na "No Entry"...at tumuloy pa rin ako!
Ang totoo, nung una e nagda-dalawang isip pa 'ko. Pero nung masilip kong mga kabayo ang tinutumbok ng daan na 'yon - isang photo opportunity - nakalimutan ko na bigla ang tungkol sa "No Entry" sign. Nakita ko ang dalawang tao na nagpapaligo ng kabayo. Tinanong ko sila kung may daanan ba doon. 'Yun na rin yata ang paraan ko ng pagtatanong kung totoo bang "No Entry" ang napasok ko. Pero dahil sinabi naman nilang meron ngang daan doon sa halip na pagbawalan ako, inisip kong legal ang ginagawa ko. Ang siste, hindi ko naitanong kung matino ba silang kausap at hindi sila nakainom ng gaas. "Sundan n'yo lang ho yung beaten path," sabi nila.
Ganito ang buong akala ko: Galing doon, lalakad-lakad lang ako. Makakakita ng mga damo, puno, at maraming kabayo. Marami akong makukunan ng litrato. Matutuwa ako. Tapos makikita ko na ulit yung Aspalto at yung mga nakangiting tao. 'Yun ang buong akala ko. Pero linsiyak talaga ang mga beaten path kahit kelan. Malay ko bang mistulang maze pala ang mga sanga-sangang beaten path doon. Ayos din yung lupa dahil sobrang putik, kung hindi man e madulas. Isipin mo na lang kung paano mo aakyat-babain ang mga 3 meters high-50 degrees slopes! Meron ngang isang ranger doon na nagmaniobra sa isang kabayo paakyat. Galing! Parang commercial ng Marlboro. Akala ko nga papalpak yung ranger at sabay sila ng kabayo n'ya na gugulong pabalik sa baba...pipiktyuran ko sana!
At alam mo, weird pala makakita ng kabayo sa gubat. 'Yun bang kabayong nag-iisa, walang kutsero, walang karetela, walang tapaoho, walang saddle. Parang wild. Hindi ka sigurado kung kabayo nga ba 'yon o engkanto. Meron nga akong isang kinatakutan doon. Maingay kasi masyado at mukhang bayolente, 'yun yata yung pumilay kay Christopher Reeves.' Nag-ingat ako dahil baka mabulabog at biglang sumugod at manipa. Pero tamang-tama na kung kelan naman sumagi sa isipan ko ang salitang "ingat" e saka naman ako nadulas at bumagsak sa putikan nang una ang pwet...ARAGUY!!! Walangya. Slope 'yun, kaya di lang ako basta bumagsak...dumausdos pa ako pababa! Nadagdagan yata ng ilang pounds yung bigat ko kanina dahil sa kapal ng putik na kumapit sa t-shirt ko. Ang masaklap pa, hindi ako naglalaba ng damit. Umaasa lang ako sa babad at "No-Kuskos" powder na sinasabi sa commercial ng mga detergent powder. Biglang umikli ang life span ng shorts ko. Gagamitin ko pa dapat 'yun ng labinlimang beses bago labhan. Bukod d'yan, inalala ko rin ang camera ko. Malas. Nadaganan ko pa yata yung isang nakasabit sa balikat ko. Tsk, tsk...alas-otso pa lang ng umaga. Malas talaga.
Tumayo ako at inisip na bahagi pa rin 'yon ng adventure. Sinubukang ituloy ang pagso-solve sa maze na gawa ng mga pesteng beaten path. Tahimik na ang bayolenteng kabayo, ninerbyos yata sa nangyari sa akin. Daloy na lang ng tubig sa malaking kanal ang naririnig ko. Hanep sa view, puero puno lang ang makikita mo sa paligid, at araw sa ulunan. Parang setting sa fantasy film. Pero mahirap kumuha ng litrato dahil wala akong makitang interesante sa lugar na basa at maputik. Isa pa, abala na 'ko sa paghahanap sa sign na nagsasabing "EXIT," o "AYAWAN NA," o "GAGO, BA'T SUMUOT KA DITO?" Kahit ano doon, pupwede, basta't makalabas lang ako ng gubat.
Kumpirmado: naliligaw na 'ko. Pero hindi pa rin ako nagtanong sa isang binatilyo na nakasalubong ko. May dala s'yang mga tuyong damo, pagkain ng kabayo. Ayokong isipin n'ya na bobo ako. Kaya nagpatuloy akong magpaikot-ikot sa loob ng kagubatan sa loob ng tatlong-daang taon. At doon naisip kong baliktarin ang t-shirt ko. Hindi dahil sa naliligaw na 'ko at naniniwala ako sa pamahiin, kundi dahil sa...ummm, maputik ang damit ko! Oo, peksman. Dahil lang talaga sa putik kaya ko binaligtad ang damit ko.
Medyo napagod rin ako sa kakaikot. Doon ako nagpasyang tumigil muna at gawin ang tanging bagay na hindi ko pa nagagawa: mag-isip. Naisip kong sumigaw at humingi ng saklolo, kaso hindi ko ginawa dahil baka may makarinig. Isinisigaw lang dapat ang saklolo pag wala sa 'yong makakarinig. Halimbawa, na-stranded ka sa Neptune. Doon, pwede kang sumigaw ng saklolo...pero sa Camp John Hay, no way! Baka mapasama ka pa sa mga kwento ni Mark Logan.
Matapos ang isang siglo, nakalabas din ako sa gubat na napapaligiran ng barbed wire. Hindi ko malaman eksakto kung paano. Nadiskubre yata ako ng mga explorer ng National Geographic. Sa wakas ay nakakuha rin ako ng mga litrato ng kabayo. Pero sa puntong 'yon e nilapitan naman ako ng isang ranger.
"Sir, para saan ho ba 'yan?" bati n'ya. "Media ho ba kayo?"
"Hindi, enthusiast lang ako," sagot ko. "May problema ho ba?"
"Wala naman. Okey lang. Nag-iingat lang kami kasi dati kung anu-ano ang ibinalita tungkol sa amin e."
Dahil sa paranoia n'ya, naisip ko pa sanang mang-goodtime at sabihing taga-CNN ako at labag sa batas ang nakakaligaw na horse path, pero pinigilan ko sarili ko. Umalis na 'ko tapos noon.
Sunod kong tinahak ang golf course. Okay sa olrayt. Doon lang ulit ako nakatapak ng lupa na may espasyong hindi maabot ng mata. Kasi sa Metro Manila sobrang sikip, pero batok lang ng ibang tao ang makikita mo. Sa golf course ng Camp John Hay, wala kang poproblemahin...kundi mga lumilipad na golf balls.
<*whistle alarm*> "Sir, alis d'yan! Hindi pwede d'yan, baka tamaan kayo ng bola!" sabi sa akin ng guard na may nakaambang rifle. Itinaas ko ang mga kamay ko bilang senyales na madali akong kausap, aalis ako, at hindi n'ya kailangan magpaputok dahil hindi ako miyembro ng gabinete ni Saddam Hussein. Kaya matapos magsawa sa pagsu-shoot at sa paghiga sa lawn, iniwan ko na rin ang lugar. Pero inabot pa 'ko ng mga ilang oras noon. Hindi ko na naman kasi kaagad nakita ang exit.
Magbigay ka ng joke.
Oo, ngayon na. Magbigay ka ng joke, kahit anong joke. Wala nang tanong-tanong, basta magbigay ka ng joke, ngayon din. Bawal mag-isip.
(Pause.)
Marami na 'kong nagulantang na tao sa ganitong estilo. Sa umpisa, uulanin ka ng tanong: "Huh?", "Bakit?", "Ngayon na?", "Seryoso ka?", "Kahit ano?" Pagkatapos susundan ng "Wala akong alam, e," "Corny eh," "Luma na 'to e," pero sa kadulu-duluhan e magre-recite din sila ng joke na Grade 3 ka pa lang nang una mong marinig.
Importante sa akon ang jokes. Sabi kasi nila, humor daw ang pinakamabisang paraan para magkakilala at magkasundo ang dalawang tao. Halimbawa, alam mo bang joke ang ginawang pick-up line ni Adan para makilala si Eba?
Adan: <*Ahem*> Knock! Knock!
Eba: ???
Higit sa favorite color, zodiac sign, motto, at sagot sa "What is Love?", gusto kong makilala ang isang tao base sa kung ano ang mga bagay na katawa-tawa para sa kanya. Natatawa ba s'ya sa Leaning Tower of Pisa? Sa kulani? Sa EDSA 3? Sa duo na Porkchop? Sa nadadapang clown? Sa nagsasabi ng "Bulaga!"? Ngumingiti ba s'ya o humahalakhak? Dinig ba sa Africa ang tawa n'ya? Gaano n'ya kabilis makuha ang isang joke? Ilang minuto nagtatagal ang tawa n'ya? Paano s'ya tumawa: simpleng "hehe," gumugulong sa sahig, tumatalbog, sinisinok, lumuluha, nangingitim at hindi makahinga, o nanginginig lang ang labi habang nakatitig sa kawalan?
Nakakatuwang malaman minsan na yung mga inaakala mong taong may malakas na sense of humor e wala palang maibibigay na joke pag hiningan mo. At yung iba naman na inaakala mong aakyat ng langit balang araw e meron palang library ng stag jokes sa utak. Minsan magugulat ka rin sa mga executive na diplomat ang dating, tapos ang ire-recite na joke e yung tungkol kay "Pedrong Kuto." May naka-date din akong babae dati na tipong "woman of substance" talaga, intelehente at magaling magdala ng sarili. Ganito ang joke n'ya:
Woman of substance: Ano ang apelyido ni Mary?
Ako: Uhhhmmmm...ano?
Woman of substance: Christmas!
Tinatawagan ko pa rin s'ya sa telepono paminsan-minsan. Pag nakakalimutan ko ang apelyido ni Mary.
Naalala ko tuloy yung barkada kong amboy nung college. Kursunada n'ya yung isa naming classmate, pero sinabi na sa aking nung classmate naming 'yun na ayaw n'ya si amboy dahil wala raw 'tong sense of humor. Ipinaabot ko 'to kay amboy. Kinabukasan nilapitan n'ya ulit yung classmate namin at nagkwento s'ya tungkol sa sinalihang paligsahan ng isang Hapon, Amerikano, at Pilipino. Tuluyan s'yang binasted nung classmate namin pagkatapos ng kwento n'ya. Kawawang bata. Hindi n'ya alam na lahat ng variations ng kwentong Hapon-Amerikano-Pilipino e gasgas na sa Pilipinas bago pa man mauso ang colored TV. Malamang e sinadya s'yang ipahamak ng taong pinagkunan n'ya ng joke. Sabotage.
Ngayon, kung ikaw ang nasa kalagayan ni amboy, dapat alam mo ang mga klase ng joke na babagay sa pagsasabihan mo. Halimbawa, ang joke na "Kung umebs ka at isang punit lang ng tissue ang gamit mo, paano mo ito pagkakasyahin?" ay isang halimbawa ng joke na hindi mo dapat sinasabi sa babae. Dahil ang mga ganitong klase ng joke ay ginagamit lang sa mga opening sessions ng Senado. Ngayon, kung itatanong mo naman kung pupwede na ang mga joke na tulad ng "Tinitigyawat ka ba sa mane?", ang sagot ay hindi. Hindi pa rin ito ang klase ng joke na magugustuhan ng mga kadalagahan. Ang kailangan mong joke ay (1) Fresh. Yung mga tatlong oras pa lang nauuso. (2) Nakakatawa. Yung kahit i-kwento mo sa burol ay gagapang sa katatawa ang mga naulila. At (3) Witty. Yung mapapaisip muna yung kausap mo, tapos ipapaulit n'ya sa 'yo yung joke nang 147 times dahil hindi n'ya raw "ma-gets."
Dati sa trabaho, habang break, meron akong ka-opisina na nagtanong sa akin kung ano ang tinatawanan ko sa Reader's Digest. Ikinuwento ko sa kanya ang nabasa kong anecdote, at dahil sa mas malaki lang nang bahagya sa alikabok ang utak ng kasama ko, s'ya na ang nagbigay ng punchline nang hindi sinasadya.
Ako: May isang psychiatrist na nakipagkilala sa isang babae sa isang bar. Habang nagkukwentuhan, naitanong ng babae sa doktor kung paano n'ya nalalaman na magaling na ang mga pasyente n'ya. "Simple lang," sabi ng doktor. "Ikinukwento ko ang tungkol sa tatlong expedition ni Vasco de Gama. Tapos, itinatanong ko sa pasyente kung saan sa tatlong expeditions, sa tingin n'ya, namatay si Vasco de Gama."
Ka-opisina ko: [Defensive] Ay!...Sa totoo lang, mahina ako sa history eh!
Ako: [Laglag sa upuan. Katatawa.]
< = = > Saan?
< # > Sa langit po.
< = = > Trabaho?
< # > Web designer po.
< = = > Description.
< # > IT ho 'yun. Nagde-design ng webpages.
< = = > ?
< # > Webpages po...yung nakikita sa Internet.
< = = > Para saan 'yon?
< # > Para po sa Internet.
< = = > Ano nga iyon? -Bakit kailangan mo noon?
< # > Hindi ko po kailangan 'yon, tagagawa lang ako.
< = = > Oo nga.
< = = > Ang tanong ko, bakit nga kailangan ng ganoon?
< # > Para po makita ka sa Internet.
< = = > At pag nakita ka sa Internet...ano naman ngayon?
< # > Parang patalastas po iyon.
< = = > Ahhh...
< = = > Sa wakas, nakuha ko rin...
< = = > Talagang hindi tayo nagkakaintindihan.
< = = > Next.
< # > Sandali...
< # > Saan ho ako pupunta?
< = = > NEXT!
<**> Jim.
< = = > ?
<**> Juliano Constantino de Guzman po.
< = = > Ano 'yon?
<**> Pangalan ko po.
< = = > O, anong gagawin ko sa pangalan mo?
< = = > Walang gamit 'yan dito!
< = = > Trabaho lang...sabihin n'yo sa akin kung ano ang trabaho n'yo dati sa lupa!
<**> A e, writer po.
< = = > Anong writer?
<**> Gag show writer po.
< = = > Ano 'yon?
<**> Sumusulat po ako ng mga jokes para sa TV.
< = = > Tapos...
<**> 'Yun lang po.
< = = > Tapos ano? Paano ka kumikita doon? Ano ang nangyayari sa mundo pagkatapos?
<**> Huh? Wala po...pinapatawa ko lang ang mga tao.
< = = > Patawanin mo nga ako...
<**> Ha?
< = = > ...
<**> Gagawa ako ng skit?
< = = > .
<**> H-Hindi pwede e...umm...
< = = > _
<**> Joke na lang!
< = = > ..
<**> Sige...
<**> Anong tawag sa isdang hindi nababasa?
<**> Hehehe...
< = = > NEXT!
< = = > NEEEXT!!!
<-.-> Congressman, sir.
< = = > Congressman?
<-.-> Congressman po. Isang public offi-
< = = > Sige, salamat.
< = = > Okay...next!
<.~.> Sa langit po.
< = = > At ang trabaho?
<.~.> Tindera lang po.
< = = > Bakit "lang"?
< = = > Bakit mo ikinakahiya ang pagiging tindera mo?
< = = > Mas mainam pa nga 'yan kesa sa abugasya at pamumulitika.
< = = > Ano ba ang tinda mo, mga karne o gulay?
<.~.> Hindi po eh.
< = = > ...
<.~.> Mga ano ho...
< = = > ..
<.~.> Nagtitinda po ako ng Bust Enlarger. 2,600 pesos po ang isa. Kita naman kaagad ang resulta, mga dalawa hanggang tatlong linggo lang. Epektib. Tsaka pwede namang ibalik kung hindi ka kuntento...pero wala pang nagbabalik sa akin...kasi nga epektib!
<.~.> Meron din akong Nipple Pink Cream, 500 pesos lang. Pampaputi, tsaka pampakinis ng nipples. Eto, talagang mabili! Maski ako, gumagamit ni-
< = = > Nipple Pink-?
<.~.> Cream. Nipple Pink Cream ho. Safe s'ya, hindi ka magkakaroon ng-
< = = > At Bust Enlarger ba 'ka mo?
<.~.> Oho.
< = = > Sige, diretso ka na lang d'yan sa hallway.
< = = > Tapos second door sa kaliwa.
<.~.> Second left, tapos liko sa hallway?
< = = > Next.
<.~.> Left turn ho ba o kaliwa? Pang-ilang pinto?
< = = > NEXT!!!
<'"'> ..
< = = > Saan?
<'"'> Sa langit ho.
< = = > Trabaho?
<'"'> Producer ho. Film producer.
< = = > Ba't wala kang passport size ID picture?
<'"'> Kailangan pa ho ba 'yon?
< = = > Hahanapin ko ba kung hindi?
<'"'> Sorry ho.
< = = > Kailangan mo ng dalawa. 2x2.
< = = > Next.
<-*-> Sa langit.
<-*-> Ramp, print, image model.
< = = > Ano 'yon?
<-*-> Nagsusuot ng iba't-ibang damit, para bilhin ng tao.
< = = > O, e dati pa namang nagdadamit ang mga tao ah!?
<-*-> Pero hindi lahat may style!
< = = > ?
<-*-> Syempre, iba yung mga mamahaling damit na may tatak talaga!
< = = > Tapos?
<-*-> Iba yung mga kilalang damit...
< = = > ...
<-*-> Mas maganda!
<-*-> Tsaka iba pag ako ang nagsuot.
< = = > Bakit?
<-*-> Maganda katawan ko eh!
<-*-> Kaya bagay sa akin ang mga isinusuot ko!
< = = > Tapos...?
<-*-> Bibilhin na ng mga tao ang mga damit na isinusuot ko.
< = = > Dahil bagay sa 'yo?
<-*-> Oo!
< = = > Salamat.
< = = > NEXT!
<-*-> Sandali, saan na 'ko ngayon pupunta?
< = = > Next window.
< = = > NEXT!
<'*'> Pet groomer po.
< = = > Saan?
<'*'> Sa lupa po.
< = = > SAAN MO GUSTONG PUMUNTA?
<'*'> Sorry...sa langit po.
< = = > Anong pet groomer?
<'*'> Trabaho ko po. Beautician ng mga alagang hayop.
< = = > Anong ginagawa mo sa hayop?
<'*'> Pinapaliguan po...
<'*'> Ginugupitan ng kuko..
<'*'> Sinusuklayan.
< = = > Huh??? Anong napapala mo doon?
<'*'> Ha?
<'*'> E di pera. Sweldo. 'Yun po ang trabaho ko e.
< = = > At may nagbabayad sa 'yo?
<'*'> Opo. Yung mga may-ari ng aso...pusa...
< = = > Tsk, tsk, tsk...
< = = > Sige, salamat!
< = = > NEXT!
< = = > Direksyon. Trabaho.
< & > Sa langit. VJ.
< = = > VJ?
< & > Host. Nag-iinterview ako ng mga sikat.
< = = > Tapos?
< & > Nagbibilang ng top hits!
< = = > Mga kanta?
< & > TAMA! ANG GALING, AH!
< = = > Gusto ko 'yan e. Hehe...
< & > Kewl!
< = = > May baon ka bang mga CD?
< & > Ako pa! Ano'ng gusto mo?
< = = > Meron ka bang Josh Groban?
< & > Eksakto! Kaso lang pirated...
< = = > Bakit ka naman bibili ng original!!!
< & > Oo nga e, 400 pesos...ano ko, bale?!
< = = > Diyos ba s'ya?
< = = > BWAHAHAHAHA!!!
< & > Hahahahaha!!!
VENTOCOSEUSS
Ang swerte ko talaga! Nadagdagan na naman ang materyal kong pag-aari dito sa lupa.
Kinailangan kong lumabas kanina at pumunta sa supermarket para bumili ng mga pang-araw-araw na gamit tulad ng sepilyo, pomada, deodorant, mothballs, at Yupi Gloworms Gum Candy. Natagalan ako ng konti dahil sa kahahanap ng murang sepilyo, at sa pagkukumbinsi sa sarili ko na hindi ko kailangan ang Pacencia Biscuits at Sunmaid Raisins. Pero sa bandang huli, talo rin ako. Nakita ko na lang ang sarili ko na nagbabayad na sa counter para sa mga nabanggit na pagkain na wala naman sa budget. Inisip ko na lang na dapat ko rin s'yang pagbigyan paminsan-minsan, tutal pera n'ya naman 'yon. Medyo nakakasama nga lang ng loob dahil wala man lang akong nabiling snacks na para sa akin.
Tungkol naman sa sepilyo, alam kong kukuyugin ako ng mga dentista dahil sa pag-amin na mumurahing klase lang ang ginagamit ko. Pero bilang depensa, gusto ko lang linawin na "alternate" ang paggamit ko ng mumurahin at mamahaling sepilyo. Oo, bumibili rin ako ng mamahaling sepilyo! Ayoko nga lang nang palaging gano'n dahil baka lumaki ang ulo ng mga ngipin ko at isipin nilang mayaman ako. At sino ba naman ang hindi manghihinayang sa 80 pisong sepilyo na papalitan mo rin naman pagkaraan ng tatlong buwan, at MWF mo lang gagamitin?
718.75 pesos lahat ang napamili ko. At dahil kulang ang pera ko, kinailangan kong ibalik ang mga laundry soap, dishwashing paste, bread spread, at ketchup - di naman sila kasing importante ng mga Ovalteenees at Beermatch. Pero dahil nga umabot ako ng 718.75 pesos (inuulit ko lang, baka kasi nakalimutan mo), e nilapitan ako ng isang lalake at inabutan ng promo coupon. Sa puntong 'yon e medyo napahanga ako sa angkin kong galing. Biruin mo, marunong na 'kong humawak ng pera: NAKAKASALI NA 'KO SA MGA SPECIAL PROMO! At di basta-basta raffle promo 'yon, dahil automatic "Free Gift Items" ang ike-claim ko sa "souvenirs booth" ayon sa "promo coupon." Napansin kong binigyan din ng "promo coupon" yung kasunod kong lalake sa pila kahit na peanut butter lang yata ang binila n'ya, pero di ko na 'yon binigyang halaga. Ang importante, meron akong "Free Gift Items!"
Pagdating ko sa "souvenirs booth" na medyo half-day ko hinanap, nakita ko kaagad ang mga "Free Gift Items." Sa pagkakataong 'yon e kinailangan kong umubo para paginhawain ang lalamunan kong wala namang plema. Hindi ko kasi alam kung kanino ipapakita ang resibo ko at coupon para makuha na ang "Free Gift Items" at nang makauwi na 'ko at makapanood ng balita sa TV. Walang tauhan na pumapansin sa akin, kaya ako na ang lumapit sa isang babae na bagama't walang kausap na customer e may kinakausap namang katrabaho (superior n'ya yata). Nang makita n'ya 'ko e para s'yang de-susing manika na bumwelo lang konti at tuloy-tuloy na nagsalita:
"Hi, sir! I'm <pangalan>. Andito ho ang free gift item n'yo, sir [hinawakan ang isang gadget]. Ito ho ay isang refillable gas lighter [pinindot ang hawak, lumabas ang apoy sa dulo ng mahaba nitong nguso]. Pwede n'yo ho itong magamit sa blah blah blah blah blah [lumipad na ang isip ko at naalala ang mga adventures ni Astroboy]...Ibibigay ho namin ito sa inyo sa halagang 99 pesos at 90 centavos LANG, sir! [Pakiramdam ko e gusto n'ya 'kong umiyak sa tuwa dahil sa swerteng hatid n'ya sa aking panandaliang buhay dito sa daigdig]...Promo ho namin 'yan dahil may coupon kayo at resibo ng pinamili [tunay na nangingilid na ang mga luha sa aking mga mata, di makapaniwala na ang isang abang tulad ko'y magkakamit ng isang refillable gas lighter!]...Pag bumili ho kayo, may kasama nang automatic wirestripper with cable cutter [product demo]...worth <price> ho ito, pero libre naming ibibigay sa inyo (seryoso, natuwa ako dahil dati pa 'ko dapat bibili ng wirestripper)...may kasama din ho 'yang needles [ipinakita], scissors, [ipinakita], at pencils [ipinakita]...lahat 'yan, sa halagang 99 pesos at 90 centavos lang, SIR!' (Matunog yung "SIR" sa bandang huli, dahil siguro last chance na 'yon para mabola ako. Di n'ya alam na kahit 3 years old lang na bata e kaya akong bolahin!)
Umuwi akong masaya. Biruin mo, nung umalis ako ng bahay kanina, sino bang mag-aakla na sa pagbabalik ko ay meron na 'kong bitbit na multi-use refillable butane gas lighter na ideal sa fireplaces, barbeques, camping, candles, at pilot lights? Isipin mo na lang, meron itong safety trigger lock, flame adjusting lever, at fuel level window, na totoong magpapaginhawa sa buhay ko. Ang swerte ko talaga! Tapos may kasama pang 12 sewing needles, 9 darner's crewel, circular mattress needle, sailmaker's needle, carpet needle, upholstery needle, packing needle, Youn Shun scissors, automatic wirestripper with cable cutter, at 1...2...3 - tatlo! Tatlong lapis na may picture ng Powerpuff Girls at Hello Kitty characters! Walangya, pag sinuswerte ka nga naman. Maski ang kaibigan ko, di makapaniwalang napasakamay ko lahat ang mga ito sa halagang 99 pesos at 90 centavos!
...70 pesos lang daw ito sa Quiapo.
May. 2001
Pare, isa kang totoong tao at walang halong kasinungalingan. In English, FACT you, pare. Totoo ka. In English, FACT you!
Boy: Let's play Wagwag.
Girl: What's that?
Boy: You'll take your clothes off and I'll lie on top of you...and then you'll say, "Wag! Wag!"
I can't help the way I feel, everyday it gets so harder to deal. The one I love so much don't feel the same about me. I gotta let it be.
Sige, buka mo pa!...Buka pa...ahhh. Buka mo pa sabi...buka pa...hindi ko pa maipasok. Buka mo pa...ayan! Lintik na bata! Nasayang tuloy ang kanin! Sabing buka mo bibig mo!
Lord, bakit ako pa! Bakit hindi na lang sila, palagi na lang akong ganito, hirap na hirap na 'ko, di ko na matiis! Bakit pa kase ako pinanganak ng ganito...ang cute, cute ko!
Ito ang mga mensahe na umiikot sa mga cellphone.
Tinitindahan ako ng kaibigan ko ng cellphone noong isang linggo. Sabi ko di na kasya ang cellphone sa buhay ko. Tama na yung di ako mapakali pag hindi nakakapag-check ng e-mail. Di ko na kaya ang isa na namang dependence sa electronic gadget.
Ang totoo e useful sana ang mobile phone sa 'kin tuwing sinusumpong ako ng katangahan sa direksyon. Magagamit ko 'yon para makapagtanong sa mga kakilala, lalo na ngayon na mahirap nang maghanap ng payphone dahil hindi na nga ito uso. Pero hindi ako bumibili ng cellphone dahil di naman ako araw-araw naliligaw. Isa pa, ayoko na rin mamroblema ng cellcard kung ganitong Internet access card lang na pang-e-mail e namumulubi na 'ko.
Hanep sa marketing ang mga telecom companies. Minsan may nakita akong isang ad sa diyaryo: sandamakmak na tao ang may hawak na cellphone at lahat sila nakangiti. Habang tinitignan ko yung picture at binabasa yung ad, gusto ko na rin magkaroon ng cellphone...kasi pakiramdam ko e talagang ako na lang sa mundo ang wala pang ganito. Sabi ng girlfriend ko, effective daw yung ad kung gano'n. Gano'n na nga siguro.
Parang tamagotchi na rin na pambata't matanda ang cellphone ngayon. Parang yung Game & Watch dati. Parang Karaoke. Parang mini-4WD. Parang shawarma. Parang nata de coco. Parang lotto. Parang pearl shake. Uso. Trendy. Kapanahunan. Mainit.
Minsan nakakalibang panoorin ang mga patalastas sa TV: mga anak na nagpapakabait para lang maibili ng cellphone, mga taong masaya dahil meron silang hand-held game, mga teenager na naso-solve ang problema dahil sinasabi ng cellphone nila kung saan at ano ang magandang gimik, mga dalagitang tuwang-tuwa dahil kumakain ang virtual pet nila sa cellphone, at mga magbabarkadang libang na libang sa pagbabasa ng horoscope. Isama mo pa d'yan ang pagpapalitan ng mga mensaheng tulad ng: "MGA TAKSIL SA BAYAN! BITAYIN ANG 11 SENATORS."
Telepono ang cellphone. Lang. Pero hanga ako kung paano nito napapaikot ang mundo ng mga Pilipino. Kung paano mabaliw ang mga tao sa pagpapalit ng case/housing at pagpili ng pinaka-cool na ringtone. Isipin mo ang pala. Pala - SHOVEL. Gamt lang din 'yan. Gaano kaya nakakatawa kung mauuso yung pagpapalit ng handle nito?
Dalawang trabahador:
"Pare, palitan mo na yang neon-green na handle ng pala mo, meron nang mercury ngayon. Ganda!"
"Mercury? Pangit 'yon, nakakita na 'ko noon, mas maganda yung nakita kong Austin Powers na handle!"
Naaalala ko yung panahon na sarap na sarap ako sa pagpapalit ng wallpaper at screen saver ng computer ko...di ko napapansin na wala na akong ibang nagagawa. Di ko na nagagamit ang PC ko, ako na ang ginagamit n'ya.
Nanonood ka ba ng Star Rangers, Bioman, Fiveman, o Shaider dati? Oo, si Shaider, yung "Pulis Pangkalawakan"! Ganito ang karaniwang istorya ng mga palabas na 'to: may isang laruan, hayop, o pagkain na laging napagti-tripan ng mga bata, di nila alam na pakana pala 'yun ng kalaban para mapasailalim sila sa kapangyarihan n'ya. Gano'n. (Ika-cut ko na ang kwento dahil baka isara mo na 'tong libro pag itinuloy ko pa ang kwento ni Shaider!)
Hindi ko sinasabing lalabas na ang mga Pulis Pangkalawakan dahil gumagamit tayo ngayon ng cellphone. Pero...ilang krimen na ba ang nangyari dahil sa cellphone? Ilang teenager na ang malamang na nabitay ng mga magulang nila dahil nakawala sila ng cellphone? Ilang snatcher, smuggler, at holdaper na ba ang nabuhay dahil sa cellphone? Nakamagkano na bang cellcard ang maraming tao kakapadala ng mga mensaheng di-ko-lubos-maisip-kung-bakit-dapat-magdala-ng-gano'ng-mensahe?
Alam kong may pakinabang ang cellphone. 'Yun nga lang, mas maraming tao ang pinapakinabangan ng cellphone. At kailanman ay hindi ako magiging isa sa kanila. Hindi mo 'ko makikitang nakikiuso at gumagamit ng cellphone. Ayokong maya-maya ako iniistorbo ng kahit sinong tao, at ayokong nasasanay sa mga bagay na pwede namang wala sa buhay ko.
September, 2002
PLS TXT BCK IF U GOT MY MSG. TNX.
Panibagong deal. Isa na namang kaibigan ang nag-aalok sa akin ng cellphone. Nokia 3310. P2,500 lang. Ipinapabenta lang daw 'yon sa kanya ng isang kakilala na sugarol. Marami na raw naialok sa kanya yung taong 'yon. Sa isang pagkakataon, nabentahan pa s'ya nito ng binoculars, halagang P800...na tinawaran n'ya sa halagang isandaang piso. Hindi pumayag yung tao, masyado naman daw mura. Kaya nauwi sila sa P150. Masaya raw na umalis yung sugarol, pero bumalik din kinabukasan na may dala namang lampshade.
Ayon sa American Psychiatric Association, ang "compulsive gambling" o ang labis n pagkahumaling daw ng tao sa pagsusugal ay isang "disorder of impulse control," na ang ibig sabihin ay isa itong disorder sa...um, impluse...control. Ang nasabing sakit ay mapapansin sa mga malalarong natatalo at gustong makabawi; mga manlalarong nananalo at gusto pa lalong palakihin ang panalo, at mga manlalarong nakakuha ng winning combination sa lotto pero nakalimutang bumili ng ticket.
Ang mga sugalero ay sinasabing may "natatagong sakit." Dahil di tulad ng addiction sa alak, sigarilyo, droga, o Polymagma, ang pagiging sugarol ay hindi makikita sa blood test o maaamoy sa hininga. Pero meron pa ring mga palatandaan kung ikaw o ang mahal mo sa buhay ay unti-unti nang naaadik sa pagsusugal. Ito ay ang pagtakas sa problema sa pamamagitan ng pagsusugal, mga nasisirang relasyon, pagliban sa trabaho para makapagsugal, paghahabol sa perang naipatalo, budhing nakukonsensya dahil sa pagsusugal, pangungutang ng perang pantaya, madalas na pagsusugal, kawalan ng control sa halaga ng perang isinusugal o oras na itinatagal sa sugalan, at pagsisinungaling sa halaga ng perang natatalo o napapanalunan.
Meron ding 20 Questions ang Gamblers Anonymous na itinatanong sa mga bago nitong miyembro para malaman kung meron nga silang addiction sa sugal. Ang compulsive gambler ay kadalasang sumasagot ng "oo" sa pitong tanong o higit pa.
Nabawasan na ba ng oras mo sa trabaho dahil pagsusugal?
Nabawasan na ba ng pagsusugal ang saya sa sarili mong buhay?
Naapektuhan na ba ng pagsusugal ang reputasyon mo?
Hindi mo ba gusto ang pakiramdam matapos magsugal?
Nakapagsugal ka na ba sa paghahangad na makapagbayad ng utang?
Nabawasan na ba ng pagsusugal ang ambisyon mo o galing sa trabaho?
Matapos matalo, ginusto mo na bang bumalik kaagad sa sugalan para bumawi?
Matapos manalo, ginusto mo na bang lalo pang mapalago ang panalo?
Madalas ka na bang makipagpustahan hanggang sa huling piso?
Nagtipid ka na ba ng gastos para lang masustentuhan ang pagsusugal?
Nangutang ka na ba para lang may maipantaya?
Meron ka na bang naibentang gamit para lang may maipambayad?
Nakagawa ka na ba, o nagbalak gumawa, ng ilegal para masustentuhan ang pagsusugal?
Naisantabi mo na ba ang kalagayan ng sarili mo at pamilya dahil sa pagsusugal?
Nagsugal ka na ba nang matagal kesa sa balak mo?
Nagsugal ka na ba para lang takasan ang problema?
Naapektuhan na ba ng pagsusugal ang maayos na tulog mo sa gabi?
Nagnasa ka na bang magsugal pagkatapos ng panghihinayang, pagkasira ng loob, o pakikipagsagutan sa ibang tao?
Nagnasa ka na bang magsugal bilang pagsasaya dahil sa anumang magandang pangyayari?
Nakapag-isip ka na bang saktan o gawan ng hindi maganda ang sarili dahil sa pagsusugal?
Ayos sa Better Health Channel, sa tuwing nagsusugal ka ay isinusugal mo rin ang bubong sa ulunan ng mga anak mo, ang pera na may mahalagang bagay na pinaglalaanan, ang saya sa pamilya mo, ang mga bagay na pinaghirapan mong ipundar, ang tiwala ng mga magulang mo, ang sarili mong kakayanan, ang respeto ng mga kaibigan mo, at ang damdamin ng mga mahal mo sa buhay. Kaya makabubuti kung hahanapan kaagad ng lunas ang nasabing problema. Gano'n pa man, hindi lahat ay gusto o kayang magbago, sa simpleng kadahilanan na hindi nila alam ang kabutihang dulot nito. Pero sabi ng The Northern Rivers Gambling Service, ang kagandahan ng pagbabago ay ang mismong resulta nito: Magiging ikaw ang taong gusto mong maging - taong walang problema sa pagsusugal. Magkakaroon ka ng oras sa sarili para sa mga mas makabuluhang bagay. Manantili sa 'yo ang pera mo, dahilan para mabawasan ang mga utang o umasenso. Maghihilom ang mga sugat, mabubuo ang mga nasirang relasyon, at makakapanood ka na ulit ng mga Mexican telenovela sa TV.
Pero hindi rin tamang isiping magiging madali ang pagbabago. Dahil makakapagbago ka lang kung kaya mo nang aminin na hindi mo mapagkakatiwalaan ang sarili mong pag-iisip, dahil ito rin ang nagtulak sa 'yo sa bisyo. Darating lang ang pagbabago kung pagod at sawang-sawa ka na sa kawalan ng control, at handa ka nang harapin at pasinungalingan ang boses na nagsasabi sa 'yong, "Hindi mo kaya!" At mangyayari lang lahat ito sa panahon na gusto mo na talagang magbago - hindi para kanino man o kung sa anumang dahilan, kundi tanging para sa sarili mo.
Dito pumapasok ang halaga ng support group, o grupo ng mga taong tulad mo na nagsasama-sama para iwanan ang bisyo. Narito ang mga paraan na iminumungkahi ng Gamblers Anonymous, isang support group, para maiwasan mo ang pagnanasang makapagsugal:
Alamin kung anon mga pangyayari sa araw-araw ang nagtutulak sa 'yong magsugal. Iwasan ang mga ito, at umisip ng ibang paraan kung paano mahaharap ang problema. Huwag tumingin sa anumang bagay na makakapagpaalala sa pustahan; tulad ng lottery tickets, dividendazo, sports o stock market section ng mga diyaryo, o patalastas ng mga casino o iba pang sugal. Iwasan makipagkwentuhan ng tungkol dito. Iwasan ang mga taong lulong sa bisyo. Huwag pumunta sa mga lugar kung saan maaaring makapagsugal, pati sa Internet. Magdala lang ng pera na kailangan para sa buong araw. Hangga't maaari, ipadiretso ang sweldo sa banko o kumuha ng taong mapagkakatiwalaan sa pera. Sirain ang mga credit at ATM cards - o anumang makapagbibigay pa ng sobrang cash. Kumuha ng bank account na mangangailangan ng pirma ng dalawang tao bago makapag-withdraw. Magbago ng ugali. Ang katamaran, galit, maling awa sa sarili, at kakulangan ng pasensya ang nagpapabalik sa mga tao sa bisyo. Ang pagpapalit sa mga pangit na kinagawian ay mahalaga para sa pangmatagalang pag-iwas sa sugal. Palusugin ang katawan. Tandaan na ang magandang pangangatawan ay magdudulot rin ng magandang pag-iisip.
Narito rin ang ilang paraan na maaaring gawin kung sakaling nararamdaman mo sa sarili ang malakas na pagnanasa para makapagsugal:
Pakiramdaman maigi ang sarili, at sabihing: "Sa ngayon ay nagnanasa akong magsugal. Gusto kong magsugal. PERO HINDI AKO MAGSUSUGAL DAHIL HINDI KO NA ITO GINAGAWA."
Aminin ang katotohanan na hindi ka makakapagsugal nang ligtas. Huwag magpaloko sa sarili na makakaya mong tumigil sa tamang oras.
Isipin ang kahahantungan ng pera na magagamit mong pantaya. Isipin ang posibilidad ng pagkatalo. Alalahanin ang maraming pagkakataon na natalo ka. Isiping madadagdag lang ang kasalukuyan mong pantaya sa mga perang naipatalo mo na sa nakaraan. Aminin na wala ring nangyayari sa panalo mo dahil itinataya mo lang ulit ito hanggang sa maubos.
Kung malakas pa rin ang pagnanasa, patuloy na kausapin ang sarili: "Sige, magsusugal ako pagkalipas ng sampung minuto." Maghintay ng sampung minuto. Kung nandoon pa rin ang pagnanasang magsugal, sabihin ulit sa sarili: "Sige, magsusugal ako matapos ang isa pang sampung minuto." Maghanap ng ibang pagkakaabalahan sa loob ng sampung minuto. Ulit-ulitin ito hanggang sa mawala na ang pagnanasang magsugal.
Pumunta sa isang tahimik na lugar at ipikit ang mata. Isipin mong ang pagnanasa mo ay isang bagay na nahahawakan, tapos ay isipin mong unti-unti itong nadudurog.
Isuko sa kinikilala mong Diyos ang pagnanasa mong makapagsugal.
Tawagan sa telepono ang taong mapagkakatiwalaan mo. Sabihin sa kanya ang tungkol sa kagustuhan mong makapagsugal.
Kalimutan ang sarili. Humanap ng ibang taoong matutulungan.
Makipagkita sa kaibigan. Iwanan sa bahay ang anumang pera o bagay na magagamit sa pagsusugal.
Desisyunan kung paano mo gagamitin ang sobra mong oras kapalit ng pagsusugal.
Magdesisyon na hindi ka magsusugal KAHIT SA ARAW LANG NA ITO!
Isipin mongkaya mo, lahat ng baS™óAiN>Ï'],!Xh?4? ?-\?'ü£Ã o'?sÁ I?OTA?» Q??NJ¿?ÉZ~'¯b, cNfLßxãA]CD„?œ¢m? ߶e3» ?NÁ~9ï';?-8á,ëáä?m‰/;I £,ü£Ã NO,"óAiN>ÏJO U....
[GAME OVER, INSERT COIN TO CONTINUE.]
Para sa ikatatahimik ng kaluluwa ng mga taong inip na inip na sa kwento, eto ang mga pangyayari.
Oo, inaamin ko. Ako nga yung taong nakita n'yo sa TV. [Sabay-sabay mabibigla ang lahat!] Nag-umpisa ang istorya dahil sa pamangkin kong ipinanganak sa mundo para gawin akong miserable. Nanonood ako noon at sumasagot ng mga tanong sa isang TV game show nang hamunin ako ng pamilya na sumali sa studio sa halip na sagot lang nang sagot sa harap ng telebisyon. Pero dahil magaling akong lumusot, nangatwiran akong wala namang direct dial ang telepono namin kaya hindi ako makakasali. Ang hindi ko nga lang alam noon e nandoon pala ang pamangkin kong 24 hours on alert para ipahiya ako. At tulad ng pagmamahal na ipinapakita ng pusa sa daga, humirit s'ya ng, "Meron tayong direct dial...PUSTAHAN?" At doon na nga napasubo ang tiyuhin na walang swerte sa sugal.
Isang dial lang ang ginawa ko noon, subok lang, tama lang na malaman na meron nga kaming direct dial. Kaya laking gulat ko nang makatanggap ako ng isang tawag sa telepono na nagsasabing kailangan ko raw pumunta sa Viva office para sa audition. Audition - 'alangya! - di ko lubos maisip na isang beses sa buhay ko ay lalabas ako ng bahay para sa isang "audition." Pero talaga yatang bored ako nung mga panahon na 'yon kaya lumusob pa rin ako kahit na medyo "showbiz" ang lakad.
Ayos naman ang kinalabasan ng "audition." Parang elimination round lang pala. Akala ko pa man din pakakantahin kami, nagdala pa 'ko ng minus one ni L.A. Lopez. Pero okay lang dahil nakapasok naman akong studio contestant.
Isang linggo bago ang taping ng show, hindi pa rin ako sigurado kung alam ko nga ang ginagawa ko. Pupusta ang mga kakilala ko na una mo pang maaahitan ng balbas si Osama Bin Laden bago mo ako mapanood sa TV. Pero hindi ko na rin nagawang umatras dahil alam kong habang-buhay kong maririnig ang ibabansag sa aking "Chicken!" ng sarili kong pamilya, kaibigan, at maging ng mga alaga kong manok at sisiw.
Dumating ang bisperas ng laro, kinailangang mag-check-in sa hotel. Nagbaon ako ng ilang babasahin para makapag-"review" kasabay ng magiging roommate ko. Pero masaya talaga ang buhay dahil ang naabutan ko sa kwarto ay isang taong abalang-abala sa pagkain ng monay, at sa cable TV na dinig sa Bicol ang ingay. Anak ng bahaw, 'very conducive'! Tapos na pala ang taping ni roommate kaya relaks na lang s'ya. Samantalang ako naman e sinisikmura. Hindi kasi ako naghapunan bago umalis ng bahay dahil 'free' naman daw ang 'dinner' sa hotel. Malay ko bang ang 'free' na 'yon ay nangangahulugang bibigyan lang pala kami ng 100 pesos pambili ng snack sa 7-11. Sa ganoong pagkakataon, dalawang bagay na lang ang nasa isip ko: piliting matulog o maglaslas ng pulso.
Kinabukasan ay maaga namang nag-checkout si roommate, nasagot ang panalangin ko. Nagkaroon ako ng pagkakataon para tumambling at tumalon-talon sa malambot na kama habang inaabot ang ceiling. The best!!! Kasunod noon ang isa pang magandang parte ng show - ang almusal! Eto, totoong chow. Buffet meal sa hotel café. From tapsilog to croissant, lahat ng pwedeng kainin sa almusal, andoon, bukod nga lang sa nilagang camote at tirang ulam noong nagdaang gabi. 500 pesos yata ang budget para sa eat-all-you-can breakfast na 'yon, kaya hindi ko lubos maisip kung bakit champorado lang ang napiling kainin nung isang contestant. At nga pala, pinagbawalan din kaming makipag-usap sa mga kapwa manlalaro habang kumakain, pero mga isang oras na yata akong nakikipagkwentuhan sa mga ka-table ko nung malaman ko 'yon, at napag-usapan na namin lahat pati ang mga medical history nila.
Dumating ang oras ng katotohanan. Checkout na namin at pupunta na kaming studio. Binigyan kami ng last minute instructions, at nagbunutan na ng number para sa magiging posisyon namin sa stage.
Ayos naman ang studio, maganda, parang spaceship. Sikreto akong napa-'Wow!' kahit na alam kong sa loob ng ilang oras ay ang studio ring 'yon ang magiging arena na lalabasan ng mga leon na lalapa sa amin. Maya-maya pa e dumating ang staff at production assistants, hinainan na naman kami ng pagkain, at namigay ng give-aways. Kasinungalingan ang sinasabing "You go home with nothing." dahil ang totoo e meron kang mug, ballpen, bag, at t-shirt. Bago ang taping, binusisi rin muna nila ang suot namin. May mga damit pala na hindi basta-basta pwede sa set. Halimbawa, bawal ang itim at dark blue dahil magmumukhang invisible ang katawan mo at ang lulutang lang ay ang mga kamay at 'pugot' mong ulo. Bawal ang checkered dahil magsasayaw ang mga linya nito sa ilaw ng studio. At bukod sa lahat, bawal ang mga polong tulad ng sinuot ko dahil si Tony Ferrer lang daw ang pwedeng gumamit noon. Kaya pinahiram na lang nila ako ng polo na pinaglumaan yata ni Victor Wood.
Kasunod noon ay ang make-up. 'Yun ang kauna-unahang pagkakataon sa buoong buhay ko na naramdaman kong para akong ibuburol na bangkay. Ipinagbilin ko sa make-up artist na gusto ko yung "parang natutulog lang." Sinunod naman n'ya, kasabay ang pag-i-spray ng pampatigas sa buhok ko...na mabilis kong ginulo ulit pagkatalikod n'ya.
Pagdating sa set, isa lang ang nasa isip ko: ANO ANG GINAGAWA KO DITO? Santambak ang ilaw at tao, may direktor at camera, at kaharap ko si Edu Manzano (na mas japorms lang sa akin nang bahagya dahil hindi polo ni Victor Wood ang suot n'ya)...Nasaan ako? Bukod sa crew, wala naman talagang "studio audience" ang show. Pero hindi ko pa rin maiwasang manibago sa kapaligiran ko. Hindi pa kasi ako nakapanood ng shooting ng kahit anong pelikula, o naging studio audience sa kahit anong variety show. Pinaka-showbiz ko na yatang experience yung nakapanood ako ng naghu-hula-hoop na poodle sa isang perya.
Ganoon pala ang taping ng isang show. Masyadong mabusisi. Puro 'cut' at paulit-ulit na kinukuhanan ang mga eksenang hindi perpekto. Ang isang oras na palabas sa TV e katumbas ng apat na oras ng madugong taping. Tuwing break ay binibigyan kami ng upuan at bottled water, kasabay ng pagta-'touch-up' ng make-up artist. At kasabay din ng pagta-touch up na 'yon ang sermon n'ya sa akin: "Sinuklay ko na mga ang bangs mo pataas para makita ang pogi mong mukha, ibinaba mo na naman!" Pero tandaan mo na hindi n'ya sinabing 'pogi' ako. Ang 'pogi' sa pangungusap n'ya ay tulad din ng 'pogi' sa pangungusap na: "Pogi, pabili ngang fishball!" Bukod doon ay hindi rin nakakatuwa na bawat tatlong segundo ay winawalisan n'ya ang mukha mo ng brush na may kinulayang alikabok. Pero wala kang magagawa dahil trabaho n'ya na ipaalam sa mga manonood na tao at hindi higanteng camote ang mga nakikita nila sa TV. Isa pa, walang-wala e...ganoon lang talaga ang buhay naming mga artista!
THE END.
(Tapos na sana ang kwento. Pero ibinalik sa akin ng editor ang manuscript at sinabing ikwento ko raw ang kumpletong detalye ng pagkakatalo ko sa contest, at kung hindi e s'ya ang magkukwento nito...kasabay na rin ang tungkol naman sa pagkakatalo ko sa Laban o Bawi.)
DISCLAIMERS: Una, gusto kong liwanagin na sa audition ay hindi ako sumagot ng mali kahit isang beses! Strongest Link ako sa lahat ng rounds. Pangalawa, kung nag-"pass" man ako sa actual game, 'yun e dahil mahihirap lahat ang tanong sa akin: "Anong 'A' ang tumatahol?", "Ilan ang isang dosena?", " Anong paste ang inilalagay sa toothbrush?" Parang IQ test lang ng mga kalamay ang questions, pero pagdating sa akin: "Ano ang yahoogroups password ni Queen Elizabeth?" Pangatlo, hindi ako 'sinipa' ng mga kasama ko. Nagkataon lang na takot sa akin yung strongest link, kaya nilaglag ako ng makapangyarihan n'yang boto. At hindi lang 'yan, marami pa 'kong disclaimer, maraming-marami pa, nakalimutan ko lang...pero sasabihin ko next time pag naalala ko...at iisip pa 'ko ng iba!
Ang sarap ng pakiramdam nang sabihan akong "You are the weakest link!" Titiradurin ko sana si Edu Manzano sa pagitan ng mga mata, pero naalala kong game show lang pala 'yon...at hindi ko rin nadala yung tirador ko. Andaming naglaro sa isip ko kaya hindi kaagad ako nakaalis sa stage. Muntik na ngang tawagin ng direktor yung security guard. Sayang, pangarap ko pa naman sanang ibili ng kalahating kilong ubas ang nanay ko kung nakuha ko lang ang pot money. Masaklap talaga. Minsan sadyang mapagbiro ang tadhana. Sa sobrang pagbibiro nga ng tadhana e nakuha pa 'ko ulit i-touch up nito.
Ako: Ah, ma'am...tapos na ho...tanggal na ho ako!
Make-up artist: HINDI PA! May interview pa!
Pagdating sa maliit na kwarto kung saan ginagawa ang sour-graping speech, tinuruan ako ng isang babae kung paano sumagot sa interview. Para sa ikagaganda at ikadadali ng gagawin nilang pag-e-edit, dapat daw e kumpleto ang pagsagot mo sa mga itinatanong sa 'yo. Halimbawa, pag tinanong kang: "Ano ang pakiramdam mo ngayong sinipa ka ng mga kasama mo?" Hindi pwedeng sumagot ng: "Ima-massacre ko sila mamaya pag-uwi!" Dapat kumpleto ang sagot mo, ganito: "Dahil sinipa ako ng mga kasama ko, ima-massacre ko sila mamaya pag-uwi. Buburahin ko sa Pilipinas ang apelyido nila, at hindi na sila ulit magkakaroon ng panibagong henerasyon." Ganoon. Kumpleto. Naintindihan ko ang gusto nilang palabasin, pero dahil talented ako at hindi ako marunong sumunod sa simpleng instruction, napanot yata yung crew dahil sa dami ng outtakes ko. Bukod d'yan, medyo ayaw din nila yung mga positibong sagot sa mga tanong. Gusto nila yung para kang WWF wrestler na naghahamon ng away sa VTR.
Interviewer: Ano ang masasabi mo sa pagkakatanggal sa 'yo sa laro?
Ako: Nasiyahan naman ako sa laro, kaya lang medyo nabitin.
Interviewer: Hindi mo ba naisip na nakakahiya at hindi ka na lang dapat sumali?
Ako: Laro ito, alam kong may posibilidad na matalo ako, pero nagpunta lang naman ako dito para maglaro...at nagawa ko 'yun. Hehe.
Interviewer: Sa tingin mo hindi ka ba pinagkaisahan?
Ako: Hindi naman yata ako pinagkaisahan dahil ilan lang ang bumoto sa akin.
Interviewer: Hindi ka ba naiinis sa bumot sa 'yo?
Ako: Hin - umm...
Interviewer: Sa tingin mo ba hindi nila 'yon pinag-usapan nung isa pang bumoto sa'yo?
Ako: Ummmmmmm...
Interviewer: Pinagkaisahan ka nung dalawang kumag, hindi mo ba alam 'yon???
Ako: TAMA NA!!! ALAM KO 'YON. IMA-MASSACRE KO SILA MAMAYA PAG-UWI. BUBURAHIN KO SA PILIPINAS ANG APELYIDO NILA, AT HINDI NA SILA ULIT MAGKAKAROON NG PANIBAGONG HENERASYON. GROWWWR!!! GROWWWWRRRRRRRR!!!!!!!!!!!!!!!
Interviewer: <*joyful*>
< ' > Andyan ka pa ba?
<.- -.> Problema?
< ' > Sino yung mga 'yon?
<.- -.> Mga kaluluwang tulad mo.
<.- -.> Di ba dumaan ka rin sa interview?
< ' > Oo, pero hindi yata s'ya ang nag-interview sa akin.
< ' > Masungit e.
<.- -.> Yung kanina? Hindi naman talaga s'ya officer dito e. Trainee lang 'yon, demonyong humihingi ng amnesty.
<.- -.> Marami ditong impostor. Kaya ikaw, mag-iingat ka!
< ' >..
< ' > Ikaw ba ang Diyos?
<.- -.> Hindi pa ba tayo tapos diyan?
< ' > Gusto kong malaman kung bakit may paghihirap sa mundo.
< ' > Kung totoo ka - o ang Diyos - bakit wala kang ginagawa para tulungan ang mga tao?
< ' > Bakit gustong-gusto mong naghihirap ang mga nilikha mo??
<.- -.> Stoplight ba 'ko para sisihin sa mga traffic n'yo? Hindi ako tigyawat, kabag, dengue, pigsa, bulutong-tubig, cholera, galis, singaw, balakubak, pagtatae, tulok, almoranas, alipunga, impatso, tigdas, rayuma, balisawsaw, tetano, luga, kulani, baktol, pulmonya, mantsa sa damit, o maingay na kapitbahay...
<.- -.> Sabihin mo, anong pagpapahirap ang ginawa ko sa inyo?
< ' > ...
< ' > Bakit mo ginawa 'yon?
<.- -.> Ang alin?
< ' > BAKIT MO GINAWA 'YON???
<.- -.> Ikaw ang gumawa noon sa sarili mo, hindi ako.
< ' > Hindi ko gagawin 'yon kung hindi mo 'ko binigyan ng dahilan!
<.- -.> Sinisisi mo ba ako?
< ' > OO!
<.- -.> Pero hindi ka naman naniniwala sa akin, di ba?
<.- -.> Wala kang Diyos.
<.- -.> Bakit mo isisisi ang isang bagay sa wala?
< ' > Bakit mo 'ko pinahirapan ng ganoon?
<.- -.> Ako? Nagpahirap???
< ' > At pagkatapos ng lahat, ikaw pa ang sinasabing huhukom sa mga tao?
<.- -.> Sandali, lilinawin ko lang - ako ang nasa ilalim ng inyong paghuhukom. Araw-araw.
<.- -.> Kahit ngayon...hindi ba ikaw ang nagpapasya kung sino ako at kung ano ang mga pagkukulang ko sa 'yo?
< ' > Pero kaya mo kaming hindi pahirapan kung gusto mo.
<.- -.> At kinikilala mo ba ang kakayanang 'yon?
< ' > Patuloy mo kaming pinaghihirap...
< ' > Binigyan mo 'ko ng suliraning hindi ko kaya...kabaliktaran ng mga pangako mo!
<.- -.> Paghihirap?
<.- -.> Nagpawis ka na ba ng dugo?
<.- -.> Naduraan ka na ba sa mukha at nasuntok habang nakapiring ang mga mata?
<.- -.> Naigapos ka na ba sa poste at paulit-ulit na nahagupit ng latigo na may mga bakal sa dulo?
<.- -.> Napunit na ba ang mga kalamnan mo na parang mga retaso?
<.- -.> Nalublob ka na ba sa sarili mong dugo?
<.- -.> Naputungan ka na ba ng tinik sa ulo?
<.- -.> Napagtawanan ka na ba habang insultong sinusuotan ng kapa?
<.- -.> Hindi pa yata.
<.- -.> Namumuo at natutuyo na noon ang dugo ko sa mga natamong sugat...nakakapit na ang tela ng kapa sa kalamnan ko...nang bigla itong hatakin sa akin, dahilan upang muling dumagsa ang mga dugo. Naranasan mo na ba ito?
<.- -.> Hindi pa yata.
<.- -.> Hindi pa nasasayaran ng mabigat na krus ang magkabila mong braso, patungo sa anim na raan at limampung yardang paglalakbay nang nakayapak.
<.- -.> Hindi pa, di ba?
<.- -.> Hini ka pa rin naipako sa krus, kasama ng mga kriminal.
< ' > Hindi ko hiningi 'yan.
<.- -.> Dahil nasa iyo na.
< ' > Ang alin? Sino ang naligtas? Sino ang guminhawa ang buhay? Gaano gumanda ang mundo dahil sa sakripisyo mo? Bakit may giyera pa rin, sakit, gutom, at krimen?
<.- -.> At acid rain? At anorexia, church scandals, drug addiction, sexual harassment, ethnic cleansing, nerve gas, AIDS, cryogenics, kidnap for ransom, vandalism, murder, ozone hole, robbery, pornography, capital punishment, terrorism, rape, Chernobyl, test tube baby, genocide, fraud, mga sanggol na may HIV...at suicide?
<.- -.> Bakit nga ba?
<.- -.> Bakit kailangan ng mundo ng mga sundalo at pulis?
<.- -.> Naisip mo na ba?
<.- -.> Higit siyam na bilyon na ang tao ngayon sa lupa.
<.- -.> Nang iniwan mo ito, 300,000 ang isinisilang na sanggol araw-araw.
<.- -.> Higit sa kalahati ng pandaigdigang populasyon ang kumikita ng mas maliit sa isandaang piso bawat araw. Dalawang-daang milyon ang alipin, kalahati nito ay mga bata.
<.- -.> Mas maliit lang dito nang bahagya ang bilang ng mga lulong sa ipinagbabawal na gamot. At oo nga pala, nagkakahalaga ng mga apat ng raang bilyong dolyar ang nasabing kalakal.
<.- -.> Higit kalahating milyon ang mga batang sundalo sa buong mundo, mga labinlima hanggang labing-walong taong gulang. Meron ding mga pitong taong gulang lang. Tatlong-daang libo sa kanila ang nasa giyera.
<.- -.> Higit sa isandaang milyon ang aktibong lang mine sa buong mundo, doble pa nito ang nakahandang gamitin. Kulang pa ang tatlumpong bilyong dolyares at isandaang taon para maalis ito lahat. Higit isang milyong tao na ang namamatay o paralisado dahil dito.
<.- -.> Ang pinsalang natamo ng mundo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay umaabot sa isa at kalahating trilyon, pinakamahal kumpara sa pinagsama-samang pinsala na natamo sa lahat ng giyera sa kasaysayan. Higit limapu't-anim na milyong tao ang nasawi.
<.- -.> Simula noon ay may higit dalawampung milyon na ulit ang namamatay dahil sa hiwa-hiwalay na giyera sa buong mundo.
<.- -.> Ang giyera ay negosyong masipag n'yong sinusuportahan sa halagang walong-daang bilyon bawat taon.
<.- -.> Umaabot sa isandaan at pitumpong milyong mamamayan na ang binaril, binugbog, pinahirapan, sinaksak, sinunog, ginutom, binomba, pinagyelo, inipit, nilunod, binitay, pinagtrabaho hanggang kamatayan, at inilibing nang buhay ng mga sarili nilang gobyerno.
<.- -.> Ano pa ang gusto mong malaman?
TULS
Bareel Man. Nabanggit ito sa "Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino?" pero aaminin ko na kung hindi dahil sa article na 'yon (na hindi ako ang nagsulat) ay hindi ko malalaman kung ano ang ginagawa ng nasabing Indian.
Maraming beses ko nang nakita sa Maynila ang Barrel Man. Sa mga dashboard ng jeep at sa mga barberya. Pero ngayon ko lang nalaman na dito pala sa Baguio isinisilang ang bawat Barrel Man. At nakita ko na rin ang nasa loob ng barrel.
(Para sa mga kahapon lang ipinanganak, ang Barrel Man ay isang maliit na woodcarved Red Indian na nasa loob ng isang barrel. Pag itinaas mo ang barrel ay makikita mo ang uugoy-ugoy nitong - oops, spoiler!)
Kagila-gilalas! Bakit hindi nabigyan ng Nobel Peace Prize ang taong nakaimbento ng Barrel Man??? Pero alam mo ba na dito sa Baguio, higit sa sikat sa Barrel Man ay ang mga nililok na...um, ari ng lalake? (Sa puntong ito ay tatawagin na lang nating ANL ang nasabing bagay para sa kapakanan ng mga sobrang bata at sobrang matanda kong mambabasa...at para na rin siguro hindi ako i-ekskomunikado ng Simbahang Katoliko lalo pa't required reading yata sa ilang eskwelahang Katoliko ang mga libro ko.)
Kahit saan dito sa Baguio may nililok na ANL. Naka-display sa mga bangketa, katabi ng mga wood carvings ng Sto. Niño at belen. Sa ibang shop nga e nasa harap pa ng Last Supper ang mga ANL. Walang kaalam-alam ang mga apostoles kung ano ang tumatabing sa kanila.
Hindi ko alam kung anong tuwa ang makukuha ng sinuman sa pagdedekorasyon ng ANL sa bahay nila. Hahangaan ba s'ya ng mga bisita? "Wow! Aling Bebang, saan n'yo nabili itong ANL ninyo sa ibabaw ng TV? Ang yaman n'yo talaga!" Ano kaya ang pumasok sa ulo ng manlililok nang gawin n'ya yon? "...Ngayong aray ay gagawa ako ng...hmmm...ng ANL!!!" Napagtripan ko pa nga minsan ang isang tindera. Itinuro ko ang mga paninda n'yang ANL at itinanong: "Miss, may bumibili ba nito?" Akala ko magba-blush yung dalaga, pero ako ang napahiya dahil hindi s'ya tumawa: "Marami." Sanay na s'ya sa mga tinday n'ya. At sa mga tulad ko.
Minsan maiisip mo, ano ba ang mensahe sa likod ng simbolong ito? Ewan ko sa mga restrooms ng babae, pero sa mga lalake, hindi kumpleo ang ihian kung walang vandal ng ANL. Tipong: "Iihi ako...oops, walang vandal ng ANL! Kailangan kong drowingan ito ngayon din!!!"
May mga taong tuwing nakakakita ng espasyo ay nagdo-drawing ng ANL. Halimbawa sa eskwelahan, may mga estudyanteng parang may sinumpang katungkulan na mag-vandal sa mga desk. Mahalagang maipaalam nila sa lahat ang itsura ng ANL. Kahit na wala namang teacher na nagturo sa Kindergarten ng "Okay class, ngayong araw ay guguhit tayo at magkukulay ng mga ANL!"
Para sa kalalakihan, hindi dapat hayaang walang laman ang mga pader. Dapat itong maging instrumento sa pagpapakalap ng impormasyon ukol sa itsura ng mga kasangkapang nagpapalaki ng populasyon. Tandaan: Hindi dapat mawala ang ANL tuwing may vandal. Pag may nagsulat sa mga tulay ng "IBAGSAK ANG GOBYERNONG IMPERIALISTA!" hindi dapat mawala ang ANL. Pag may "I lab You, jennifer" sa isang pader, dapat din itong dagdagan ng ANL. Ang mga desk, restroom, pader, ilalim ng tulay, upuan ng bus, at maging ang mga papel na pera - ang lahat ng ito ay walang kabuluhan kung walang magdo-drawing sa kanila ng ANL. Tandaan mo 'yan bilang personal at sagradong responsibilidad sa sangkatauhan!
Kung sa malalalim na tula naipapahayag ng kababaihan ang mga saloobin nila, sa mga lalake'y isang simbolo lang ang katapat. Pero kailangang iguhit nang paulit-ulit ang itsura nito para hindi makalimutan.
Sino nga kaya sa kasaysayan ng mundo ang kauna-unagang nag-drawing ng ANL sa pader? May nag-vandal na rin kaya sa buwan? Sa Great Barrier Reef? Sa North Pole? Sa Pope Mobile? Sino ang nag-vandal sa sinasandalan kong pader ngayon at bakit n'ya kaya ito idinedikeyt kay "DICK SUPOT"?
PAMPATIGAS!
Nakakita ka na ba ng ganyang patalastas?
Sabi nila, necessity is the mother of invention. Kaya naimbento ang telepono ay dahil may mga magkakalayong tao at kailangang magkausap. Kaya may electric fan ay dahil may mga estudyanteng naglalaba at nagpapatuyo ng medyas sampung minuto bago pumasok sa eskwelahan. Kaya may telebisyon ay dahil kailangan ng mga pusa ng mainit na bagay na mahihigaan. At kaya may personal computer ay dahil sa marami ang may pambili nito. Necessity is the mother of invention. Pero kung pagbabatayan ang mga patalastas sa diyaryo, mapapansin mong medyo dumarami na yata ngayon masyado ang "necessity" ng tao.
"VIRGINITY RESTORATION."
Binasa ko ulit. Pero hindi nagbago ang nakasulat.
"VIRGINITY RESTORATION."
Ahhh! Naisip ko. Conservative nga pala ang mga Pilipino. Baka importante ito sa mga babaeng gustong magpakasal pag virgin NA sila. Pwede! Rating: Necessity.
"ANTI-AGING BODY SCRUB / ANTI-TOXIN / EXFOLITE / WHITENS SKIN WITH BATHMILK IN BATHTUB 2 HRS. WITH COMPLETE BODY MASSAGE, FREE ANTI-AGING FACIAL." Dito makikita natin ang pangangailangan ng tao na itago ang kanyang edad. Tipong kung singkwenta anyos na s'ya, dapat e mukha lang s'yang musmos na nag-aaral maglakad. Rating: Necessity.
"BODY / WHITENING SCRUB FOR FLAWLESS SKIN." Pampaputi. Syempre importante 'yan. Maski ako, gusto ko sa babae yung kulay nitso. Rating: Necessity.
"BODY PEELING / BLEACHING / STRETCHMARK, DARKSPOT, ACNE SCAR, PIMPLE, WRINKLE, PIGMENTATION, PAINLESS WARTS REMOVAL." Eto, matindi! Body peeling. Talagang babalatan ka na para magmukha kang sanggol. Rating: Necessity. Pero dapat bunutin na rin nila lahat ang ngipin ng pasyente para realistic.
"ANTI-AGING SOAP / ANTI-AGING TABLET." Totoong marami ang ayaw tumanda. Necessity nga 'to. Pero ba't hindi na lang sila uminom ng muriatic acid kung ayaw talaga nilang tumanda.
"ANTI-OBESITY SET, LOSE WEIGHT THE NATURAL WAY." Isa na namang "anti-." Rating: Necessity. Ayoko nga lang isipin kung paano ka nila papapayatin. Kasi kung sa "natural way," baka bigyan ka lang nila ng sakit na TB.
"RADIANT SKIN THERAPHY. A UNIQUE METHOD WHICH ASSURES FLAWLESS SKIN." Patay sila d'yan - RADIANT! Iilaw ang balat mo pag pumasok ka ng sinehan. Hindi na rin kailangan ng flashlight pag brownout. Rating: Necessity.
"BREAST IMPLANT / INJECTION / BUTTOCK INJECTION, LIPOSUCTION, ADAM'S APPLE REMOVAL." Medyo hardcore na 'to, pero necessity pa rin, syempre! Tip ko lang sa mga kalalakihan: Huwag basta-basta magti-tiwala sa mga babaeng nagpapatanggal ng adam's apple.
"BUST CREAM / VIRGINITY SOAP." Walangyanghanepashit - Virginity soap?!? Tipong pag nagluko ang anak mong dalaga: "Huh? Kanino ka nakipagtalik?!? Heto, maligo ka at gamitin mo ang virginity soap bago ka ma-tsismis ng mga kapitbahay!" Kaya ang Rating: Sobrang Necessity.
"APPETITE CONTROLLER." Gusto ko ang pangalan nito - "controller." Hindi kaya busal 'to? Rating: Necessity.
"ARMPIT WHITENER." Wala talagang patawad, pati kilikili. Pero tama lang din siguro, pangit nga naman sa babae ang may maitim na sikreto. Rating: Necessity.
"BLEACHING BATH MILK LOTION / SCRUB / POWDER / U.S. 1 WK RESULT." Ayos 'to! Isang linggo lang, mukha ka nang ibinabad sa mamahaling detergent powder! Isama mo na rin ang mga uniform ng anak mo para tipid! Rating: Necessity.
"BUST CREAM / NIPPLE CREAM / LIP CHANGE." Necessity. Pero sana packaged deal na 'to sa mga hospital pagkapanganak sa mga bata. Itatanong na lang ng doktor: "Misis, good na ho ba kayo sa labi ng anak n'yo o gusto n'yo pang papalitan? 350 pesos lang kung kukuha kayo ngayon, libre na ang installation."
"ADULT TOYS FOR MEN AND WOMEN / VIBRATOR / STIMULATOR / STRAP-ON VIBRATOR / ENLARGER, REAL VAGINA, SEX RING, LOVE DOLL, DELAY SPRAY LUBE." Time out! Briefing muna. Kung menor de edad ka at umabot ka sa parte na ito ng libro, ngayon din ay pinapayuhan kitang itapon ito sa apoy, at tumakbo ka sa pinakamalapit na simbahan upang mangumpisal. Kung ayaw mo, o kung hindi ka Katoliko, wala akong magagawa. Pwede kang magpatuloy sa pagbabasa basta't takpan mo lang ang isang mata mo para hindi ka gaanong magkasala.
Back to regular programming...
"ADULT TOYS FOR MEN AND WOMEN / VIBRATOR / STIMULATOR / STRAP-ON VIBRATOR / ENLARGER, REAL VAGINA, SEX RING, LOVE DOLL, DELAY SPRAY LUBE." Isaisantabi muna natin ang paghuhusga kung "necessity" nga ang mga nabanggit. Dahil sa puntong ito, gusto ko muna yatang alamin kung anong klaseng produkto ang "Real Vagina." Hindi ako makakatulog mamayang gabi hangga't hindi ko lubos na nauunawaan kung ano ang "Real Vagina." Dahil kung tama ang iniisip ko, at kung may ganito ngang produkto, sa tingin ko e iilan na lang sa mga kalalakihan ang magpapatali sa sakramento ng kasal. Kaya ang tanong ng bayan: Anong klaseng produkto ang "Real Vagina"?
At ano ang adult toys? Kung merong Kiddie Meals, magkakaroon din kaya ng Adult Meals? May libre din kayang collectible adult toys ang bawat Adult Meal? Magpapapalit din kaya ng ibang toys ang mga customer pag doble na ang nakukuha nilang adult toy? "Miss, pwedeng magpapalit ng free toy? Real Vagina na naman kasi ang nasa Adult Meal ko e...pwedeng palitan ng Love Doll?
At FREE PRIVATE DELIVERY. Nakalimutan kong banggitin na libre at palihim pa palang dadalhin sa bahay n'yo ang mga adult toys na 'to pag umorder ka. Kung sa chimney dadaan ang magde-deliver tulad ni Santa Claus, hindi ko alam. Pero kung ganoon nga, malinaw na kailangan mo rin ng chimney. Dahil ang chimney, tulad ng virginity restoration, ay isa ring necessity.
Vocabulary words. Mga salitang binuo ng sexologist na si Dr. John Money, at matatagpuan sa librong Encyclopedia of Unusual Sex Practices ni Brenda Love:
Acrophilia
arousal from heights
Actirasty
arousal from exposure to sun's rays
Agalmatophilia
attraction to statue
Anaclitism
arousal from items used as infant
Androminetophilia
arousal from female partner who dresses like male
Antholagnia
arousal from smelling flowers
Anthropophagolagnia
rape with cannibalism
Apotemnophilia
a person who fantasizes about loosing a limb
Arachnephilia
arousal from spiders
Autassassinophilia
arousal from orchestrating one's own death by the hands of another
Autoerotic Asphyxia
arousal from oxygen deprivation and sometimes risk of dying
Automysophilia
arousal from being dirty or defiled
Autophagy
self-cannibalism
Belonephilia
arousal from use of needles
Capnolagnia
arousal from watching others smoke
Chrematistophilia
arousal from being charged for sex
Coproscopist
arousal from watching a person defecate
Dacryphilia
arousal from seeing tears in the eyes of the partner
Dendrophilia
attraction to trees
Dysmorphophilia
arousal from deformed or physically impaired partners
Ecdemolagnia
arousal from travelling or being away from home
Emetophilia
arousal from vomit or vomiting
Eproctophilia
arousal from flatulence
Formicophilia
enjoyment of the use of insects for sexual purposes
Harpaxophilia
arousal from being robbed or burglarized
Homilophilia
arousal from hearing or giving sermons
Kleptolagnia
arousal from stealing
Klismaphilia
arousal from enemas
Lagnonector
person who kills in order to have sex with corpse
Maschalophilous
arousal from armpits
Melolagnia
arousal from music
Munchausen's syndrome
arousal from reopening a wound
Mysophilia
arousal from soiled clothing or foul decaying odors
Necrophilia
sex with corpses
Nosolagnia
arousal from knowing partner has terminal illness
Nasophilia
arousal from the sight, touch, licking, or sucking of a partner's nose
Ochlophilia
arousal from being in a crowd
Odaxelagnia
arousal from biting
Odontophilia
arousal from tooth extractions
Ondinisme
arousal from urine
Ophidiophilia
arousal from snakes
Pediophilia
arousal from dolls
Phlebotomy
arousal from bloodletting
Phobophilia
arousal from fear or hate
Psychrophilia
arousal from being cold or watching others freeze
Siderodromophilia
arousal from riding in trains
Sitophilia
arousal from food
Symphorophilia
arousal from arranging a disaster, crash, or explosion
Tapherphilia
arousal from being buried alive
Vampirism
arousal from consumption of a partner's blood
Zooerasty
arousal from animals
*Tanong: Bakit nagkaroon ng mga ganyang salita? Sagot: Simple lang. Necessity.
< ' >
< ' > ...
< ' > .
< ' > ..
< ' >
<.- -.> Hindi ka pwedeng magtagal dito.
< ' > Ikaw ba si Jesus?
< ' > Si Jesus ang ipinako sa krus, di ba?
<.- -.> Oo.
< ' > Ikaw si Jesus???
<.- -.> 'Oo' - si Jesus ang ipinako sa krus.
< ' > Pero ikaw ba si Jesus?
<.- -.> Sige na nga...
<.- -.> Oo!
<.- -.> Ako nga si Hesus.
< ' > ..
< ' > ...
< ' > .
<.- -.> O, ba't natigilan ka?
< ' > IKAW SI SATANAS?
<.- -.> ?
<.- -.> Nagda-drugs ka ba?
<.- -.> Lakas amats ka eh! Kanina ipinagpipilitan mong ako si Hesus...
<.- -.> Nung umamin ako, bigla mo naman akong pinagbintangang si Satanas.
<.- -.> Gusto mo itapon kita sa Hall 56?
< ' > Huh?
< ' > Anong room 56?
<.- -.> HOL PIPTISIKS!
< ' > Anong Hall 56?
<.- -.> WALA!
<.- -.> Kung hindi ka naman kasi talaga praning eh...ba't mo nasabing ako si Satanas?
< ' > Paano kung ikaw nga?
< ' > ...Sandali, bakit ganyan ka magsalita?
< ' > Parang hindi ka lang iisang tao!?
<.- -.> Madaling makilala ang hari ng kasinungalingan.
<.- -.> Malapit 'yon sa mga malayo sa Diyos.
<.- -.> Hindi ka n'ya lalapitan nang wala s'yang kailangan.
<.- -.> At hindi ka n'ya lulubayan nang hindi n'ya nakukuha ang gusto n'ya.
<.- -.> Madaya 'yon at mahilig makipagpustahan.
<.- -.> Pag pumayag ka sa mga deal no'n, automatic talo ka kaagad!
<.- -.> Matinik 'yon!
< ' > Paanong matinik? Anong pustahan?
<.- -.> Tama na.
<.- -.> Bilisan mo na d'yan, masyado kang matanong, hindi ka naman grade 1!
< ' > Ba't mo 'ko pinagmamadali? Saan ako pupunta?
<.- -.> Oras mo na.
< ' > Sandali, anong 'oras'?
< ' > Saan mo ako dadalhin?
<.- -.> Ii-interrogate ka lang konti.
< ' > Nino? Saan? Bakit???
<.- -.> Kailangan mo nang tumuloy sa destinasyon mo.
< ' > Hindi pa ba ito?
<.- -.> Hindi.
< ' > Ano 'to - purgatoryo?
<.- -.> Hindi. Katoliko ka ba?
<.- -.> Pero kung gusto mong tawagin 'tong purgatoryo, malaya ka.
<.- -.> Basta sagutin mo lang ang ilang tanong para malaman natin kung saan ka dapat dalhin.
< ' > Huh?
< ' > Sino ang magtatanong?
<.- -.> Ako.
< ' > Sino ka?
<.- -.> #1. Ano ang pinakamasama mong nagawa sa lupa?
< ' > Huh?
<.- -.> ANO ANG PINAKAMASAMA MONG NAGAWA SA LUPA?
< ' > Sandali, walang sindakan!
<.- -.> ..
< ' > Yung...ano...
< ' > Nag-ano ako...ummm...hindi...
< ' > Marami akong ginawa eh!
<.- -.> Yung sa tingin mong pinakamasama.
< ' > S-siguro eto...tumalon ako sa building.
<.- -.> #2. Ano ang pinakamabuti mong nagawa sa lupa?
< ' > Hindi sa nagyayabang ako...
<.- -.> 'YUNG TOTOO!
< ' > Ah e...nanlibre ako ng pamasahe.
<.- -.> Kanino mo ginawa 'yon?
< ' > Sa teacher ko dati...noong nagkasakay kami sa jeep.
<.- -.> 'Yun na ang pinakamabuti mong nagawa sa kapwa mo???
< ' > Ha? Oo...pero hindi lang sa teacher ko.
< ' > Pati nung nililigawan ko pa lang misis ko...at saka madalas 'yon!
<.- -.> #3. Magkano ang pera mo sa bangko?
< ' > ANO?!?
<.- -.> Alam kong nakakagulat yung tanong.
<.- -.> Akala n'yo sa lupa, hindi itinatanong 'yan dito. Pero ang totoo, importante ang pera dahil sukatan ito ng kasipagan ng isang tao.
<.- -.> Alam mo namang mortal na kasalanan ang katamaran, hindi ba?
< ' > Mortal?
<.- -.> Pride, lust, anger, envy, gluttony, covetousness, at -
<.- -.> Isa, dalawa, mmmmmmmm...anim...
<.- -.> Kulang pa...nakalimutan ko yung pampito...
< ' > Huh? Sandali...
< ' > Gano'n ba 'yon??
< ' > Wala na 'kong pera e, itinodo ko sa sugalan. Kaya ko nga tinapos buhay ko, di ba?
<.- -.> Tsa, tsk, tsk...
<.- -.> #4. At ang kursong tinapos mo?
< ' > Huh?
< ' > 'Management'.
<.- -.> #5. Gusto mo pa bang mabuhay ulit?
< ' > Ako? Umm...ayoko na siguro, sira na rin naman ang reputasyon ko e.
< ' > Pero... may gusto akong balikan...
<.- -.> Final answer...?
< ' > Oo. Sige, oo.
<.- -.> #6. Sa opinyon mo, sa anong edad ka dapat namatay?
< ' > Hindi ko alam...ako lang naman ang kumitil sa sarili kong buhay e.
< ' > Pero parang gusto ko ng pagbabago...siguro gusto kong mamatay pag bandang mga 50 years old na 'ko...o kaya mga 110.
<.- -.> Parang masyado yatang malayo yung pagitan ng "o kaya" mo.
< ' > Oo nga, hehe...sige, mga 80 years old na lang.
<.- -.> #7. Kung bibigyan ka ngayon ng sampu pang taon sa lupa, ano ang gagawin mo?
< ' > Marami akong gustong alamin, mga dapat baguhin, at mga taong kakausapin, mamahalin, at hihingan ng dispensa. Gusto kong mabuhay nang totoo.
< ' > KUNG mabubuhay pa ulit ako!
< ' > ...Pero alam kong imposible na 'yon.
<.- -.> Walang imposible sa taong naniniwala.
< ' > Hindi ako isa sa kanila.
<.- -.> #8. Define 'love.'
< ' > Anong lab?
<.- -.> L-O-V-E
<.- -.> ...LOVE!
< ' > Ano ka, slumbook?
<.- -.> Sagutin mo ang tanong.
< ' > Huh???
< ' > E kasi...
< ' > E di...love is...the greatest love of all!
< ' > Linsiyak na tanong 'yan! *Tanging Yaman*
<.- -.> May lilinawin lang ako sa 'yo nang konti.
<.- -.> Una, iwasan mong magmura nang magmura dito o bumanggit ng mga pangit na salita, dahil sa tuwing ginagawa mo 'yan ay tumutugtog ang kantang "Tanging Yaman" bilang paalala na may mali kang nagagawa.
<.- -.> 'Yan ang batas dito...hindi naman mahirap sundin, di ba?
<.- -.> Ngayon, kung itatanong mo kung bakit "Tanging Yaman" ang tugtog at hindi ibang classical music, e hindi ko alam. Pero palagay ko e wala namang gaanong kinalaman 'yon dahil paiba-iba naman ang kantang ginagamit dito. Last week e "Born To Be Alive."
< ' > Hahahahaha!
<.- -.> 'Wag kang tumawa. Tatlong tugtog na lang ng "Tanging Yaman" e pupulutin ka na sa "Sariling Atin."
< ' > HAHAHAHAHA!
< ' > Saan naman yung "Sariling Atin?"
<.- -.> Codename lang 'yon, hindi pwedeng sabihin. Basta, makakasama mo doon sila Abu Sabaya!
< ' > Huh?!
<.- -.> #9. Saan mo ngayon gustong pumunta: langit o impyerno?
< ' > Hindi ako naniniwala sa mga 'yan...
< ' > Pero para walang away, pipiliin ko ang langit!
<.- -.> #10. Sa tingin mo, saan ka namin dadalhin?
GYNOTTUL
Naniniwala ka ba sa demonyo? Yung evil spirit na pumapasok sa katawan ng tao? Yung talagang impakto na kulay pula, may sungay, may pangil, at may hawak na malaking tinidor?
Simula yata nitong nakaraang dekada, hindi na natapos ang mga balita tungkol sa mga estudyanteng sinasapian daw ng mga masasamang espiritu. Merong sinapian ng tikbalang, white lady, dwende, diwata..., at kelan lang e kaluluwa ng Japanese soldier nung World War II. Pagkatapos naman ng news report, isa lang lagi ang conclusion: may sakit sa pag-iisip ang mga bata! Tao nga naman, hinahap and demonyo sa mga maling lugar. Kung nademonyo yung mga batang 'yon, bakit wala silang sinasaktan o pinapatay? Ang demonyo dapat e...demonyo - mas masahol konti sa mga politiko natin! Kaya kung ang gusto mo e yung totoong kwentuhang demonyo, eto...(Warning: Hardcore horror story follows.)
Nakakita na 'ko ng demonyo, napakaraming beses na. Kulay puti sila at marami. Solid sila at hindi kaluluwa. Pumapasok sila sa katawan ng tao pagkagaling sa aluminum foil. Napakaraming krimen ang nagaganap bawat oras dahil sa kanila. Yung mga masaker at rape cases na 'yan, paborito nila 'yun! Ang galing ng tirada. Sobra.
Alam mo ba yung sculpture na "Pieta" ni Michelangelo? Eto yung yakap ni Maria ang bangkay ni Hesus pagkatapos tanggalin sa krus. Makikita mo dito yung hinagpis ng isang ina sa naging kapalaran ng isang tao na nanggaling sa kanya. Ganoon din ang hinagpis nung isang ina dati sa balita sa TV. Nagmamakaawang pawalan daw ng sala ang binatilyo n'yang nasangkot sa massacre. Maski ang nanay ko, awang-awa doon sa ina, at nag-comment pang mukha naman daw matino yung bata. Ang totoo, mukha ngang matino yung anak. Ang problema, pag nasa impluwensya ka nung nasabing demonyo, wala na ang katinuan mo. Lahat gagawin mo. Superman ka na, 'yun nga lang, may sungay! Wawasakin mo ang pamilya mo, mawawalan ka ng trabaho, manununog ka ng bahay, kakasta ka ng manok, papatay ka dahil lang sa bote ng coke...at sa huli, biktima ka rin pala! Andaming buhay at pangarap ang nauuwi sa wala dahil sa demonyong ito.
Anatomy of Satan:
Bilib din ako sa pinagmulan ng nasabing bisyo. Sino ba nagsabi sa tao na merong bato sa mundo na makakapagbigay sa kanya ng kakaibang karanasan? Napapraning ang mga lider ng iba't-ibang bansa sa posibleng pagmulan ng chemical war, pero walang nakakahalata na matagal nang sumiklab ang nasabing giyera at hindi na mabilang ang mga naging biktima nito. Kung wala isa man sa mga kakilala mo ang nasilo, pinagpala ka. Pero sa mga katulad ko at ng marami pa na kilala ng personal si Satanas, alam namin ang impyernong baon nito sa tuwi-tuwina. At di tulad ng polio na pwedeng puksain sa bakuna, ang bisyong ito e talamak at mahirap nang mapigilan. Bakit at paano? Ganito 'yan...
Simple business. Unang target yung mga kabataan na nalilito pa sa korte ng mundo. Syempre new clients, kaya mag i-special offer muna yung mamang may maitim na balak, budhi, at kilikili. At hindi 'yan 25%, 50%, 0 75% discount offer, kundi for F-R-E-E! Libre 'yan sa umpisa, to create the demand, ika nga. Pag na-hook sila, presto, may market na. At saka ngayon mananaga yung mama sa presyo. Kung kaya mo yung presyo, good, may ilang buwan ka pa bago maghikahos; pero kung hindi, e wala, matuto kang magnakaw ng gamit n'yo sa bahay para may maisangla. Simula ngayon, 'yan ang lifestyle mo, welcome to the jungle! Kung makakapatay ka man ng tao, side effects lang 'yan. No big deal.
Sa ngayon, meron akong isang gramo ng demonyong to. Souvenir. Nakuha ko sa ilalim ng upuan ng bisikleta ng itinuring kong malapit na kaibigan. Advanced stage na yata s'ya noon (nag-uumpisa nang mag-negosyo), delikado na. Walang kasing pangit yung pakiramdam nung araw na niloko ko s'ya para lang madala sa pagamutan. Pero ayos na rin dahil buhay s'ya ngayon at wala sa kulungan. Good triumphs over evil - if and only if good fights.
Oo, sa panahon ngayon, mas madalas na kulay puti ang demonyo, hindi pula, at matindi ang impact. Mahirap ilarawan ang kabuuan ng kalagiman n'ya; simula sa epekto sa isang tao, sa mga mahal nito sa buhay, hanggang sa lipunan. Kaya nga saludo ako sa mga nagbuwis ng buhay sa ngalan ng pakikipaglaban dito. Gano'n din sa mga organisasyong kumikilos sa pagsugpo nito. Sa mga pamilya at magulang na may oras para alamin kung biktima ang mga anak nila. At higit sa lahat, sa mga taong matatag, matapang, at buong-loob na humaharap sa mga problema nila sa buhay.
Dalawang addict ang naglalakad:
"Pare," ang sabi ng isa, "umiwas ka, tae 'yan."
"Hindi," ang sagot ng isa.
"Pare, tae 'yan!"
"O sige, tikman natin."
Tinikman nga ng dalawa.
"O sabi sa 'yo, tae 'yan e!" ang sabi ng isa.
"Oo nga, buti hindi natin natapakan!"
(a true to life story)
Ang totoo, marami sa atin ang biktima ng ipinagbabawal na gamot, pero hindi natin ito alam. Kaya kailangan pa natin ng ibang tao na magsasabi nito sa atin. Ang kwento ng mga taong 'to na itatago na lang natin sa mga pangalang Nonoy at Luningning, at kung paano nila nalaman na biktima sila ng droga, ay hango sa tunay na buhay. Narito ang kanilang mga kwento upang magbigay inspirasyon sa lahat.
Inutusan ni Nonoy ang mga estudyante n'ya na pumila nang maayos sa flag ceremony. "Find your height, alphabetically!" utos n'ya. Sumigaw ang isang bata, "Sir, kayo po ay nalululong sa ipinagbabawal na gamot!"
Relihiyosa si Luningning at palasimba. Kaya itinanong n'ya sa kaibigan kung pang-ilang Linggo ng Marso sa kasalukuyang taon papatak ang Ash Wednesday. "ADEEEEEEEEK!!!" napasigaw ang kaibigan n'ya.
Driver si Nonoy ng pampasaherong jeep. Apat na piso ang pamasahe. May nagbayad ng limang piso. Bago suklian, tinanong muna ni Nonoy ang pasahero: "Ilan yung limang piso?" Sumagot naman ang pasahero, "Dalawa...kung adik ka."
Nagbababad si Luningning sa isang swimming pool nang bigla itong mapundi dahil sa isang bata na paulit-ulit na maahon at tumatalon sa tubig, kaya sinigawan n'ya ito: "Pwede ka bang magdahan-dahan?!? NAKAKABASA KA!!!" Humingi ng dispensa ang bata at binilhan nito si Luningning ng cough syrup.
Nagpa-X-ray si Nonoy sa ulo. Nagulat ang doktor sa resulta. Malungkot n'yang ibinalita kay Nonoy na meron itong tumor sa ulo. Nanghina si Nonoy sa balita. Naluha. Pero nang makita ni Nonoy ang sariling X-ray, naalala n'yang hindi n'ya lang pala natanggal ang beinter singkong nakasukbit sa tenga bago magpa-X-ray. "Nonoy, nonoy...adik ka." Sabi ng doktor.
Nakikipagpagalingan si Luningning sa isang pinsan. Tanungan sila sa mathematics, multiplication. Ang tanging patakaran ay bawal magbigay ng problema na mangangailangan ng lapis at papel para ma-solve. Nang tanungin si Luningning ng "2,948x0," umayaw ito at inakusahan ang kalaban na nagbibigay ng mga mahihirap na tanong. "Luningning, di yata't ikaw ay adik." Paratang naman ng pinsan n'ya.
Rush hour. Naghihintay ng masasakyang jeep si Nonoy sa EDSA nang biglang magka-riot. Nagtakbuhan ang mga tao kaya nakitakbo na rin si Nonoy. Hindi n'ya lam na nag-uunahan lang pala yung mga tao para makasakay sa isang paparating na bus. "Nunuy, yu kanat rayd hir bikus yu ar adik!" sabi ng konduktor kay Nonoy.
Inutusan si Luningning ng nanay n'ya na bumili sa palengke ng "skinless" longganisa. Pagdating sa palengke, tinanong ni Luningning ang isang tindera kung meron itong "stainless" longganisa. "Oo, suki!" sabi ng tindera. "At may discount ang mga adik."
Dumalo si Luningning sa libing ng batang anak ng dating kapitbahay. Wala s'yang kakilala sa mga taong nakasakay n'ya sa isang arkiladong jeep. Para masiguradong hindi s'ya nakikipaglibing sa maling tao, tinanong n'ya ang katabing ale kung kaanu-ano nito ang namatay. Sumagot ang ale: Ninong ho namin sa kasal." Tapos ay binigyan nito si Luningning ng shabu.
Inutusan si Luningning ng amo n'ya na mag-update ng passbook nito sa Metrobank. Dumating si Luningning sa banko at nakita n'yang masyadong maraming tao at mahaba ang pila. Tumawag ito sa amo n'ya at tinanong kung pwedeng sa PNB na lang s'ya mag-update. "Hindi pwede, adik ka kasi." Sagot ng amo n'ya.
Nasa party si Nonoy sa Luneta nang bigla s'yang nag-collapse. Nag-panic ang mga kabarkada ni Nonoy. Inisip nilang baka atake 'yon ng asthma, epilepsy, o cancer. Itinakbo nila si Nonoy sa pinakamalapit na hospital, at kabadong naghintay sa diagnosis ng doktor. Bumalik ang doktor na may dalang Zesto at Skyflakes para kay Nonoy. Nagdilim lang pala ang paningin ni Nonoy dahil sa gutom. "Sabog ba kayo, mga anak?" tanong ng doktor.
Magkatrabaho sina Nonoy at Luningning. Sa pagkukwentuhan nila habang lunchbreak, napag-alaman nilang pareho pala silang pumunta sa Glorietta noong nakaraang Linggo.
Luningning: Hahahaha! Nandoon din kayo?
Nonoy: Oo! Kumain ba kayo sa Choleng's Restaurant?
Luningning: Doon kami nag-lunch! Anong oras kayo nandoon?
Nonoy: Hahaha! Nandoon kami mga quarter to 2!
Luningning: Talaga??? 2 PM yata kami kumain e!
Nonoy: Sayang hindi tayo nakita!
Luningning: SAYANG NAMAN! Syeeht...sayang talaga!
(Araw-araw sila nagkikita. Wala namang premyong house & lot sakaling magkita sila nang di sinasadya sa labas, pero hinayang na hinayang pa rin sila. AH! Baka sila'y may pot session!)
Napanood ko kanina sa TV si Teighlor, babaeng American model na umabot sa 719 lbs noong dekada 90. Hindi ko alam kung paano ilalarawan ang katawan n'ya. Hindi s'ya hawig ni Marshmallow Man sa Ghostbusters. Puro s'ya taba, pero hindi katulad ng karaniwang taba na nakikita natin sa tao. Puro "layer" ang katawan n'ya, parang buu-buong taho, parang nilamas na dough at hindi pa nakokortehang tinapay. Medyo kakaiba talaga. Pero sa lagay na 'yan, hindi pa rin s'ya ang pinakamabigat na tao sa buong mundo. Dahil 38 lbs. na lang ang kulang e doble na ng bigat ni Teighlor si Jon Minnoch, ang pinaka-heavy-gat sa mgheavy guts. Sa taas na 6'1", may bigat si Minnoch na tulad ng sa karaniwang Amerikano na lumunok ng isandosenang karaniwang Filipina. Believe it...or believe it.
Gusto kong isipin kung ano bang meron sa pagkain na hindi maiwasan ng mga tulad nila Teiglor at Minnoch kahit sa kaunting oras. Pero may isa pang misteryo na pilit ko ring iniintindi. Ang anorexia at bulemia. Mga disorders pa rin sa pagkain, o sa pananaw ng tao sa sarili n'yang itsura. Pero bakit nga ba tayo masyadong nadadala sa pagko-control sa pagkain natin ganoong pwede naman itong solusyonan sa pisikal na paraan? Halimbawa, sa halip na nakaupo lang tayo at nakikinig ng balita sa radyo araw-araw o sapilitang nagpapasuka sa sarili, pwede tayong magkaroon ng mga activities na tutulong sa paggamit ng calories natin sa katawan. (Tandaan na ang hindi nasusunog na calories ang nagdadagdag sa atin ng bigat kalaunan.) Ang kailangan lang ay ang determinasyon at buong-loob na pwede nating pagkaabalahan at ang katumbas na calories na nagagamit sa bawat oras:
Basketball--------------------------800 calories per hour(cph)
Volleyball-----------------------------------------------------500 cph
Jueteng--------------------------------------------------------100 cph
Panonood: Survivor-----------------------------------------60 cph
Panonood: pelikula ni Aubrey Miles----------------300 cph
Panonood: pelikula ni Aubrey Miles (no cuts)--950 cph
Panonood: SONA ng pangulo----------------------------1 cph
Tennis---------------------------------------------------------410 cph
Judo------------------------------------------------------------900 cph
Riot----------------------------------------------------------1,000 cph
Table Tennis------------------------------------------------240 cph
Table, chairs, and party needs------------------FOR RENT
Web browsing------------------------------------------------40 cph
Paglalaro ng Gameboy----------------------------------540 cph
Paglalakad sa tabing-dagat-----------------------------50 cph
Paglalakad sa Recto-------------------------------------350 cph
Paglalakad sa Recto, alas-onse ng gabi---------890 cph
Mountain Climbing----------------------------------------600 cph
Social Climbing--------------------------------------------710 cph
Chat sa Internet-----------------------------------------------1 cph
Chat sa text----------------------------------------------------1 cph
Chat sa telepono---------------------------------------------1 cph
Pagtulog---------------------------------------------------------1 cph
Swimming---------------------------------------------------300 cph
Swimming with sharks----------------------------------980 cph
Skiing---------------------------------------------------------600 cph
Pag-a-apply ng visa para makapag-skii--------1,600 cph
Cycling-------------------------------------------------------210 cph
Running for public office------------------------1,584.73 cph
Arraignment--------------------------------------------26,250 cph
Lethal Injection----------------------------------------26,252 cph
Chopped walnuts------------------------------------------1/2 cup
Flour--------------------------------------------------------------1 cup
Margarine----------------------------------------------------1/2 cup
Cream cheese-------------------------------------------------8 oz.
Confectioner's sugar----------------------------------------1 cup
Cool whip-------------------------------------------------------1 cup
Instant vanilla pudding---------------------------------------1 ea.
Instant butterscoth pudding-------------------------------1 ea.
Milk----------------------------------------------------------2 3/4 cup
Haluin ang margarine at flour sa isang mixing bowl. Idagdag ang 1/4 cup na walnut. Ilagay sa 9"x13" na pan. Lutuin sa oven na may init na 350 degrees sa loob ng labinlimang minuto. Palamigin. Paghaluin ang sugar at cream cheese. Idagdag ang 1/2 cup na cool whip. Ipahid sa malamig na crust. Paghaluin ang pudding mixes at milk. Haluin hanggang sa tumigas nang kaunti. Ipahid sa crust at cheese mixture. Ipahid ang natitirang cool whip sa ibabaw at idagdag ang natitirang 1/4 cup na nuts. Palamigin sa refrigerator sa loob ng isang oras. Kainin sa kama habang nanonood ng TV...mmmmmm, sarrrrap! (Repeat 2x then fade.)
Ang gut ay ang muscular tube na nagmumula sa esophagus hanggang sa rectum. Umaabot ito ng apatnapung talampakan kung uunatin, at kadalasang naglalaman ng 200ml na hangin. Bawat araw, nagpapalabas tayo ng 400-200ml ng hangin galing dito. At ito, mga bata, ang tinatawag nating utot. [Applause.]
Halos siyamnapung porsiyento ng utot ay binubuo ng nitrogen, oxygen, carbon dioxide, hydrogen, at methane; ang natitirang sampung porsyento ay nahahati pa sa iba't-ibang gas. Ang nitrogen at oxygen ay nanggagaling sa hangin na nalulunok natin, samantalang ang carbon dioxide naman ay resulta ng pagkakahalo ng asido sa tiyan sa mga pancreatic juices at bicarbonate sa bile. Dumidiretso ang mga gas na ito sa small intestine, kung saan karamihan ng oxygen at carbon dioxide ay napapahalo sa dugo. Naiiwan naman ang nitrogen papunta sa malaking bituka.
Tumutulong din ang colon sa pagpoproseso ng gas. Ibinabahay nito ang mga bacteria na kailangan sa fermentation ng mga tira-tirang sustansya galing sa maliit na bituka, na s'ya namang responsible sa pagdami ng hydrogen, methane, carbon dioxide, at iba pang gas. Karamihan sa mga gas na 'to ay nahahalo sa dugo at nailalabas sa ating hininga, ang mga natitira naman ay nagsisilbing utot.
Tuwing lumulunok tayo ay nagdadala tayo ng hangin sa tiyan. Ganoon din kung tayo ay kumakain nang mabilisan, umiinom nang marami habang kumakain, ngumunguya ng bubble gum, naninigarilyo, umiinom ng beer, nagsusuot ng maluwag na pustiso, nanonood ng sine sa Recto, o basta lumulunok lang ng laway. May mga taong malakas lumunok ng hangin, lalo na kung kabado, pero hindi nila ito alam.
Maraming nag-aakala na ang malakas, madalas, at mabahong utot ay palatandaan na may mali sa katawan natin. Pero ang totoo, ang normal na tao ay umuutot ng humigit-kumulang labinlimang beses sa isang araw, depende sa kinakain. Oo, kahit ang mga magagandang artista ay marunong at may karapatan ding umutot. Ang utot ay kadalasang resulta ng fermentation ng mga bacteria na galing sa mga tira-tirang pagkain sa colon. Ang colon at fermentation ay ilan lang sa mga bagay-bagay sa mundo na hindi ko kayang tagalugin.
Samantala, ang diet na mataas sa fibre ay lumilikha ng mas maraming hangin kumpara sa low fibre diet o low carbohydrate diet, pero marami rin itong naidudulot na kabutihan. Ang high fibre diet ay nagpapalambot ng dumi, nakakatulong sa pagpapababa ng timbang, nagbibigay ng proteksyon laban sa colon cancer at maaari ring laban sa stroke at mga sakit sa puso, at tumutulong ibsan ang mga sintomas ng irritabe bowel syndrome. Ang kapalit nga lang ng lahat ng ito ay ang mala-weapon of mass destruction na gas. PERO maaari pa rin namang bawasan ang dami ng utot kahit na mataas sa fibre ang diet mo. Ang kailangan lang gawin ay iwasan ang mga masisipag at taga-gawa ng hangin. Nangunguna na rito ang beans na pinagmumulan ng oligosaccharides: mga carbohydrates na hindi natutunaw sa maliit na bituka, at sa halip ay nagiging pagkain ng mga bacteria sa colon. Repolyo, singkamas, sibuyas, bawang, cauliflower, Brussel sprouts, at sunflower - lahat ito ay mga magigiting na supplier ng utot. Ang pagbawas ng pagkain sa mga 'to ay pagbawas din ng utot.
May mga tao na bagama't malusog ay kulang sa enzyme na kailangan sa pagtunaw ng lactose, ang asukal sa gatas ng baka. Dahil dito, dumadaan sa proseso ng fermentation ang lactose sa colon, at lumilikha ng maraming hydrogen at carbon dioxide. Ang kondisyon na ito na kadalasan ding dahilan ng pamumulikat ng tiyan ay tinatawag na lactose intolerance. Bukod d'yan, ang Sorbitol na ginagamit bilang pampatamis sa mga diebetic diets, jams, at sugarless chewing gum, ay hindi rin natutunaw sa maliit na bituka. Sa halip, ito ay nagiging dagdag utot tulad ng lactose.
May mga kondisyong medikal tulad ng Crohn's disease, Coeliac disease, at iba pang "malabsorbative states" ang nagiging sanhi ng sobrang utot dahil sa sirang panunaw. Ang mga nabanggit na kondisyon ay iniuugnay sa mga sintomas na gaya ng pananakit ng tiyan, pagbaba ng timbang, anemia, at paulit-ulit na diarrhea. Nangangailangan ito ng atensyon ng doktor, pero pwede rin ang barangay tanod.
Samantala, ang malakas at maingay na utot ay sanhi ng matinding contraction sa mga dingding ng bituka na s'yang nagpipilit magpalabas ng gas sa masikip na pwetan. Sa kabilang banda, ang utot naman na mabaho ay sanhi ng mga indoles, skatoles, at hydrogen sulphide na resulta ng bacterial fermentation sa colon. Nagpapabaho rin ang mga bawang, sibuyas, at iba pang panghalo sa pagkain, lalo na ang mga asafoetida na madalas gamitin sa mga lutuing Indian. Ang beer, white wine, at fruit juice ay sinasabing nagpaparami rin ng hydrogen sulfide sa ibang tao. Walang lunas sa malakas at mabahong utot, bagama't sinasabing nakakatulong ang activated charcoal sa pagbabawas ng dami at amoy nito.
[Takdang aralin para sa Lunes: Sagutin ang mga tanong sa pahina 17 -942 ng "Masayang Pamayanan." Isulat sa isang buong papel ang iba't-ibang paraan kung paano nakakatulong sa isang komunidad ang utot at kung paano nito pinapakapal ang ozone layer. Maghanda ng 650 pesos pambayad sa test papers na gagamitin sa surprise quiz. Manood din ng Dragon Ball Z at isulat ang buod nito.]
Isa sa mga itinanong dati ni Santiago sa klase namin sa Philosophy ay kung paano namin mapapatunayan na anak nga kami, at hindi ampon, ng mga kinikilala naming magulang. Wala nga namang silbi ang mga personal records, public documents, at medical exam dahil simple lang dayain ang mga ito. At kung magko-conspire ang buong mundo (o kahit ang mag-anak mo lang), madali kang maloloko at mapapaniwala sa lahat ng kasinungalingang ibibigay nila sa 'yo.
Pero intro lang pala 'yon para sa isang class discussion tungkol sa "faith." May mga bagay daw sa mundo na tinanggap na lang natin bilang katotohanan kahit walang pruweba o paliwanag.
Nang magpasukat ako dati ng salamin sa mata, tinanong ako kung gusto ko magpalagay ng "computer tint" - isang coating material sa salamin na magpo-protekta sa mata mo laban sa radiation ng monitor. May konting dagdag sa presyo, syempre. Pumayag ako. Pero sa mga pagkakataon na ginamit ko ang salamin na 'yon, wala akong pruweba na protektado nga ang mga mata ko sa screen radiation at UV rays. Pinaniwalaan ko lang na ganoon nga dahil 'yon ang sabi ng optometrist.
(Kung gusto mong ma-praning, ituloy mo lang ang pagbabasa...)
Kaya isipin mo ngayon: Ilan nga ba sa atin ang nakapunta na sa buwan? Nakakita sa Pluto? Sa Neptune? Halos wala! Sa pitong bilyong tao sa mundo, mabibilang lang sa daliri ang mga taong nakakita sa iba pang planeta sa kabuuan ng sinasabing Milky Way. PERO - naniniwala tayo na ang sandaigdigan natin ay ang mismong sandaigdigan rin na ipinakilala sa atin ng mga naghaharing bansa sa mundo at ng mga explorers nila.
Eto pa, ipinagmamalaki ng dati kong multivitamins na meron itong thiamine mononitrate, riboflavin, pyrodoxine hydrochloride, cyanocobalamin, nicotanamide, calcium pantothenate, at ascorbic acid...pero hindi ko naman kilala ang mga 'to at hindi ko alam kung ano ang plataporma nila sa katawan ko. Kung kaya mapupunta ang usapan natin ngayon sa mga gulay.
Ayoko ng gulay. Kung ako si Superman, kailangan mo lang ilapit sa akin ang hiniwang pipino para manghina ako. Hindi mo na kailangan maghanap ng kryptonite. Isang pipino lang. Hiniwang pipino...o kaya lumpiang ubod, diningding, papaitan, pakbet, pinakbet, laing, kamatis, bawang, sibuyas, okra, talong, repolyo, labanos, mustasa (kahit hindi ko alam kung ano 'yon), bataw, patani, kundol, patola, at bahay kubo - lahat 'yan, ayoko! GWARRRRK! <*suka*>
Oo, masustansya nga ang mga gulay, pero masarap ba? At kung kakain ka ng mga halaman, e di sana naging kabayo ka na lang! Saka hindi lang naman mga gulay ang may bitamina. Kung gagamitin natin ang sukatan ng mga nutritionist, maraming malasang pagkain ang mas masustansya pa sa mga gulay. Katulad na lang ng pork barbecue. Ito ay may 84.2 grams(gm) ng protein, .6 milligrams(mg) ng iron, at 0% fat. Isa pa ang potato chips. Meron itong 2,500 IU ng Vitamin A, 40mg ng Vitamin C, at 400 IU ng Vitamin D. Kabilang din sa grupong ito ng mga masasarap at masustansyang pagkain ang hamburger, popcorn, at pizza pie na pare-parehong may 10.2mg na Niacin, 45mg na Calcium, 1.3mg na Iron, at 27mg na Vitamin C kung kakainin mo pati ang kahon ng pizza pie. At kung inaakala mong walang mapapala sa kakahithit ng sigarilyo, nagkakamali ka! Dahil ang isang stick ng yosi e merong 285 IU ng Vitamins A at D. At madadagdagan pa ng 1,200mg ng Calcium at two flourides kung sasabayan mo ng Lambanog. Kita mo na? 'Yan ang mga bagay-bagay na inililihim sa atin ng mga nutritionist, sa di malamang kadahilanan. Pero isipin mo, ipagpipilitan ba nila sa atin ang mga gulay kung wala naman silang mapapala dito? Hindi! Ano ang benepisyo sa kanila kung sakaling lumusog nga tayo? Wala! Pero patuloy pa rin silang nagsisikap sa gawaing ito. AT BAKIT??? Makinig ka maigi: Dahil. Gusto. Nilang. Mahawa. Ang buong sangkatauhan sa Foot & Mouth disease na nakukuha sa mga uod sa gulay. Balak rin nilang malason tayo ng tira-tirang pesticides galing sa mga itinitindang gulay sa palengke. At gusto nilang mahiwa ang kamay ng mga tao habang naghahanda sa kusina ng lutuing gulay! Ito mismo ang ginagawa ngayon ng mga tinatawag nating "nutritionist" para sila ang maghari sa mundo pag naubos na tayo! Pero hindi mo alam 'yon, tao, dahil pagmulat ng mga mata mo dito sa mundo ay tinanggap mo na lang ang lahat bilang katotohanan! At alam mo ang kapalit? - HABAMBUHAY NA PAGKAIN NG MGA GULAY!!!!!!!!!!
Yikes. <*sign of the cross*>
< ' > Saan na 'ko ngayon pupunta?
<.- -.> .
< ' > Ha?
<.- -.> ...
< ' > Ba't ayaw mong sumagot?
<.- -.> Hindi mo pa sinasagot ang pangsampu at huling tanong.
< ' > ..
< ' > Naguguluhan pa rin ako, mahirap paniwalain ang sarili ko...
<.- -.> Magaling kang magduda at hirap kung maniwala...nakakabilib talaga na umaabot pa ang tatlumpu't-limang taon sa lupa ang mga tulad mo.
< ' > Tama ang sinabi mo kanina...ano ba ang epekto sa akin kung meron mang Diyos o wala?
<.- -.> Marunong ka bang magpinta?
< ' > Oo, 'yun ang hilig ko noon. Pintor dapat ako ngayon kung pumayag lang ang mga magulang ko.
<.- -.> Marunong kang gumamit ng imahinasyon?
< ' > Oo.
< ' > Bakit?
<.- -.> Kaya mo ba ngayong ilarawan sa isip mo kung anong klaseng lugar pwedeng maging ang mundo kung ang lahat ng tao ay nagmamahalan at walang makasarili?
< ' > Lahat naman nangangarap ng ganyan e.
<.- -.> Saan nanggaling ang pangarap na 'yan?
< ' > Alam ko ang ibig mong sabihin...pero anong kinalaman n'yan sa tanong ko?
<.- -.> Dahil ba sa mga tanong na 'yan kaya hindi ka naniniwala?
< ' > Oo.
<.- -.> Tama ba ko kung sasabihin kong, tulad ng karaniwang tao, mga pruweba rin ang hinahanap mo?
< ' > ..
<.- -.> Hindi lahat ng bagay ay kayang ipaliwanag ng Science at pwedeng intindihin ng isip mo. Sa ngayon ay patuloy pa rin ang research tungkol sa HIV at autism, sa dinosaurs at evolution, sa paranormals at UFO, sa earthquakes, tornadoes, at global warming. Kahit ang mismong computer e hindi n'yo pa nagagawa nang pulido!
<.- -.> Gusto mo bang nalilimitahan ka nang ganito?
< ' > Gusto mong maniwala kami sa hindi maipaliwanag?
<.- -.> May pagpipilian pa ba kayo?
< ' > Dahil sa "hindi maipaliwanag" kaya maraming nagbubuwis ng buhay. Ang mga giyerang isinisisi mo sa amin ay dahil sa ipinagmamalaki mong "hindi maipaliwanag." Gusto mong maligtas kami sa pananalig sa hindi namin nakikita, kahit na ang pananalig ding 'yon ang dahilan ng mga hidwaan namin.
<.- -.> Tinitignan mo ba ang basong kalahating bawas o ang basong kalahating puno?
< ' > Tinitignan ko ang katotohanan - ang mga pinaslang na tao, sinunog na lungsod, at sinirang sibilisasyon dahil sa pangalan mo!
<.- -.> At sino ako?
< ' > HINDI KO ALAM!!!
< ' > Dahil ayaw mong magpakita...ayaw mong bumaba d'yan sa trono mo!
<.- -.> Bumaba na 'ko noon.
<.- -.> Bakit kailangan n'yo pa 'kong hanapin matapos n'yo 'kong parusahan at ipako sa krus?
< ' > Bakit hindi ka bumalik?
<.- -.> 'Wag kang magmadali.
< ' > Pero anong klaseng pagbabalik ang gagawin mo? Hindi ba para lang itapon kami lahat sa walang-hanggang apoy?
<.- -.> Ayon kanino?
< ' > Ayon sa bibliya mo!
<.- -.> At naniwala ka naman sa bibliya?
< ' > ..
< ' > ...
< ' > Oo.
< ' > .
<.- -.> 'Yun naman pala e, bakit pinahihirapan mo pa rin nang ganito ang sarili mo?
< ' > Walang madali...
< ' > At mahirap kang intindihin!
<.- -.> Naiintindihan ko 'yon.
< ' > Hindi.
< ' > Kung naiintindihan mo, may gagawin ka!
<.- -.> Meron nga.
< ' > Oo, pero para lang sa mga nagpakahirap sumunod sa 'yo.
< ' > Sila lang ang may premyo.
<.- -.> Sandali, hindi ako si Santa Claus.
<.- -.> Mas galante ako doon.
< ' > Pero bakit?
< ' > Para saan ka?
< ' > Hindi ko maintindihan kung bakit ka namin kailangan?
<.- -.> Sa parehong paraan na hindi rin alam ng halaman kung bakit kailangan n'ya ng lupa?
< ' > Hindi ko alam kung bakit kailangan naming maniwala sa 'yo...
<.- -.> Pero naniniwala kayo sa mga umiiyak at nagbubuntis na imahen, sa mga swerteng pusa at malas na numero, at nagdarasal sa mga puno sa gitna ng kagubatan dahil sa kung anong enerhiya ang nandoon?
< ' > Dahil wala ka.
<.- -.> Saan mo ba ko hinahanap?
< ' > Sa lahat!
<.- -.> Hinanap mo nga ba ako...o ang kawalan ko?
<.- -.> Mas madaling makita ang wala.
< ' > .
< ' > ..
< ' > Masyado kang pahirap...
< ' > Nilagay mo kami sa mundo para lang subukan, buong buhay namin...
< ' > At hindi ka tumatanggap nang hindi matibay.
<.- -.> Sino na naman may sabi sa 'yo n'yan?
< ' > Sagutin mo 'ko, bakit kailangang maniwala ako sa 'yo para lang maligtas sa kaparusahan?
<.- -.> Kung hindi ka naniniwala sa akin, bakit kailangan mo pang problemahin ang kaparusahan? Ba't mo pa tinatakot ang sarili mo???
<.- -.> Huwag mo na 'kong problemahin!
< ' > Hindi kita pinuproblema. Nabuhay ako sa mundo nang ayon sa paniniwala ko.
<.- -.> Lahat naman ng tao e. Regalo ko sa inyo ang malayang pagpapasya tungkol sa lahat ng bagay, di ba?
< ' > Nasaan ang regalo mo sa mga taong namatay sa concentration camps dati? Nagamit ba nila ang malayang pagpapasya?
<.- -.> Higit sa lahat.
< ' > Sinungaling!
<.- -.> Hindi dahil sa hindi mo naiintindihan ang isang bagay ay kasinungalingan na ito.
<.- -.> At hindi lahat ng kaya mong intindihin ay katotohanan.
<.- -.> ..
<.- -.> Kung wala ka nang tanong, maaari mo na bang sagutin ang akin?
HOLTS
Fiesta sa amin ngayon. Katulad ng lagi, palakad-lakad sa kalye ang mga namamalimos, ati-atihan, at mga manlalako ng iba't-ibang paninda. Parang isang grupo ng mga gypsy na taun-taon bumibisita. Pero sa kanilang lahat, fiesta man o hindi, merong mga tao na hindi ko alam kung humihithit ng floorwax o sadya lang talagang gago. Hindi ako sigurado kung itinitinda nila o ginagawang premyo sa palabunutan, pero talagang hindi nakakatuwa ang pagkukulay nila sa mga inilalakong sisiw. Oo, kung nakita mo na dati ang ulo nina Dennis Rodman at Crusty the Clown, ganoong-ganoon din ang ginagawa nila sa mga balahibo ng kawawang sisiw - pinipinturahan ng green, blue, red, violet, at yellow!
Hindi ako animal rights advocate, pero hindi rin naman kailangang maging miyembro ka pa ng anumang organisasyon para lang malaman na mali ang isang napakasimpleng bagay - hindi Nokia cellphone ang sisiw, na pwede mong palitan ng housing kung gusto mo - ganoon lang kasimple 'yon.
Mahilig akong mag-alaga ng hayop nung bata pa 'ko. Sa katunayan, marami-ram na rin ang naalagaan ko: aso, pusa, tuta, kuting, asong mabaho, tutang galisin, pusang kumakain ng sarili n'yang kuting, goldfish, angelfish, isdang kanal, sisiw, itik, pugo, loro, maya, ibong ligaw, ibong di ko alam ang lahi, guinea pig, white mice, hermit crab, talangka, tipaklong, langgam, paru-paru, tutubi, uod, bulate, salagubang, salaginto, millipede, gagamba, ipis, garapata, bangaw, at baboy, manok, at kalapati ng buong pamilya...whew! At sa pag-aalaga ko ng lahat ng 'yan, natutunan kong:
- Hindi na nakakalipad ang mga tutubi pag binunutan ng pakpak
- Kinakain ng gagamba ang mga tutubi, bangaw, paruparo, at tipaklong
- Kinakain ng tipaklong ang mga paruparo
- Kinakain ng hermit crab ang mga isda
- Kinakain ng isda ang mga anak n'ya
- Kinakain ng pusa ang mga anak n'ya
- Kinakain ng daga ang mga itik at pugo
- Kinakain ng pusa ang mga sisiw, isda, at daga
- Inaaway ng aso ang pusa
- Mas matapang ang mga buntis na aso
- Namamatay ang mga isda pag nilagyan mo ng isang dakot na asin ang tubig nila
- Namamatay ang parrot pag hindi pinakakain
- Nagmumukhang rambutan ang parrot pag malapit nang mamatay
- Wala akong natutunan sa mga guinea pig, bukod sa favorite pastime nila ang mamatay
- Tumatakas ng kulungan ang mga dagang costa
- Lumilipad ang mga ibon palabas pag binuksan ang kulungan
- Ayaw ng mga isda sa kanal
- Mas masarap kainin ang talangka, kesa alagaan
- Pwedeng pagsamahin sa iisang kulungan ang mga sisiw at guinea pig, pero kung matino kang tao e hindi mo gagawin 'yon
- Pwedeng isama sa kulungan ng mga sisiw at guinea pig ang isa sa mga pamangkin mo
- Pagkatapos mong alagaan at mahalin ng ilang buwan ang leghorn ay kakatayin din ito ng iyong mga magulang bilang handa sa birthday party mo
- Iiyak ka, tapos ay makokonsensya, dahil hindi mo matanggap ang katotohanan na nasarapan ka sa pagkain sa alaga mong leghorn
- Ang sisiw na tinatawag nilang "45 days" ay pwedeng umabot ng 112 days...o higit pa!
- At pwede ring mamatay in 3 days
- Ang mga manok na panabong ay paborito ring alagaan ng mga Akyat-Bahay at Salisi Gang
- Nangangain ng tsinelas ang baboy
- 48 hours lang ang life span ng mga pugo
- Kumakain ng kaning-baboy ang baboy
- Ang pag-aalaga ng kalapati ay magandang dahilan para manira ng bubong
- Mabaho ang baboy
- Mabaho ang patay na alaga
- Walang kwentang alaga ang mga garapata
Maniwala ka, totoo ang mga scientific findings na 'yan. Dalubhasa ako sa larangan ng pag-aalaga ng hayop. Katulad na lang sa aspeto ng pagpapangalan. Alam mo bang may kinalamanang pangalan ng hayop sa magiging kapalaran nito? Halimbawa dati, napanood ko sa commercial ng sigarilyo na magandang pangalan para sa isang kabayo ang "Dynamite." Kaya pinangalanan ko ring "Dynamite" ang alaga kong tuta. Hindi ko nga lang alam na pag tuta pala ang pinangalanan ng ganoon e lalapain ito ng tone-toneladang kuto. Hanggang sa mamayatot at magmukha na lang watusi. Siguro pangit ang masyadong magandang pangalan. Dapat mga tipong "Browny" at "Blacky" lang talaga. Yung basic. Kasi pag mahaba, gaya ng "McGyver," mahirap tawagin. Bago mo matapos bigkasin ang pangalang "McGyver," e nalapa na nito ang bisita n'yo. Oo, maniwala ka. Take it from me. Alam ko lahat 'yan. Bagama't meron pa rin akong mga maliliit na bagay na medyo hindi maintindihan, tulad ng: Bakit nga ba tayo nag-aalaga ng hayop?
Isipin mo, hindi ba mas magiging malaya ang mga isda at ibon kung hindi natin sila ikukulong sa hawla o aquarium? Sigurado akong matutuwa ang mga baboy kung hahayaan natin sila maging malaya sa karagatan. Hindi ko maarok kung bakit mas gusto pa ng tao yung gumagastos s'ya at nagpapagod sa pagpapakain ng mga hayop para lang magkaroon ng makulay na dekorasyon sa bahay...o kung hindi man dekorasyon e kasama. Tignan mo na lang ang loro. Marami ang natutuwa sa ibon na 'to dahil sa kakayahan nitong magsalita. Handang gumasta ng libu-libo ang mga tao makarinig lang ng ibong nagsasabi ng "Hello!" at "Pangit! Pangit! Pangit!" Tuwang-tuwa ang mga may-ari pag naririnig nilang nagsasalita ang alaga nila ng "Prrrk...kumain ka na? Prrrk...kumain ka na?"
Kung titignan naman natin ang mga aso, sa huling tinging ko sa dyaryo ay nagkakahalaga ng 10T ang Toy Poodle, 15T ang Labrador, 22T ang Siberian Husky, 25T ang German Shepherd, French Bulldog, at Filipino Congressma, 30T ang St. Bernard at Pitbull, 35T ang Rottweiler, 48T ang Bullmastiff, 50T ang Belgian Mallinois na buntis (wala akong kinalaman), at 65T ang Akita. Kung gawa man sa ginto ang mga aso na 'yan ay hindi ko alam. Pero depende yata ang mga presyo sa klase ng aso, kasarian, edad, kalusugan, at kung mali ang tingin ko sa diyaryo.
Gano'n pa man, hindi pa rin ganap ang pagkatao ng alaga mong aso kung hindi mo s'ya ipapasok sa isang dog school kung saan n'ya matututunan ang kasaysayan ng Germany at ang C++ programming language. Bukod d'yan, bibilhan mo rin s'ya ng dog cage na may presyong 3T-6T pesos, 11T na dog treadmill, 280 pesos na dog collar, 860 pesos na dog food, 80 pesos na dog vitamins, 250 pesos na dog shampoo, at 1,000 pesos na pet deodorizer para hindi amoy hayop ang balahibo, hininga, ihi, at dumi n'ya tulad ng sa 'yo.
Ngayon, kung hindi ka miyembro ng Abu Sayyaf o wala kang pag-aaring mall, at hindi mo kayang mag-alaga ng mamahaling aso o bumili ng 50,000 na Arowana, e nandyan pa rin naman ang mga 2,500 pesos na Siamese Cat para libangin ka. Kung gusto mong mas mura e 180 pesos lang naman ang Love Birds. At kung gusto mong mas mura pa e 100 pesos lang ang mga hamster. Pero kung gusto mo talaga ng mas mura pa sa pinakamura, nandyan ang ulo mo na laging handang mag-alaga ng kuto para sa 'yo...libre!
Walang biro, mas ayos na alaga ang kuto kumpara sa mga...um, robotic pets ng Japan! Kunin na lang nating halimbawa ang Tamagotchi, isang electronic pet na mukhang relo at korteng biskwit. Sa gadget na 'to, makakapag-alaga ka ng isang 'virtual pet' na pwede mong pangalanan, pakainin, painumin, patulugin, at patayin. At tulad ng mga pangkaraniwang hayop, ang Tamagotchi ay pwede ring malungkot at magkasakit. Kaya nangngailangan ito ng atensyon mo at madalas na pagpindot. Oo, pagpindot, ito ang susi sa maganda ninyong samahan - ang pindutan! Para pakainin ang alaga mo, ang kailangan mo lang gawin ay pindutin s'ya. Para patulugin, kailangan mo rin s'yang pindutin. Pindutan sa umaga. Pindutan sa gabi. Pindot ka lang nang pindot. Mamamalayan mo na lang e malaki na pala ang alaga mo - at 'yan ay isang bagay na hindi biro-biro lang. Ang makapagpalaki ng Tamagotchi ay isang accomplishment na kapantay ng pagpasa sa Bar Exam! Totoo, dahil hindi lahat ay nakakatagal sa ganoong kadalas na pindutan.
Kaya naman naglabas ang Japan ng Pet Cradle, isang gadget na mag-aalaga ng Tamagotchi mo. Ang nasabing accessory na malaki lang nang bahagya sa kahon ng posporo ay nagsisilbing "cradle" at automatic controller na umaasikaso sa mga pangunahing pangangailangan ng Tamagotchi base sa timer na isini-set mo. Sa ganitong paraan ay hindi na kailangang pindutin nang pindutin ang alaga mo dahil meron nang pipindot nito para sa 'yo. Ang kailangan mo na lang gawin ay kumbinsihin ang sarili mo na meron ka ngang alagang hayop kahit na alam mong naglolokohan lang kayo. At kung ganoon nga, bakit hindi ka na lang mag-alaga ng halaman? O ng stuff toy? O ang bato?
Oo, tama, bato! Tignan mo: Hindi nangangagat ang bato, di nag-iingay, di naghuhukay, di nagkakasakit, di kinakain ng ibang hayop, di kailangan pakainin, di kailangan ang vet, di lumilipad, di kailangang pindutin o himas-himasin, di kinakapitan ng parasites, di kailangan ng oxygen tank, di kailangan ng vaccination, di kailangang suklayan, di tumatae, di umiihi, di kailangan ng laruan, di naninira ng mga gamit, di naglalagas ng balahibo, di pinapaliguan, di nangangamoy, di tumatalon sa cage, di nangangailangan ng treadmill, at di nape-peste. Kaya mag-bato ka na lang! 'Yan ang professional opinion ko.
Tsk, tsk...tignan mo nga naman, sa paghahanap ng tao ng unconditional love, nauuwi s'ya sa piling ng mga hayop. At ang ibang hindi pa rin kuntento sa unconditional love ng mga hayop, nauuwi pa sa mga robot. Bakit nga ba mahirap mahalin ang kapwa tao? Sa tingin ko e hindi naman dapat. Kung sisilip ka lang sa labas ng bintana mo, makikita mong maraming tao ang mas nangangailangan ng kalinga. Sigurado ako, kung magpapalagay ka sa classified ads ngayon ng "WANTED: Human Pet," marami ang mag-a-apply at makkita mong kaya rin ng tao ang mga ginagawa ng hayop. Mas magaling pa!
At eto atin-atin lang: sa murang halaga e pwede mo 'kong arkilahin para dilaan ka sa mukha tuwing darating ka ng bahay, kasama na doon ang pabulog, at kung gusto mong sabihan kita ng "Prrrk...kumain ka na?" buong araw, walang problema.
"Pangit! Pangit! Pangit!"
Hinalukay ko ang sarili sa higaan para makasam sa isang lakad na wala naman sa schedule. Kailangan daw ako.
Walang suklay. Walang ligo. Pabango lang konti at palit ng damit. Tatlong oras na biyahe na dinasalan ng sunod-sunod na hikab.
Ayos naman ang lungsod ni Kate, kaso lang parang parlor game ang paghanap sa pinapasikat na tourist attraction.
Lagpas sampu lang ang sasakyan sa parking lot. Bawal magdala ng pagkain sa loob ng parke. Magaling na kapatid - nagdala ng camcorder, wala namang bala.
Pwesto na sa show nila Simba at Charlie. Nakakatuwa si Simba...bibo! Si Charlie, parang may isip na at alam ang mga nangyayari. Hindi kasing bibo ni Simba.
Nakakatuwa naman ang palabas, kahit na may depektibo akong konsensya na nagpapaalala sa akin ng balitang minsan kong narinig. Exploitation of cruelty daw 'yon sa mga hayop.
Pag tinuruan mong mag circus at umastang tao ang mga hayop, cruelty. Pag tinuruan mong magpakatao ang mga umaastang hayop...ah ewan, walang masyadong gumagawa noon. You can't trick old dogs...ano na nga ba yung kasabihan?
Ngumiti at pumapalakpak ako alang-ala sa mga kasamang bata na pilit pinapasaya. Pero maraming pagkakataon na iniisip ko kung ano ang ginagawa ko doon at nagpalibre ako ng 410 piso para lang panoorin ang mga hayop na lagi ko namang nakikita sa salamin at kalye. At eto totoo, talagang hawig ni Charlie ang isang sikat na pro-admin senator.
Nagturo ng marine conservation ang animal trainer. Pagkatapos...tapos na ang show. Sundan na lang daw ang park attendants para sa mga interesado sa photo session. Kasing-galing ni David Copperfield, nawalang parang bula ang mga attendants.
Nagpunta na lang muna kami sa Marine Life Exhibit habang hinihintay ang show ng mga balyena. Maganda yung exhibit. Noong una bored ako, pero may attendant na accommodating. Naging interesado tuloy ako sa mga isda, at parang bata na napatanong kung ano ang life span ng starfish. Kaso 'wisit, hindi n'ya nasagot. Pakiramdam ko tuloy napahiya ko pa yung tao. Wala talaga ako sa timing sumingit.
Nananghalian kami ng hotdog in a bun. Walastik na tanghalian...hotdog, alas-tres ng hapon.
Nakita namin ang booth kung saan nagpapa-register para sa photo session. Late na. At may bayad pa palang .5 grand para sa isang shot na limitado sa tatlong tao (max of 3 people per picture). Limang-daan?!? No, thanks. Hindi namin gustong bilhin yung sea lion. At hindi rin naman talaga ako interesado magpa-litrato na kasama ng mga hayop dahil wala naman akong mapagyayabangan ng picture na 'yon. Kung meron man, baka mapikon lang din ako pag itinanong sa akin kung nasaan sa litrato ang tao at nasaan ang sea lion.
Maya-maya pumaligid na kami sa seaside whale show, kung saan papanoorin namin ang mga bisita na nagbayad ng 2.6T para makasamang lumangoy ang mga balyena.
Yung isang grupo, tatlong miyembro. Yung isa, tatlo din. Isipin mo, 3 x 2.6T. Magkano ang ginastos nila para lang makasama ang mga hayop na 'yon? "They sure have dough, man!" Sa halagang 'yon meron na silang makukuhang tatlong babae sa Maynila. Kasama ang short time room with meal. At hindi lang langoy ang pwede nilang gawin.
Dumating ang main event. Show. 15 minutes. Tumalon ang mga balyena. Kumain ng isda. Lumangoy. Pumalakpak. Kumain ng isda. Kumaway. Suminga ng tubig. Kumanta ng trik-trik-tirk-eeek-eeek-eeek-trik-trik-trik. Kumain ng isda. The end.
Photo session? Meron din. 800 pesos naman. Presyo ng dalawang mumurahing Kodak camera. Sabi ng isang matandang katabi ko, pag-alis daw ng mga bisita, lalabas yung mga taong nasa loob ng whale costume.
Uwian na. Pakiramdam ko lugi yung park. Ang konti ng tao. Wala pang ibang attraction. Dapat meron man lang malaking swimming pool. O kay "Abu Sayyaf-Beach Resort Incident Musical Dramatization Attraction." Mga ganoong tipo.
Dami kong iniisip. Di tuloy ako nag-enjoy. Pero may natutunan ako. Iba ang sea lion sa seals. Mas maliit ang mga kamay/paa ng huli. At "blowhole" ang tawag sa hingahan ng mga whale. At may pusod sila. At maraming bagay ang mahal pag wala kang pera.
Naranasan mo na ba yung mga pinaka-boring na sandali sa buhay mo kung kailan talagang batung-bato ka na at wala kang magawa? 'Yun bang sawa ka na sa mga tugtugin sa radyo, wala kang mapagtiyagaang palabas sa TV, tinatamad kang magbasa ng libro, wala kang makutkot sa ref, hindi ka inaantok, at namasyal ka na sa Zimbabwe pero bored ka pa rin?
Bad trip, 'no? Lalo na sa kaso ko, bad trip times two!
Kasi kung mapapansin mo, may mga tao na kahit wala silang ginagawa e meron pa rin silang nagagawa. Isipin mo na lang ang computer games. PC, playstation, Gameboy, Xbox. Mga higanteng negosyo 'yan. Pero naitanong mo na ba sa sarili mo kung paano sila naimbento? Sino nga ba ang unang nakaisip ng pangangailangan ng tao na pumindot nang pumindot para maligayahan?
Man 1: Maganda ang pangalan n'ya - "computer" - pero parang may kulang pa...
Man 2: Alam ko na! Lagyan natin ng barko at eroplanong nagbobombahan! Sa 'yo ang barko, akin ang eroplano, laban tayo!
Man 3: Hindi, may naisip akong mas maganda! Gumawa tayo ng malaking bungangang kakain ng mga pellets sa screen. Mas maraming makakain, mas mataas ang score.
Man 4: E ba't hindi na lang tayo gumawa ng mga aswang na raratratin natin ng baril para masaya?
Talagang kakaiba mag-isip ang mga game developers, kaya mataas ang tingin ko sa kanila. Kelan lang e natapos ko sa Gameboy ang "Lord of The Rings." Sa loob ng mahabang panahon, noon lang ulit ako nakahawak ng handheld computer game. At marami akong natutunan: Ang mga balon na may asul na tubig ay dapat palang iniinuman dahil nakakapagpalakas ito ng resistensya. Dapat ding binabarag ang bawat stump ng puno na nakikita natin sa daan, dahil ito ang mapagkukunan natin ng mga pagkain at gamot na kailangan para manatili tayong buhay. At ang mga Orcs o monsters, tulad ng mga basketbolistang nagpapanggap na Fil-Am, ay dapat tinatadtad, dahil sila ay nagiging collectible gems na maaaring ipagpalit ng mga helmet at espada. Ang sarap talaga maglaro ng computer games, kahit na parang na-gang rape ng mga martilyo ang hinlalaki mo pagkatapos.
Kaya nga bilib ako sa mga taong namuhunan ng lakas, talino, at oras nila para sa mga taong walang mapaggamitan ng sarili nilang lakas, talino, at oras. Special mention dito si GW Gale Ferris, isang mechanical engineer na nasobrahan sa paghithit ng Racumin, at nakaisip na gumawa ng dambuhalang "Ferris Wheel" noong 1893. Ang nasabing "entertainment device" ay may diameter na 250 feet, na kung susukatin patayo ay kasintaas ng ambisyon ng karaniwang mambabatas, at may 36 cars na kayang magsakay ng 60 tao bawat isa...pwede ring 65, kung handang malaglag ang lima. Ang tanong ngayon: Bakit naisipan ni Ferris na gumawa ng Ferris Wheel? Ano ang suliranin n'ya sa buhay nang maibento n'ya 'yon? Dahil ba sa "natural high" na makukuha dito kaya naengganyo rin ang iba na magpauso naman ng roller coaster, caterpillar, octopus, bump cars, at odd-even scheme ng mga sasakyan sa EDSA? Paano nila nakumbinsi ang mga tao dati na sumakay at magbayad para lang maghihiyaw?
Pero alam mo, di hamak na napakanormal pa rin ni GW Gale Ferris kung ikukumpara sa 25 na tao na nag-bungee jump sa Germany noong 1998. Oo, dalawampu't-limang tao na nakatali sa isa't-isa ang sabay-sabay na tumalon nang 170 feet. Matindi! Para silang mga talangkang na-lambat. Pero meron pa ring mas astig. Dahil isang buwan makalipas, isang tao naman ang tumalon nang 590 feet sa Sky Tower ng New Zealand. 590 feet - higit pa sa taas ng pinagpatong na Ferris Wheel! At ang taong ito, si AJ Hackett, ay tamalon na rin galing sa isang helicopter at mula sa Eiffel Tower. 'Yan ang pinakamatindi sa mga matindi. Ang hindi ko nga lang maarok e kung bakit hinahayaan pa ng mga awtoridad na mapunta sa mga matataas na lugar si Hackett gayong malulain pala ito at tumatalon na lang kaagad-agad paibaba. Dito ngayon pumapasok ang isa ko pang tanong: Sino ang unang tao na nakaisip ng extreme sports? Basta n'ya na lang bang naisip tumalon sa tulay matapos mag-almusal? Paano n'ya nalaman na mas masarap ang bungee jumping, sky diving, gliding, mountain biking, mountain boarding, wake boarding, sand boarding, skate boarding, snow boarding, speed skiing, ice climbing, rock climbing, at street luging kumpara sa paglalaro ng chess?
Ah, chess! Isa pa 'yan. Ang laro raw ng matatalino. Naging hilig ko dati nung hindi pa 'ko tamad mag-isip. Pero masasabi kong talagang nakakapagpatalino nga ang chess. Dahil ito ang nagturo sa akin maghimas ng baba, may balbas man ako o wala. Alam nating lahat na ang paghimas ng baba, o ang pangangalumbaba, ay ugali ng mga matatalino. Tignan mo na lang ang litrato ni Ninoy Aquino sa P500 peso bill - pormang genius! Ganoon din ang kadalasang asta ng mga hari sa pelikula, lagi silang may iniisip. Oo, minsan mukha lang silang constipated, pero kadalasan para talaga silang may mga suliranin: kunot ang noo, nakapangalumbaba, seryoso. Kung mapapansin mo, ganyan din ang imaheng gustong ipakita ni George Bush ngayon tuwing nagsasalita s'ya sa TV, kaso lang medyo may mali sa expression n'ya. Hindi ko matukoy kung ano, pero para s'yang laging may nginunguyang kamias. Siguro hindi s'ya naglalaro ng chess kaya gano'n.
Alam mo, ang gusto ko sa nasabing laro e yung mapapalipas mo dito ang mahabang oras nang hindi ka mangangailangan ng Alaxan pagkatapos. Pwede itong laruin ng mahirap o mayaman. Pwedeng dalhin kahit saan. At pwedeng sanggain para magtumbahan ang mga piyesa kung sakaling 3 moves na lang e mate ka na. Basta't siguraduhin mo lang na 10 years old pababa ang kalaban mo para ligtas ka sakaling maghamon ito ng suntukan...saka mo ngayon ipapaalala sa kanya na buksan ang TV dahil umpisa na ang Pokemon.
Pero may mga panohon rin na boring ang chess, lalo na kung friendly games lang. Eto e yung mga pagkakataon na tipong "no match" ang kalaban. Halimbawa, sobrang baba ng IQ ng kalaban mo at hindi n'ya makabisado kung anong kulay ang mga tauhan n'ya. Sa ganoong pagkakataon, pwede ka munang maghanap-buhay sa Kuwait habang naghihintay ng susunod n'yang move. Sa kabilang banda, kailangan mo rin naman iwasan ang mga nakatayong manlalaro sa chess. Eto yung mga "uzi" sa paligid na taga-broadcast ng magagandang move, na pag pinaglaro mo naman e diagonal magpaandar ng rook.
Isa pang drawback ng chess e yung masyado itong maraming piyesa na dapat ingatan at hindi dapat mawala...na hindi naman dapat maging problema 'wag ka lang magkakaroon ng batang anak, pamangkin, kapatid, o pinsan na kasama sa bahay. Dahil kung ganoon nga, delikado ang mga opisyal mo. Paboritong paglaruan at iwala ng mga bata ang rook, bishop, at queen. Pero 'wag mag-alala, subok na ng panahon at rekomendado ng mga pinagpipitagang manlalaro na tulad nila Karpov at Kasparov ang Eveready, Eye-Mo, at upod na kandila bilang pamalit sa mga nabanggit na piyesa. Magiging mas exciting pa ang chessboard dahil magmumukha itong Jumanji.
Interesanteng kultura talaga ang chess. Lalo na kung iisiping ang intelektwal at eleganteng laro na ito na nagmula pa sa Europa ay hindi talaga sa Europa nagmula kundi sa Asya. Paano nangyari 'yon? 'Yan ang ibabahagi ko sana ngayon kung hindi lang ako batong-bato at tinatamad... <*hikab*>
First time kong sumakay ng eroplano noong isang linggo. At dahil baguhan, dalawa lang ang dasal ko: Ang pangalawa, sana hindi bumagsak ang eroplano. Ang una, sana hindi ko makatabi sa upuan ang isang matandang ututin o batang mahilig mangulangot.
Pag-akyat ng eroplano, binati ng flight stewardess ng "Hi!" ang isang bata sa unahan ko. Nung ako na, ako ang bumati sa stewardess, "Hi!!!" sabay halik sa pisngi n'ya. (Pero pangarap ko lang 'yon.)
Seat 12E ng PR-C1509 ako ng Cebu Pacific. Tabi ng bintana. Swak. Dalawang mag-asawang(?) middle-ager ang katabi ko. 'Alang problema.
55 minutes lang daw ang flight namin. Ambilis? Pero takot pa rin ako dahil mahaba na ang 5 minutes pag nag-crash ang eroplano. Itinuro ng mga lalakeng flight attendant ang mga (...um, ano ba tawag doon)..."emergency drill." Pero wala akong naintindihan dahil ambilis, at para silang mga robot na de-susi; sabay na sabay mag-demo ng life-saving gears. Gusto kong pumalakpak, at sabihing, "Ang galing! Pero boss, pwede paki-ulit, yung mas mabagal konti?"
Ang ganda ng view sa eroplano. Kita mo ang mga bahay na sa malayo e mukhang mga bubog lang. Nung tumaas pa ang lipad namin, nawala na ang mga bahay...mapa na lang ang nakita ko na binubuo ng mga linya at mga kulay na green, brown, blue, at white. Lagi ko ring tinitignan ang pakpak ng eroplano, pinakikiramdaman ang engine, at inaabangan ang pagsasabi ng mga stewardess ng "Please fasten your seatbelt. We're going to die."
Sa awa ng Diyos (at ng piloto), oks naman ang flight. Hindi naman talaga nakakatakot lumipad, parang yung thrill lang din ng una mong sakay sa Ferris Wheel o Roller Coaster (pero di pa 'ko nakakasakay ng Roller Coaster). Ang totoo e tipong "I don't wanna miss a thing" pa nga ang excitement ko. Halos ilabas ko ang ulo ko sa bintana kakasilip. Wala ring turbulence. Sa Central Terminal lang yata ng LRT may gano'n. Tama ang statistics, mas delikado pang mag-travel by lang.
Yung snack, ayos lang. Mountain Dew, Big Bang, Chokies, at Chiz Curls. Para kang nanalo sa perya. Ginawa ko na lang pasalubong sa pamangkin ko.
Pagbaba ng eroplano (nang hindi kailangan ang parachute), tumuloy naman ako sa terminal ng mga jeep na magdadala sa 'kin sa terminal ng mga tricycle na magdadala sa 'kin sa terminal ng mga bus na magdadala sa 'kin sa terminal ko. Whew! Malayo-layong paglalakbay! Kaso yung lokong driver ng jeep e ibinaba ako sa terminal ng mga FX kung saan mahal ng 50 pesos yung pamasahe.
Napilitan ako. Wala pang laman yung van, maghihintay pa 'ko ng ibang pasahero. Patay ang aircon, bukas ang pinto...ang init! Maya-maya nakaramdam ako ng emergency. Tinignan ko ang paligid ng lumang gasoling station kung saan kami nakaparada. Di na 'ko nakatiis. Tinanong ko ang driver.
"Brod, may maiihian ba dito?"
"D'yan na lang, kahit saan, d'yan lang sila umiihi...kaya nga mapanghi dito e."
Buong puso ko namang sinunod ang payo n'ya. Nagbutas ako ng pader. Dilaw ang produkto. Tsk, tsk...dehydrated ako. Pagbalik ko sa sasakyan, saka ko lang nabasa ang malalaking letrang nakasulat sa pader: BAWAL UMIHI DITO. Nagkasala ako sa bayan.
Maya-maya pa e ininterrogate ko na ang driver. "Pupunuin pa ba itong sasakyan?" Magandang pamatay oras ang kwentuhan. Gumulong nang kusa ang usapan na politika. pOLitikA. PoliTiKa...hanggang nagkasawaan din. Tanong ulit ako, "Gaano katagal bago mapuno itong sasakyan?"
Eeengk. Wrong answer. Tagal. Sobrang bait nung driver, inamin n'ya na mahina ang pasada nung araw na 'yon. Wala raw nakakatagal sa paghihintay, umaalis na lang ang mga pasahero nila. 'Yun na rin ang ginawa ko matapos mgpasalamat sa pagpapasilong n'ya sa 'kin sa van.
Pagdating ko sa terminal ng mga bus, nag-text kaagad ako sa bahay gamit ang ipinahiram sa 'king cellphone na tuwing kabilugan lang ng buwan kung magkaroon ng signal. Masarap sa bus dahil mahangin at ayos ang sounds (WRR...patay sila d'yan!) Di masyadong naghintay ng pasahero yung driver, at umalis kami kaagad kahit hindi pa puno ang sasakyan.
Limang oras ang biyahe. Ayos, naging pancake yung pwet ko kakaupo. Umakyat sa bundok ang sasakyan, bumaba, lumiko sa kana, pumihit sa kaliwa, humarurot. Action film, parang may kalaban sa bubungan ng bus na kailangang ilaglag. Paulit-ulit na letter S ang dinaanan namin. Maraming beses na nalaglag sa talampakan yung utak ko. Tagtag talaga.
Halu-halo ang naramdaman ko nang mag-stop over ang sasakyan. Medyo namroblema dahil nag-umpisa nang magdilim. Mahirap na mangapa ng daan. Dalawang dekada na ang lumipas simula nang huli akong umuwi sa probinsya namin. Wala na ang lumang bahay. At first time kong pumunta doon mag-isa. Pero masaya rin ako dahil tumigil sandali ang mala-ipuipong bus, nawala ulit ang mga bula sa dugo ko. At ayos din ang pahinga dahil sa babaeng nagbi-videoke sa katabing eatery. Amateur, pero ang ganda ng boses! Concert quality. Totoo!
Maya-maya may mamang tumabi sa 'kin. Kinausap n'ya ang lalakeng nasa unahan ng upuan ko. Maya-maya pa ako naman ang kinausap n'ya. Medyo malalim ang dialect, di ko maarok! Sinabi ko lang kung saan ako papunta, pero alam ko di 'yon ang tinatanong n'ya. Binigyan n'ya 'ko ng babasahin. Tagalog. Gospel of St. John. Natuwa ako. Noon lang kasi ako "naglakbay" nang di dala ang bible ko. (Pinuno ako dati ng isang miracle crusade na tumatanggap ng mensahe galing sa mga UFO.)
Makalipas ang isang taon, narating ko rin ang probinsya namin. Gabi na. Kung dumating ako doon 20 years ago, puro puno na lang na maliwanag sa alitaptap ang makikita ko nang ganoong oras. Pero ngayon, 2001, sign board na ng Mercury Drug ang sumalubong sa 'kin. Nahirapan pa 'kong hanapin ang bahay na tutuluyan ko dahil nakalimutan ko ang landmark na sasabihin sa tricycle driver. Buti na lang di sila bobong tulad ko.
Nakitira ako sa bahay ng lola ko. Luma na yung bahay, bukod sa paminsan-minsang mga bisita, lola ko lang ang tumitira doon. Yari sa kahoy ang bahay, isang tingin pa lang kita mo na kaagad ang panahon na nagpatanda dito. Pagpasok ko sa kwartong tutulugan ko, isa lang ang naisip ko. Hmmm...ilang white lady kaya ang makakasiping ko ngayong gabi?
Kinagabihan ng sumunod na araw, pagkatapos magliwaliw sa kagubatan, at pagkatapos magawa ang official business na ipinunta ko doon, tinawagan na 'ko ng boss ko sa telepono. Ipinapauwi na ang ipinabili n'yang suka. Sasakay ulit ako nang, limang oras sa bus, tapos aangkas sa barko ni erpats for 33 hours (sa halip na eroplano).
Ten-bits. Akala ko magtatagal man lang ako ng ilang araw, naghanap pa 'ko kaagad ng cybercafe bilang first aid kung sakaling atakihin ako ng withdrawal syndrome. Sayang, andami pa sanang gimik na nakahain...may sayawan pa raw sa plaza kinabukasan at may parada ng mga artista (WOW!!!) Sa pangalawa at huling gabi ko sa probinsya, meron pang amateur singing contest, eksaktong sa tapat ng bahay ng lola ko ginawa ang instant stage. Front seat sana ako sa gutters, kaso maaga akong inantok. Di ako nakapanood, pero di rin ako nakatulog dahil naririnig ko lahat ng kumakanta...na insultong sinasabayan ng audience tuwing pumapalya sa tono.
Akala ko magkasing-bilis lang ang eroplano at barko. Di ko alam na barko pala ang pinakamabagal na transportasyon. First time ko sa eroplano, at first time ko rin sa barko...ayos lang na mas mabagal ang barko...PERO 33 HOURS???
Nagalit yata sa 'kin yung barko, nasira yung makina. Yung 33 hours, naging 40 hours. Umabot yata sa 52 hours ang naging kabuuang biyahe ko, samantalang 36 hours lang ako sa probinsya. Mas matagal pa 'ko sa daan. Sa sobrang tagal ko nga sa dagat parang nakakakita na 'ko ng Loch Ness Monster, saka parang nakita ko rin yung balsa ni Tom Hanks at narinig na kumakanta si Celine Dion. Ang ganda pa nung mga pinanood naming pelikula sa barko: "Shark Attack" at "Perfect Storm." Walastik! Gusto ko sanang maglaglag ng mga crew sa karagatan.
Sabi ko sa tatay ko sana nag-eroplano na lang ako. Sagot n'ya: "Pag bumagsak 'yon, sunog ka, wala kang kawala. Buti pa ang barko." Hereditary yata talaga ang pagka-praning. "Matagal dito, pero pwede ka lumakad, humiga, maligo...hindi ka mukhang bagahe." Hmmm...ayos sa salestalk. Naligo ako at umebs kinabukasan. Doon naisip ko: Do ebs from ships go to heaven?
Nadehydrate ako sa biyahe dahil di ako nagbaon ng tubig (ayoko rin kasing maya-maya naji-jingle), nagutom (di ako masyadong kumakain dahil ayokong mag-LBM sa daan), nagpuyat (di madaling matulog sa biyahe), napagod (syempre), nainip (lalong syempre). Pero sulit na sulit pa rin ang biyahe. Dami kong natutunan:
Daming "Pro-ex-president" ang nakausap ko sa daan. Maraming "idol mentality." Pagkukulang ng pamahalaan, ng simbahan, natin.
Daming politikong matigas ang mukha. Tuwing eleksyon, paano nila nakukuhang paulit-ulit na magkabit ng posters sa mga gumigewang na barung-barong na nakatirik sa mga baku-bakong kalye? "Iboto n'yo 'ko ulit kahit na isang milenyo na 'kong gobernador at wala pa rin akong pagbabagong nagagawa sa lugar na nasasakupan ko!"
Nung huling uwi ko sa probinsya namin, wala pang kuryente. Ngayon, may Internet at kuba na rin ang mga tao sa kaka-text. Progress?
Maraming naikwento ang lola ko. Terror na teacher pala s'ya nung kabataan n'ya, pero hindi s'ya nananakit. Isa sa mga interesante n'yang sinabi ay "Estudyante mo rin ang magulang ng mga mag-aaral mo. Dapat din silang turuan na sumuporta sa pagpasok sa eskwela ng mga anak nila." Cool at charismatic si lola. Medyo malungkot nga lang kinabukasan habang ginagawa n'ya ang babaunin ko sa biyahe. Noon ko lang s'ya nakilala, ganoon din s'ya sa akin. Pero parang antagal kong tumira sa bahay na 'yon dahil sa dami ng naikwento n'ya. Binanggit n'ya na sa pagkukumpuni ng nasabing tirahan naubos lahat ang perang nakuha n'ya sa retirement. Naisalba at mukhang nakondisyon n'ya nga yung bahay, pero di na maitatago ang edad nito. Darating ang panahon na susuko na rin ito sa anay, rurupok, mabubulok, at tuluyang mawawala...tulad ng lola ko...tulad ng lahat ng tao. Napaalalahanan ulit ako ng katotohanang lahat e may hangganan sa mundo.
Hindi maitatangging kalbo ang mga kabundukan at madumi ang dagat ng Pilipinas. Marami akong nakitang flying fish, pero yung talagang malalaking isda e dalawa lang yata. Hindi pa 'ko sigurado kung isda nga 'yon o campaign poster lang ng mga senatoriable, na itinapon sa dagat.
Dapat daw mag-candy sa eroplano para hindi mag-pop ang tenga mo sa pressure, at ipikit ang mga mata para hindi ma-sea sick sa barko. Pero di ko masyadong napansin ang alin man sa dalawa, busy ako masyado sa pagkakamangha sa mga nakita ko.
Nang umalis ako ng bahay, hindi ako nagdala ng camera. Sabi ko magiging traveller ako at hindi tourist. Nakakapanghinayang din dahil marami akong nakita na alam kong di ko makikita sa Metro Manila. Pinilit ko na lang namnamin ang ganda ng kasalukuyan.
Isip ako nang isip dati kung ano ang nakukuha ng mga tao sa "travel." Walang dating sa 'kin ang salitang 'to. Pero nitong mga nakaraang taon, saka ko lang naisip na kung magkakaroon ng pagkakataon e marami rin akong lugar na gustong bisitahin. Yung tipong traveller ng Lonely Planet, hindi turista. At katulad ng sinasabi nila sa buhay, tingin ko totoo ngang mas importante ang "journer" kesa sa "destination."
Marami na 'kong natutunan sa Science noong elementary, pero nang makita ko ang mundo mula sa bintana ng eroplano, napatanong ulit ako. Ano ba ang ulap? Ano ang bundok? Ano ang dagat? Parang napakababa lang ng ulap pag nasa dagat ka. Parang walang katapusan ang dagat. Parang maliit lang ang pagitan ng pagsikat at paglubog ng araw. Ano ang dilim? Bakit ito nakakatakot? Ano ang araw? Ba't di nauubos ang apoy n'ya? Bakit anlaki at ang ganda ng natural na mundo? Paano natin nasasabi na maganda ang isang bagay?
Ewan ko kung nasobrahan lang ako sa biyahe, pero iba talaga ang pakiramdam pag malinaw mong nakikita ang sarili mo na nasa ilalim ng maraming ulap, sa ibabaw ng malawak na lupa, at sa gitna ng mga matataas na bundok at malalim na dagat. Parang napaka-natural lang ng pakiramdam na makipag-usap ka sa isang kapangyarihang hindi mo nakikita.
Sa librong binasa ko habang nasa barko, nasabing ang pagtatalo raw tungkol sa kung may Diyos o wala ay parang pagtatalo ng mga garapata kung may aso o wala. Ang pagtatalo raw tungkol sa pangalan ng Diyos ay parang pagtatalo ng mga garapata kung ano ang pangalan ng aso. At ang pagtatalo tungkol sa kung sino ang may tamang paniniwala ay parang pagtatalo ng mga garapata sa kung sino ang nagmamay-ari sa aso.
Palagay ko nga.
Sa pagpanaw ko, sana dilaan ako sa mukha ng nasabing aso.
.
.
.
Tara na. Kanina pa 'ko naghihintay. Itim ang piyesa ko...queen ko 'yang hawak-hawak mo.
< ' > Sa impyerno n'yo 'ko dadalhin.
<.- -.> Sigurado ka na d'yan?
< ' > Oo...kahit hindi ako naniniwala sa impyerno.
< ' > ...Pero 'wag kang mag-alala, dahil wala akong pakialam!
<.- -.> Hindi ka naniniwala sa impyerno, pero tingin mo doon ka babagsak.
<.- -.> Paano nangyari 'yon?
< ' > "Nasusulat."
< ' > Alam ko ang nilalaman ng bibliya.
< ' > ..
< ' > Sinubukan na kitang hanapin doon noon.
< ' > Baka 'kako sumulpot ka.
<.- -.> Talaga? Haha...
<.- -.> Kahit papaano e pwede ka rin palang respetohin.
<.- -.> Marami kasing puro tanong lang, hindi naman naghahanap ng sagot sa tamang lugar.
<.- -.> Tapos bigla na lang susuko at sasabihing hindi naman ako totoo!
<.- -.> Yung mga ganoong klase ng "matatalinong" tao ang masarap balutin ng lumpia wrapper at ilublob sa kumukulong lawa ng apoy!
<.- -.> ..
<.- -.> Pero bakit ka sumuko?
< ' > Dahil magulo. Masyadong maraming misteryo. Maraming walang kasagutan.
< ' > Ayoko ng gano'n!
<.- -.> Kaya iniwan mo ang simbahan?
< ' > Oo. Hindi ko matagalan ang mga ipokrito!
< ' > ...At ayoki rin naman ng buffet katulad ng ginagawa ng iba.
<.- -.> Anong buffet?
< ' > Mix ang match sila ng religious practices.
< ' > Sinusunod lang nila ang mga paniniwalang akma sa panlasa't pamumuhay nila, tapos yung iba binabalewala na...o pinapalitan ng mga tradisyong galing naman sa ibang simbahan.
< ' > Anu't-ano man, pare-pareho pa rin silang ipokrito't makasalanan!
< ' > Bahala silang magpatayan sa kung kailan ang totoong araw ng pahinga, kung ang Diyos Anak o ang Diyos Ama ang tunay na Diyos, kung ano ang kasarian ng Diyos, kung bakit ginawa 'yon ni Lucifer, kung sino ang Antikristo, kung umakyat ba sa langit si Maria, kung nasaan ang barko ni Noah, kung totoo ang Bible Code, kung anong libro ang tama, kung ano ang dapat at hindi dapat kainin, kung dapat bang ihiwalay ang sarili sa masamang mundo, kung ilan ba ang pwedeng maging asawa ng tao, kung pwedeng mag-asawa ang mga pari, kung dapat bang magbigay ng pera sa simbahan, kung may malas at swerte, kung may Pasko o wala, kung nagbabalik sa mundo ang mga patay, kung may mga nilalang sa ibang planeta, kung nanggaling sa unggoy ang mga tao, kung may katuturan ba ang buhay...at kung bakit kami napunta sa lintik na mundo na hindi naman hiningi!!! *Tanging Yaman*
<.- -.> ...
<.- -.> Kalamayin mo ang loob mo.
<.- -.> Ganyan talaga ang mga tao, pipihit-pihitin ang katotohanan hanggang sa sumang-ayon na ito sa kumportableng posisyon ng mga makasarili nilang puso. Gagawin ang lahat mapaniwala lang ang sarili na hindi sila dapat mapasailalim sa anumang batas na magpapabigat lang sa konsensya.
<.- -.> Pero hindi mo na dapat pinapasakit nang ganyan ang ulo mo dahil lang sa mga maliliit na bagay.
< ' > Maliliit?
<.- -.> Oo. Parang eskwelahan din ang buhay e. Marami kang pag-aaralan, pero hindi naman lahat 'yon e importante at kailangan mong matutunan.
< ' > Anong ibig mong sabihin?
<.- -.> Walang kinalaman ang paraan ng pagsamba ng tao sa kanyang kaligtasan. Dahil sa kabuuan ay iisang Diyos lang din naman ang sinasamba ninyo, nagkakaiba-iba lang ng paraan.
<.- -.> ...
<.- -.> Oo nga pala, dumating na ang oras.
<.- -.> Handa ka na ba sa hatol?
< ' > Wala akong pakialam!
<.- -.> Ako meron.
< ' > Hindi ko kailangan ang opinyon mo!
<.- -.> Shhh!
<.- -.> 'Wag kang matakot.
<.- -.> Walang hanggan ang pagmamahal ko sa tao at marunong akong magpatawad sa mga nagkakasala.
<.- -.> 'Wag mong masyadong sisihin ang sarili mo...tao ka lang!
<.- -.> Alam kong mabuti kang nilalang. Sinasarili mo ang kahinaan mo at hindi mo na pinipilit pang hawaan ang ibang tao. Nirespeto mo ang mga gustong sumunod sa akin, hindi mo sila hinimok na talikuran ako kailanman.
<.- -.> Para sa iyo...ang walang hanggang buhay!
< ' > ...
< ' > Hindi mo 'ko parurusahan???
<.- -.> Hindi pa huli ang lahat para sambahin mo 'ko.
< ' > Gano'n lang?!
<.- -.> Syempre, kung sasambahin mo 'ko, luluhod ka!
< ' > ...
< ' > ..
< ' > .
<.- -.> O, ba't hindi ka na kumibo?
< ' > Parang alam ko na 'to e...
< ' > Tama ang hinala ko. Ikaw nga si Lucifer.
<.- -.> HA???
< ' > Ikaw si Lucifer!
<.- -.> Kanina pinaghirapan kitang kumbinsihin tungkol sa Diyos, tapos pagdating sa katauhan ni Lucifer bigla-bigla ka na lang maniniwala?
< ' > Naiintindihan ko na...puro kasinungalingan nga ang mga binitiwan mong salita.
<.- -.> Huh?!?
<.- -.> Dahil lang sa iniisip mong ako si Lucifer e mawawalan na ng kabuluhan ang lahat ng sinabi ko?
<.- -.> Paano kung sabihin kong ako si St. Michael?
<.- -.> O si Kupido?
<.- -.> O si Mother Teresa?
<.- -.> O si James Dean?
<.- -.> Gano'n-gano'n na lang ba 'yon?
<.- -.> Sayang naman ang pinagsamahan natin!
< ' > Hindi mo 'ko maloloko.
< ' > Patay na 'ko...ayon sa bibliya, natutulog lang dapat ako ngayon. Walang kamalayan kahit ano.
< ' > Pangalawa, hindi ito ang oras ng paghuhukom.
< ' > Walang aakyat sa langit o bababa sa impyerno hanggang hindi pa nagaganap ang Muling Pagbabalik.
< ' > Pangatlo -
<.- -.> HAHAHAHAHA!!!
< ' > Anong nakakatawa?
<.- -.> Ikaw!
<.- -.> Hindi ko alam kung na-jet lag ka o ano!
<.- -.> Hindi ako si Satanas, o si Lucifer, o si Beelzebub, o si Lex Luthor!
< ' > Tama na!
< ' > 'Wag mo na 'kong paikutin.
<.- -.> BWAHAHAHAHAHA!!!!!!
<.- -.> Nakakaaliw ka talaga!
<.- -.> Oops, sorry!
<.- -.> Baka dahil tumawa ako nang ganyan, lalo mong ipagpilitang demonyo ako.
<.- -.> Hehehehe...
<.- -.> Ayusin na lang natin ito...
< ' > Hindi ako nakikinig sa 'yo!
<.- -.> Sige, tutal hinihingal pa naman ako sa katatawa, papahinga muna ako.
<.- -.> .
<.- -.> ...
<.- -.>.
<.- -.> Game!
<.- -.> Ganito...tutal ayaw mo naman akong sambahin, ibabalik na lang kita sa lupa sa dati mong panahon, pero may ibang buhay at katawan, para patunayan sa 'yong hindi ako ang Diablo.
< ' > Para ano?
<.- -.> Para mas maintindihan mo ang mga bagay-bagay.
<.- -.> Pangalawang pagkakataon.
<.- -.> Para sa pagbabalik mo dito, handa ka na talaga at malinaw na ang lahat!
< ' > Maibabalik mo ba ako sa panahon na maganda pa ang takbo ng buhay ko at hindi pa huli ang lahat?
<.- -.> Oo naman! Alangan namang ibalik kita sa lupa nang selyado na sa ataul ang katawan mo!
<.- -.> Hehe, loko ka pala eh!
<.- -.> Ganito ang gagawin natin, sabihin mo lang "GO!" at ibabalik kita sa lupa sa isang kisapmata.
< ' > At ano ang kapalit - ang kaluluwa ko???
<.- -.> At ano naman ang gagawin ko sa kaluluwa mong may anghit?
<.- -.> Masyado kang napapraning!
< ' > Sandali, bigyan mo 'ko ng magandang dahilan para paniwalaan ka.
<.- -.> Ummm...sabihin na lang nating Diyos ako.
< ' > Hindi ka Diyos.
<.- -.> Diyos ko po!
<.- -.> Ako ang Diyos...magkukulitan pa ba tayo?
< ' > Kung ikaw ang Diyos, ibibigay ko na lang sa demonyo ang kaluluwa ko.
<.- -.> Walang problema.
<.- -.> Ayaw mo talagang ipagkatiwala sa akin ang kaluluwa mo ha!
<.- -.> Play safe ka masyado...hehehe!
<.- -.> Hindi ka naniniwalang Diyos ako.
< ' > Hindi ka mapagkakatiwalaan.
< ' > Walang katotohanan ang mga sinasabi mo.
<.- -.> Pero paano kung mali ka sa pag-aakalang hindi totoong hindi ako ang hindi nagsasabi ng walang katotohanan...akin na ba ang kaluluwa mo?
< ' > Iyong-iyo na!
< ' > Tutal hindi naman ako naniniwala sa 'yo o sa kaluluwa!
<.- -.> BWAHAHAHAHAHA!!!
<.- -.> Deal?
< ' > Deal.
<.- -.> Cool!
<.- -.> Hehehe...
<.- -.> Ngayon din ay magbabalik ka sa lupa. Makikita mo na lang ang sarili mo na taimtim na nagbabasa ng katapusan ng itim na librong walang kwenta at hindi mo maintindihan...
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento