Grade 1.
Ibinili ako ng kapatid ko ng lapis na galing sa Gift Gate. Hindi ako natuwa, lalo na nung ipagpilitan n'ya yon sa akin. Sabi ko magagalit ang teacher ko dahil kabilin-bilinana sa amin e yung itim na matatabang lapis lang ang pwede naming gamitin sa eskwelahan.
Grade 3.
First time kong gumamit ng ballpen sa eskwelahan.
Grade 3.
nagkaroon ako ng McDonald's ballpen. (Patay sila d'yan!)
Grade 5.
Birthday ko. Bilang paglalambing, binigyan <*ubo*>... pinahiram ako ng kapatid ko ng retractable pen. Pero hindi ko alam kung naiwala ko o nanenok yung ballpen sa taniman ng mga talbos ng camote sa eskwelahan namin. Buti na lang at hindi na nabanggit ng kapatid ko ang tungkol sa "ibinigay" n'yang ballpen...hanggang ngayon. (Huwag ka lang magsusumbong!)
Grade 6.
First time nauso ang Kris Kringle sa pamilya. Dahil wala akong pera, sign pen lang ang binili ko. Ako ang nakabunot sa sarili kong regalo. Yahooo!
Grade 6.
Nagkaroon ulit ako ng McDonald's ballpen. Yung parang puzzle na pwedeng putul-putulin ang katawan at isang pulgada lang ang mismong ballpen. (Bayaran kaya ako ng Mcdo sa free ads?)
1995
Nakita at napagsama-sama ko ang mga lumang ballpen na may tatak pa ng mga pinanggalingan kong eskwelahan.
1997
Isang katrabaho ang nagregalo ng silver pen. Kalakip ang sulat na nagsasabing alam n'yang susulat daw ako ng libro balang araw. Hindi ko alam kung saan n'ya ibinase ang hula n'ya. Dapat yata humingi rin ako ng mga numero na pantaya sa lotto!
2000
Naging official pen ko ang isang retractable pen na nakita ko lang na kakalat-kalat sa bahay noong 1993. (Official pen = ipinansulat sa ilang bahagi ng ABNKKBSNPLAko?!, at ipinampirma sa kontrata ng VPE, Yehey!, at ilang kopya ng unang libro.)
2002
Bumili ako ng red ballpen para mas madaling ma-revise ang manuscript ng Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino?
2002
Natuyo ang red ballpen matapos ang isang buwan.
2002
Nakatanggap ako ng Parker Pen with refill, birthday gift ng ka-loveteam ko. (Sukli yata dahil ipinasyal ko s'ya sa Manila Zoo.)
2003
Naisip kong naging masyado akong matipid sa paggamit ng mga ballpen na inireregalo sa akin. Masasayang lang ang tinta kung minsanan ko lang sila isusulat. Kaya naisipan kong gamitin ang mga nabanggit sa pagsusulat ng Ang Paboritong Libro ni Hudas.
Ayun, pare-parehong kinapos. Iginapang ko tuloy ang pagtatapos sa libro gamit ang napulot na Reynolds na kakalat-kalat sa bahay. (Trivia: Tirador talaga ako ng mga kakalat-kalat.)
2003
Wala akong ballpen, lapis, o anumang panulat.
2003
Napag-isip-isip kong abnormal ang manunulat na walang panulat. Bumili ako ng dalawang Pilot sign pen at tatlong ballpen.
2003
Nagpadala ang isang kamag-anak ng The Fisher Space Pen (www.spacepen.com). Ballpen na diumano ay may "...non-skip textured tungsten-carbide, ball encased in a stainless steel ball socket, designed and machined to almost perfect precision. The sealed inck cartridge is pressurized at about 45 pounds per square inch and contains a visco-elastic, thixotropic, solid-gel ink. The result is a ballpoint pen that will write dependably smooth upside down, underwater, over grease, in extreme cold and hot temperatures, with an estimated shelf-life of 100 years."
Naimbento ni Paul Fisher mula pa noong 1965, gamit ngayon ang Space Pen sa lahat ng manned space flights-American or Russian.
Sinubukan kong isulat ang nasabing ballpen nang nakatingala. Sumakit ang likod ko (ba't di ko kasi naisipang humiga na lang?), pero hindi nga nawalan ng tinta ang produkto ni Fisher (kumpara sa lokal na Reynolds na sinubukan ko rin.)
Ballpen.
Sabi ng mga taga-ibang bansa, nakakatawa raw tayo dahil 'ballpen' ang tawag natin sa 'pen'.
Ballpen.
Ballpen.
Ballpen.
Ang hirap sa ibang ballpen, pag itinayo mo nang pabaliktad, natutuyo ang tinta. Pag itinayo mo naman nang tama, nagtatae.
Nagkaroon ka na ba ng ballpen na nagtatae? May kaklase ako noong elementary na nag-ubos ng isang bagong notebook kakapunas sa nagtatae n'yang ballpen. Hindi ko alam kung bakit hindi n'ya naisip na ihagis na lang yung ballpen sa basurahan.
.
.
.
Nagtatae ngayon ang ballpen ko. At hawak mo ang basurahan.
"Writing is easy.
All you do is stare at a blank sheet of paper
until drops of blood form on your forehead."
- Gene Fowler
Journalis and biographer
Noong bata ako lagi akong nanonood ng The Electric Company. Parang Sesame Street din yon pero pang mas matatandang bata. Wag mo nang itanong kung bakit ganoon ang title, di ko rin alam. Isa sa mga paborito kong parte noon e yung mga kwento nila sa pagpapalit ng mga letra ng salita. Halimbawa, may batang nakaupo sa MAT. Tapos may darating na witch na magpapalit ng letter R sa letter M. Ang kalalabasan, sa RAT na nakaupo yung bata, kaya mapapasigaw ito. Cool.
Ngayon, kung yayayain kita kumain ng kulangot, sigurado mababatukan mo 'ko. Pero kung darating yung witch na maglalagay ng "sundot" sa salitang "kulangot", malamang tatanggapin mo na ang iniaalok ko.
Boyfriend: Darling, gusto mo'ng kulangot?
Girlfriend: EEEEEEWWWWWWW!!!!!
Boyfriend: E darling, sundot-kulangot?
Girlfriend: Yum-yum!
Sundot-kulangot. Pagkain yon. Isang jam na sinusundot sa loob ng maliit na kawayan. Alam ko meron noon sa Baguio, pero hindi ko lubos maisip na mag pagkaing ganon ang pangalan. Pick a booger. Palagay ko nag-umpisa ito noong unang panahon nung ipinagbabawal pa ng mga datu ang paglilinis ng ilong. Hanggang sa ma-legalize ito noong panahon ng Commonwealth at tinanggal sa listahan ng mga heinous crimes. Sa ngayon, ang sundot-kulangot ang nagsisilbing katibayan ng karapatang minsan nating ipinaglaban alang-alang sa laman ng ilong na inilalaman sa tiyan.
"Alamat ng Sundot-Kulangot"
Datu: Masarap nga, pero ano naman ang itatawag natin d'yan?
Anak: Cadbury?
Datu: Nakakabulol.
Anak: Chips Ahoy?
Datu: Ang haba.
Anak: M&M?
Datu: Ang ikli.
Anak: Minatamis?
Datu: Walang dating.
Anak: Tae ng tuko?
Datu: Mabaho masyado.
Anak: Alam ko na-SUNDOT-KULANGOT!!!
Datu: You're da man, son!
The End.
Natawa ka man o nandiri sa pagkaing may kakaibang pangalan, isang patunay lang yan na apektado ka ng salita. Nabasa mo man o narinig, bumubuo ng eksena ang isip mo base sa pagkakaintindi nito sa impormasyong nasagap. Isip mo ang nagsasabi kung ang isang salita e baboy, bastos, o <*censored*>. Pagkuskos ng libag, pagkain ng muta, pag-amoy ng tae, pag-inom ng ihi, pagtusok sa mata, paglitson sa sanggol. Lahat ng mga salitang yan may dating sa'yo. Sabi kasi ng isip mo.
Ayon sa Discovery Channel, ang pagkakaroon ng lenggwahe ang isa sa mga pinakamalaking pagkakaiba natin sa mga hayop. Bagama't umpisa tayong makipag-usap na para ring mga hayop noong unang panahon, kalaunan e nag-evolve tayo hanggang umabot sa panahon ngayon kung saan marunong na tayong maglagay ng hikaw sa ilong.
May iba't-ibang teoriya tungkol sa pinagmulan ng lenggwahe. Sabi ng ilang scientist, nag-umpisa raw ito sa mga natural nating reaksyon kung natutuwa o nagugulat. At meron din namang mga naniniwalang ang lahat ng ito ay resulta lang ng pagkain natin ng sundot-kulangot. Isa ako doon.
Ngayon, kung paano nagkaroon ng mga salita na tulad ng French na parang laging nanliligaw, at tulad ng German na parang laging lumalabag ng karapatang pantao, e hindi ko alam. Pero ayon sa Simbahan, may kinalaman daw sa pinagmulan ng iba't-ibang lenggwahe ang kwento ng Tore ng Babel kung saan habang nagtatrabaho ay bigla na lang nagkaiba-iba ng salita ang mga tao at hindi na nagkaintindihan. Ang resulta, di umano natapos ang tore. Walang nangyari sa proyekto at nasayang lang ang lahat ng pondo. Yun daw ang patunay na noon pa man ay may mga congressma na.
Hanggang sa mga sandaling 'to, bakas pa sa mundo ang pinsalang dulot ng Tore ng Babel sa lenggwahe ng tao. Kung makakapanood ka ng piniratang DVD ng War of the Worlds (2005), makikita mong hirap pa ring mameke ng English subtitle ang mga kapit-bansa nating Asyano.
Ray: It's OK...
(Subtitle: Do not fine, you is just fine.)
Rachel: Is Robby OK? Are you OK?
(Subtitle: Robby do not fine, you do not fine?)
Rachel: Is it over?
(Subtitle: What that finish?)
Ray: You better be there when I get back!
(Subtitle: Better is you ove there moment I return.)
Ray: Everybody just relax, OK?
(Subtitle: Altogether only is dark.)
Ogilvy: They have been planning this for a million years.
(Subtitle: Have planned since millions of last year.)
Ogilvy: This is not a war any more than there's a war between men and maggots...
(Subtitle: This non war again between Manon and of Maget.)
Ogilvy: This is an extermination.
(Subtitle: This is abbatoir.)
Ogilvy: Take them by surprise.
(Subtitle: Give surprise them.)
Ray: You don't have anything to say to her, understand?
(Subtitle: You is there is something that wish to be told? Understand.)
Ray: You gotta be quiet!
(Subtilte: You have a peace.)
Soldier: Everybody down!
(Subtitle: Altogether bow!!!)
Mas matindi pa ang ebolusyon ng lenggwahe kung sa musika mo 'to papansinin. Halimbawa na lang sa mga pamagat ng kanta. Dahil lumaki ako sa mga plaka at cassette tapes ng tatay ko, nakilala ko ang mga kantang tulad ng When Will I Be Loved, Misty, For Once In My Life, at As Time Goes By, na pare-parehong madaling intindihin. Pero ilang dekada makalipas, nag-iba ang ihip ng hangin. Kung pakikinggan mo maigi ang mga kanta ngayon, makakarinig ka ng mga salitang: "Oooh, you touch my trala-la!" at "Shake what your momma gave ya!" Kung anuman ang "trala-la' na gustong pahawakan ng singer at ang pamana sa'yo ng nanay mo na ipinaaalog n'ya, e hindi ko na alam.
Simula sa mga "ooogah-ooogah" at "aaagh-aagh-agh" natin noong unang panahon, na ang ibig sabihin ay "ATM Offline," natuto tayo gumamit ng iba pang salita na may simpleng tunog. Tulad ng "OK."
Kung Happy Birthday ang pinakasikat na kanta sa buong mundo, ang OK naman ang salitang pinakamadalas gamitin sa kahit anong lenggwahe. Galing sa Amerika ang salitang OK, pero nalaman ng mga Amerikano noong World War II na maging ang mga Bedouins pala at Hapon ay gumagamit din nito.
[Click OK to continue....]
Samantala, kung ang mga Pinoy ay may Carabao English, ang mga Amerikano naman ay meron ding "Thigalog" language. Eyno men eng seybihen neyla, genitow eng keynalalabasan. Sa ganyang paraan nila nadiskubre noong Second World War ang salitang "bundok" at ginawang "boondocks" para tukuyin ang lugar na kinaroroonan nila. Galing sa atin, pero nasa dictionary nila ngayon ang salitang yan.
Isa pang misteryosong salita na hindi alam ng maraming tao-kahit ng mismong mga motorista-ang kailan ko lang din naintindihan. Madalas mong mabasa sa mga daan, pero konti lang ang nakakaalam ng ibig sabihin. Yung iba akala pangalan ng kalye, yung iba naman akala pangalan ng isang historical figure. Sabi nga ng ilan, ba't daw pinagulo pa, Pedestrian crossing lang pala ang ibig sabihin ng "PED XING".
Pero ang mas matinding tanong, saan nanggaling ang mga katagang kinalakihan nating mga Pilipino, na tulad ng: "Lokohin mo lelang mo" at "Asawa ni Marie...walang panty"?
Super thank you.
Ano ba ang pinagkaiba pag sinabihan ka ng "thank you" at "super thank you"? Natutuwa ako pag nakakarinig ng mga dalagitang nagsasabi ng super thank you. Kasi nai-imagine ko na may kapa at special powers ang thank you nila. Pag nag-thank you sa'yo ang ibang tao, thank you lang talaga. Pero pag mga dalagita, it's Sooooooooper Teeengkyooo!!! <*TANA-NANAN-TANAN*>
Di lang yan. Tulad ng Superdog ni Superman, may sidekick ding Super Sorry ang Super Thank You. Tipong pag sinabihan ka ng sorry, pwedeng sumama pa rin ang loob mo. Pero pag sinabihan ka na ng SUPER SORRY, naku-bawal na magtampo! Kasi SUPER na yan. Kasing lakas na yan ng mga paputok na Super Lolo. At kung "super" pa lang e ganyan na kalakas, hindi mo na gugustuhing malaman pa ang resulta pag dinagdagan pa yan ng "duper"!
Isipin mo naman ngayon ang kapangyarihang taglay ng "super" kung mapapasakamay pa ito ng mga makapangyarihang tinig ng ating panahon. Tinig ng mga kabataan? Hindi. Tinig ng mga mambabatas? Lalong hindi. Tinig ng mga taga-MMDA na may microphone? Sakto!
Pinagsama-samang traffic police, radio commentator, sports anchor, talk show host, magulang, at diyos-yan ang mga MMDA natin pag nakakahawak ng mikropono. Sa una maninita lang sa bus na sumuway sa batas trapiko, tapos magko-comment na sa katigasan ng ulo ng mga tao, na ikukumpara sa palpak na laro ng paborito nilang koponan sa PBA noong nakaraang gabi, na ikakadawit ng pribadong buhay ng isang artista, na mauuwi sa mga nakalimutan na nating disiplina at moralidad, at magwawakas sa pangangailangan ng lahat ng pagtitika at kapatawaran. Super sorry.
Kung ako ang tatanungin, hindi ako boto sa pagtatalaga ng mga traffic enforcer na may mikropono sa gitna ng kalye. Bukod kasi sa noise pollution, nagmumukha lang baka ang mga tao na nangangailangan ng pastol. Lahat nagmumukhang tanga. Minsan naiisip ko, traffic nga ba ang problema o yung mikropono?
Kung mapapansin mo, mikropono rin ang hawak ng mga artista na parang sinapian ng espiritu ng pwet ng manok sa TV. Walang tigil sa salita. May commercial na nga, isanlibong beses pang ipapaalala sa'yo na bigay ng Dutchboy ang t-shirt nila, gawa ng Purefoods ang buhok nila, sa IBM ang make-up, sa Ivory Records ang sapatos, at kay Dr. Frankenstein ang balat. Lahat nagsisigawan at nag-aagawan ng mikropono para sabihin lang na "Hello and happy viewing to Ning-ning, Dodong, Jing-Jing, Kutkot, and Kaw-Kaw!" Kung ako si Kaw-Kaw, anong ligaya naman kaya ang makukuha ko sa pagkakarinig ng pangalan ko sa TV? Bakit sa mga imported na palabas wala namang ganoon?
Ayon sa libro ko ng world history na na-phase out na ngayon ng Department of Education dahil maraming mali, wala raw pinagkaiba ang mga tao sa kasalukuyan sa mga tao noon pagdating sa pangangailangang makipagtalastasan. Dahil nga raw dito kaya naimbento ang alpabeto.
Higanteng hakbang sa kaulanran ng tao ang pagkakatuto n'yang magsulat. Ang kakayanang magpasa ng mga komplikadong impormasyon at konsepto sa iba pang tao, at ang paggawa at paggamit ng mga kasangkapan, ang mga natatanging dahilang sumigurado sa pananatili ng uri n'ya sa mundo.
Ayon sa kaibigan kong sinaunang-tao ngunit hanggang ngayon ay nabubuhay pa, naimbento raw ang pagsusulat noon para tandaan ang mga pag-aari ng isang tao, maging ito man ay mga alagang hayop, bukirin, o mp3 collection. Itinala raw ang mga ito sa mga pictograph na s'yang pinakaunang paraan ng pagsusulat sa mundo. Mula dito ay nabuo ang cuneiform writing na siyang naging basehan ng hieroglyphs ng mga taga-Ehipto. Di naglaon, sinundan ito ng pagkakaimbento ng Phoenician, Greek, at Roman alphabet na s'yang gamit natin simula pa noong 1988. Lahat yan pauso ko lang.
Bago pa man dumating ang mga Kastila, may sarili nang lenggwahe at sistema ng pagsusulat ang mga Pilipino. Mahilig pa nga raw magbasa ang karamihan ng katutubo kahit na ang sulatan lang noon e dahon, balat ng puno, kawayan, at mga pader ng high school canteen. Sayang nga dahil bukod sa huling nabanggit, wala na sa mga ito ang makikita ngayon. Makakita ka man hindi mo rin maiintindihan dahil nakasulat ito sa Alibata na s'yang version nila noon ng text messaging.
Taliwas sa paniniwala ng marami, ang Doctrina Christiana na naglalaman ng dasal at mga aral ng Simbahan ang unang librong ginawa sa Pilipinas noong 1593, at hindi Ang Paboritong Libro ni Hudas. 1898 naman nabuo ang pahayagang Kalayaan na produkto ng barkadang Emilio Jacinto, Andres Bonifacio, at Dr. Pio Valenzuela. Panalo lang sa sugal ng dalawang Katipunero ang ipinambili ng printing press na ginamit sa paglilimbag ng Kalayaan. At dahil sa naghahangad ng rebolusyon, isang issue lang ang itinagal nito dahil inunahan na ng mga Katipunero ang mga Kastila sa pagsasara ng palimbagan bago pa man ito ma-raid. Ayon sa mga saksi, isang Katipunero pa raw noon ang nakitang nag-dirty finger.
Panahon pa lang ng mga disipulo ni Kristo uso na ang panununog ng libro. Hanggang sa mga sandaling 'to, paborito pa ring libangan ng ilang makapangyarihan sa mundo ang pagsunog sa mga sulating sumasalungat sa paniniwala nila, pulitikal man o panrelihiyon. Pero para sa akin, napakasagradong bagay ng mga libro para sirain.
Patay na sina William Shakespeare, Karl Marx, Friedrich Nietzsche, Francis Bacon, Blaise Pascal, Bertrand Russell, at Confucius. Pero lahat sila nakapangalumbaba lang at naghihintay ng makakakwentuhan sa istante ng mga library at book store.
Hindi ako mahilig pumasok ng mga library kahit noong estudyante pa 'ko dahil bukod sa hindi ako marunong gumamit ng Dewey Decimal System, meron din akong paniniwala na lahat ng librarian-tulad ng mga asong buntis-ay matatapang at nangangagat. Pero lagi akong tambay sa mga tindahan ng libro. Nung college ako, madalas akong mag-cut ng klase para lang mag-ubos ng oras sa mga book store. Di ako nagbabasa ng textbooks, pero nag-uubos ako ng allowance pambili ng mga mumurahing libro.
Isang tingin pa lang sa book shelves, maririnig mo nang bumubulong ang iba't-ibang kaisipan ng tao. May mga nagsasabing mali ang ganyang negosyo; ganito ang hanapin mo sa mapapangasawa; si Bonifacio ang tunay nating bayani; totong may mga alien; mabuti sa katawan ang puro gulay; at masama para sa atin ang globalization.
May mga kwentong nagpapaikot ng isip, nagpapatibok ng puso, nagpapatayo ng balahibo, nangingiliti ng talampakan, nagpapabilis ng pulso, at nagpapahikab ng bibig.
May mga librong magkakasundo ang sinasabi, at meron din namang mga nagpapatayan ng opinyon. May libro para sa kahit anong edad, kasarian, lahi, relihiyon, edukasyon, at katayuan sa buhay. May mahal at mura, malaki at maliit, makapal at manipis, pangit at maganda, mabango at mabaho, may kwenta at wala.
Lahat meron. Sari-sari. Iba-iba. Tulad din ng mga tao. Utak ng tao. Dahil ang bawat libro ay maliit na litrato ng utak ng tao.
GAWAING PANSANAY
1. Sa iyong palagay, anong katangian ng mga Pilipino ang sinasagisag ng pagkaing sundot-kulangot?
2. Bakit kulay pula ang pantalon ni Andres Bonifacio? Nagsusuot ka rin ba ng pulang pantalon? Ipaliwanag.
3. Naniniwala ka bang hindi dapat laging una sa alpabeto ang letang "A"? Dahil kaya ito sa pangalan ng nakaimbento ng alpabeto na si Alfred Armstrong? Magbigay ng mga dahilan kung paano naging corny ang binitiwan kong joke.
4. Sa anong paraan nagmumukhang mga taga-ibang planeta ang mga taong gumagamit ng salitang "super"? Bakit?
5. Sumulat ng talatang nagpapatibay na ikaw ay nagmula sa unggoy. Ipadala sa mga kaibigan.
"Books choose their authors;
the act of creation is not entirely
a rational and conscious one."
- salman Reshdie
Indian-born British author
May kaibigan akong mahilig mangolekta ng libro. Sinabi kong "mangolekta" dahil hindi n'ya naman 'to lahat nababasa. Ipinaalala ko sa kanya ang sabi dati ni Mortimer Adler (How To Love A Book) na kung hindi mo raw babasahin ang mga libro mo, hindi talaga libro ang pag-aari mo kundi mga tinta at papel.
Pero kinain ko na rin ang pananaw na yon ngayon. Marami na rin kasi akong mga naipong libro na di ko naman nababasa. Kung papipilian nga, mas uupuan ko pa ang dalawang oras na pelikula kumpara sa ilang araw o linggong pagbabasa sa isang nobela.
Nagustuhan ko lang ang mga libro dahil lumaki akong kunukwentuhan ng mga kapatid, magulang, at mga lolo't lola ko. Nang matuto akong magbasa, nadiskubre ko ang kalayaang maglibang nang walang kabayaran. Noon kasi bago ako kwentuhan ng matatanda, aalilain muna ako sa dami ng utos. Bad trip.
Lahat ng kwentong pambata nagustuhan ko. Adarna Books at Funny Komiks. Hans Christian Andersen at Grimm brothers. Bible stories, legends, fables, mythology, kwentong bayan, kwentong pauso-lahat yan patok sa 'kin!
Hindi ako nakapagbasa ng Archie o Marvel Comics, pero may impluwensya ako ng MAD books at Choose Your Own Adventure series. (Alam pa kaya ng mga kabataan ngayon 'tong mga binabanggit ko?)
The Amityville Horror naman ang kauna-unahang novel na natapos ko noong 1st year high school. Ipinahiram ng kaklase at binasa ko sa bahay habang busy ang buong pamilya sa pagkanta ng Pasyon dahil Mahal na Araw noon.
May trabaho na 'ko nang ipabasa sa akin ng isang kaibigan ang One ni Richard Back. Sa pagitan ng One at Amityville Horror, halos puro puzzle, trivia, occult, religion, biography, philosophy, human interest, computer, writing, reference, at joke books lang ang binabasa ko. Di ako mahilig sa fiction at lalong di naghabol sa mga "sikat" na libro. Kaya medyo nagkaroon ako ng problema nang makilala sa Internet at nagsimulang maikumpara sa ilang manunulat. Doon lang ulit dumalas ang pagbabasa ko para makilala ang mga sikat na writer at author sa loob at labas ng bansa.
Noong mga panahon ding yon ako nakatanggap ng mga used copy ng Young Blood 1 & 2 (compilation) ng Inquirer, pamana ng mga naging kaibigan sa Internet. Naisip yata nila: "Kawawang bata naman 'ton si Bob Ong, walang kaalam-alam sa uso."
Renaissance. Noon ko lang din naisip patulan ang isang nobelang natutulog lang sa book cabinet sa bahay namin. Binuklat ko, medyo madali namang intindihin, cool pa ang style, a la Mark Twain. Binasa ko at tinapos. Kung tatanungin mo 'ko ngayon kung ano ang kaisa-isang nobelang nagustuhan ko: Cold Sassy Tree ni Olive Ann Burns.
Sa classics, rekomendado ko ang Lord of the Flies ni William Golding kung gusto mo ng seryoso, at Alice's Adventure in Wonderland ni Lewis Carrol kung gusto mo ng gag show. Sa pagsusulat, paborito ko ang The Writing Life ni Annie Dillard at On Writing ni stephen King.
Sina pareng Tom clancy, Michael Crichton, at John Grisham? Oo, binabasa ko rin-sa sinehan!
Sa kasalukuyan, palit-palitan kong dinadampot ang Sophie's World; The Prophet; A Whack on the Side of the Head; Eats, Shoots and Leaves; Trip to Quiapo; at Writing on Water ni Jim Paredes pag sinisipag akong magbasa. Wag mo nang itanong kung gaano katagal ko na silang pinipilit tapusin.
Wala akong hinahabol na libro sa parehong paraan na wala rin akong iniiwasan. Ibig sabihin nagbabasa rin ako ng mga business at personal development books, kasama na ang The 7 Habits of Highly Effective People ni Stephen Covey, na ngayon ay ginawa nang 8 Habits, pero wala akong pakialam dahil limang taon na 'kong nakahinto sa kalagitnaan nito at wala pa rin akong nakukuhang habit.
Nasubukan ko na ring magbasa ng Tagalog romance dahil sa pagkakakilala ko sa isa sa mga writer nito. Sa kabilang dako, hindi pa 'ko nakakabasa ng mga horror story books na nauuso sa ngayon. Ayoko. Di kasi tulad ng horror movies na nawawala sa isip pagkapatay ng TV, medyo nakakapraning ang horror books dahil matagal 'tong nangungupahan sa imahinasyon.
Pumapatol din ako sa mga self-help books. Norman Vincent Peale, Og Mandino, Jack Canfield. wala akong nakikitang masama sa pagbabasa sa payo ng ibang tao na mas may alam konti sa survival sa mundo. Hindi ako takot na malaman ang pananaw nila, dahil sa huli opinyon ko rin naman ang masusunod.
Si NV Peale ang karamay ko dati sa mga paghihirap bilang estudyante. Oo, palpak ang naging ending ng kwento at hindi n'ya ko naisalba. Pero naisip ko ring hindi naman Aspirin ang mga libro na mabilisang gagamot sa mga problema ko. Ang totoo, ilang taon muna ang lumipas bago ko naintindihan ang mga pinagsasabi nila. At hindi man nila ako direktang natulungan sa problema, nagkaroon ng maliit na kwarto sa utak ko na para lang sa mga positibong pananaw sa mundo. Tingin ko lahat ng tao dapat meron no'n.
Elementary pa 'ko nagbubuklat ng Bible, pero college na nang matapos ko ang New Testament. Kailangan mo bang mabasa 'to? Sa maraming dahilan, oo. At hindi man pang-espirituwal, importanteng mabasa mo ang pinakamakasaysayang libro na naglalaman ng pinakamaimpluwensyang kwento na naging bahagi at basehan ng panitikan ng sangkatauhan.
Sa puntong 'to, aaminin ko ang kahihiyang wala (pa rin) akong alam sa mga (beteranong) manunulat ng Pilipinas (bagama't kahit papano ay nabasa ko na ang Gapo at Dekada '70 ni Lualhati Bautista nito lang 2001). Ipinagmamalaki ko ring (naging) tagasubaybay ako (dati) ni Jose Guevarra at (masugid na) tagahanga ni Cirili F. Bautista.
Si Mr. Guevarra ang (isa sa mga) una kong naging impluwensya. Samantalang si Mr. Bautista naman ang (isa sa mga) taong una kong pinasalamatan nang mailabas ang mga libro ko. Limitado man ang kaalaman ko sa mga (Pilipinong) manunulat (at wala akong hilig sa tula), hinangaan ko si Mang cirilo dahil (sa kabila ng kasanayan n'ya sa pagsusulat) hindi naging elitista ang mga sulatin n'ya sa Philippine Panorama; di tulad ng iba na sila lang (at ilang piling manunulat) ang nakakaintindi ng mga gawa nila. Ang mga kwento ni Mr. Bautista (sa pagsusulat) ang naging inspirasyon ko (nang maraming taon) habang nakikiramdam pa sa takbo ng sarili kong ballpen.
"Parenthetical remarks (however relevant) are unnecessary."
-Frank L. Visco
Taong 1993 nang makilala ko ang paborito kong manunulat. Ipinakilala sa akin ng isang hindi naman sikat na programa sa telebisyon. Dahil tunog interesante ang binanggit na libro, bumili ako ng kopya.
Noong una, nanghinayang lang ako. Pagkabasa ng ilang page, naisip ko: Yun na yon?! Pero itinuloy ko pa rin ang pagbabasa, pinili gustuhin ang pinag-aksayahan ng pera.
Pero bago pa man marating ang kalagitnaan ng libro, unti-unti ko nang nakakasundo ang author nito. Nakikitawa na 'ko, sumasang-ayon ng opinyon, napapaisip, nalilibang. Pagkatapos kong basahin ang una n'yang libro, bumili kaagad ako ng ikalawa. Tapos ikatlo. Ikaapat. Ikalima. At ang dalawa ko pang kulang na wala sa bansa, natanggap kong regalo mula pa sa Amerika.
May konting pagkakahawig ang buhay namin at takbo ng pag-iisip, pero masaya akong hindi ko maaabot ang galing n'ya sa pagsusulat at lalim ng pananaw sa mundo. Ibig sabihin habang buhay akong may titingalaing idolo.
Ikinukwento ko rin minsan ang mga ikinuwento rin sa kanya ng iba. Kung kilala mo s'ya, alam mo ang sinasabi ko. Pero wala pang nakapagsabi na pareho kami magsulat. Swerte nga dahil sa kabila ng pang-iidolo e hindi naman ako nakulong sa istilo ng iniidolo-problemang madalas sapitin ng mga tagahanga. Siguro dahil na rin sa may iba pa 'kong impluwensya sa pagsusulat. (Halimbawa: Drugs)
Hindi naman sinasadya, tapos na 'kong magsulat ng ilang libro nang mapansin kong may pagkakahawig pala ang mga una naming gawa. ABNKKBSNPLAko?! ang akin, All I Really Need To Know I Learned In Kindergarten and kanya. Ang libro n'ya ang ikalawa kong Bibliya.
Fan man ako o wannabe, ipinagmamalaki kong dimapapantayang idolo at impluwensya si Robert "Bob" Fulghum.
Gusto ko rin ang How I Got This Way ni Patrick McManus, ang unang librong tungkol sa totong buhay na nakapagpatawa sa akin. Bonus pa ang ending dahil ikinuwento ng author kung paano s'ya nauwi sa pagsusulat.
Naging inspirasyon ko rin ang kwento ni Alex Haley noon (na natanggap ko lang bilang forwarded email) tungkol sa pagiging manunulat. Hindi ko siguro mauumpisahan ang una kong libro kung hindi ko yon nabasa. Alam mo na ngayon kung sino ang dapat sisihin.
Bukod kay Robert Fulghum, iniidolo ko ring manunulat si Dave Barry. Kahit na nagsusulat na 'ko ng mga libro nang mabasa ko ang ilan sa mga gawa n'ya at di naman nito masyadong binago pa ang paraan ko ng pagsusulat, hindi ko rin masasabing hindi n'ya 'ko naimpluwensyahan.
May mga kabataan noon na biktima yata ng heroin ang nagsabi namang tinagalog na J.D. Salinger ang istilo ng pagkakasulat ko sa Bobong Pinoy. Pero medyo malayo na yata yon, sa tingin ko, dahil masyado nang madilim ang mundo ni Salinger para sa akin.
Sa ngayon, hangga't maari iniiwasan kong magbasa ng mga librong may kaparehang tema ng sa akin dahil ayokong gaanong maimpluwensyahan o maikumpara sa iba, kahit na hindi naman talaga yon naiiwasan. Di rin ako natutuwa pag nakikita kong may mga nakagawa na pala ng mga gusto ko pa lang gawin, pero napayuhan ako ng editor ko na hindi naman daw laging paligsahan ng pakikipag-unahan ang pagsusulat. Oo nga naman. Kaya nangangalap ako ngayon ng milyun-milyong pirma para ipagbawal na ng United Nation sa lahat ng bansa ang originality.
"I know not, sir, whether Bacon wrote the works of Shakepeare; but if he did not, it seems to me that he missed the opportunity of his life." - James M. Barrie
Naniniwala akong walang manunulat na kahit isang beses sa buhay n'ya e hindi nagkasala ng panggagaya. Mahirap kasi iwasan ang dalawang pagkakataong nagtutulak sa kanya dito: Isa, ang sobrang paghanga sa nabasa na hindi n'ya na kayang isulat pa nang mas maganda; at pangalawa, ang katamaran o pagtakas sa tawag ng pag-iisip. Kadalasang dahilan ang unang nabanggit, lalo na sa baguhan o mga batang manunulat.
Sa kasalukuyan, nagkukwento rin ako ng mga kwento ng iba, na kwento rin sa kanila ng iba pa, na ipinasa ring kwento ng iba. Pero maingat kong iniiwasang angkinin ang kwento, at pilit na hinahanap ang may akda kung meron man at kailangang banggitin.
Ayon kay pareng Webster, ang plagiarism ay ang paggamit at pag-angkin sa ideya o trabaho ng iba. Sa mga linyang ito tumakbo ang isang mainit na usapin sa message board ng bobOngbooks. May estudyante kasing gumamit ng isang kwento sa librong ABNKKBSNPLAko?! para sa school organ nila. Dahil walang acknowledgment, lumalabas na inangkin ng nasabing manunulat ang hiniram na kwento.
Pero hindi yon ang unang pagkakataong nakita ko ang gawa ko sa pangalan ng iba. Minsan napapa-iling na lang ako at natatawa dahil naaalala ko ang kabataan ko. Alam ko ang pakiramdam ng manunulat na gustong sabihin ang nasabi na ng iba. Sa ganoong pagkakataon, isa lang ang payo ko: Wag mong sabihin. Kung pipilitin mo, maglalari ka lang sa ideya ng iba. Sa kaduluduluhan, mauuwi ka rin sa panggagaya.
Hindi lahat nabibigyan ng pagkakataong magsulat. Hindi lahat nabigyan ng boses sa papel. Ang iba na nakukuntento na lang sa ilalim ng tulay o upuan ng bus. Kaya di dapat sayangin ang pribilehiyo na mailapat ang isip sa isang babasahin. Kung may pagkakataon ka na gawin ito-pusanggala, ipayakap mo ang buong papel sa sariling salita! Wag na wag mo 'tong patatapakan sa iba. Angkinin mo ang bawat sulok ng espasyo na ipinagkatiwala sa'yo. Dahil hindi ka nadadagdagan sa paggamit sa mga sulating hindi mo gawa, nananakawan ka lang ng napakahalagang punasan ng tinta.
Dahil maikling kurso ng pagsusulat noon kaya ko natutunan ang pagsilip sa book review section ng mga dyaryo. Doon ko nabalitaan ang librong The Writing Life. Mataas ang presyo para sa isang estudyante, pero binili ko pa rin. Para lang pala madismaya ulit...dahil maling libro ang nabili ko. Mali, mahal, at hindi ko pa maintindihan.
Makaraan ang ilan taon, sinubukan ko ulit basahin ang librong nabili nang di sinasadya. Malaki ang naging pagkakaiba dahil sa wakas ay naintindihan ko na. Parang bagong bili. First time na nagsigawan ang mga salitang hindi ko narinig dati.
May isang pagkakataong binalak kong wag nang tapusing isulat ang una kong libro. Sa dinami-dami ng version, revisions, at mga kinalimutang pangyayari na kailangan nitong ipaalala sa akin, surrender na 'ko. Pero nakakita ako ng inspirasyon sa The Writing Life. Lalo na nang mabasa ko ang dedication page nito: "For BOB."
Nagkakantiyawan kami ng isang kaibigan sa Internet dahil meron din pala s'ya ng librong Gusto Kong Maging Writer. Kung madalas kang tumambay sa mga bookstore, malamang kilala mo rin yung librong yon na isinulat para sa mga gustong makapagsulat ng Tagalog romance novelettes. Binili ko yon noon habang nag-aaral ng pagsusulat para matuto sa kapwa Pilipino. Malaman naman yung libro, kung tutuusin, kaya nga nagpapasalamat din ako sa author nitong si Renato M. Custodio, Jr. Medyo nakakatawa nga lang dahil sa kawalan ng mga writing reference ng Pinoy, di lang pala talaga ako ang nakisalo na sa handbook na para lang sana sa mga manunulat ng romance.
Isa pang kwento: Noong mga panahong nagsusulat ako ng ABNKKBSNPLAko?! e nakita ko sa mga bookstore ang itim na libro na may pamagat na (kung hindi ako nagkakamali!) Diksyotawa. Parang Pinoy version ng Devil's Dictionary ni Ambrose Bierce, na nakakatawa naman, para sa akin. Pero mas naging interesado ako sa nasabing libro dahil alam kong self-published ito at hindi gawa ng mga sikat na publisher sa bansa. Nang tingnan ko ang bandang dulo kung saan may personal na kwento ang author, lalp pa 'kong naengganyo dahil may pagkakahawig ang buhay namin. Pero hindi ko pa rin nabili yung libro sa kabila ng maraming pagtatangka dahil medyo mahal ang presyo nito, lalo na para sa isang Pinoy joke book. Siguro dahil na rin sa konti lang ang ipina-publish ng author/publisher kaya hindi na napababa ang presyo.
Binanggit ko rito ngayon ang Gusto Kong Maging Writer at Diksyotawa bilang pagpapasalamat sa mga gumawa nito at nagbigay sa akin ng lakas ng loob. Kung makakatulong din sa pagbubukas ng pinto ang mga libro ko para sa iba pang Pilipinong author na meron ding mga nagtataeng ballpen, masaya na 'ko.
GAWAING PANSANAY
1. Sa iyong pananaw, bakit tinataihan ng ibong Adarna ang mga tao pagkatapos nitong maghandog ng awit? Nakaranas ka na ba ng ganito sa isang concert?
2. Bakit laging may mga nakatayong buhok si Niknok sa Funny Komiks?
3. Bukod sa librong 'to, may iba ka pa bang librong nabasa sa buong buhay mo? Mamatay ka man?!
4. magsaliksik at ilarawan ang ating panitikan gamit ang mga ginupit na litrato sa FHM.
"I write at eighty-five for the same reasons that
impelled me to write at forty-five; I was born
with a passionate desire to communicate, to
organize experience, to tell tales that dramatize
the adventures which readers might have had.
I have been that ancient man who sat by the
campfire at night and regaled the hunter with
imaginative recitations about their prowess.
The job of an apple tree is to bear apples. The
job of a storyteller is to tell stories, and I have
concentrated on that obligation."
- James Michner
The World is My Home
"Kung may genie na magbibigay katuparan sa lahat ng kahilingan mo pero hindi mo pwedeng gawin ang isang bagay na pinakagusto mong ginagawa, papayag ka ba?"
Yan ang tanong ko dati sa illustrator at kaibigan kong si Klaro. Ang n'ya, hindi n'ya raw pwedeng tanggapin ang alok dahil ikamamatay n'ya yon. Sumang-ayon ako. Kahit wala akong gana minsan, hindi ko rin maisusuko ang pagsusulat sa parehong paraan na hindi n'ya maisusuko ang pagdo-drawing. Pero humirit s'ya: "Anong drawing??? Pagkain ang gusto ko! Mamamatay ako kung pagbabawalan ako kumain!"
Lalong interesante ang mga libro kung iisipin mo ang tsismis tungkol sa "tama" ng mga taong nasa likod nito. Halimbawa, bago raw magsulat si Stephen King ay kailangang meron s'yang tugtog, at may vitamin pill at isang basong tubig o tsaa sa tabi n'ya. Si Alexandre Dumas kumakain muna ng mansanas. Si Schiller humihithit ng bulok na mansanas. Si Colette nagkukuto ng pusa. Si Willa Cather nagbabasa ng Bible. Si Hart Crane nakikipag-party sabay biglang sisibat para humarap sa typewritter.
Pagtatasa naman ng lapis ang trip ni Hemingway. At dahil sa problema sa likod, nakatayo s'yang magsulat. Ganon din sila Thomas Wolfe, Virginia Woolf at Lewis Carroll. Sila Robert Louis Steventson, Mark Twain at Truman Capote naman, mas kumportable raw nang nakahiga. Si Edith Sitwell humihiga muna sa ataul bago magsimula. Si George sand, nakikipagtalik. Si Voltaire, likod pa ng kapareha ang ginagawang sulatang mesa.
Si Henry David Thoreau ay may ugaling nakikipag-usap sa mga hayop. Si Louisa May Alcott, kumakanta sa ilalim ng buwan. Si Charles Dickens naglalakad ng tatlumpong milya araw-araw at tatlong beses humahawak sa ilang bagay para swertehin. Si Hans Christian Andersen may karatulang "I am not really dead" sa tabi ng kama. Samantalang si Saing-Pol-Roux naman ay naglalagay ng "The Poet is Working" sa labas ng pinto habang natutulog.
Lagi raw itim ang suot ni Edgar Allan Poe. Puti ang kay Emily Dickinson. At bukod sa hindi pagpapakita ng sulat kamay, hindi rin lumalabas ng bahay si Dickinson, tulad nina Beatrix Potter at J.D. Salinger. Naka-overall si Allan Gurganus pag nagsusulat. Si John cheever, underwear lang. Si Forest McDonald, walang saplot. Ganon din sina Benjamin Franklin at Victor Hugo. Si D.H. Lawrence nga umaakyat pa raw ng puno.
Yung pinakamaitim na tinta lang ang ginagamit ni Kipling. Si Gertrude Stein ay sa driver's seat ng kotse nagsusulat ng mga tula. At si Aldous Huxley, gumagamit ng ilong sa pagsusulat. Wag mo nang itanong kung paano.
Umuubos ng 25 na tasa ng tsaa si W.H. Auden sa isang upuan. Singkwentang tasa ng kape naman sa isang araw ang kay Honore De Balzac. Ikinamatay n'ya yon. At matapos magsulat ng libro, itinigil na ni Djuna Barnes ang alak at sigarilyo, sabay tinanggal lahat ng salamin sa sarili nitong tirahan.
Nagyelo sa lamig at namatay si Tolstoy sa gilid ng riles ng tren matapos ipamigay ang lahat ng kayamanan. Naparalisa ang parehong paa ni Alfred Jarry, ang huli n'yang kahilingan bago mamatay: toothpick. Dahil naman sa nalunok na toothpick kaya nagkakumplikasyon ang sakit ni Sherwood Anderson na naging sanhi ng kamatayan n'ya. Si Tennessee Williams, nabulunan sa takip ng bote. Pag-inom ng disinfectant ang tumapos kay Vachel Lindsay. Si virginia Woolf, nagpakalunod sa ilog matapos punuin ng mga bato ang bulsa n'ya. Si Sergie Esenin, nagbigti matapos sumulat ng tula gamit ang dugong nanggaling sa nilaslas na pulso. Di nakuntento sa isang suicide lang.
Inatake sa puso si Faulkner matapos malaglag sa kabayo. Si Hart Crane, basta tumalon sa karagatan mula barko at nagsabing "Goodbye everybody." Si Hemingway, nabaril sa ulo. Baril din ang ginamit ni Robert E. Howard sa sarili para sabayan ang pagpanaw ng comatose na ina. si Anne Sexton, idinaan sa carbon monoxide.
Si Seth Morgan, nagpatalon ng motorsiklo mula Golden Gate Bridge papuntang San Francisco Bay. At si Sylvia Plath, nagpasok ng sariling ulo sa oven. Sariling. Ulo. Sa oven. Perfect 10!
(Note: Kids, don't try this at home. Ang gumaya ng mga nabanggit, walang originality. Saka susulatan ang nitso ng "KSP" at "Mamatay na sana!")
May katigasan ang mukha ko para ihanay ang sarili sa mga nabanggit na writer pero para lang sa kapakanan ng kwentuhan babanggit na rin ako ng ilang personal na kaabnormalan.
Hindi ako nakakapagsulat nang may tugtog kahit anong tugtog ayoko ng maingay hindi ako nakakapagsulat pag makalat ang paligid marumi ayos lang pero makalat hindi hindi rin ako nakakapagsulat pag masaya kailangan mag-isa lang ako tahimik at malungkot pero hindi masyado dahil pag nasobrahan ang lungkot o kung meron akong malaking problema inaantok ako matakaw ako sa tulog nagsasalita ako pag tulog at weird ang mga panaginip ko kung Olympic sports ang pagtulog nasa national team ako silver o bronze medalist
Mabalis mapagod ang mata ko sa pagbabasa ng libro o panonood ng TV ito rin ang dahilan kaya hindi ako pumapatol sa mga E-books matipid ako sa papel kaya lang yata ako nakapag-aral ng computer e para masanay sa keyboard at matuto mag-typre natigil ang hilig ko sa kape nang mauso ang mga mamahaling kapihan sa bansa
Marami akong kumain pero wala sa oras ang pagkain wala sa oras ang pagtulog wala sa oras ang pagligo tamad ako maligo dahil wala naman yun sa sampung utos ng Diyos naniniwala akong bilang alagad ng sining obligasyon kong mangamoy
Hindi ako kyut hindi ako "funny" hindi ako "cool" kung cool ako dapat nag-iikot ako ngayon at nakiki-high five sa mga tao habang nagsasabi ng "dude" sa bawat dulo ng pangungusap at hindi nag-iisa habang naghahanap ng hidden Mickey sa mga ulap
Meron lang akong dalawang makasariling pangarap sa buhay ang makapag-zorb sa New Zealand at masaksihan ang Aurora Borealis yun lang saka maging milyonaryo lang konti
"The older I grow,
the less important the comma becomes.
Let the reader catch his own breath."
- Elizabeth Clarkson Zwart
Sabi nila, trabaho raw ng mga sira ulo ang pagsusulat. Trabaho para sa mga tamad. Trabahong hindi akma sa kalalakihan.
Malayo nga naman kasi ang pagsusulat sa mga machong trabaho na tulad ng pagkukumpuni ng mga 18-wheeler truck o paglilinis ng bintana habang nakasabit sa labas ng 99th floor. Pero kung dadaanin sa katapangan, wala pa 'kong nababalitaang tubero na naging bayani, o construction worker na pinatay dahil sa trabaho n'ya. At maharap man ang mga pulis o sundalo sa cross-fire, labas sa pisikal na kapahamakan ang mga pamilya nila.
Iba sa pagsusulat. Nito lang 2004, kinilala ang Pilipinas na pangalawa lang sa Iraq bilang pinakadelikadong bansa para sa mga mamamahayag. Simula 1986, animnapu't-pitong peryodista na lahat ang napaslang dito sa atin; labingsiyam sa mga kaso, noon lang 2000 hanggang sa kasulukuyan nangyari.
Hindi man lahat ng mamamahayag e manunulat, marami pa ring tao ang nagbuwis ng buhay o dumaan sa matinding pagpapahirap dahil sa mga isinulat nila. Kaya yata nauso ang alias. Kahit sa mga pipitsuging libro ko, nalaman kong kailangan pala talaga ng bayag para makapagsulat ka. Dahil sa pagsusulat, masasagi mo ang mga matatayog na egotismo ng ibang tao. Matatapakan mo ang mga lumpong paa ng kasalukuyang sistema. At maiistorbo mo ang siesta ng lipunang masaya na sa mga paniniwalang kinagisnan nito. Sa pagpahid ng utak mo sa papel, lahat yan babanggain mo. Kasabay ng pagbangga mo sa sariling mga takot, kamangmangan at egotismo. Hahadlangan ka ng sarili mong mga kakulangan, huhusgahan ka ng mga mambabasa, hahatulan ka ng mga kritiko. Walang takbuhan, walang taguan, wala kang kawala.
Mas madaling manahimik. Mas ligtas magtago ng opinyon. Mas kumportableng hindi magsalita. Pero may mga tao noon na hindi nakuntento sa mga "mas" na yan. Bilang kaparusahan, sinunog sila sa harap ng taong bayan, pinagbabato hanggang mamatay, isinabit nang patiwarik at hinati sa gitna, kinuryente, nilunod, pinugutan ng ulo, ipinalapa sa mga leon, binaril sa Luneta, at...bahala na yung imagination mo sa iba. Pero anuman ang sinapit nila, isa lang ang naging resulta: mas nakilala natin ang mundo, ang buhay, at mismong ang mga sarili natin.
Pag tinatanong ako ng mga tao kung ano ang maganda sa trabaho ko, sinasabi kong amo ko ang sarili ko. Pag tinatanong nila kung ano naman ang pangit, sinasabi ko ring amo ko ang sarili ko.
Hindi para sa tamad ang pagsusulat. Lahat kasi ng aspeto ng trabaho nakaasa sa'yo. Ikaw ang boss at ikaw din ang tauhan. Alam nila pareho kung natulog lang maghapon ang isa't-isa. Pag na-AWOL ang boss at nagdesisyong mag-mental bungee jumping, automatic na on-leave din ang tauhan. Tigil ang produksyon.
Hindi para sa tamad ang pagsusulat. Hindi mo maloloko ang time card ng opisina. Hindi mareregular. Walang promotion. Walang 13th month. Walang bonus. No work, no pay. Walang half-day, walang holiday. Walang overtime pay. Wala man lang perks o company give-away. Walang Christmas party. Walang outing. Wala kang katrabaho. Wala ka man lang masabihang bad trip ka kay boss bukod sa kamay mong drinowingan mo ng mukha.
Hindi para sa tamad ang pagsusulat. Buong kumpanya nakaasa sa'yo. Wala kang ibang paghuhugutan ng sipag, tiyaga, at determinasyon kundi sarili mo. Walang deduction sa late o absences dahil ang usapan lang lagi ay kung may natapos ka o wala. Piece work wage. Walang mga palusot na kailangan dahil wala ring mga palusot na uubra. Wala kang ibang hahagupitin kundi sarili mo, at walang ibang hahagupit sa'yo kundi ikaw. Lahat, self-service.
Hindi para sa tamad ang pagsusulat. Pag binisita ka ng idea, gana, o inspirasyon, kailangan mong itigil LAHAT ng ginagawa mo para lang di masayang ang pagkakataon. Walang "sandali lang" o "teka muna." Dahil pag lumagpas ang maikling panahong yon, kahit mag-umpog ka ng ulo sa pader mahihirapan ka nang maghabol.
Hindi para sa tamad ang pagsusulat. Doble ang hirap sa trabaho kung masakit ang ulo mo dahil ulo mismo ang kailangan mo sa trabaho. At hindi mo rin pwede lunurin sa trabaho ang mga naiisip mong problema sa buhay dahil ang mag-isip ang mismong trabaho mo.
Hindi para sa tamad ang pagsusulat. Mata lang ang kailangan ng pintor para malaman kung pangit o maganda ang produkto n'ya. Tenga lang ang sa musikero. Dila at ilong lang ang sa kusinero. At dalawang oras lang ang sa mamemelikula. Pero sa manunulat, kailangan n'yang basahin nang paulit-ulit at intindihin ang mga naisulat n'ya para malaman kung nakakaantok, matabang, sintonado, o maputla ang naging resulta.
Hindi para sa tamad ang pagsusulat. Araw-araw may shootout ang manunulat at ang suki n'yang demonyo. May general assembly ang iba't-ibang tao at Pokemon sa loob ng ulo n'ya. At may riot ang mga prinsipyong nasungkit n'ya noong mga nagdaang dekada. Lahat yan nangyayari habang pinipilit n'yang maging mas matinong tao ngayon kesa kahapon. Tulad ng magsasakang nagtatanim ng palay sa gitna ng giyera.
Hindi para sa tamad ang pagsusulat. Kaaway n'ya ang ingay, pero kalaban n'ya rin ang lungkot. Kaya nga nagtataka ako kung pano ko 'to naging trabaho.
___
Dear Boss,
Pakiayos na lang yung last paragraph. Salamat.
Love,
Tauhan
SAMPUNG PALATANDAAN
NA BORED AT MALUNGKOT KA:
10. Nakikipagkwentuhan ka muna ng mga dalawang oras gabi-gabi bago matulog. Sa sarili mo.
9. Pagkatapos ng kwentuhan, naglalaro ka ng solitaire.
8. Pagkatapos ng solitaire, nagbabasa ka ng Yellow Pages.
7. Pagkatapos magbasa, gumagawa ka ng mga gasgas na na Top Ten List na tulad nito.
6. Hindi mo tinatapos ang mga Top Ten List na naisip mong gawin.
Ano ba ang masarap sa kalungkutan? Bakit may mga taong nasasarapan sa tugtuging blues? Bakit sa tuwing nalulungkot ako, mas lalo ko pang gustong naririnig ang iba't-ibang version ng Ol' 55?
Binigyan ako ng kaibigan ko ng tatlong isda para may kasama raw akong living thing sa selda kung saan ako nagsusulat. Isdang puti, itim, at orange. Nabawasan naman ang lungkot ko, kahit papano. Dahil sa halip na napapaisip ako mag-isa tungkol sa mga masasayang araw ng buhay ko, e napapaisip ako tungkol sa masasayang araw ng buhay ko karamay ang mga isdang walang pakialam sa akin.
Pero isang linggo lang, bigla nang nanghina yung pulang isda. Sa di malamang kadahilanan. Kaya inilipat ko s'ya sa mangkok na karaniwan kong pinaglalagyan ng masustansyang Ajinomotto-enriched instant noodles. Sa di na naman malamang kadahilanan, lumakas ulit kinabukasan ang isand inasahan kong tigok na. E di ayos. Ibinalik ko na sa fish bowl ang pulang isda.
Kaso natuloy din ang resignation n'ya noong sumunod na araw. Tulad ng dati, sa di malamang kadahilanan. Lubos akong naghinagpis. Umabot ng mga dalawang segundo bago ko ulit natutunang ngumiti. At yan ay dahil sa naalala kong may itim at puti pa pala akong isda...na pinangalanan kong si Yin at si Yang. Na wala rin namang kwenta dahil hindi rin sila tunitingin kahit tawagin mo sila sa pangalan. Pero naibsan pa rin nila ang aking kalungkutan.
Ngunit tulad ng nakaraan, nabawi rin ang lahat nang abutan ko minsang mina-Mike Tyson ni Yang si Yin. Naisip kong ganoon din ang naging kapalaran ng pulang isda, malamang, kaya lumakas pa s'ya nang maiahon sa fish bowl kung saan nagpa-power trip si Yang. Sa madaling salita, nanghina rin si Yin. At si Yang ang dahilan. At mas malala, di na natakasan ni Yin ang tawag ni Kamatayan kinabukasan.
Malungkot? Oo. Dahil dalawang buwan ang lumipas, iniwan na rin ako ni Yang. Nang walang paalam, nang walang dahilan. Sa mga sandaling ito, naiisip ko na naman ang mga masasayang araw ng buhay ko. Kasama na ang ala-ala ng tatlong isdang pumanaw.
At naririnig ko na naman ang Ol' 55.
Hindi ako nalilibang sa Scrabble. Scribbage, pwede pa. Crossword Puzzle, madalang. Word Hunt, ayos lang. Pero Scrabble, talagang ako lagi ang may pinakamababang score. Yung tipong nagkakamot ng ulo pag titira na...tapos ipapakita ang tiles sa mga kalaban para magpatulong. walang competition, para lang akong saling-pusa. Kelan lang may nagyaya sa akin mag-Scrabble na nagsabing masyado raw akong humble para tumanggi. Ngumiti na lang ako para matapos ang usapan. Wala akong tiyaga mangumbinsi sa mga tao na ang kaya ko lang talaga itira sa Scrabble ay mga salitang tulad ng IN, ON, AT, TO, TOO, TWO, at ang pagdadagdag ng letter S sa mga tira ng kalaban, tulad ng TEETHS. Mayabang na 'ko pag lumalagpas ng 10 ang score ko bawat tira.
Ayoko ng mga letrang de-numero. Hindi ako sanay na niru-ruler ang salita. Yung sukat na sukat. Mathematical. Maski sa English class naghihikab ako pag hinihintay na ang mga salita. Parts of speech. Sentence patterns. Subject and verb agreement. Tenses. Oink-oink. Napag-aralan ko na ang mga yan, pero hindi masayang gamitin, di ko nagustuhan. Sa parehong paraan na hindi ko rin gaanong nagugustuhan ang mga libro, tao, o institusyong napakahigpit sa balarila. Kaya nga mas masarap magsulat nang ganito e dahil sa konti ang pulis at mga nakikipagmagalingan.
Tinitingnan ko ang salita bilang damit. May pormal at hindi pormal. May pambahay at pang-alis. May baduy. May punit. May labahan. May kupas. May masagwa. Pero lahat pwedeng gamitin, depende lang sa pagkakataon. Pwede kong plantsahin ang sulat ko para umayon sa mga itinuturo ng eskwelahan; ginagawa ko yon noon, nung nasa eskwelahan pa 'ko at nagsusulat para sa grade na ibinibigay ng teacher. Pero ngayong nagsusulat na 'ko para sa atensyong ibibigay ng karaniwang tao, naisip kong isantabi muna ang pormalidad ng wika at sa halip e gumamit ng mga salitang pambahay, masagwa, at labahan para maintindihan ng mga mambabasang mas kumportable sa baduy, punit, at kupas na salita.
Mas madaling maintindihan ang pagsusulat kung tatanggapin mo ang gasgas na konsepto na nagsasabing ang bawat salita raw ay tools o kagamitan. Tulad ng mga gunting na ginagamit mong panghati ng papel, martilyo na pamukpok ng pako, at kutsilyo na pangsuklay ng buhok, ang mga salita ay tools ding ginagamit naman sa pagpapasa ng idea sa ibang tao.
Sa parehong paraan na naaantala minsan ang trabaho mo dahil nawawalan ka ng screw driver, hindi mo rin nasasabi ang gusto mo pag nakakalimutan mo ang isang salita na nasa dulo lang ng dila. Halimbawa, nasa elevator ka at umutot ang katabi mo. Gusto mo mang ipaalam sa kanya ang nasa kaibuturan ng iyong puso e hindi mo magawa dahil natataranta ka at nakalimutan mo kung anong mura ang pinaka-cool isigaw. Dahil doon, ikaw pa ang napagbibintangan ng iba na mastermind ng krimen.
3.1415926535897932384626433832795028841
Yan ang value ng pi hanggang sa 37th decimal place. [Boses ng bata: "Kai-la-ngan-pa-bang-i-memo-rize-yan?"] 38 digits na mahirap tandaan dahil walang personal na kahulugan. Di tulad ng mga telephone number at bank account na may kinalaman sa atin. Sa ulo ko ngayon, meron kaagad 93 digits na bigla ko lang nahugot. Dadami pa yon kung mas pag-iisipan ko; pero malamang mas marami pa rin ang sa'yo.
FUCK.
Tatak naman yan ng damit. Kung nabastusan ka, malamang nakipag-unahan na naman ang utak mo sa mata. Simbolo rin kasi ang mga salita na naka-program na sa isip natin. Kaya kahit balibaligtda ang letre o wrong speling, naiintindihan natin ang gustong palabasin ng nakasulat.
S ktunayan, sgurdo akng nntindhan m prin i2 kht prang printr eror n lng ang pgka2sulat. Gling, no? Hrap p nga ko smulat ng gni2 kc blang manu2lat nsnay n kong lnawin ang gus2 kong sbihin pra s kpknan ng ngbbsa. Kya bd trip ako s mga sbrang shrt cut mg txt dhil pra skin kwlan n yon ng knsdrasyon s kpwa. Tndi hrap kc kng txt shrt cut n, brok p slita prang trzan.
Pro snay n mga kbtaan jan ngayon. Mhlig kc slang mnood ng PG-13 Sci-Fi s DivX o DVD n may DTS pra lang mag-cpture ng GIF, JPG, O BMP pra sa dsktop. Mnsan OK n rin s knila ang VCD, AVI, o MPG bsta pde i-rip sa MP3 ang OST, d nga lng ako cgrado sa WMF. Pro gling s PC, kya din nlang gwan ng WAV o MIDI ang cfone, at yun e pg swa n sla s pag-aaral ng HTML.
Prang klan lng d p us0 ang WinXP, CD, SIM, @ flat TV. Walang MMS at DSL. Hndi SOP tndaan aNg PIN ng ATM. D klangan kmausap ng CSR. mGA pgkaln pro may MSG, gmit $a bhay may CFC. DOA anG psyente s ER pg d! nddl ASAP, Kc wlang msakyang FX, LRT, at MRT. Wlang LTFRB. Wlang 4x4 AUV o CRV. At FYI, wlang knattkutang ASG o PNP. LOL.
GAWAING PANSANAY
1. Bukod sa pagdidikit ng papel na may nakasulat na "BATUKAN N'YO KO!" sa likod ng kaibigan mo, sa anong paraan pa nagiging delikado ang pagsusulat?
2. Nasubukan mo na bang humithit ng bulok na mansanas? E bulok na ngipin? Bakit?
3. Yung totoo, ano ang halaga ng letrang "Q" at "W" sa buhay ng tao bukod sa mga score nito sa Scrabble?
4. Gamit ang isang buong kartolina, iguhit ang iyong sarili habang nasa loob ka ng oven. Gawan ng pamagat at idikit sa harap ng bahay.
"But y'all can see me now cuz you don't see with your eye
You perceive with your mind"
"No squealing, remember
That it's all in your head"
- Gorillaz
Clint Eastwood
Nakikita rin ng manunulat ang sarili n'ya bilang hunter na nanghuhuli ng mga salita sa halip na hayop. Ang bawat nahuhuli n'ya, isinasalpak sa papel. Depende sa hirap ng panghuhuli, minsan may kasama pang mura ang pagsasalpak sa papel. Nandoon ang kasiyahan nila pareho ng mga nahuhuling salita.
Ayon kay Georges Simenon, ang dahilan daw ng pagsusulat n'ya ay "to exorcise the demon in me." Totoo yon para sa karamihan ng mga manunulat. Ang pagpuksa sa mga personal na demonyo ang nagsilbing makina sa likod ng mga di na mabilang na sanaysay, kwento, at tula. Ang manunulat ay biktima ng isang sumpa na para sa karaniwang tao ay ligo lang ang katapat.
Sumubok ako ng bagong deodorant. Ang pagkakaintindi ko sa commercial nila, pag hindi ka raw nakuntento sa nasabing produkto e bibilhin nila ulit yung dati mong deodorant para sa'yo. Tipong "Money Back" guarantee. Pero di ako naengganyo doon. Hinabol ko lang yung mababang presyo nila kaya ako nauto.
E 'langya, ala ngang kwenta. Ambilis maubos! Di ko maintindihan kung may sumusosyo sa deodorant ko. Pero sino naman ang gagong makikisalo sa deodorant ko?! Buti sana kung toothbrush yon na pwedeng hiramin!
Tingin ko meron pa 'kong ayaw sa deodorant na yon. Pero di ko masabi kung ano dahil sa sobrang bilis ng pagpanaw nito. Babalik na lang ako sa dati kong brand. Vicks.
Marami ang nagsasabing ang pagsusulat para sa mga kabataan ang isa sa mga pinakamahirap na klase ng pagsusulat. Kaya nga laking swerte ko dahil kahit na hindi ko sinadyang mag-focus sa nasabing age group, napagtiyagaan nila akong basahin. Malaking bagay ang mapagkatiwalaan ng mga kabataan sa edad na wala silang sinasanto at lahat e pinagdududahan. Pero automatic ding kailangan kong maging baby sitter sa ilan na meron pang pacifier sa utak kahit na nasa edad na sila para gumamit ng deodorant.
Dahil sa pangangailangang makapagbenta ng produkto, naimbento ng isang brand ng deodorant noong 1919 ang BO o body odor. Bago noon, wala pang tao sa planeta ang nasabihang meron s'yang BO at kailangan n'yang gumamit ng [place product name here]. Sabi nga nila, ang trabaho raw ng patalastas ay para kumbinsihin ang tao na meron s'yang pangangailangan o kakulangan sa buhay na kailangan n'yang tugunan.
May kinalaman nga ba ang initials ko sa katamaran kong maligo, o talagang napag-iwanan lang ako ng mga kilalang Pilipino pagdating sa pagpili ng pangalan?
Amado Hernanderz - Amante Ernani; Julio Abril
Andres Bonifacio - May Pag-asa
Antonio Luna - Taga-ilog
Apolinario Mabini - Paralitico
Cecilio Apostol - Catulo
Emilio Aguinaldo - Rosalia Magdalo
Emilio Jacinto - Pinkian
Epifanio dels Santos - G. Salon
Fernando Ma. Guerrero - Fluvio Gil
Francisco dela Cruz Balagtas - Francisco Baltazar
Francisco Sionil Jose - F. Sionil Jose
J. Zulueta - Juan Totoo
Jose Abreu - Kaibigan
Jose Corazon de Jesus - Huseng Batute
Jose dela Cruz - Huseng Sisisw
Jose Ma. Basa - Isaac Fernando delos Rios
Jose Rizal - Dimasalang; Laong-Laan
Jose Turiano Santiago - Tiktik
Juan Crisostomo Soto - Crissot
Marcelo H. del Pilar - Plaridel; Dolores Manapat
Mariano del Rosario - Tito-Tato
Mariano Ponce - Kalipulako
Nestor Vicente Madali Gonzalez - N.V.M. Gonzalez
Nick Joaquin - Quijano de Manila
Rafael Palma - Dapit Hapon
Salvador del Rosario - Juan Tagalo
Severino delas Alas - Di Kilala
Sino nga ba ang misteryoso: Ang taong alam mo na ang talambuhay at takbo ng isip pero hindi ang pangalan, o ang taong alam mo ang mukha, tirahan, edad, at pangalan pero bukod doon e wala nang iba?
Siksik ako dito ngayon sa 2.5m x 3m na selda. Pansamantalang ipinasok dito ang PC dahil sa memorandum na ipinatutupad sa buong kagubatan. Malayo ako sa jack ng telepono, kaya may temporary restraining order din sa pag-Internet. Etong PC ko naman, naghihingalo. Walang kaha, kita ang kaluluwa, katatapos lang ng operasyon. Lahat daw masakit sa kanya. Hard disk. Memory. Clock. Sari-saring error messages ang kumakausap sa 'kin. Sinuhulan ko, pero ayaw naman tumanggap ng lagay.
Yan ang ayoko sa mga linsyak na computer. Upgrade nang upgrade. Hardware at software. Wala kang panalo. Para kang hamster na nasa exercise wheel. Yung PC-AT286 ko na binili dati ng 30k-ayun, paper weight na lang!
Ang maganda lang sa naging karanasan ko sa computer e marami akong bagay na nasubukan at nausisa. Jack of all trades. Master of none. Lalo na nung nauso ang Internet sa bansa dalawang taon bago naupo si Erap. Masyado akong nalibang sa sandamakmak na bagay na nag-agawan sa atensyon ko. Marami akong nasubukan at natutunan. Pero ang pinakamagarang aspeto ng Internet na napansin ko e walang iba kundi ang mismong mga nagpapatakbo at gumagamit nito.
TAO.
Isipin mo: Sino ka? Ikaw, sino ka talaga? Sino ang ikaw? Kung matatanggal ang kamay mo dahil sa isang disgrasya, syempre ikaw pa rin ang matitira-ikaw na walang kamay. Pero kung magkakahiwa-hiwalay ang mga parte ng katawan mo, sino ang ikaw? Yun ulo? Yung katawan? Yung pinakamaraming parte na magkakadikit pa rin?
Paano kung walang matira sa katawan mo?
Naisip ko ang tanong na 'to dahil na rin sa joke tungkol sa preso na unti-unti na raw tumatakas ng kulungan dahil sa sunud-sunod na organ donation nito at amputation ng mga kamay at paa. Isang patawa na nakasandal sa seryosong tanong kung sino ka nga ba. Ikaw ba ang bahagi ng katawan mo na buhay pa? Ikaw ba ang parte na nakakapag-isip? Ikaw ba lagi ang ulo?
Yan ang Internet. Parang puro lang tayo isip na nag-uusap-usap. Walang mukha, katawan, kamay at paa. Di kita nakikita, di mo 'ko nakikita. Ako ang tao na binubuo ng isipan mo...base siguro sa pagkatao mo rin. Dail nakakausap mo 'ko, tao na 'ko.
Taong 2003 ko unang nabalitaan sa CNN ang kalagayan ni Terri Schindler Schiavo, isang Amerikana na pumanaw nito lang 2005 at tumawag sa pansin ng buong mundo. Nagmi-merienda ako noon nang matsambahan ko ang interview ni Larry King kay Michael Schiavo, mister ni Terri, na nagpipilit na tanggalan ng feeding tube ang diumanoy nasa vegetative state na asawa. Na-comatose si Terri noong 1990 dahil sa isang medical malpractice at nanatiling nasa neurological state simula noon. Pero dahil nanalo sa demanda laban sa hospital, nabigyan ng pera ang mag-asawa at doon na nagsimula ang pag-aagawan nina Michael at ng mga Schindler sa karapatan kay Terri. Mahaba ang naging pagtatalo tungkol sa custody, euthanasia, at pera. Kanya-kanyang bersyon ng kwento, sari-saring anggulo. Pero ako, tulala lang sa kalagayan ni Terri.
Paano nga ba masasabi kung buhay at mag-isip pa ang isang tao o pinahihinga na lang ng makina? Kung hindi ka na nakakapag-isip, kahit na may tibok pa ang puso mo-ikaw pa rin ba yon? Kung ipinanganak ka sa katawan ng isang taong di makarinig, makakita, makapagsalita, at makagalaw-buhay ka na ba? At kung isang araw gumising ka na lang nang hindi mo alam ang pangalan mo at edad-sino ka???
Sa hirap daw ng buhay sa Pilipinas, lahat ibinebenta na ng mga tao makakain lang. Pati sariling laman. At hindi lang ito laman na nangangahulugang prostitusyon, kundi mismong mga lamang-loob at parte ng katawan. Mata, ngipin, kidney, balat, breastmilk, dugo, at syempre yung iba pang vital organs na pwedeng maipasa sa ibang taong nangangailangan nito. Malaki naman daw ang kita kung hindi mo iindahin ang sakit, kapansanan, at pag-ikli ng buhay mo.
Pero sabi sa Wired Magazine, kung pepresyuhan daw ang katawan mo base sa market value ng mga organ, chemicals, at complex molecules nito, tatabo kagad ang baga mo ng $58,200 bawat isa. $57,000 ang puso. $91,400 ang mga kidney. $419,920.20 ang atay. $9,000,000 ang DNA. At $23,000,000 ang bone marrow. Kasama na ang mga body fluids, tissues, at proteins, may kabuuhang $45,618,575.82 ang halaga ng isang buong tao. Pero theoretical lang ang mga presyo na yan kaya wag ka muna kagad kumuha ng kutsilyo.
Malalaman mo raw na tumatanda ka na pag ikinukumpara at ipinagmamalaki mo na ang henerasyon mo sa mga mas bata sa'yo. Kung ganon, tumatanda na nga 'ko. Kasi sa panahon ko, marunong pa gumawa ng origami ang mga bata gamit ang panyo. (Pag bored na sa eskwelahan!) Marunong gumawa ng iba't-ibang figures at patterns sa daliri gamit ang goma. (O, ha! Kaya mo ba yung sapot ni Spiderman?) Marunong kumilala ng ilang constellation at heavenly bodies. (Sa bagay, phaseout na yata ang mga bituin sa panahon ngayon.) Marunong sumagot ng mga bugtong. Marunong makinig ng drama sa radyo. At marunong magkwento.
Sa kabilang banda, parang robot na ang mga bata ngayon dahil sa pagkabihasa sa computer. Halos wala na ring gamit ang encyclopedia dahil sa Internet. Di na kailangan ng mauling, matigas, at nagtatakatak na makinilya sa paggawa ng term papers. Napakalaking abala na sa kasalukuyang henerasyon ang TV na walang remote control. Dyahe na ang teleponong walang camera. At ilang pindot na lang sa cellfone ang pakikipaglokohan nila sa kaibigan kahit saan at kahit anong oras, kumpara noon na mga negosyante lang sa siyudad ang may landline. Kung technology lang ang pag-uusapan, napaka s-w-e-r-t-e ng mga estudyante ngayon! Pero marami ang hindi nakakaisip noon.
Sobra rin ang pagpapahalaga ngayon sa talino ng mga bata. Pababa nang pababa ang edad ng mga pumapasok sa eskwelahan. Palalim nang palalim ang usapin tungkol sa mga child prodigy. At parami nang parami ang mga produktong nagsasabing tumutulong sila sa pagpapatalino ng bata.
Malakas masyado ang hype tungkol sa "the gifted child." Kahit na ang mas magiging biyaya sa mundo ay ang "the giving child."
Wala. Opinyon ko lang 'to tungkol sa mga sinasabing henyo.
Hindi totoong 10% lang ng utak ang ginagamit ng tao. Tsismis lang daw yon na nag-umpisa sa misinterpretation ng binitiwang biro dati ni Albert Einstein, at pinulot ng mga negosyanteng gustong magtinda ng mga produktong gigising daw sa natitira pang 90% ng utak. Sabi nga ng mga scientist, efficient daw ang utak natin. Lahat ng bahagi, may silbi. (Oo, alam ko, gusto mong makarinig ng punchline tungkol sa utak ng ibang tao. Pero bibiguin muna kita.) Mula sa pagkuha ng impormasyon, paggawa ng mga desisyon, pakikipag-usap, pagkontrol sa katawan, at pagpili ng mga ringtone, hanggang sa pagpapalit ng mga ringtone dahil may iba nang uso-lahat yan, dumadaan sa utak natin.
Ayon sa Stanford-Binet scale na hindi ko alam kung ano, ang normal na IQ daw ng tao ay nasa 85 hanggang 115. Sa populasyon ng buong mundo, isang porsyento lang daw kami na may IQ na higit 135, at isa sa amin ay sinungaling pa. Sabi ni Dr. Catherine Morris Cox, isang sikat na psychologist pero hindi ko kilala, ang may pinakamataas daw na IQ ay ang mga philosopher dahil sa average nilang 173. Sunod ang mga scientist sa average na 164. Mga fiction writer, 163. Statesmen, 159. Musicians, 153. At mga tagasubaybay ni Bob Ong, 152...pero idi-divide pa yan sa kanilang lahat.
Napanood ko dati ang The Human Body sa Discovery Channel kung saan ipinakita ang development ng sanggol sa sinapupunan. Biruin mo yung the miracle of life na hindi kayang ipaliwanag ng mga scientist, yung mismong "milagrong" yon na nabubuo nang hindi natin alam kung paano, ang s'ya ring magma-may-ari sa utak na susubok kumilala sa sarili at magtatanong kung sino s'ya, saan s'ya nanggaling, at saan s'ya papunta.
"The mind's the standard of man," sabi ni Isaac Watts. Sa blog ko noong unang panahon, na kung tawagin ay Ang Paboritong Website ni Hudas, litrato ng utak ang inilagay ko sa harap sa halip na litrato ko. Para kasi sa akin walang kinalaman ang anyo ng tao sa mga sinasabi n'ya. Ayon nga sa mahal na patron ng mga kabataan na si Eminem: "Unless you want to f* me, why do you care what I look like?"
Bilang baguhang substitute teacher dati sa high school, minsan na 'kong nahamon ng mga estudyanteng harap-harapang nagkokopyahan sa exam. Naiisip ko noon na para mas makilala ang bawat isa sa kanila-pangalan, pagkatao, kakayanan sa eskwelahan-kailangan kong ibalik sa kanila ang hamon. Pinakuha ko sila ng bagong papel, at ipinasulat ang kung anumang alam nila tungkol sa subject. Sasagot sila nang walang tanong. Nag-memorize man sila o hindi, may naintindihan man sila o wala, anumang makabuluhang bagay ang sa tingin nilang alam nila tungkol sa subject-ipinasulat ko sa papel.
Madaling naihiwalay ang mga may alam sa wala, at ang mga nag-memorize lang sa mga nakaintindi. At dahil mas nasilip ko ang isip sa likod ng mga pangalan, mas nakilala ko ang bawat estudyante. Nakilala ko dahil sa mga isinulat nila.
Bakit nga pala nag-ping pong ang usapan sa utak, isip, kakayanan, at mga lamang-loob?
Dahil tulad ng Internet at text messages, sa mga pinagdugtong-dugtong na salita rin nakikita ang taong sumusulat ng mga libro. At para sa taong sumulat ng librong binabasa mo ngayon, higit pa yon sa pakikipagkamayan.
<._.> Kilala mo ba 'ko?
<BO> Ikaw ba si Inday Badiday?
<._.> Galing ako sa Ang Paboritong Libro ni Hudas, ogag!
<BO> Naku, sorry po! Oo, natatandaan ko na....
<._.> Pwede ka ba matanong?
<BO> PATAY NA BA 'KO?!?
<._.> Ako ang nagtanong kung pwede magtanong.
<BO> Sorry po ulit...
<._.> Naaalala mo pa ba yung mga E-mail interview sa'yo ng mga estudyante noon?
<BO> Ah, oo. Bakit?
<._.> Pwede ko bang maitanong ulit?
<BO> Para saan...?
<._.> Para hindi mo na sagutin nang paulit-ulit ang mga paulit-ulit na tanong sa'yo.
<BO> Ayos. Sige, fire!
<._.> Ano ba'ng trabaho mo dati?
<BO> Sabihin na lang nating nakapagtrabaho na 'ko sa opisina, eskwelahan, pabrika, mall, at sa bahay.
<._.> Kelan mo naisip na talagang gusto mong magsulat?
<BO> Nang pumalpak ako sa buhay bilang hindi manunulat.
<._.> Bakit mo isinulat ang mga isinulat mo?
<BO> Dahil...ummm, hindi pa sila naisulat...?
<._.> May mga ritwal ka ba bago magsulat?
<BO> Kailangan ko lang ng katahimikan, parang albularyo.
<._.> Kelan ka nagsusulat?
<BO> Ummm...dati tuwing gabi o kaya tuwing tag-ulan. Pero sobrang dalang ng mga pagkakataong yon kaya ngayon wala na 'kong pinipiling oras o panahon. Basta sinisipag, sige nang sige. Pag hindi sinisipag, hintay ulit ng gabi o ulan. Minsan pati solar eclipse.
<._.> May bad habits ka ba sa pagsusulat?
<BO> Kasalukuyan akong nagka-canvas kung saan makakabili ng good habits.
<._.> Nakakapagsulat ka ba kahit pressured na sa deadline?
<BO> Oo. Kasi itinutulak ko ang deadline.
<._.> Ano ang ginagawa mo sa mga pagkakataong hirap kang magsulat?
<BO> Hindi ako nagsusulat.
<._.> Ano ang pinagkakaabalahan mo pag hindi ka nagsusulat?
<BO> Minsan natutulog. Pero kadalasan nagtutulog.
<._.> Gaano ka ka-emosyonal sa pagsusulat ng mga libro?
<BO> Hindi kulang-na hindi ko ito maumpisahan. Hindi sobra-na hindi ko ito matapos.
<._.> Bakit mo naisip na magsulat sa Filipino?
<BO> Dahil gusto kong maintindihan ako ng mga kababayan ko. Kung gusto kong malito lang ang mga karaniwang tao at hindi maintindihan ang sinsabi ko para kunyari may sinasabi ako kahit na wala, mag-e-English ako. Tulad ng mga namumuno sa bansa.
<._.> Sa paanong paraan mo nalalaman na tapos na ang librong sinusulat mo?
<BO> Sa parehong paraan na nalalaman ko'ng tapos na 'ko sa inidoro.
<._.> May mga disappointment ka ba sa pagsusulat?
<BO> Oo. Hindi ako makapagsulat nang mas madalas.
<._.> Ano ang pinakamahirap na aspeto ng pagiging BO?
<BO> Ang papipilit ng iba na ikahon ako sa imahe ng BO na binuo nila. Dahil nakapasa ako sa mga personal nilang pamantayan, kailangan lahat ng sasabihin ko lagi nang ayon sa panlasa nila. Kailangan laging kakaiba, cool, at liberal...kahit na maging puro kakaiba, cool, liberal, at wala nang kwenta ang mga sinasabi ko.
<._.> Eto ang salamin, kung makikita mo ang sarili mo....
<BO> HUH???
<._.> Este...sige, iba na lang. Ano'ng tingin mo sa mga batang manunulat natin ngayon?
<BO> Magagaling! Kaso lang lagi tayong "supply exceeds demand" dito sa Pilipinas pagdating sa talento.
<._.> Marami na ang nakabasa ng libron mong Alamat ng Gubat. Bukod sa pagpapatawa sa mga mambabasa, nagsisilbi rin ba itong parody ng Philippine government?
<BO> Hindi. Nagsisilbi itong parody ng Philippine society. Ibig sabihin damay ka at ako.
<._.> Ano ba ang pananaw mo sa kulturang Pinoy?
<BO> Makulay at masaya. Kala lang damaged. Parang imported good na nasira sa shipping.
<._.> Ano'ng tingin mo sa politikal na lagay ngayon ng bansa? May pag-asa pa ba tayo?
<BO> Ang maganda sa pag-asa, hindi 'to nakukuha sa'yo nang hindi mo gusto. Kampante pa nga 'ko ngayon na masyado nang nabulabog ang bansa. Sabi kasi nila kasunod na raw ng pinakamadilim na parte ng gabi ang pagbubukang-liwayway. Ang ipinag-aalala ko nga lang e baka maubos at hindi na umabot ang katol na pangontra sa lamok ng mga tao sa mahabang magdamag.
<._.> Ano ang mensahe mo sa mga taong nagbabasa ng mga libro mo?
<BO> Ang mga libro ko ang mensahe ko.
<._.> Ba't hindi ka nag-o-autograph?
<BO> Style.
Sa unang pagkakataon pa lang na binalak kong seryosohin ang pagsusulat, na-imagine ko na ang libro ko sa mga istante ng paborito kong bookstore. Pero hindi bilang pangarap o ambisyon. Ewan, basta automatic na yon sa isip ko. Para kasing anlabong tingnan ko ang sarili bilang manunulat pero walang libro. Importanteng may puhunan akong kumpiyansa na sapat para sa pagtatangka kong maging author. Wala rin naman kasing publisher na magtitiyaga sa'yo kung wala ka noon.
Pero hindi ako sigurado kung naisip ko noon na magkakaroon ako ng ganito karaming mambabasa. (Clue: Lagpas na sa sampu!) Buong pagpapakumbaba kong ipinagpapasalamat yon, pero merong akong prinsipyo bilang manunulat na gusto kong isiping sinusunod ko.
Hindi ako pumipirma ng libro dahil hindi ako naniniwalang mas tumataas ang halaga nito dahil sa pirma ko. Ang libro ay libro, may pirma man ng author o wala. Oo, nilabag ko na ang paniniwalang 'to ng ilang beses. Pero yon ay dahil lang sa may mga taong hindi pwedeng tanggihan (kahilingan ng publisher at distributors noon); may ilang indibidwal na tumulong sa 'kin at pirma ko lang ang maibabayad sa kanila; at may mga blah blah blah.... (Kunyari nagpaliwanag ako at nakumbinsi ka.) Sa puntong 'to na nakapagbayad na 'ko ng utang sa pamamagitan ng pagpirma sa mga libro, pagboto sa ilang TraPo noong eleksyon, at pagpapahiram ng aking katawan, babalik na 'ko sa paniniwalang meron nga akong prinsipyo.
Ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Station, 75% daw sa mga mambabasa ko ang may edad 2 years old pababa, at 30% naman ang nasa 13-30 years age bracket. Ibig sabihin, halatang pauso ko lang ang survey na 'to. Pero lagi ko pa ring iniisip ang kapakanan ng mga kabataan sa mga isinusulat ko. (Inspirasyon ko yon sa pagsusulat ng bastos.) At ayokong ituro sa kanila ang maling paraan ng pagtangkilik sa akin.
MALING PARAAN
NG PAGTANGKILIK KAY BO:
- Pag-iidolo
- Pagpapa-autograph
- Paghingi ng picture
- Pagpapa-pirma ng slumbook
- Pag-aalay ng pagkain sa harap ng mga libro ko tuwing alas-sais ng gabi
TAMANG PARAAN
NG PAGTANGKILIK KAY BO:
Pagda-download ng BO operator logos and icons. Pagda-download ng BO wallpaper and screensaver. Pagda-download ng BO games and videos. At pagsa-subscribe sa BO txt trivia, BO news, BO wake up call, BO answering machine, at BO updates. To register, text UNCLEBOB space <name> space <address> space <age> space <signature> space <what is love?> space <smiley> and send to 0666. Ang malilikom na pondo ay ido-donate sa IRETOKE NATIN ANG MUKHA NI BOB ONG FOUNDATION. Pag gumwapo na si BO, magkakaroon na s'ya ng mga pelikula. Tapos sisikat s'ya at magkakaroon na rin ng mga product endorsement kung saan ang bayad sa kanya ay ipapatong sa presyo ng produktong binibili ng mga Pilipinong mahirap pa sa daga. Tapos yayaman na si BO at hahangaan s'ya ng mga tao dahil mayaman na s'ya, gwapo pa. Kaya bibigyan nila ulit s'ya ng pera. Magpapaulit-ulit yon hanggang sa maisipan n'ya nang maging politiko. At sa panahong yon, anak n'ya naman ang mag-aartista.
Naimbitahan na rin akong magsulat para sa mga programa sa telebisyon at magsalita sa mga <*drumroll*>... graduation ceremonies! Tinanggihan ko dahil sa ngayon e gusto ko lang naman gumawa ng libro. Ayokong magpadala sa mga pwersang humihila sa akin sa mga direksyong hindi ko naman pinangarap. Wala akong balak na mag-ikot ng Pilipinas para sa mga Bob Ong Greatest Hits Concert Tour o Healing Miracle Crusade. May mga taong akma at ipinanganak para sa mga ganoon. Hindi ako isa sa kanila.
Nalulungkot ako minsan pag nakakapanood ng mga balita o documentary tungkol sa kabayanihan ng mga karaniwang tao. Tulad ng kasagsagan ng bagyo noon 2004, kung saan isang taxi driver ang tumalon sa tulay para magligtas ng kapwang nalulunod sa baha at malakas na ulan. Sa kabila ng kabayanihan, na-outside da kulambo pa s'ya ng nagselos na misis dahil umuwi s'ya sa bahay nang wala nang damit.
Naisip ko, bakit yung driver na yon hindi pinagkaka-abalahan ng mga tao maging idolo o inspirasyon? Bakit yung mga sundalo nating ginawang panangga sa mga Abu Sayyaf at namatay, pinugutan ng ulo, o nawalan ng mga paa at kamay, ni hindi natin kilala? At bakit kailangang magkaroon ng sariling billboard ang mga politiko na wala namang ginagawa kundi uminom ng mineral water sa de-aircon na kwarto?
GAWAING PANSANAY
1. Ilarawan ang mga taong mahilig magtaas ng kili-kili sa LRT, MRT, at mga bus kahit na meron silang malakas na BO. Ano sa tingin mo ang maaaring ikaso sa kanila?
2. Batay sa napag-aralan, naniniwala ka bang 135 ang IQ ni Bob Ong? Bakit mo naisip na mas mataas pa?
3. May alam ka bang murang second hand na computer? Magkano? May printer na?
4. Ipaliwanag ang halaga ng kabayanihan sa buhay ng tao. Salungguhitan lahat ng salitang trip mong salungguhitan.
"What no wife of a writer can ever understand
is that a writer is working
when he's staring out the window."
- Burton Rascoe
Critic, editor, and journalist
Kung bubuuin ang tema ng una kong tatlong libro, lalabas ang motto ng pinanggalingan kong eskwelahan. Hindi yon sadya. Nagkataon lang na yun ang mga paksang handa kong pag-aksayahan ng tinta. At hindi rin sinasadya, pero ngayon ko lang napansin na ang pamagat ng mga naisulat ko ay naglalaman ng mga salitang "nakakabasa", "magbasa", at "libro".
Survivor ng mga persecution, censorship, at kali-kaliwang giyera ng libu-libong taon. Palatandaan ng panahong naghihiwalay sa nakatala at di-nakatalang kasaysayan ng tao. Basehan ng mga paniniwalang pulitikal at panrelihiyong nagpabago sa takbo ng mundo. Yan ang libro.
At ang kwento natin sa araw na ito, mga bata, ay kung paano gumawa ng libro-Bob Ong style!
Ballpen at papel muna ang hawak ko sa pagsusulat ng libro. Ayoko kasing magsimula ng trabaho sa harap ng mainit at blangkong computer monitor kung saan buong araw lang ako kikindatan ng cursor ng MS Word. Pag may laman na ang papel ko at madulas na ang utak, saka lang ako hahawak ng keyboard para mag-type at umaktong writer.
Type. Typr. Type. Tigil. Mental block. Kindat ang cursor. Kindat ang cursor. Kindat ang cursor. Manghihinayang ako sa kuryente. Babalik sa papel. Masyadong mabilis ang idea, di makahabol ang ballpen. Babalik sa computer. Masyadong mabagal ang idea, sayang ang kuryente. Babalik sa papel. Masyadong mabilis ang idea, di makahabol ang ballpen. Babalik sa computer. Masyadong mabagal ang idea, sayang ang kuyente. Babalik sa papel. Repeat till fade. Check ng E-mail, may sulat galing sa reader. "BOB ONG KELAN BA MATATAPOS ANG BAGO MONG LIBRO?????"
Lilipas ang ilang linggo. Balik sa proseso ng type-type-type-tigil. Matatapos ang manuscript at ipapasa sa publisher. Babalik sa edited manuscript. Sasabihin ng editor: "Bob, walang salitang langgonisa!" Sisitahin pa n'ya ang iba kong mali. Hihirit ako at ipapaliwanag na informal ang grammar ko. Sasagot s'yang iba ang informal sa mali!
Bakit type-type-type-tigil para sa revision.Submit sa editor. Check ng E-mail. Galing sa reader: "BOB, WALA KANG KATULAD! ANG LUPET MO IDOL!!!" Galing sa editor: "BOB, WALANG SALITANG ISINASANG-ALANG-ALA, KAHIT SAANG DICTIONARY KA MAGHANAP!" Sa E-mail, para 'kong gifted child sa pananaw ng ilang reader. Sa telepono, para akong pusang tumae sa kama kung pagalitan ng editor.
(Trivia: Taghirap ako sa paperclip. Lagi kong ipinapaalala sa editor na ibalik sa akin ang mga paperclip pagkatapos basahin ang manuscript. Kaya pamasko n'ya sa akin noon, dalawang kahon ng iba't-ibang paperclip!)
Ang book cover? Pilit kong inuuna ang paggawa ng mock-up nito kesa sa manuscript. Parang finish line kasi yon para sa akin. Ayokong magsulat ng libro nang di ko nakikita ang katapusan. Nirerespeto naman ng publisher lahat ng idea ko, pero nasa kanya pa rin ang huling salita. At yung fonts? Hindi laging Comic Sans yun. Guni-guni mo lang!
Balik sa manuscript. Type. Type. Type. Submit ulit sa editor. Wala nang comment. Ibig sabihin pagod na s'ya. Panalo ako. Yesss!!!
Mula sa editor, ile-layout ang manuscript para magawan ng negative. Tapos didiretso 'to sa stripper na maghahanda nito para maging plantsa. (Hanggang ngayon hindi ko kayang sabihin ang "stripper" nang hindi nakangisi.) Mula sa stripper <*ngisi*> itatakbo na ang hilaw na BobOngBook sa press para ma-imprenta. Saka ito ngayon itutupi-tupi, pagdidikit-dikitin, gugupit-gupitin, at ipambabalot sa tinapa kung reject. Pero minsan dinadala din 'to sa mga tindahan ng libro pag maayos ang gawa.
Pagdating sa tindahan, sasabihin ng clerk: "Wala naman kaming inorder ah!" Babalik ang delivery sa warehouse. Saka ngayon tatawag ang clerk sa publisher: "Ba't ho ba antagal dumating ng order namin?"
Makalipas ang ilang eksenang tulad nito na animoy's bahagi ng isang walang kwentang sitcom sa TV, nakakaabo din ang librong Bob Ong sa mga istante ng book store. Doon nagpapatuloy ang mas makulay nitong kalbaryo.
[The following is a true story based on the author's experience. Parental guidance is advised.]
EPISODE #1
Dalawang magkaibigan ang kumuha ng Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino? sa istante ng isang books store.
Kaibigan 1: Eto, maganda 'to...
Kaibigan 2: Ay, ano yan?
Kaibigan 1: [Magbabasa ng ilang linya.]
Kaibigan 2: [Matatawa.]
Kaibigan 1: Eto pa, tingnan mo...
Kaibigan 2: Ahahaha...
Kaibigan 1: [Patuloy sa pagbabasa para sa kaibigan.]
Kaibigan 2: AHAHAHA!!!
Kaibigan 1: Hehehehe!!!
Kaibigan 2: NGYAHAHAHAHA!!!
Kaibigan 1: BWAHAHAAHAHAHA!!
[Matapos basahin ang buong libro sa loob ng tindahan...]
Kaibigan 2: 'Lika na, uwi na tayo.
Kaibigan 1: Sige.
(Katabi ako ng dalawang babae. Gusto kong magmakaawa. "Miss, kahit donasyon lang, natawa naman kayo e! Sige na, miss! Kahit-barya lang....")
EPISODE #2
Misis: [Sa sales clerk] Miss, saan ho ba yung ABNKKBSNPLAko?!
Sales clerk: [Baguhan yata] Ay...um, pakitingin na lang ho sa children's book section.
EPISODE #3
Binata: [Sa sales clerk] Miss, meron na kayong bagong libro ni Bob Ong?
Sales clerk: Ano'ng title?
Binata: Ang Paboritong Libro ni Hudas...?
Sales clerk: HAHAHA! AHAHAHAHA!!! AHAHAHAHAHAHAHA!!!!!
EPISODE #4
Bookstore: [Phone call sa publisher] Pwede na bang magpa-deliver ng Libro ng Demonyo?
Publisher: 'Yung paboritong libro ho ba ni Hudas?
Bookstore: Ay, oo! Yun palang Sinturon ni Hudas!
Pero labas sa mga kwentong nabanggit, mas nakakalungkot ang book industry sa bansa kesa nakakatawa. Napansin ko yon kahit noong di pa 'ko nagsusulat. Bilang mambabasa, nahalata kong limitado sa mga standard genre ang mabibili sa mga tindahan ng libro. Bukod sa mga coloring books, recipe, compilation, at business & religious books natin, puro mga bestsellers na lang ng ibang bansa ang makikita mo. Importante mang mga babasahin, kulang pa rin ang hatak sa mga tao para magbasa.
Sa ngayon e medyo lumalawak na ang espasyong nasasakop ng mga librong Pinoy sa pamilihan, pero makikita mong masyado pa ring maingat ang karamihan sa mga publisher at book store. Takot lumabas sa kahon dahil sa komersyalismo. Mabibilang pa rin ang mga itinitindang kopya ng graphic novels o essays ng mga pangkaraniwang tao, na medyo nakakalungkot kung iisipin. Buti pa kasi ang ibang industriya kahit papano nakakadaing sa gobyerno. Ang publishing industry, hindi. Bitin ang suporta sa mga manunulat. Sa tindahan pa lang ng libro...ano na, yung ano...ummmmm, hindi na 'ko magsasalita dahil baka hindi na nila itinda mga libro ko!
Sa kwento ng ibang manunulat, may mga practices daw ang ilang publisher dito sa atin na kung ikukumpara mo sa ibang bansa ay masyado nang madaya. Wala ka ring kalayaan bilang artist, dahil lahat ng gawin mo ay nangangailangan ng approval ng mga sarado ang isip at takot sumubok ng bago.
Ang pangarap ko sana sa publishing industry sa bansa e yung maging laganap ito at bukas sa lahat-interesante man ang paksa ng isang libro para sa'yo o hindi; may talento man ang nagsulat nito o wala; at published man ito ng totoong publisher o ginastusan lang ng galing sa sariling bulsa. Kung hindi man mabigyan ng pangalawang pagkakataon ang mga pumalpak na author, sana kahit man lang unang pagkakataon mabigyan ang iba pang gustong magsulat. Sana mas madali ang proseso tulad doon sa mga bansang maunlad. Mga bansang bukas ang isipan. Mga bansang nagmamahal sa libro at may respeto sa iba't-ibang idea ng tao.
Maraming magagaling na manunulat sa Pilipinas. Naglipana. Dahil ang totoo, ang bansa nating hikahos ay binubuo ng mga taong nag-uumapaw sa talento, hindi lang natin pinapansin o pinapahalagahan. Nakakatawa nga minsan, pero totoong hindi binibigyang importansya ang utak dito sa atin. Kahit tanungin mo pa ang mga Pinoy scientist. (Sabay-sabay: "Meron pala tayo no'n!?)
Madalas akong tumingin sa bargain books section ng mga tindahan ng libro. Dati, dumadayo rin ako sa book gairs at mga annual book sale. Doon mo makikita ang mga Disney books na presyong ginto at mga business books na hindi mo rin naman mabibili kung hindi ka milyonaryo. Bukod d'yan, doon mo lang din malalaman na meron palang mga librong tulad ng Electronic Pet Care, Does Y2K Equal 666, Sensational Knitted Socks, at Conversations with My Old Dog. Nasa isip ko noon: Pusanggala! Sino naman magbabasa ng mga ganyang libro???
Pero naisip ko ngayon, dapat ko pala hangaan ang aspeto na yon ng ibang bansa. Sa kanila kasi pwedeng isalibro ang kahit ano lang na maisip nila. Sa atin, halos kailangan mo ng doctoral degree para pagkatiwalaan kang magsulat ng librong wala rin namang magbabasa.
sa pambansang pagsusuri ng National Book Development Board sa mga Pilipinong may edad 18 taong gulang pataas noong 2003, lumalabas na 94% sa atin ang may kakayahang magbasa ng mga simpleng salita, 90% ang nakapagbasa na ng libro, at 68% ang nakapagbasa na ng mga librong walang kinalaman sa eskwelahan.
Lumalabas na literado ang karamihan sa Pinoy. Pero sa pagsusuri, meron lang isang bookstore ang bansa para sa bawat 30,000 na Pilipino. Ayon din sa National Library, 511 lang ang may municipal library sa 1,496 municipalities ng buong bansa, at 49 lang sa 80 provinces ang may provincial library. 4% lang sa mga Pilipino ang may library sa bahay, at 42% ang di nakakaalam kung may public library sa lugar nila. Sa mga tinanong, 60% ang kailangan pang mag-commute para makarating sa pinakamalapit na tindahan ng libro, at 18% ang di nakakaalam kung may bookstore man lang sa lugar nila.
Tinatantiyang anim na libong libro lang ang inilimbag ng Pilipinas mula taong 1593 hanggang 1900. Pero natapatan na natin ito sa loob lang ng isang taon noong 2003. Bukod d'yan, karaniwan na rin sa atin ang makapaglabas ng tatlo hanggang sampung libong kopya ng isang libro sa isang taon, di tulad noong 1990's na inaabot ng tatlo hanggang limang taon ang isang libro para lang makaubos ng isanlibong kopya. Pero sa kabila ng mga katotohanang 'to, nasa kawawang pangwalong posisyon lang ang Pilipinas sa sampung bansa sa Asya pagdating sa kalakalan ng book production-kahit pa mismong McGraw-Hill na ang lumalapit sa mga Pilipino para magsulat ng mga libro nilang nakatuon sa Asya.
GAWAING PANSANAY
1. Bilugan ang mga salitang hindi nabibilang sa pangkat:
- kidnapper, carnapper, mga nagbabasa ng libro ni Bob Ong sa bookstore pero di bumibili, bigas
- Incredible Hulk, The Undertaker, editor ni Bob Ong, holy water
- Newton, Mozart, mga mambabasa ni Bob Ong, ubo
- pagkain, tirahan, paperclip, anay
- kastilyo, ginto, mga imported na libro, asin
2. Ipaliwanag kung bakit paborito mong author si Bob Ong. (O kung hindi mo s'ya paborito, gawan ng thesis ang Theory of Relativity sa salitang Latin.)
Mrs. Connelly: Tell me about yourselves.
What do you do Alan?
Alex Rose: Uh, it's Alex.
Nancy Kendricks: Alex is a writer.
Mrs. Connelly: Oh, a writer. I always thought of that as more of a hobby than a real job. I suppose I'm forgetting about Joyce.
Alex Rose: Joyce. James Joyce. Of course. Wonderful writer.
Mrs. Connelly: He died drunk and penniless.
- Duplex (2003)
Ayokong tawagin ang sarili ko na manunulat. Pag sinabi mo kasi sa mga tao na "writer" ka, kadalasan makakatikim ka ng mga tingin at panlalaki ng mata na para bagang sinabi mong kumakain ka ng bala. Akala nila kakaiba ka. Weird. Masyadong matalino o kaya sobrang yaman. Tapos susundan pa yon ng tanong kung saan ka sumusulat, na pag sinagot mo ng pangalan ng dyaryong di kilala o magazine na kakaiba ang pamagat, e ikakakunot ng noo nila at ikakatapos ng maikling kumustahan.
Hindi naman ako mahilig magsulat. Mahilig lang siguro talaga ako magkwento, mula pa pagkabata. Natatandaan ko pa kung paano ko ikinuwento sa mga pinsan ko dati sa probinsya ang original na series ng The Avengers. Lahat kami nakahiga sa kahoy na sahig, kanya-kanyang puwesto. Wala pang kuryente sa probinsya namin noon kaya pinagtiyagan nila akong gawing TV. Dilat na dilat ang mga mata nila, at panay ang tanong sa akin na akala mo e nakapag-time travel sa future dahil nakakapanood ng TV sa Maynila. Kaya talagang kinukumpleto ko ang kwento ko, kasama pati mga commercials at side comments ng mga kapatid kong biktima rin ng TV. Nasa kindergarten pa lang ako noon.
Pagtapak ng elementary, nalibang naman ako sa mga tau-tauhan. 'Yung 1 gallon na lalagyan ng peanut butter ang pinupuno ko dati ng mga sari-saring tao, hayop, at robot; lahat ginagawan ko ng kwento base sa mga cartoon ng Saturday Fun Machine sa channel 9. Pag kailangan ko ng mga "kalaban," kumukuha lang ako sa mga display naming figurines. Kahit ceramic na pusa o kahoy na elepante, okay lang. Walang hindi pwede. Pati ash tray at mga bote ng softdrinks (may sari-sari store kami) isinasali ko sa laro. Pag masyadong malalaki ang mga nadadampot kong props, itinuturing kong higante. Pag masyadong maliliit, dwende.
Hindi naging mahirap sa akin ang pagsusulat ng kwento noon dahil maya-maya naman ito ipinapagawa sa eskwelahan pag tinatamad magturo ang teacher: "Class, isulat n'yo kung ano ang ginawa n'yo noong nagdaang bakasyon."; "Class, isulat n'yo kung anong mga regalo ang natanggap n'yo nung Pasko."; "class, isulat n'yo ang tungkol sa paborito n'yong alagang hayop."; "Class, isulat n'yo kung anong hayop ang nagbakasyon noong Pasko..." Sa ganitong paraan ako nasanay magkwento sa papel, na nauwi sa pagpapadala ko ng maikling kwento para sa programang Batibot noon, na hindi ko alam kung ipinadala nga ng kapatid ko dahil masyadong mababoy ang pagkakagamit ko noon sa makinilya.
Pagdating ng mga bata sa Grade 6, pansin na talaga kung saan ang hilig at galing nila. Madali nang sabihin kung sino ang totoong magagaling sa klase, ang mga pwedeng posibleng makapasok sa varsity team ng tutuluyan nilang high school. Sa ganoong edad ko nakita ang komiks na ginawa ng class artist namin. Pangkaraniwan lang ang gawa n'ya, lalo na kung ikukumpara sa gawa ng mga bata ngayon na bihasa sa computer, pero bilib na bilib ako dahil noon lang ako nakakita ng home made na komiks. Masyado akong namangha sa idea na hindi mo pala kailangan maging matandang writer o artist para magkaroon ka ng komiks. Hindi mo kailangan ng readers at publisher. Hindi mo kailangan ng Fine Arts degree sa UP. At hindi mo kailangan maging sikat.
Trying hard, gumawa ako ng sarili kong komiks nung high school base sa mga sentai ng Hapon. Ilang mga kaibigan ko lang ang nakakita noon, at isang classmate na muntik kong ihulog sa bintana matapos nakawin at pagtawanan ang obra ko. siguro nga mukha lang cave drawings ng mga sinaunang tao ang gawa ko, pero mahalaga pa rin sa akin yon dahil gawa KO yon.
May kanya-kanyang hilig at talento ang lahat ng tao. Nagkataon lang siguro na sa pagsusulat yata ang sa akin. Mula grade school hanggang college, sa pagsusulat ako nakatikim ng pailan-ilang papuri galing sa mga classmate at respeto galing sa mga teacher, siguro dahil sa written exams at projects lang ako nakakabawi sa klase at doon ko lang napapatunayan sa mga professor ko na may naiintindihan ako sa mga pinagsasabi nila kahit parang wala.
Nakakaasar ngang isiping hindi ako nakakuha ng subject na Journalism nung high school dahil eksklusibo yon para sa mga estudyanteng nasa top section. Hanggang ngayon bad trip ako, hindi dahil sa hindi ko nakuha yung subject, kundi dahil sa naging biktima ako ng sistema na nagdidikta kung sino lang ang pwedeng mag-aral ng ano. Nakakalungkot, pero ayos na rin dahil sa huling issue ng school organ namin bago ang graduation, nakita ko ang isang formal theme writing ko na kasamang nai-publish, katabi ng article ng valedictorian. Nakalusot ako sa publication na para lang dapat sa mga elitista kong kaeskwela.
Dala ng murang kaisipan at lumobong ulo, mayabang akong nag-exam para makapasok sa official publication ng una kong pinasukang eskwelahan nung college. Palibhasa di naman kagalingan at hindi marunong sumunod sa direksyon, ibinagsak ko yung exam. Okay lang...pero mas ayos sana kung nakapasok ako dahil iniidolo ko yung batch ng editorial staff nung mga panahong yon.
Naikwento ko na sa ABNKKBSNPLAko?! kung bakit hindi ako kumuha ng kursong tungkol sa pagsusulat noon. Pero hindi ko nabanggit na bukod sa dalawang eskwelahan nilipatan ko nung college e meron pa 'kong dalawa na pinasukan. Yung isa, music school, hindi ko sinipot matapos ang registration. Ewan, sabog lang yata ako noon para tangkaing ligawan ang musika. Pero yung pangalawa, short writing course, seryoso kong iginapang kasabay ng pag-aaral ng computer. Noong mga panahon din yon ako nagkainteres sa cartooning, photography, painting, at musical instuments-pero walang na-develop, dahil kulang ako sa sipag, tiyaga, at talento para magpakadalubhasa sa kahit anong bagay. Kaya nga yata ipinagpilitan ko na lang ang sarili sa pagsusulat. Alang-alang sa paniniwala ko na lahat ng tao sa mundo ay may kanya-kanyang galing at talino.
Nakapagtapos ako ng pag-aaral at naging karaniwang empleyado. At parang himala na nang magplano na akong mag-resign makalipas ang ilang taon sa unang trabaho, e inalok ako ng malapit na kaibigan na mag-apply sa isang technology magazine para magsulat. Salamat sa job application na halatang kulang sa pansin, nakuha ko ang atensyon ng editor na nagtiwala sa akin. Nagulat ang mga tao sa bahay namin dahil sa lakas ng "YAHOOO!!!" ko noon. Malamang narinig mo 'ko hanggang sa inyo, inakala mo lang na kulog.
Kaya lang katulad ng lagi, may mga pagkakataon pa ring hindi ayos ang mundo ko. Bisperas ng centennial celebration noon ng independence day ng bansa nang sumugod ako sa bahay ng kaibigan para magpalipas ng bad trip sa buhay. Palibhas minsan lang magkita, nagtiyaga ang kaisa-isang audience na paglamayan ang mga kwento ko. Nadawit sa usapan ang bulok na politika ng bansa, at dala yata ng kalasingan sa Pop Cola, narinig ko na lang ang sarili ko na bumabanggit ng tunkol sa planong paggawa ng website na tatawaging Bobong Pinoy.
Pero nasa kadulu-duluhan pa ng isip ko ang nasabing "plano." Dahil dagdag trabaho lang, alam kong buwan o taon pa ang bibilangin bago ko maisakatuparan yon-kung maisasakatuparan man! Di ko akalaing pagpatak pa lang pala ng unang araw ng sumunod na buwan e mabubuo ko na ang bobong website na makikigulo sa buhay ko. Salamat sa inspirasyong dulot ng inauguration ni Erap bilang pangulo ng bansa noong araw ding yon.
Naibulalas ko lang ang salitang "Bobong Pinoy" dati dahil sa pagkakadismaya sa mga naging takbo ng pangyayari sa bansa. Bobo, dahil ayaw man lang bumawi, parang sumali sa boxing na nag-aakalang nasa pagsalo ng mga suntok ang puntos n'ya. Doon nabuo ang litanya ng mga kapalpakan ng Pilipinas, pero binabanlawan din naman sa dulo ng mga positibo at interesanteng aspeto ng pagiging Pilipino. Bobong Pinoy...kontrobersyal na pangalang humahamon sa lahat para pabulaanan.
Hindi ko inisip noong una na may papansin sa bagong residente ng Internet. Wala naman kasi itong laman kundi mga bagay-bagay na tumatakbo sa isip ng isang tao habang nakaupo s'ya sa inidoro. Kaya nagulat na lang ako nang makatanggap ng positibong E-mail galing sa isang bisita pagkalipas lang ng ilang oras. Na sinundan ng galing sa isa pang bisita. At sa isa pa. At sa isa pa. Hanggang sa namalayan ko na lang na para na 'kong bibong unggoy na pinapalakpakan sa perya.
Samantala, mula sa pagsusulat sa mga tira-tirang espasyo ng mga dyaryo at magazine, nagpalipat-lipat ako ng posisyon hanggang sa makarating sa taas kung saan ako naging editor. Ang sarap ng pakiramdam! Yahooo na naman. Yun nga lang, kalahating araw lang nagtagal ang lahat. Lumabas ako ng opisina at di na bumalik.
Naisip kong di yon ang pangarap ko sa buhay. Ayokong matali sa mundo ng teknikal na pagsusulat. May sasabihin ako at hindi lang basta gustong magsalita. Ayokong magsulat habambuhay ng para lang sa telekomunikasyon at mga computer na dapat maibenta. Ayokong full time na magpadikta sa hinihinging kwento ng komersyalismo. Ayokong maging encoder ng mga patalastas ng makabagong pamumuhay. Siguro importanteng trabaho yon na kailangang may gumawa-pero sigurado akong hindi para sa akin. Meron akong ibang pangarap para sa tinta ng ballpen ko.
Nang mag-aral ako dati ng pagsusulat, akala ko magiging "struggling writer" ako ng fiction sa hinaharap. Di ko akalaing magiging official mascot pala ako ng mga kwentong barbero sa Internet. Pero nalibang naman ako sa Bobong Pinoy dati kahit na araw-araw akong sumasagot sa tanong na: "Bakit bobong pinoy?!" Buong puso, isip at kaluluwa akong nagpatakbo ng one-man show. Wala akong ibang inisip o inasikaso. Iniwan ko pati ang "pagsusulat". Pero akala ko lang pala yon. Dahil ang totoo, doon pala talaga ako papunta.
May mga taong galing sa loob at labas ng bansa, na di ko naman kilala, ang nagsabing dapat ko raw isalibro ang BP para umabot sa mas maraming Pilipino. Magalang kong tinanggihan ang alok nung una. Parang ampangit kasi na habang kinukundina ng BP ang corruption sa bansa e nanghihingi ako ng donasyon sa mga tao. Pero pinag-isipan ko pa rin kung paano nga maisasalibro ang isang website.
Atras-abante ako sa plano. Pabalik-balik sa mga "financier" para sabihing pwede/di pwede ang idea nila. Pero matapos ang mahabang pag-iisip-mga 30 minutes, pagkatapos manood ng Dragon Ball Z-nalaman kong di nga uubra ang librong tungkol sa kahinaan ng mga Pinoy. Una, dahil mahihirapan akong ilako ang libro sa mga bookstore; at pangalawa, baka kuyugin ako ng mga taong ayaw umamin sa kabobohan nila.
Pero kasubuan na noon. Ang alam ng mga bumibisita sa BP e meron akong librong lalabas. Naitulak na 'ko sa entablado. Kailangan kong kumanta, kahit anong kanta. Wala nang atrasan. Ang problema pa, wala rin ang mga financier ko noon. Sabi ko kasi tatanggap lang ako ng pera nila kung may maisa-submit na 'kong manuscript. Pero dahil mukha akong lasing kausap, nagkawalaan na kami ng contract at naisip siguro nila na puro drawing lang ang lahat. Ang sarap ng pakiramdam ko noon. Wala na 'kong trabaho, wala pang libro. Alam kong sobrang matutuwa ang mga magulang ko sa akin at sasabihan akong: "We're so proud of you, anak! Sana ipina-abort ka na lang namin dati!"
Alam ko ang nasa isip mo ngayon: "Bob, ba't kailangan mong mag-resign sa trabaho, pwede ka namang part-time writer?" Dalawa ang sagot ko d'yan: (1) Hindi ko kasi kaya, at (2) Sira ulo ako.
Pag naumpisahan ko ang isang bagay, ayoko ng interruption. Ayoko ng istorbo. Ligo, kain, tulog, 8-to-5 job-lahat yan istorbo! Kahit pilitin kong maging organisado at unahin ang day job, di rin pwede dahil gising ang utak ko sa gabi. Hirap makatulog. Midnight sale ng mga idea. Nilalangaw ang utak ko ng mga bagay-bagay na mabubugaw lang ng pagsusulat. Ang resulta: zombie ako kinabukasan sa opisina.
Naging past time ko na ang pag-iisip. Nung bata pa 'ko, matagal kong pinroblema kung paano maglagay ng rocket launcher sa paa ng tao para makalipad. Yung gago ko kasing kalaro ang nakaisip noon, pinatulan ko naman. Pero pagkatapos ng dalawang minuto naming brainstorming, nakipaglaro na s'ya sa ibang bata. Ako, naiwan, at hanggang ngayon nag-iisip kung bakit hindi kaya ng mga manananggal na lumipad nang buo ang katawan. (Isipin mo: Paano nila mada-digest yung nilapa nilang sanggol kung hindi nakadugtong yung intestines nila sa stomach? Sana i-feature 'to minsan sa Discovery Channel!)
Siguro kaya bobo ako sa direksyon at mga lugar e dahil mas binibigyan ko ng pansin ang mismong lugar at hindi ang pangalan nito o lokasyon sa mapa. Sa panonood ng pelikula, swerte na kung limang minutong eksena lang ang hindi ko naintindihan dahil sa lumipad ang isip ko. Kahit sa pagbabasa ng libro, hirap akong umabot ng 10 pages dahil mas maingay pa ang utak ko kesa doon sa author. Sanay na 'kong mapahiya dahil sa pagiging absent-minded. Sa isang book exhibit, naabutan ako ng kaibigan na kunot ang noo habang nakatitig sa coloring books. Nasa mukha n'ya ang tanong na: "Ano sa coloring books ang bumabagabag sa kalooban mo?" Hindi ko naman alam kung paano ipapaliwanag na hindi coloring books ang bumabagabag sa kalooban ko, kundi yung digestive system ng mga manananggal.
GAWAING PANSANAY
1. Naniniwala ka bang lahat ng tao ay may kanya-kanyang galing at talino? Kaya mo bang kumain ng mga sipit ng damit?
2. Gamit ang bibig, gawan ng diagram ang digestive system ng mga manananggal sa loob ng isang minuto, blindfolded.
3. Mangalap ng mga lumang dyaryo. Gupitin ang mga litrato ni Erap, kulayan, at ibigay sa kasulukuyang pangulo.
Each one, as a good manager
of God's different gifts,
must use for the good of others
the special gift he has received from God.
- I Peter 4:10
Unang Libro.
Di tulad ng ibang author na inuuna ang manuscript bago ang paghahanap ng publisher, inuna kong problemahin kung may publisher bang sasalo sa pagpapaguran ko. Sa isa pa at huling pagkakataon, ibinalita ko sa mailing list ng BP ang seryosong intensyon ko na makakita ng interesadong publisher. Doon sumagot sa akin ang isang empleyado ng Visual Print Enterprises (VPE). Hulog na sana ng langit, kaso lang "printer" sila at hindi isang "publisher". Malaki'ng pagkakaiba.
Pag nagpasa ka ng manuscript sa publisher, maghihintay ka lang ng isang buwan o higit pa para malaman kung pasado ang trabaho mo. Kung pasado, bukod siguro sa optional na book launching, book signing, at author's visit sa mga bookstore e wala ka nang problema. Sagot na lahat ng publisher ang gastos at trabaho sa paggawa at pagbenta ng libro mo. Manonood ka na lang ng Cartoon Network sa bahay habang naghihintay ng royalty, kung meron man. Pero kung printer ang lalapitan mo, sagot mo lahat ng gastos sa sakit ng ulo. Para ka lang talaga nagpa-"print". Pag buo na ang libro mo, malaya ka nang magtinda nito sa mga bangketa sa Quiapo. Wala kang kahati sa kita. May control ka pa sa lahat ng aspeto ng libro dahil walang magdidikta sa'yo kung paano ito gagawing mas mabenta. Para ka ring nag-produce ng pelikula kung saan ikaw ang bida-at walang masama doon! Lalo na kung maraming tao ang totoong naniniwala at bilib sa galing mo. Kahit yung mga kalaro ko dati sa patintero (sina Edger Allan Poe, Thomas Paine, D.H. Lawrence, Walt Whitman, Virginia Woolf) e kumagat din sa self-publishing. Ang totoo n'yan, maraming bestseller at sikat na libro ang self-published: The Tale of Peter Rabbit, Tarzan of the Apes, Wizard of Oz, Huckleberry Finn, The Bridges of Madison County, The Celestine Prophecy, Chicken Soup for the Soul, Elements of Style, What Color is you Parachute?, Rich Dad Poor Dad, at pati ang Legally Blonde na kelan lang e ginawang pelikula-yan at marami pang iba-nag-umpisa bilang mga self-published books. Yun nga lang, kung hindi ka man intellectual stuntman na may maisusugal na pera at talento, iba pa rin talaga yung dumaan ka sa hatol ng isang publisher na handang magtaya ng malaking pera dahil sa kumpiyansa n'ya sa trabaho mo.
May nahiram akong maliit na halaga noon sa mga magulang ko, back-up kung sakaling papatol ako sa self-publishing. Pero nagamit ko yon sa ibang bagay, kaya publisher na lang talaga ang pag-asa ko. Sa kabutihang palad, tiniyak naman sa akin ng VPE na handa silang maging publisher para sa libro ko.
Dahil first-timers, pareho kaming nangapa bilang author at publisher. Tango ng dalawang di marunong magsayaw. Pero ayos naman dahil ang hindi alam ng isa, naituturo nung isa. O kung hindi naman, sabay na pinag-aaralan, At dahil baguhan ang VPE at hindi nakakahon ang isip, bukas ito sa mga konseptong alam kong uurungan ng ibang mga kilala nang publisher. (At para talagang kumpleto na ang plugging at free advertisement ng VPE, isipin mo na lang na may masayang background music ang kwento ko na sinasayawan ng mga babaeng naka-bikini at may malalaking buntot ng manok sa ulo tulad sa Las Vegas.)
Solb na ang publisher, balik sa manuscript....
Itinuloy ko ang pagpaplano kung paano aatakihin ang pagsasalibro ng isang website. Pero anak ng pandesal! Kahit kulangutin ko ang utak ko talagang imposible yata ang gusto kong mangyari. Masyadong mahirap at ambisyoso ang pagsulat ng garapal na libro para sa isang baguhan. Naglabasan lahat ang takot at duda ko sa sariling kakayanan. Sa puntong yon ko naisip na ayoko munang magsulat ng tungkol sa kabobohan ng iba.
Sa kuya ko nanggaling ang titulo ng librong ABNKKBSNPLAKo?!. At tulad ng lahat ng mga nakababatang kapatid, guinea pig ako ng mga kabalbalan n'ya dati. Grade 4 ako nung ipabasa n'ya yan sa 'kin...syempre pagkatapos, ipinabasa ko naman sa mga classmate ko. Ganito ang joke d'yan: Pagkatapos basahin yan nang mabagal ng classmate mo, sasabihan mo s'ya ng "Waaah, ngayon lang s'ya natuto magbasa! HAHAHAHAHA!!!!!" Ganon. Mga patawang kalbo noong elementary. Akala ng marami sa ngayon e hango sa text message ang katagang ABNKKBSNPLAko?!, pero ang totoo e base ito sa mabagal na paraan ng pagbabasa ng mga Grade I. (Isinulat ko yan dati sa bench ng isang waiting shed sa eskwelahan namin. Nabili naman yung joke sa mga kaklase kong kapwa ko mabababaw. Kahit nga magpalobo ka lang ng laway magtatawanan na yung mga yon!) At kung sakaling hindi mo pa rin naiintindihan ang nakasulat, yan e "Aba! Nakakabasa na pala ako!" Mali ang ibang sales clerk na kung tawagin yan ay "ey-bi-en-key-key-bi-es-en-pi-el-ey-key-o". Ang totoo nga n'ya ako mismo duda sa titulo, kaya bago ko ipinasa sa publisher ang manuscript e ipinabasa ko muna ito sa ibang tao para siguraduhing hindi lang ako ang nakakaintindi. Pero mukhang ganon nga ang lagay minsan.
Hindi ko alam kung paano nauwi sa kwentong chalk ang librong dapat sana e kwentong barbero. Naisip ko lang na kung magiging libro ang Bobong Pinoy, dapat muna itong mag-umpisa sa bobong pinoy na pinakamalapit sa akin. Ang sarili ko. At kung anuman ang konsepto ko ng talino.
Isa sa mga naging inspirasyon ko noon e yung mga public elementary school teacher na nakita ko dating nag-aabang ng jeep. Hindi maalis-alis ang tingin ko sa kanila. Bigla akong nanibago. Doon ko lang naisip, unique pala ang mga public elementary school teacher. Iba ang itsura nila, katawan, pananamit, pagsasalita, paglakad, edad, at ummm...amoy! Meron silang dignity at authority na wala sa mga high school at college profs. Para kasi sa atin nung mga bata pa tayo, may tatlong klase lang ng teacher: ang mga nakakatakot, ang mga hindi nakakatakot, at ang mga taga-ibang planeta-ito yung mga wala tayong idea kung ano'ng itinuturo nila, basta alam lang natin naka-teacher's uniform sila at gumagala sa school compound.
Hindi ko alam kung pangit o maganda, pero mas naka-concentrate tayo sa pag-aaral dati dahil wala tayong pakialam sa nagtuturo. Walang tsismis kung kabit lang si ma'am o bading si sir. Wala tayong alam at pakialam kung may putok man ang teacher o nanggogoyo lang sa lecture. At di natin kinukwestiyon ang presyo ng tinda nilang yema. Siguro nga maraming beses din tayong naisahan ng mga teacher natin dati, pero natuto tayo dahil buo ang pananalig natin sa kanila.
Noon nga raw unang panahon, hindi lahat ng tao pinag-aaral. Sa ancient history, kung sundalo ka lang at panangga sa mga pana at sibat ng kalaban, di mo na kailangan matuto magbasa. Ganon na lang yon. Yun na ang kinagisnan nilang pamumuhay at di na kinukwestiyon. Ngayon naman, lahat pinag-aaral na hangga't kaya ng gobyerno. Pero kung praning kang tulad ko, maiisip mo: Paano ako naging sibilisado? Ano ang ipinagkaiba ko sa mga unggoy bukod sa hindi ako kumakain ng kuto? Ano nga ba ang nangyari sa higit labinlimang taon ko sa eskwelahan? At ano nga kaya ang pagkakaiba kung hindi ako nag-grade 1?
Hindi ako nakaranas ng board exam, kaya liban sa National College Entrance Exam noong high school, hindi na 'ko ulit napasailalim sa madibdibang mental workout. Dahil dito, naisip kong ikundisyon muna ang utak ko bago sumabak sa nakakangarag na trabaho ng matagalang pagsusulat sa una kong libro. Kumbaga sa giyera e kailangan ko muna ng armas. Nasa ganoong takbo ang pag-iisip ko noon nang bumili ako ng "brain vitamin" na nabasa ko sa dyaryo, umaasang magkakaroon ng superpowers ang utak ko at gagaling ako sa pagsusulat. Pero 'langhiya, nahilo lang ako at naging antukin pagkainom ng isang tableta. Ilang araw akong hindi makaalis-alis sa isang page ng manuscript dahil lagi akong "high" sa antok. Noon din e tinalikuran ko na ang "bawal na gamot".
Hindi naging madali ang pagsulat ng una kong libro. Dahil bukod sa word processor, printer, at "gising na utak", kinailangan ko rin maghanda ng bago at matibay na kumpiyansa sa sarili...na hindi ko alam kung saang botika ko mabibili. Madman ako noon na literal na nag-uumpog ng ulo sa pader. Naiinis ako sa sarili ko dahil sa mga siraulo kong desisyon sa buhay. Nasa matino na 'kong eskwelahan, umalis pa 'ko. Nagkaroon ako ng matinong trabaho, iniwan ko. Di ko maintindihan kung risk taker ako o sadya lang talagang bobo.
Dahil sa aburido sa mundo, nagpakalbo ako sa kalagitnaan ng pagsusulat ng ABNKKBSNPLAko?!. Oo, may karapatan magpatawa yung libro dahil kalbo ang sumulat noon. Sobrang weird ang unang reaksyon ng mga tao sa bahay namin. Iwas sa akin ang lahat, bukod sa kasambahay na naghahatid ng pagkain sa kwarto. Para akong taga-ibang planeta na may nakalalasong amoy. Sa isang pagkakataon e kumatok ang nanay ko sa kwarto para magbigay ng dalawandaang piso.
"NAAAY, ANO 'TO?????" Sobrang asiwang tanong ko. Dahil nagpakalbo ako, binibigyan n'ya ko ng dalawandaang piso?! Di ko alam kung matatawa ako, maiinis, o iinom na lang ng paint thinner. Malungkot ang mga mata ng nanay ko, at sa halip na ipaliwanag kung para saan yung ibinibigay n'yang dalawandaang piso, dinagdagan n'ya pa 'to ng singkwenta pesos. Syit, parang Laban o Bawi. Tinatawaran ng nanay ko yung katinuan ko. Iba talaga magmahal ang magulang.
Makalipas ang ilang buwan ng pagsusulat ng librong di ko man lang alam kung maiintindihan ng kung sinuman ang magtitiyagang magbasa, sinorpresa na naman ako ng tadhanang gustong magpatawa. Pasado ala-una ng madaling araw nang marinig ko ang sigaw galing sa bubong ng kapitbahay. At sa tindi ng panggigising n'ya, alam kong wala na 'kong karapatang magpungas-pungas pa. May sunog. Sa likod lang ng bahay namin. Diretso takbo ako sa bubong ng bahay para sumilip. Pero isang segundo lang ang kailangan ng mata ko para malamang sigurado nang mawawalan kami ng bahay noon ding araw na yon. Twenty meters lang ang layo ng malaking apoy mula sa manuscript kong sulat-kamay pa, at ten minutes mula sa computer ko kung saan naka-save ang unang parte ng kaisa-isa kong libro. Nag-akyat-baba pa 'ko ng balde-baldeng tubig noong una, pero nang matanggap na ng pamilya ang anumang posibleng mangyari, nag-umpisa na rin kaming mag-impake. Inuna kong itabi kung anuman ang natapos kong isulat. Pagtakbo sa computer room, hindi ko pa kaagad nabunot ang mga naka-screw na cable ng CPU dahil sa pagmamadali. Nagpa-panic na pala ako di ko pa alam. Nakalas ko lang ang lahat nang inisip kong kunyari nagnanakaw lang ako ng computer at walang sunog. At sa awa naman siguro ng Diyos sa taong nagkukunyaring nagnanakaw ng computer, namatay din ang sunog kung saan ito nag-umpisa. Isang bahay lang ang natupok ng apoy. Malamang nagsugal yung may-ari ng bahay na yon tapos nangakong babalatuhan ang simbahan ng 10,000 pesos pag sinuwerte pero hindi tumupad sa usapan at sa halip e nag-offer lang ng isang tray ng itlog, kaya ganon.
Balik sa pagsusulat. September 2000 ang unang ipinangako kong submission deadline sa publisher, pero linggo-linggo itong lumalayo. Salamat sa pakikisama ng mataas na lagnat at tonsilitis na nakisabay pa sa pinaka-abalang panahon ng buhay ko. At dahil sa kagustuhan ko noong gumaling at matapos na ang libro, uminom ako ng malakas na antibiotic kahit na walang laman ang tiyan. Ang resulta: isang araw na pagsusuka kasabay ng pakiramdam na para akong tinatadyakan sa tiyan ng sampung kabayo.
October ko na ipinasa ang 80% ng manuscript. Di pa rin tapos, pero ibinigay ko na sa publisher dahil magtataas na noon ang pamasahe sa jeep. At ayokong magbayad ng mas mahal na pamasahe sa jeep.
November, December...January 2001 na nang matapos ang ABNKKBSNPLAko?!. Sobrang unprofessional ko pa nga dahil pagkatapos kong magtagal sa pagsusulat, minadali ko ang publisher na mailabas yung libro. Gusto ko kasi sanang umabot 'to sa mga estudyante bago magbakasyon, baka sakaling makapagpabago pa ng isip ng mga batang nagbabalak nang tumigil sa pag-aaral. Naintindihan naman ng publisher ko. Pagdating ng February, ipinatawag n'ya ako para sa meeting kasama ang events management group na hahawak sa book launching. Hindi pa alam ng publisher ko na wala akong papatulan sa mga plano nila. Hindi ko makakalimutan ang isang tanong na ibinato sa akin ng event planner: "Handa ka bang sumikat?" Tawa lang yata ang naisagot ko noon. Yun kasi yung mga pagkakataon sa buhay mo na hindi mo alam kung matino mong sasagutin ang isang seryosong tanong o hahanapin mo kung saan nakatago yung hidden camera ng Wow Mali!
Nauwi ang lahat sa isang soft launch sa UP Diliman pagdating ng March. Doon kasi maraming nakakakilala sa website ng Bobong Pinoy, kahit papaano alam naming hindi kami gaanong lalangawin. At bagama't wala ako sa "launching" ng sarili kong libro, itinuloy pa rin ng publisher ang plano. Sa kabutihang palad, hindi naman kami binigo ng mga tagapagbugaw ng langaw. May mga taong pumunta ng UP na hindi ko naman kamag-anak.
Nakapasok din kami ng mga bookstore makalipas ang isang buwan, nahuli lang konti dahil medyo (1)nangapa pa kami, (2)napag-tripan kami, at (3)nasita kami dahil sa dami raw ng typographical errors sa libro. Totoo naman, marami ngang mali sa first printing ng ABNKKBSNPLAko?!. Bad trip nga lang dahil bilang editor dati sa huli kong eskwelahan, mainit na talaga ang mata ko sa typo-tapos typo pa dumale sa libro ko! Pero naisip ko rin na lalo lang sumalamin sa akin yung libro. Hindi perpekto. Yun ako.
Ilang buwan pa ulit ang lumipas bago ako nakapasyal ng bookstore para sumilip sa espasyong kinatatayuan ng libro ko. Para akong tatay noon ng dahan-dahang sumisilip sa nursery room ng hospital. Pero wala na rin naman gaanong excitement pagkahawak ko sa libro. Mas excited pa 'ko nang ma-publish sa school organ nung high school at sa first article ko sa magazine. Siguro dahil yun ang totoong first time. Kumbaga sa trabaho, walang katulad ang unang sweldo.
Nung mga panahong din yon umuwi ng Pilipinas ang isa sa mga nag-volunteer na maging financier ko na sa Internet ko lang nakilala. Isang ex-leftist na pintor na katulad ng ilan ay nag-akalang leftist din ako. Doon ko umpisang nakilala nang personal isa-isa ang mga taong kausap ko lang dati sa computer.
Isa sa mga interesanteng imbitasyon na natanggap ko noon ay nanggaling sa Kaisa Foundation, isang organisasyon ng Chinese-Filipino community. Nakakahiya nga dahil napagkamalian lang nila akong Tsinoy dahil sa apelyidong "Ong". Pumunta ako ng library nila para iabot ang ilang kopya ng mga libro ko, at para makita na rin sana ang isa sa mga taong nahiraman ko ng kwento para sa Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino?, si Mr. Joaquin Sy, ang author ng Tamad Nga Ba si Juan? na kung hindi ko nabasa ay hindi siguro ako magkakaroon ng lakas ng loob para ituloy ang ikalawang libro.
Tsinoy ang ilan sa malalapit kong kaibigan, pero mas lumalim ang pagkakakilala ko sa kulturang Tsino-Pilipino nang mapasyalan ko ang museum nila sa Intramuros. Nakakatuwa nga dahil nabigyan din ako ng ilan sa mga publication nila, "exchange books" daw sabi ni Mr... Mr... pasensya na pero di ko talaga naintindihan ang pangalan n'ya kahit sampung beses ko nang ipinaulit. Pero mabait s'ya, palatawa, at hindi n'ya rin mabigkas-bigkas ang pangalan ng mga libro ko. Lagi n'ya lang sinasabi, "That little...." tapos ay iguguhit ng mga hintuturo n'ya sa hangin ang isang maliit na libro para tukuyin ang ABNKKBSNPLAko?!. Dahil doon e naging palayaw ng publisher ko sa unang libro ang "That-which-must-not-be-named."
Sa unang labas ng ABNKKBSNPLAko?!, wala akong gaanong inasahang mambabasa kundi ang mga tao rin sa Internet na nagtulak sa aking magsulat ng libro. Pero pagkatapos kong magawa ang trabaho, wala pa yatang singkwenta katao sa mga "nagtulak" ang bumili nito. Nakakatawa ngang isiping karamihan sa mga naging mambabasa ko e yun pang mga hindi umabot at walang alam sa Bobong Pinoy. Doon umikot ang hamon para ipakilala sa bagong audience ang website na akala ko e natakasan ko na.
GAWAING PANSANAY
1. Pagpasyahan ang mga sumusunod. Isulat sa patlang ang TAMA kung ito ay tama, at kung mali naman ay magbayad ng limandaang piso. Game!
_____a. Di man siguradong nakakapagpatalino, ang tindang yema ng mga teacher ay tiyak na nakakapagpataas ng grade.
_____b. Tulad ng Kiwi Shoe Polish, ang "brain vitamin" ay hindi rin dapat iniinom ng tao.
_____c. Dahil sa apelyidong "Ong," si Bob ay posibleng Pakistani.
_____d. Kung magpapakalbo si Bob Ong buwan-buwan, kikita s'ya ng tatlong libong piso taon-taon nang walang pagod.
_____e. Ang pagtaas ng pamasahe ay epektibong deadline sa pagpapasa ng manuscript.
2. Sumulat ng talatang naglalarawan sa pinakapaborito mong teacher of all time. Salungguhitan lahat ng salitang Taglish.
"Writing is an adventure. To begin with, it
is a toy and an amusement. Then it becomes
a mistress, then it becomes a master, then it
becomes a tyrant. The last phase is that just as
you are about to be reconciled to your servitude,
you kill the monster and fling him to the public."
- Winston Churchill
Kumpara sa una kong libro, merong mga hindi gaanong natuwa sa Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino? Pero sa ngayon, ang ikalawang libro ang maituturing kong higanteng pagsubok sa pagsusulat ko.
Ang Bobong Pinoy ay gawa ng isang malokong tao sa Internet kung saan karaniwan lang ang mga maloko. Kaya nang isulat ko ang una kong libro kung saan ipinakita ko ang personal kong kahinaan, may takot ako na baka hindi ako seryosohin ng mga tao, o pagtawanan ng mga pinagtawanan ko rin. Pero nalagpasan ko yon. Tinanggap ako ng mga kabataan mula sa kung tawagin nila e "astig" sa Internet hanggang sa pagiging "inspirational" daw sa libro. Malaking pondo na yon, kung tutuusin. May "fan base" na 'ko. Nakakatakot nang sumugal. Pero naisip ko pa ring isulat ang pangalawang libro. Hindi dahil sa kailangang sundan ang una, kundi dahil sa wala yung una kung wala yung pangalawa. Mga kwentong barbero ang inasahan sa akin ng mga tao, hindi mga kwentong chalk. May utang akong hindi pa bayad.
Hinarap ko ulit ang trabahong matagal nang nakikipagtitigan: Bobong Pinoy...libro. Kung si Joaquin Sy na isang Tsinoy ay may pakialam sa Pilipinas at sa mismong mga Pilipino, bakit hindi ako? Tinignan ko ang mga bookstore, meron nang mga librong naghahamon ng pagbabago. Pero puro Ingles, gawa ng kung sinong kolumnista, gawa ng dating politiko, gawa ng mga propesor-na aminin na natin, bihira sa atin ang nakabasa! Naisip kong pwede akong tumulong sa pagsigaw ng mga mensahe nila. Pwede akong marinig, at pwede rin naman akong mabato ng kamatis. Pero sige na lang, bahala na....
Piniga ko ang dating website ng Bobong Pinoy para sa mga napapanahon pang article na makakatulong sa paglalarawan ng kasalukuyang Pilipinas. Inipon ko rin ang mga forwarded E-mails at hinanap ang mga author nito. Doon ko ipinakita na ang "Bobong Pinoy" ay hindi lang sentimyento ng iisang tao, kundi ng iba't-ibang Pilipino sa buong mundo.
May mga nagsabing forwarded E-mails "lang" daw ang ikalawang libro. Pero may dahilan kaya ko sila inipon. Kung makakakita ka ng isang puno, pwede mong sabihing nakakita ka lang ng isang puno. Kung makakakita ka ng sampung puno, pwede mong sabihing nakakita ka ng sampung puno. Pero kung makakita ka ng napakaraming puno, posibleng gubat na ang nakikita mo, hindi mo pa alam. Hindi lang basta nakakainis o nakakatawang E-mail ang mga nakapaloob sa ikalawang libro, dahil ang totoo, nakasalamin ka dito. At yung imahe mo sa salaming yon ang paikut-ikot sa Internet bilang forwarded E-mail "lang" ay may kinalaman sa hinaharap at kasalukuyang lagay ng bansa mo.
Mismong kaibigan ko, hindi natuwa sa ikalawa kong libro. Masyado raw kasi itong maraming sinabing problema. Pangit ang naging reaksyon n'ya. Pero ayos lang naman sa akin. Una, dahil hindi naman talaga ako nagsusulat para lang sa ikaliligaya ng mambabasa. Kung gusto ko lang magpatawa, dapat pinuno ko na lang ng litrato ko yung mga pahina ng libro. Pangalawa, hindi mo rin naman kasi kailangan ayunan nang buong-buo ang bawat opinyong nababasa mo. Natuwa ka man o nainis, ang importante e apektado ka. Tinubuan ka ng pakialam na dati ay wala. At hindi ko yon ihihingi ng tawad. Hindi ako hihingi ng dispensa sa mga nabulabog kong konsensya.
Siguro kung naduwag ako at hindi ko naisulat ang mga kwentong barbero noon, maisusulat at maisusulat ko rin yon sa hinaharap. Itinuring ko na kasing extreme sports ang panood ng mga news and public affairs program sa TV. Tingin ko, ang mga daredevil sa panahon ngayon e yung mga walang kurap na nakaantabay sa mga bwisit na pangyayari sa bansa. Matinding sikmura ang kailangan para matagalan mo ang mga balita gabi-gabi nang wala kang gagawin kahit ano, kahit man lang pagsusulat. Interesante ngang pansinin na mabiling tanong sa akin ng mga kabataan ang: "Bakit kailangan kong makialam sa politika?" Ang lagi kong sagot: "Para pangalagaan ang karapatan mong hindi makialam sa politika."
Naniniwala ba 'ko sa nasyonalismo? Sa kinalalagyan narin ngayon, oo. Bilang 3rd world country, oo...o hindi tayo makakaalis sa pagiging 3rd world country. Mahirap magmalasakit sa kapakanan ng buong mundo habang natitisod ka sa mga nagkalat na pulubi sa sarili mong bansa.
Isang beses nagising ako, may passport sa ibabaw ng mesa namin. Nagtaka ako bakit nakakalat lang. Pagbuklat ko, brochure pala ng isang eskwelahang nagsasabing mas madali ka raw makakarating ng ibang bansa pag sa kanila ka nag-aral ng nursing. Hayop sa mission statement. Wala na yung anggulo ng nursing bilang public service. Garapalan na sa marketing, talu-talo na. Yun din ang grupo ng mga eskwelahang nagbebenta ng mga 2-year course na kung tutuusin e wala namang napupuntahan ang mga alumni hangga't hindi nagtutuloy ng pag-aaral sa 4-year course. Yung mga probinsyano tuloy na umasang magkakatrabaho na paglipas ng dalawang taon e nagbabalik probinsya para lang tumambay matapos malamang wala rin palang matinong trabaho sa Maynila ang mga hindi bachelor's degree holder. Nakakaawa dahil nagtitiyaga sa bukirin yung magulang ng mga estudyanteng sa pag-aakalang maiiahon sila ng mga anak nila sa hirap gaya ng mga pinapatalastas sa TV. Walang kamalay-malay na sa bukirin din pala ang bagsak ng mga anak nila. Alam ko, dahil marami akong kilala.
Sabi ng amo kong dayuhan na ikinuwento ko sa umpisa ng ikalawang libro, sa bansa raw nila e sumasakop ng ilang page ang sports news sa mga dyaryo. Samantalang sa atin, kahit sa mismong mga primetime news sa TV e halos walang balitang sports...pero showbiz, marami. At pagkatapos magkondena ng isang istasyon dahil sa bastos na balita ng kabila, sila naman ang hihirit ng kabastusan.
Sa isang episode dati ng The Amazing Race, napanood ko kung paano pumasok sa isang presinto ng Kilimanjaro ang isang Amerikano. Dahil nagmamadali, maangas nitong tinanong ang pulis doon ng: "DO YOU SPEAK ENGLISH?" na mabilis namang sinagot ng Aprikano ng "YES! DO YOU SPEAK SWAHILI?" Natawa ako noon at napahanga sa sagot ng native! Marunong sila mag-English, pero ipinaalam nila sa mga preskong dayuhan kung sino ang dapat mag-adjust.
Nang mapunta ng Pilipinas ang karera, yun din mismong Amerikanong yon ang nag-utos sa isang Pinoy taxi driver na magmadali sa pagmamaneho. Hinihintay ko noon kung paano s'ya mapapahiya ng isang Pilipino, kasi biglang humirit si manong: "Over 100 (kph) is prohibited here-so we'll break the law!" Sabay ngisi.
ANAK NG...'TADO TALAGA! Hindi ko alam noon kung maiiyak o matatawa. Sa Africa: "Ikaw ang nasa bansa namin, ikaw ang mag-adjust." Sa Pilipinas: "Hi, welcome to the Philippines! We break our own law, you break it, too. Enjoy your stay!"
Bakit?
Kasi baliktad tayo magbasa ng libro.
Habang tinitipa ko ngayon sa keyboard ang manuscript ng librong to, mainit sa balita ang reklamo ng mga taong nabubuhay sa pagpapatakbo ng jueteng. Wag na raw silang pakialaman dahil dito lang sila nakakakuha ng pang-araw-araw nilang gastusin. "Wag nang pakialaman." I-legalize ang mga illegal, tapos ang problema! Sisihin na lang natin ulit ang gobyerno pag gusto na natin itong makialam sa ibang bagay na hihingi natin sa kalye.
Ang mga katotohanang tulad na huling apat na nabanggit ay ilan lang sa mga dahilan para maisulat ang librong naisulat ko. Kung nasira ko man ang araw mo, o kung hindi mo ito ikinatuwa, malinaw na hindi ako ang tip ng manunulat na gusto mong basahin. Pero hindi ito nangangahulugan ng pagkakakumpiska ng ballpen at lisensya ko para magsulat.
At ano nga pala ang nangyari sa Bobong Pinoy?
Bilin sa akin ng mga doktor dati na wag abusuhin ang antibiotic. Wag itong gamitin basta-basta sa tonsilitis dahil pwedeng lalo pa nitong mapalakas ang bacteria sa maling gamit.
Sa pag-inom ng antibiotic ko naikumpara ang katapusan ng administrasyon noon ni Erap. Sa paniniwalang maling idaan kaagad sa kalye ang pambansang problema. Isa yon sa mga opinyon ko'ng hindi naging popular. Napakamot nga yata ng ulo ang marami dahil kung kelan panalo na ang laban, saka ako bumaligtad. Kung tutuusin masaya sana ako, pero napansin ko kasi noon na may nawawalang importanteng sektor sa mga tao sa EDSA-ang mga loyalista. At hindi ito yung mangila-ngilang loyalista tulad ng kay Marcos dati, kundi malaking porsyento ng mga Pilipino na nagpapanalo kay Erap sa eleksyon.
Labas sa usapan ang tama o mali at mabuti o masama, ang punto ko lang noon ay malinaw na may nasagasaang marami ang mga nag-ipon-ipon ng iilan. Kung lalabas na api ang idolo sa mata ng mga di-napaliwanagang umiidolo, malinaw na hindi pa rin tapos ang gulo. At kung sa martsa ng bawat milyong Pilipino ay makakapagpalit tayo ng pinuno, di malabong paulit-ulit itong masundan ng iba pang grupo ng milyong Pilipino. Nakakatakot ang salitang "extra-constitutional" na noon ko lang narinig. Dahil sa kabila ng mga teknikal at nakakalitong paliwanag, nangangahulugan lang ito na lumabas tayo sa bakuran ng mga kasunduang tayo rin naman ang gumawa.
Sa paulit-ulit na pagmartsa sa kalye-o pag-inom ng antibiotic-para masolusyonan ang mga sintomas ng cancer ng lipunan, naisip kong di magtatagal e magiging resistant din ang bacteria <*ubo*> at lalong hindi na natin 'to masosolusyonan. Mas delikado, dahil baka sa oras na kailangan at gusto na lahat ng totoong pagbabago, hindi na natin ito maisagawa sa kinasanayang paraan.
Sa ngayon, nangyari na lahat ang mga ipinag-aalala ko. Nagkaroon na ng EDSA Tres. EDSA 3.25. EDSA 3.67 EDSA 3.902. EDSA (almost) 4. At EDSA Pffft! Hati ang Simbahan. Hati ang senado. Hati ang kongreso. Hati ang mga tao. Biktima tayo ng mga natapakang kayabangan ng mga politiko noon. Biktima tayo ng mga natapakang kayabangan ng mga politiko ngayon. Biktima tayo ng pambansang kamangmangan na pinakikinabangan ng iilan.
Itinigil ko ang Bobong Pinoy pagbaba ni Erap. Dahil anuman ang mga nailagay ko doon dati, naisip kong wala nang kailangan pang idagdag buwan-buwan para lang pagtibayin ang punto.
GAWAING PANSANAY
1. Sa isang buong Manila paper, pasakitin ang ulo at isulat kung bakit ba talaga basamag ng rolib ang mga Noypi?
"If God gives you something you can do,
why in God's name wouldn't you do it?"
- Stephen King
On Writing
Isang kaibigan ang dahilan kaya naumpisahan ko ang ikatlong libro. Dahil sa pagtatanong n'ya kung bakit kailangan kong magsulat ng libro para lang ibigay sa iba ang kita nito. Alam kong maganda ang intensyon n'ya bilang nagmamalasakit na kaibigan, pero nalungkot ako dahil alam kong representasyon s'ya ng maraming tao. Hindi lang isa, dalawa, o tatlong beses akong natanong kung bakit kailangang magkaroon ng beneficiary ang ilan sa mga gawa ko. Ang hindi ko lang maintindihan e kung bakit mas abala ang mga tao sa pagtatanong kung bakit meron silang mga kapwang tumutulong, sa halip na tanungin ang sarili nila kung bakit sila e hindi. Masama na ba talaga sa panahon ngayon ang gumawa ng mabuti at kailangan mo na itong ipaliwanag?
Dati ko pa pangarap makatulong sa iba, pero ngayon lang natupad. Minsan nga naiisip ko na kaya lang ako nakapagsulat ng mga libro e para matupad ang pangarap na yon. Meron na rin akong naging kaibigan sa Internet na nag-alok sa aking magtayo ng isang foundation, na tinanggihan ko naman dahil masyado pa kaming hilaw para sa mga ganoong plano. Lalo na ngayong naghigpit na ang gobyerno sa mga nagtatatag ng foundation dahil madalas daw itong abusuhin ng mga politikong nag-iipon lang ng pansariling pondo.
May iba pang tao na nagyaya na rin sa aking magtayo ng kung anong samahan. Sayang daw ang pagod ko kung hindi ako mag-uumpisa ng isang organisasyon. Ang hindi nila maintindihan, hindi ako doon papunta. Kung makakapagtayo man ako ng NGO, kasunod na noon ang pangangalap ng resources. Mahirap nang iwasan ang mga politiko at politika. At kung minamalas-malas ka, baka bumagsak ka pang isa sa kanila-kung saan full time kang gagawa ng wala.
Naniniwala ako na kung wala kang nagagawa sa kinatatayuan mo ngayon, wala ka ring magagawa sa kung saan mo man gusto magpunta. Hindi totoong mas marami kang magagawa pag nasa pwesto ka na. Sa politika natin ngayon, kabaliktaran n'yan ang katotohanan. Tulad na lang ng isang celebrity na nagtatag ng social movement noong 2004 para tapusin na ang sobrang politika sa bansa. Andaming tumawag sa programa sa TV kung saan s'ya ini-interview noon. Marami ang gustong sumali. Pagkalipas ng isang buwan nalaman ko na lang tatakbo palang senador si celebrity. Napailing na lang ako ng ulo. (Clue: Nanalo s'ya!)
Hindi ako naniniwalang kailangan pang maging isang rehistradong social movement ang Bobong Pinoy na dapat salihan ng mga tao para maging epektibo. Kung anumang pilosopiya ng BP ang may dating sa'yo, ikaw na mismo ang maghahanap ng NGP na sasalihan mo...kung sa tingin mo man na doon ka mapapakinabangan.
Balik sa Ang Paboritong Libro ni Hudas....
Noong panahon ding yon ako nakatanggap ng isang E-mail na galing sa mga taong hindi ko kilala, naghihikayat sa isang siraulong samahan ng mga New Age thinkers. SPAM ang tawag sa mga ganitong unsolicited mails sa Internet. Kaya sa halip na sagutin ang sulat, ginawa ko 'tong inspirasyon para tugunan ang mga tanong ng kaibigan ko tungkol sa obligasyon nating tumulong sa kapwa, kung saan ang lahat ay mauuwi sa usapin tungkol sa Diyos, sa mundo, at sa buhay ng tao. Career suicide nga ang mga libro ko kung tutuusin. Hindi ko napansing pinatos ko na ang politika, isinunod ko pa ang relihiyon. Lahat ng dapat iwasan sa pampublikong kwentuhan, nasagi ko. Hindi dahil sa matapang ako, kundi dahil bobo. Sabi nga ng isang kaibigan, paano raw ang mga mambabasang walang Diyos. "Wala tayong magagawa," sabi ko. "Pananaw yun ng manunulat." Kung kabayo ang gagawa ng libro, mahirap maging laging politically correct alang-alang sa mga damo.
Hindi ako santo o isang napakabuting tao, pero hindi ko ginagawang hadlang yon para makatulong sa iba paminsa-minsan. At sa mga pagkakataong sinusumpong akong tumulong, di ako iwas na magkwento sa mga malapit na kaibigan. Wala akong pakialam kung hindi ako makaakyat ng langit dahil sa pagbanggit ng nagawang kabutihan, tulad ng idinidikta ng relihiyon. Ang importante nakatulong ka-taposF! Naipakita mo sa mga kaibigan mo na kahit gago pwedeng gumawa ng mabuti. Hindi bawal yon. Tingin ko nga e yun ang isang malaking kalokohan sa mundo ngayon: ang pag-aakala ng mga tao na kailangan mo munang maging mabuti para bumagay sa'yo ang paggawa ng kabutihan-na mukhang gago, kung iisipin. Dahil wala naman talagang taong mabuti. Meron lang mga taong masarap gawan ng kabutihan tulad ni Zhang Ziyi. Amen.
Namasyal ako sa iba't-ibang forum ng Internet para sa laman ng ikatlong libro. Gaya ng dati, sa halip na sumali sa kwentuhan e ginawa kong outline ang mga maiinit na debate tungkol sa mga pilosopiya at paniniwala. Ang hindi ko lang maintindihan e kung bakit pagkatapos mainis ng ilang atheist sa kakulitan at pamimilit ng mga fundamentalist, sila naman ang mangungulit at mamimilit sa'yo na maniwala sa wala. Langaw versus langaw. Mas bata ang atheist, mas mahirap sakyan. May mga atheist akong classmate noon. Pag recitation, yumuyuko rin sila para magdasal.
Zhang Ziyi...pray for us.
Totoo. Hindi ako makatagal sa higit isang palabas ng National Geographic, Discover Channel, o Animal Planet. Hindi kayang gilingin ng utak ko ang sobrang dami ng impormasyon tungkol sa mundo. Doon pa lang, mahirap nang pasinungalingan na may mas mataas na Kapangyarihan na higit sa tao. At yun ding Kapangyarihan na yon ang nagbigay sa akin ng Talangka, Aso, Pagong, at Kuneho.
Taong 2001 pa inumpisahan ang story board ng Alamat ng Gubat, pero Nobyembre ng 2004 na 'to natapos. Gaya ng inaasahan, nanibago ang mga mambabasa sa pagiging fiction ng ikaapat na libro, at meron silang mga hindi nagustuhan dito. Una na ang mismong kwento na bagama't makatotohanang paglalarawan daw ng sakit ng lipunan, e tulad din ng ikalawang libro na "walang inihain" na solusyon. Malayo raw sa mga nobela ni Rizal na kahit paano e may mga bayaning kumilos para sa pagbabago.
Pero ayokong pagtuunan ng pansin ang pangangailangan natin sa isang bayani. Bayani si Shaider, si Batman, si Astroboy, at si Darna. Pero kung titingnan mo ang mga mundo nila, punung-puno ng mga halimaw, higanteng ahas, demonyong robot, lindol, sunog, krimen, at kung anu't-ano pang trahedya...kung saan ang full time job ng mga tao ay sumigaw lang lagi nang sumigaw habang nalalaglag sa biyak na tulay o nilalapa ng dambuhalang uod.
Hindi naging gubat ang gubat nang dahil lang kila Leon. Kahit mag-special appearance si Superman sa kwento para ibato si Buwaya sa ibang planeta, mananatili ang gubat dahil sa mga nakatirang hayop dito.
Interesanteng isiping hinahanap pala ng mga mambabasa sa mga hayop ang magiging bayani ng kwento...samantalang hinahanap naman ito ng mga hayop sa mga mambabasa.
Naghahanapan. Nagtuturuan. Nagtititigan sila.
GAWAING PANSANAY
1. Basahing mabuti ang nasa ibaba at ayusin ayon sa pagkakasunud-sunod ng pangyayari:
_____ Nilagyan si Astroboy ng maching gun DOON.
_____ Naging Kalihim ng DPWH si Ulang.
_____ Dahil sa text votes ng mga langaw, nanalo sa Bobong Pinoy Big Brother si Tipaklong.
_____ Ginawang Cream of Crab Mentality Soup si Tong sa Survivor Jolo.
_____ Natalo sa American Idol si <.--.>
2. Sa anong mga paraan naging comedy ang "The Ring"? Kung itataob mo sa balon ang telebisyong lalabasan ni Sadako, magpapaikut-ikot na lang ba s'ya sa balon at TV? Bigyang buhay at isadula ang pangyayari.
"You will know who I am when you forget my name."
- Jim Paredes
Humming in my Univers
Simula nang maisulat ko ang unang libro, nagkaroon na ng ilang update ang mga kwento:
- Alinsunod sa Republic Act 8976, o Food Fortification Act of 2000, ipinagbawal na ni Education Secretary Florencio Abad sa pamamagitan ng DepEd Order No. 17 ang paggamit ng "vetsin" sa mga pagkain sa pampublikong eskwelahan, at pagtitinda ng junk foods, softdrinks, at mga artificial juice. Liban sa mga fresh juice, shake, gatas, prutas, gulay, kanin, mais, at mga bungang kahoy, ang mga pagkaing may Sangkap Pinoy seal o fortified foods na lang ngayon ang aprubado ng ahensiya. Bukod dito, ipinag-utos na rin ng Department of Education ang paglalagay ng menu sa bulletin board ng mga canteen kung saan dapat makitang nakalista ang nutritional value ng bawat pagkaing itinitinda nila.
- Hindi ko alam kung bakit, pero nang makita ko ulit sa bookstore ang Mga Unang Hakbang sa Pagbasa (yung libro ng ABAKADA na pang-Grade I), bumili ako ng kopya. Akala ko kasi nawala na yon dati. Meron pa pala, pero iba na ang mga taong naka-drawing sa cover. Parehas pa rin ang posing, peri ibang cast na.
_ Alam ko na kung paano ide-describe sa mga kabataan ngayon ang lasa ng Nutri Bun. Para sa mga interesado pa rin, kumain kayo ng whole wheat bread nang walang palaman. At siguraduhin nga pala na expired na yung whole wheat bread.
- Bago pa man lumabas sa mga tindahan ang unang libro, nakabalik na rin ako ng eskwelahan para magpasalamat sa mga naging teacher ko. Nakilala naman nila ako at napuri pa dahil marunong na raw humarap ngayon sa tao. (Yey!)
- Isa rin sa mga professor ko ang nanghiram ng kwento sa ABNKKBSNPLAko?! para sa sarili n'yang libro sa mga tinuturuang kolehiyo. Nakilala n'ya lang ako nang mabasa ang pangalan n'ya sa mga isinulat ko. Sa muling pagkikita, namamanghang sinabi n'ya na naaalala n'ya pa nga ako. Napakalaking bagay sa akin ang makatulong sa kanya para makapagturo pa s'ya sa iba ngayon. Lalo na dahil paborito ko ang subject n'yang Philosophy at isa yun sa mga iniiwasan kong ma-miss dati, kahit na puro ako cut at absent sa iba kong klase. Di ko nga alam na mataas na pala ang nakuha kong grade noon, hindi raw yon basta-basta nakukuha sa klase n'ya. (Dear Sto. Nino, sana po hindi nakahalata ang mga mambabasa na pasimple akong nagyabang sa huli kong sinabi. *krus*)
- At may mga mambabasa rin na nag-update sa mga tanong ko. Ang kuliti raw ay "stye" sa English, at ang African American Green Lantern sa Justice League ang unang Green Lantern bago dumating ang caucasian counterpart nito sa Superfriends. Sa mga matulunging mambabasa na matiyagang umaahit ng kabobohan ko, salamat po.
- Sa paglilibot ko sa Friendster (www.friendster.com), nakita ko rin na paborito pala akong author ng muse ng junior assembly namin dati na dalawang taon kong niligawan sa tingin at habambuhay pinangarap makausap. Dapat pala talaga naniwala ako noon sa mga payo ng pelikula!
- Nakita ko na rin ang mga dati kong kaklase at ang mga webpage ng iba pa. Malaki na ang ipinagbago naming lahat. Ang mga babae, medyo bumigat lang din nang konti...parang lumunok lang ng apat na litson kagabi kung tatantsahin mo ang taba sa katawan. Marami na ang may pamilya, marami ang nasa ibang bansa. Merong mga nakakurbata, may snorkels, may kotse, may numinipis na buhok. Merong mga nasa snow, nasa disyerto, nasa Europe, nasa Disneyland. Merong mga nagkatuluyang hindi mo aakalain, merong mga naghiwalay na hindi mo aasahan, at merong mga.....ayon sa balita, e sumakabilang buhay na. Parang kelan lang, di namin alam kung saan singit kami ng planeta susuksok. Pero ang ilan sa amin ngayon: teacher, doktor, singer, pulis, manager, pastor, comic artist, accountant, dancer, businessman, magbubukid, at iba pang isinasagot ng mga bata sa tanong na: "Ano'ng gusto mong maging paglaki?" Medyo nagkapalit-palit nga lang yata.
May classmate ako dati na hindi alam ang gagawin sa buhay n'ya paglabas ng high school. Pero bago mag-graduation, pagkatapos manahimik sa gitna ng kwentuhan, bigla s'yang tumingin sa malayo at pabulong na nagsabing: "Gusto kong maging nurse!" Kagabi ko lang nakita ang profile n'ya sa Friendster. Nurse s'ya ngayon sa Europe.
Hindi mo na makikita sa mga mukha nila ngayon ang mga bobo sa Math, hirap sa spelling, takot sa recitation, tamad magdala ng libro at gumawa ng project, may body odor at tadtad ng pimples, at mga laging absent at napapagalitan ng teacher. Wala na. May sari-sarili na silang buhay ngayon at kanya-kanyang pamilya. Tapos na kami sa pamomroblema ng assignments at mga crush. Lagpas na kami sa paghahanda para sa first job interview. Meron sa aming mga wala nang magulang, at marami sa amin ang mga magulang na. Napakarami na naming natutunan sa labas ng eskwelahan. At alam mo pa ang natutunan namin? Na napakarami pa rin naming dapat matutunan.
GAWAING PANSANAY
1. Bilugan ang angkop na salita:
a. Ang vetsin ay (mabuti, the best) sa ating katawan.
b. Palihim na nilagyan ni Inday ng stye ang ulam n'yo (kanina, kagabi).
c. Ang Nutri Bun ay (gawa, yari) sa recycled paper.
d. Pinag-Friendster lang kami (maghapon, buong taon) ng teacher namin sa Computer.
e. Parang (maikli, soooobrang maikli!) yata ang chapter na 'to.
2. Gumawa ng sariling pananaliksik ukol sa Justice League. Bumuo ng talata na walang kinalaman sa iyong pananaliksik.
"The impulse to keep to yourself what you have
learned is not only shameful, it is destructive.
Anything you do no give freely and abundantly
becomes lost to you.
You open your safe and find ashes."
- Annie Dillard
The Writing Life
Sabi ko noon sa mga malalapit kong kaibigan ilang buwan bago matapos ang unang libro, kung saka-sakali pagdating ng araw, hindi ko lilingunin ang nakaraan ko para sabihing "Wow! Nakasulat ako ng libro!" kundi "Wow! Nakatagal ako nang walang trabaho!"
Wala sa mismong pagsusulat ng libro ang naging hamon sa akin, kundi sa lakas ng loob na mawalan ng trabaho. Ang hirap, dahil nakakaubos ng respeto sa sarili ang walang ginagawa. At may mga writing assignments man ako noon, hindi pa rin yon konkretong trabaho na madaling isagot sa mga nagtatanong na magulang.
Tapos na ang dalawang libro nang malaman ng pamilya kong nagsusulat ako. Sa loob ng dalawang tao, hinayaan ko lang na tingnan nila akong palaboy sa bahay. Hindi nila alam kung anuman ang pinagkaka-abalahan ko dahil hindi ako nagsasabi. Wala kasing kasiguruhan sa pagsusulat, at ayokong ma-pressure sa pamilyang naghihintay ng kahahantungan ng mga plano ko sa buhay. Ako yung tipo ng bata sa kindergarten na hindi nagpapakita ng drawing n'ya sa iba hanggang hindi ito tapos at hindi pa nakukulayan.
Hari ka ng mundo habang nagsusulat. Pakiramdam mo may mga nagtitiyagang nakikinig sa mga sinasabi mo. Akala mo nakasalalay sa mga isinusulat mo ang ikot ng mga planeta. Kaya buong ingat mo ring binubuo ang bawat salita. Kumpleto sa respeto at dangal na maingat mong itinatago sa likod ng mga kalokohan.
Ganon ako habang tahimik na nagsusulat noon sa isang sulok. Pero paglabas ng kwarto, sinasalubong ako ng lolo ko ng lahat ng mura sa mundo. May sakit kasi s'ya noon. Ewan ko kung Tourette Syndrome ang tawag doon o Alzheimer's o ano. Ewan. Basta pag trip n'ya, puputaktihin ka ng mura. Pagkatapos noon pakiramdam mo para ka na lang taeng inulan, walang kakwenta-kwentang nilalang. Pero kailangan makumbinsi mo ulit ang sarili mo na kahit ano'ng mangyari may karapatan ka pa ring magsulat.
Kung pinanood man ako ng mga diyos dati, sigurado akong naging malaki ang pustahan nila at masaya ang inuman. Lalaban ba si Bob o babawi? Umalis s'ya ng trabaho para magsulat, pero panay pa rin ang tingin ng mapapasukan sa classified ads. Sigurado na raw s'ya sa plano n'ya, pero maya-maya ring umaatras kahit wala namang problema. May tapang ba talaga yan para bumitaw sa salbabida o tatanda na lang sa pagsasabi ng "san...."?
Dahil sa mga librong nabasa, isang bagay ang biglang pumasok sa isip ko noon. Mga salitang patadyak na gumising sa akin at nagsabing inabutan na 'ko ng mataas na araw sa kama.
O friend, awake, and sleep no more!
The night is over and gone,
would you lose your day also?
You have slept for unnumbered ages;
this morning will you not awake?
-Kabir, Tr. Tagore
Naisip kong gasgas na lahat ang dahilan ko para hindi magsulat. Nasisi na lahat ang pwedeng sisihin. Dalawa na lang kami ng sarili ko na naghihintayan ng next move. Gaano pa ba kailangan magtagal yon?
Marami ang magsasabi sa'yong hindi mo makukuha ang gusto mo sa mundo kung hindi mo talaga alam kung ano ito. Pero ako, gusto ko lang mabuo ang una kong libro. At naniniwala ako sa isang prinsipyo sa Psychology na nagsasabing para makuha mo ang gusto mo, kailangang nakatatak ito sa isip mo nang buong-buo. Visualized. Ikaw mismo kumbinsido. Kaya gamit ang dot-matrix printer, ginawan ko noon ng mock-up cover ang una kong libro. At yung cover na yun ang itinapal ko sa ibang libro para magmukhang published work na nasa pangalan ko: Stainless Longganisa. By Bob Ong. Instant libro in 5 minutes, home-made noong 1999.
Ang "unang libro" ay naglalaman ng mga hilaw na konsepto ng apat pang sumunod. Ang pamagat nito ay hango sa isang kwentong nakapaloob ngayon sa Ang Paboritong Libro ni Hudas. Bakit Stainless Longganisa? Bakit hindi.
Hindi ko alam kung meron pang ibang pwedeng maipangalan sa "una at ikalima" kong libro. At siguro nag-iisip ka rin kung bakit kailangan ko itong isulat. Pero tulad ng naranasan ko sa pagkakasilip sa mundo mula sa "teacher's table", kinukumpleto ko lang ngayon ang kwento tungkol sa mundo ng pagsusulat na kinabagsakan ko, kung saan mo 'ko nakilala.
Araw-araw akong nakakatanggap ng mensahe galing sa mga estudyanteng nagbibigay ng suporta at mga malokong paghanga na akala mo naman e may nagawa na 'kong kung ano. Marami rin sa kanila ang seryosong humihingi ng payo tungkol sa pagsusulat na hindi ko naman kayang sagutin nang mabilisan, paulit-ulit at paisa-isa. Napakaraming tanong tungkol sa akin at sa mga gawa ko.
Ikinuwento ko na kung ano ang hirap sa bawat librong isinulat ko. Pero sa ikalimang pagkakataon kung kelan dapat medyo sanay na 'ko, nalaman kong mas mahirap pa rin pala ang magkwento tungkol sa mga pinaghirapan mo. Kasi nagmumukha kang nagsasabit ng sampaguita sa sariling leeg at humahalik sa sariling pwet. At ano na nga ba ang napatunayan ko sa pagsusulat bukod sa pagsisisi na sana pala sineryoso ko ang halaga ng Filipino subject noon sa eskwelahan?
Nagkaroon ako ng mga kaibigang honor students galing sa dalawa sa mga nangungunang unibersidad ng bansa matapos mabuo ang una kong libro. Akala ko noon hindi nila masasakyan ang mga kwento ko dahil naging maayos ang pag-aaral nila. Kaya naitanong ko kung ano ang pananaw nila sa edukasyon at kung bakit, bilang honor students, hindi sila sumulat ng sarili nilang libro para magbigay inspirasyon sa mga estudyante. Ang sagot nila: "Honor students kami, sino'ng seseryoso sa amin?"
Walang halong pagpapakumbaba, sa tingin ko e wala akong karapatan para sagutin ang tanong ng mga kabataan tungkol sa pagsusulat. Pero dahil sa kontong tulong lang naman yon na sa akin nila hiningi, naisip kong wala rin akong karapatan para tumanggi. May iba pang mas kwalipikadong malalapitan, may iba pang taong mas maraming maitutulong sa kanila, pero bilang simpleng pag-alalay at panimula habang wala pa yung mga taong yon, isinulat ko dito kung anuman ang alam ko.
Para sa payo ko, sa anumang paraan na makakatulong sa'yo, sasabihin ko lang na higit sa kagustuhan mong maging manunulat, importanteng gusto mo ring magsulat. Malabo kasi yung pangarap na basta gusto mo lang maging manunulat, kasing labo yun ng pangarap na gusto mo ring bumait. Kung sigurado kang may pasensya ka nga sa pagsusulat, at nakagawa ka na ng ilang tula o kwento na pumasa naman sa kahit isa sa tatlo mong kaibigan (hindi kabilang sina Muning at Tagpi), pwede mo nang subukang magpasa ng article sa school organ n'yo, o kaya sa Internet, o kaya sa mga dyaryo, o kaya dumiretso ka na sa Time at Newsweek kung nagmamadali ka nang makatanggap ng rejection slip.
Hindi mo kailangang mag-umpisa kaagad sa pagsusulat ng sequel ng El Filibusterismo o conspiracy theory sa pagitan nina George Bush at ng alien sa Predator. Pwede ka munang magpadala ng reaksyon sa mga balita sa Letters to the Editor section ng paborito mong bastos na tabloid. Dahan-dahan lang habang nag-iipon ka pa ng lakas ng loob at credentials bilang manunulat. Tapos noon, pwede ka nang lumapit sa mga magazine na tumatanggap ng mga contribution galing sa kahit sino lang...pero kahit ano lang din ang ibabayad nila sa'yo.
Kung tutuusin wala naman talagang pre-requisites ang pagsusulat. Pero kung hindi ka sigurado sa ginagawa mo, mas mabuti nang nag-uumpisa ka sa ibaba. Ganon din sa pagsusulat ng libro. At mangahas ka mang gumawa ng libro, article, tula, o death threats, siguraduhing malinis ang pagkakagawa mo sa manuscript na ipapadala sa mga editor at publisher. Kung nagmamadali ka o halata sa trabaho mo na overnight lang 'to ginawa tulad ng iba mo pang project sa eskwelahan, baka ma-blacklist ka pa ng mga pinagpapasahan mo. Hindi teacher ang mga editor na kailangang mamili kung bibigyan ka ng grade na 70 o 99. Kung hindi propesyunal ang trabaho mo, mabilis nila itong ipa-publish sa basurahan para ipabasa sa landfill.
Nagsusulat ako ngayon hindi para maging modelo ng wastong paggamit ng salita at tamang komposisyon. Laglag ako doon. Wala rin akong pakialam sa mga istilo,batas, depinisyon, at blah blah blah ng mga pagsusulat dahil masakit yon sa ulo. Lahat ng kilalang writer na nabuhay sa mundo ay may opinyon sa pagsusulat na kumukontra sa opinyon ng iba pang writer. Kung seseryosohin mo lahat ng payo nila at base dito e gagawa ka ng manual na aayunan ng lahat ng mga manunulat sa mundo, magmumukha ka lang naglilinis ng China Sea.
Nirerespeto ko ang balarila pero hanggang sa punto lang na naiintindihan ako ng mas nakararaming tao. Tinitingnan ko 'to bilang istasyon ng radyo kung saan nasa bandang kaliwa ang pang-unawa ng karaniwang mambabasa, at nasa kanan ang tamang paggamit ng mga salita. Kailangan balanse, sumobra ka lang nang konti sa kanan o konti sa kaliwa, nawawala ang tamang frequency ng signal at naghihikab ang mga tao.
Naniniwala akong may maitutulong ang experience sa pagsusulat. Mas natututo ka habang ginagawa mo 'to. Pero importante pa rin na meron kang kahit kaunting puhunang talento sa simula pa lang. Walang gamit ang hasaan kung walang hahasain. Kung pangarap mo mang maging manunulat, alam mo na dapat ang kahalagahan ng reference books tulad ng dictionary, encyclopedia, thesaurus, almanac, at iba pa. Alam mo ang format at paggawa ng isang manuscript. Alam mo ang submission guidelines ng mga dyaryo, magazine, publishing house. At alam mo kung paano alamin ang mga hindi mo gaanong alam sa pamamagitan ng research. Pinakaimportante yung huli dahil yun ang sasagot sa mga tanong mo kung nalabuan ka sa mga pinagsasabi ko.
Kailangan mo ba ng writing workshop? Ikaw ang makakapagsabi. Importante ba ang pagbabasa, pag-iisip, at pagsusulat? Ang sagot, tatlong oo. Lalo na yung pagsusulat dahil wala sa pag-aaral o pagpaplano o pangangarap ang pagiging manunulat. Kung gusto mong maging manunulat, magsulat ka. Simple.
Kailangan mo bang magkaroon ng style? Kung ngayon mo pa lang iniisip yan, huli na ang lahat. Bilang manunulat, dapat may dati ka nang "boses". Kung ipinanganak kang Frank Sinatra, wag mong piliting magboses Air Supply. Dahil kahit idaan sa shock value at ispesyal epeks ang mga isinusulat mo, kung halata namang may tangke ka lang ng hangin sa ulo na pinasisingaw, iiwan ka rin ng mga magtitiyaga sa'yo. Dalawa ang habol ng tao sa pagbabasa: Matuto at malibang. Dapat masapul mo isa man lang d'yan.
Sa pagiging manunulat at isa sa mga "Alagad ng Sining," paulit-ulit kang kukulitin ng tanong na: "Ginagawa mo ba yan alang-alang sa sining o sa pera?" Para sa akin, dapat balanse. Hinding-hindi dapat nakasalalay sa pera ang bawat galaw mo, sa sining man o negosyo. Pero kung sa proseso ng paggawa ng obra mo e mamumuhay kang parang taong grasa, tingin ko e nababalewala rin ang sining na gusto mong ipakita.
Siguro ang mas interesanteng usapin e yung pag-murder ng mga editor sa mga isinusulat mo. Sa karanasan ko dati sa pagpapadala ng isang article sa limang editor, napansin kong mas makulit ang kamay ng mga batang editor sa mga mas matatanda; mas marami silang correction at mga pagbabagong ginagawa sa isinulat mo kahit na para sa mga matatanda e wala namang problema dito. Hindi ako natutuwa pag walang nababago sa mga ipinapasa kong trabaho dahil pakiramdam ko e tinatamad yung editor. Pero ayoko rin naman yung mga tipong pilit na binabago lahat pati ang istilo mo hanggang sa maging istilo na nila ito. Lalo na yung nangyari sa isang pagkakataon kung saan na-translate sa literal na kahulugan ang isang idiomatic expression na ginamit ko dahil lang sa hindi ito alam ng bagitong editor.
May mga bad trip na editor kung minsan, pero kailangan pa rin natin sila kadalasan. Kaya kung hindi mo matanggap na itama ng iba ang mga mali mo, hindi para sa'yo ang pagsusulat. Akala nga ng iba mga manunulat ang may pinakamahangin at malaking ulo sa mundo. Pero kabaligtaran, mga manunulat ang pinakamatinding makatikim ng rejection kumpara sa ibang tao. Ang mga door-to-door salesman kasi pag nabagsakan ng pinto sa mukha, alam nilang produkto lang nila ang ayaw ng tao. Pero ang mga manunulat pag nareject, rejected sila dahil sa kakayanan nila. Personal na trabaho na pinagpaguran ng ilang buwan, kung hindi man taon o dekada, ang inihahagis sa kanila pabalik. At hindi nila pwede basta-basta lang isauli yon sa stockroom para palitan ng iba.
Maraming sikat na manunulat ang tumikim muna ng di na mabilang na rejection bago nai-publish. Pagkatapos noon, dumaan pa sila sa paghuhukom ng mga kritiko. Kahit ako, natitira pa rin minsan ng water gun ng ilang mapagbirong tao. Pero naisip kong natural na yon sa mga ipinanganak na kakambal ng water gun. Ang importante meron kang mga mambabasang nabibigyan ng inspirasyon sa mundo. Magsulat ka para sa kanila, hindi para sa mga kritiko.
Sa puntong 'to, ihinihingi ko ng paumanhin, una sa lahat, ang kayabangan ng binabasa mo ngayong libro. May mga kwento kasing kailangan sa eksena na maglalasang sunog na ice cream kung pipilitin kong maging low profile. Pasensya na rin kung nalito ka sa chronology ng mga pangyayari. Naganap na kasi ang ilan sa kanila sa utak ko bago pa man nangyari sa mundo. Di ko tuloy masundan kung aling timeline ang gagamitin.
Sa mga tindahang mas piniling magtinda ng libro sa halip na mga eroplano, lalo na yung mga baguhan at maliliit na tindahang nagtitinda ng libro ko, salamat po. Instrumento kayo sa pag-unlad ng bayan at paghulma sa kaisipan ng mga kabataan.
Sa mga naggagandahang sales clerk na nagmamalasakit sa mga tinda nilang babasahin, salamat nang marami. Pinagalitan n'yo ko minsan nang sumalampak ako sa sahig para magbasa ng The Simpsons Guide to Springfield, pero okay lang dahil alam ko'ng ginagawa n'yo lang ang trabaho n'yo para pangalagaan ang mga libro.
Sa mga librarian na naglalagay ng mga libro ko sa library nila, at sa mga madre na nagbebenta ng libro ko sa mga campus book store nila (kasama ng mga Theology books at rosaryo!)...salamat po. Sana pwede tayong lumabas minsan kung okay lang sa parents n'yo. Friends lang. Malling.
Sa mga teacher na nagpa-power play at nagpapa-bounty hunter sa estudyante kapalit ng ulo ko, wag naman po. Salamat sa interes, pero kawawa naman kami ng mga estudyante n'yo. Magpa-project na lang kayo ng mas kapakipakinabang na bagay tulad ng paggawa ng mga parol na yari sa bird flu.
Sa mga indibidwal na walang sawang nagrerekomenda ng mga libro ko sa kahit sinong taong nakakausap nila, ayos yan! Tandaan na kailangan n'yo ng 20 recruits para mabigayn kayo ng kalendaryo. (50 para sa wallclock.)
Sa mga PANS kong high school students, elementary, at fetus, maraming salamat sa pagsubaybay. Pakiramdam ko minsan puppet dapat ang hawak ko at hindi ballpen dahil sa sobrang bata ng mga kausap ko. Ganon pa man, ikinararangal kong makatanggap ng mga suporta n'yong galing pa sa mga alkansya at aginaldo. Hello ang happy viewing to Ning-ning, Dodong, Jing-Jing, Kutkot, and Kaw-Kaw.
Sa mga pans kong matatanda na nanghihiram lang ng mga libro sa mga kapatid, anak, at apo nila, salamat na rin. Ayoko mang masanay sa bendisyon ninyo at mainit na pagtanggap, hirap pa rin akong hindi magpasalamat. Maraming manunulat ang gustong maging astig, pero para sa akin wala nang mas aastig pa sa pagkakaroon ng mga tulad n'yong mambabasa. Kayo ang dahilan kaya natututo akong magpasalamat na parang politikong nanalo sa eleksyon at tunog nambobola.
Matapos ang limang beses na pangangampanya ko sa papel, ano na nga ba ang susunod?
Gusto kong isiping bayad na 'ko sa mga kwentong nabitin. Aspaltado na ang kalsada at natakpan ang mga manhole. Nasabi ko na ang mga gusto kong sabihin at yung mg gusto mong marinig. Quits.
Pwede na siguro akong magsulat ng mga mas seryosong kwento at gumamit ng ibang pangalan. Oo, bagong pangalan. Isa kasi sa mga silbi ng pseudonym o pen name ay para matanggap ka ng mga mambabasa sa iba pang genre. Halimbawa, kung sa mga weird na sinusulat ngayon ni Stephen King ay bigla s'yang kumambyo sa romantic fiction, malamang na di s'ya seryosohin ng mga taong mahilig sa ganon. Pero kung magpapalit s'ya ng pangalan na walang kinalaman sa horror, suspense, at thriller, baka pagbigyan pa s'ya ng mga mambabasa.
Nangyari na sa akin ang ganito sa ikaapat na libro. Marami ang nagsabing mas bagay daw sa akin ang non-fiction at ganoon na lang dapat ang mga isulat ko. Pero alam kong hindi naman talaga yung libro ang naging problema doon kundi yung author. Kung fiction ang una kong isinulat, wala namang magsasabing hindi sa akin bagay yon. O kung hindi naman "Bob Ong" ang nakasulat na author, wala ring hihirit na hindi dapat yun naging fiction. Sa madaling salita, naikulong ako ng mga mambabasa sa isang uri ng sulatin.
Pero ayoko pa rin yata magbago ng pangalan. Kahit palitan ang "Bob Ong," makikilala ako ng tao. Ano ba meron ang pangalan? Sa mga naisulat ko, magkakilala na tayo. Wala akong maloloko, at ayoko nang problemahin pa yon. Meron akong personal na obligasyon sa nagtataeng tinta ng ballpen ko. Nasa mambabasa na kung anong gulay ang gusto n'yang ibata. Babalik ako sa umpisa. Pwede akong matakpan ng sarili kong anino, pero okay lang yon.
Saan na nga ba ang susunod na biyahe: fiction, non-fiction, forro, suspense, thriller, comics, o coloring book? Ayokong sabihing susubok naman ako ng iba. Walang "iba." Wala akong iiwan, meron lang babalikan. Kung meron mang iba sa ginawa ko, yun ay ang Bobong Pinoy. Kung may magsasabi man sa hinaharap na: "Sana nagpatawa ka na lang!" Yun ay opinyong handa kong tanggapin. Marami ang kaya at pwedeng gumawa ng mga isinusulat ko ngayon para sa mga mambabasa, pero ang gusto kong isulat at gawin para sa sarili, walang pwedeng tumupad kundi ako.
Inumpisahan ko ang diaglogue sa ikatlong libro para ipakilala sa mambabasa ang fiction. Umatras pa 'ko nang bahagya sa ikaapat para mas maging kumportable sila dito. Sa mga susunod pa, pwede na siguro ako magtangka ng maikling kwento o nobela. Tulad ng pagsusulat ko, ayoko rin kasing malimitahan ang pagbabasa ng mga tao sa iisang klase ng libro. Mas literado ang mambabasa, mas maraming pwedeng basahin. Kabilang na ang mga mas masusustansyang libro ng ibang manunulat.
Isipin mo na lang kung hindi naging palabasa ang mga Pilipino noong panahon ni Rizal. Taong 1887, mainit-init pa ang Noli Me Tangere. Nagkaroon ng kopya ang ilang tao.
Pinoy 1: Noli Me Tangere?
Pinoy 2: Nobela yata yan, pare. Boring yan!
Pinoy 1: Tama, para ngang nakakatamad basahin.
Pinoy 2: Paalipin na lang tayo sa mga Kastila!
Pinoy 1: Sige! Kahit na ninakaw ng mga Guardia Civil ang mga alaga kong manok kanina at iPod shuffle.
Pinoy 2: Rock on!
Sususlat pa rin ba ako ng tulad ng mga isinusulat ko ngayon? Gaya ng pagligo na ginagawa ko paminsan-minsan, malamang.
Isang fresh graduate ng Fine Arts ang lumapit sa akin nito lang 2005 para maging illustrator ng kung anuman daw libro ang isinusulat ko, kahit na hindi naman ako nangangailangan ng illustrator. Pero seryoso s'ya at abala sa pagbuo ng art portfolio na ipapasa sa mga kumpanyang gusto n'yang pasukan. At hindi s'ya matapus-tapos sa kaka-update ng portfolio para ipakita ang buong galing n'ya.
Masipag na bata. Kaya lang nakalimutan n'ya na wala sa mga ginagawa natin ang makakapagsabi nang sapat kung sino tayo. Dahil lagi tayong higit sa kahit anong trabaho na nagawa at gagawin natin.
Minsan iniisip ko kung sakto ba ang mukhang ipinapakita ko sa libro. Kung tutuusin malapit, kasi halong maloko at tahimik talaga ako. Hindi mo alam kung kelan nagpapatawa at kung kelan seryoso. Pero sa kabila ng di na mabilang na kwento, sa totoong buhay e mas masama at mas mabuti pa rin ako sa ako na "nakilala" mo.
Isa sa mga sumulat sa akin ang nagsabing natuwa s'ya sa Ang Paboritong Libro ni Hudas kahit na medyo lumabas raw ang mga katarantaduhan at tunay kong ugali doon. Naisip ko: Ano'ng tunay na ugali? Na maloko akong tao sa kabila ng mga seryosong pananaw ko sa mundo? Wala naman yatang hindi pa nakakaisip noon. Masama akong tao, tulad mo, sa parehong paraan na mabuti kang tao, tulad ko.
Pero marami pa ring tao ang nalilito minsan. Pagkatapos nila makita ang sarili sa akin, itutulak nila ako sa itaas para sabihing iba ako. At pagkatapos kong maging iba para sa kanila, saka nila ako hahanapan ng mga kakulangan para sabihing wala rin pala akong pinagkaiba. Labo. Kaya pag may mga taong nagsasabi sa akin ng "Iba ka, Bob! Iba ka!" Alam ko nang ang ibig nilang sabihin e "Hindi ka iba, Bob! Hindi ka iba!"
Pag binabasa ko ngayon ang una kong libro, natututo ulit ako. Kahit na kasi ako ang nagsulat noon, nakakalimutan ko pa rin ang mga bagay na naiisip ko lang kung hindi ako gaanong abala sa mundo. Tingin ko karaniwan lang yon sa mga tao. Kaya nga maraming natatakot sa pagsusulat e dahil sa alam nilang habambuhay silang babalikan ng mga binitiwan nilang salita. Ako, tanggap ko na yon. Sa libro pa lang na 'to hindi ko alam kung may mga kontradiksyon na sa mga sinabi ko. Pero yun narin ang kagandahan ng pagsusulat, ikaw mismo natututo sa mga totoo mong saloobin. At ano ba'ng problema kung nag-iiba ang opinyon mo? Tao ka, tumatanda, natututo.
Sa mga kabataang nanghihingi ng words of wisdom at laging nag-aakalang meron ako sa bulsa, meron nga. Ito, hindi ko ginagamit, inyo na lang:
Kumain ka na ng siopao na may palamang pusa o maglakad sa bubog nang nakayapak, pero wag na wag kang susubok mag-drugs. Kung hindi mo kayang umiwas, humingi ka ng tulong sa mga magulang mo dahil alam nila kung saan ang mga murang supplier at hindi ka nila iisahan.
Mag-aral maigi. Kung titigil ka sa pag-aaral, manghihinayang ka pagtanda mo dahil hindi mo naranasan ang kakaibang ligayang dulot ng mga araw na walang pasok o suspendido ang klase o absent ang teacher. (Haaay, sarap!)
Wag mawawalang ng gana sa buhay. Kung ano yung galing mo, kulit mo, lakas ng sigaw at tuwa mo sa mga laban ng UAAP, NCAA, mga sports fest, o concert ng paborito mong banda, wag mong iwawala hanggang sa pagtanda. Wag kang tutulad sa ilang kongresista na nagre-report sa trabaho para lang matulog.
Wag magmadali sa pag-aasawa. Tatlo, lima, sampung taon sa hinaharap, mag-iiba pa ang pamantayan mo at maiisip mong di pala tamang pumili ng kapareha dahil lang sa kaboses niya si Debbie Gibson o magaling siyang mag-breakdance. Totoong mas importante ang kaloobang ng tao higit anuman. Sa paglipas ng panahon, maging ang mga crush ng bayan sa eskwelahan e nagmumukha ring pandesal. Maniwala ka.
Tuparin ang mga pangarap. Obligasyon mo yan sa sarili mo. Kung gusto mo mang kumain ng balde-baldeng lupa para malagay ka sa Guinness Book of World Records at maipagmalaki ng bansa natin, sige lang. Nosi balasi. Wag mong pansinin ang sasabihin ng mga taong susubok humarang sa'yo. Kung hindi nagsumikap ang mga scientist noon, hindi pa rin tayo dapat nakatira sa jupiter ngayon. Pero hindi pa rin naman talaga tayo nakatira ngayon sa jupiter dahil nga hindi nagsumikap ang mga scientist noon. Kita mo yung moral lesson?
Kung gusto mong maging musikero, sige lang. Pintor, ayos! Inhinyero, the best! Kung gusto mong maging teacher, pilitin mong maging teacher na hindi makakalimutan ng mga estudyante mo. Kung guto mong maging sapatero, maging pinakamahusay kang sapatero. Kung gusto mong maging karpintero, maging pinakamagaling kang karpintero. Kung gusto mong maging tindero ng balut, wag kang dadaan sa harap ng bahay namin para mambulahaw sa gabi kung ayaw mong masaktan!
Mangarap ka at abutin mo 'to. Wag mong sisihin ang sira mong pamilya, palpak mong syota, pilay mong tuta, o mga lumilipad na ipis. Kung may pagkukulang sa'yo mga magulang mo, pwede kang manisi at maging rebelde. Tumigil ka sa pag-aaral, mag-asawa ka, mag-drugs ka, magpakulay ka ng buhok sa kili-kili. Sa bandang huli, ikaw din ang biktima. Rebeldeng walang napatunayan at bait sa sarili.
Hindi ako naniniwalang kailangan ng tao mangarap dahil gusto n'ya ng pera, o gusto n'yang sumikat, o gusto n'ya ng impluwensya. Side effects na lang ang mga 'to, tingin ko. Nangangarap ang tao dahil binigyan s'ya ng Diyos ng kakayanang mangarap at tumupad nito. Tungkulin n'yang pagbutihin ang pagkatao n'ya at mag-ambag ng tulong sa mundo. At wala na s'yang iba pang magagawang mas malaking kasalanan sa sarili bukod sa talikuran ang tungkuling yon at hindi bumili ng mga libro ko. [Subliminal message successfully inserted.]
.
.
.
Sa panghuli, higit sa lahat, magbasa ka ng libro. Kung nabasa mo lahat ang mga libro ko, salamat. Pero kung makakabasa ka pa ng ibang libro bukod sa mga isinulat ko o mga ipinabili ng teacher mo, mas magaling. Hikayatin mo lahat ng mga kakilala mo na magkaroon ng kahit isa man lang paboritong libro sa buong buhay nila. Dahil wala nang mas nakakaawa pa sa mga taong literado pero hindi nagbabasa. Ayos lang lumaki nang lumaki, magpatangkad, at tumanda nang walang natututunan-kung puno ka! Pero bilang tao, may karne sa loob ng bungo mo na nangangailangan ng sustansya. Maraming pagkakataong kakailanganin mong sundutin yon. At sa bawat sundot, tulad ng sundot-kulangot, mas maigi kung may kapaki-pakinabang kang makukuha.
GAWAING PANSANAY
1. Napansin mo bang tanong ako nang tanong? Ano ang problema ko?
2. Ilang beses ka nang napuyat kakasagot sa mga ganitong tanong ng textbooks? Bad trip ba?
3. Sa iyong pananaw, bakit andami ko ring ipinapagawa?
4. Isaulo ang tulang "Assignments: Istorbo sa Panonood ng TV", at gumawa ng munting rally sa EDSA Shrine